Tinapik ng lola niya ang malapad na bato sa tabi nito. “Dito.”
Nang umupo siya sa tabi nito ay hinawakan nito ang kamay niya. Umawit muli ang lola niya pero para naman ito sa pagiging isang Lambayan. Nang sabayan niya ito ay naging tahimik ang lahat. Pumikit lang siya at hindi na lang pinansin kung ano ang magiging reaksyon ng mga ito. Basta aawit siya.
Maya maya pa ay nakarinig siya ng palakpakan. “Isa nga siyang Lambayan,” anang isa sa mga kalalakihan. “Di siya nakalimot sa mga awitin natin kahit na hindi naman siya sa atin ipinanganak at lumaki.”
Saka lang siya dumilat nang marinig ang palakpakan at papuri ng mga ito. Nawala ang agam-agam sa puso niya nang makita ang saya sa mukha ng mga ito. Ang unang ngiti na nakita niya mula sa ibang Lambayan nang dumating siya.
“Anak siya ni Himaya at apo ni Idang Asra. Natural na maganda ang kanyang tinig. Parang nakakaengganyo ding maligo sa talon,” anang isa sa mga ito at narinig na lang niyang lumabusaw ang tubig.
“Paano siya naging isang sumpa kung siya ang nagbalik ng awit sa Kanayama?” sabi ng isa sa mga naliligo na kababaihan.
“Di naman niya kasalanan ang nangyari sa minahan. Hindi pa siya ipinapanganak noon. Napaawit niya si Idang Asra. Ibig sabihin ay di talaga siya sumpa,” anang isang lalaki. Sumang-ayon ang iba pa at nais pa siyang paawitin.
Niyakap siya ni Idang Asra. “Isa kang Lambayan. Kahit na talikuran ka pa ng lahat at sabihing isa kang sumpa, nandito pa rin ako para sa iyo. Hindi rin mababago ang pagmamahal ko sa iyo. Tandaan mo iyan.”
HINDI MAWALA ang ngiti si labi ni Amira nang makapagpalit na ng damit sa wakas. Napuno ng kasiyahan ang buong talon at napuno iyon ng halakhakan nang sama-samang maligo ang mga Lambayan. Sa tabi ng ilog ihinain ang tanghalian nila dahil parang isang malaking pamilya na sila na nag-swimming talon.
Ganoon pala ang pakiramdam nang maging bahagi ng tribo. Karamihan sa mga ito ay ngiti na ang isinasalubong sa kanya at masayang pagbati. Madalang na ang mga matatalim na tingin sa kanya. Ang
Napansin din niya na maging si Apo Semblat ay may ngiti rin sa mga mata habang nakatingin sa kay Idang Asra. Parang bumata ang lolo niya nang ilang taon.
May kumatok sa kubo niya at isang mandirigma ang napagbuksan niya. “Ako po si Atik, ang mandirigma na naghatid kay Aklay patungo sa ibayo.”
Biglang nabuhay ang dugo niya. “Nasaan siya?”
“Wala po. Kailangan daw po siya sa minahan. Nagpadala po siya ng sulat para sa inyo. Basahin na lang po ninyo,” anang lalaki at inabot ang papel sa kanya. Nakasulat iyon sa notepad na may tatak pa ng Banal Mining Corporation.
“Salamat, Atik,” aniya at pumasok ng kubo para basahin ang sulat.
Sumisikdo ang dibdib niya nang buklatin iyon at bumungad ang sulat-kamay ni Francois sa kanya.
Amira,
Hindi pa ako makakabalik ng Kanayama. Nang di agad tayo nakabalik kagabi ay nag-alala na sila. Naabutan ko na iniimbestigahan na ang kotse ko at ang iba namang mga pulis at military ay nagpaplano nang tumawid ng ilog para hanapin tayo. Good thing I was able to stop them on time.
Tama si Francois. Kung hindi ito kakabila ng ilog at babalik ay tiyak na mag-aalala ang mga tao. Malaking gulo sa Kanayama ang mangyayari.
I had a hard time convincing them that you are in good hands. Ako ang pinaghihinalaan nila at di ang mga Lambayan. Kung may masama mang nangyari sa iyo dahil sa kagagawan ko, alam nilang sasabihin ng mga Lambayan sa kanila ang tungkol doon. Mabuti na lang at kasama ko si Atik at ipinaliwanag sa kanila ang nangyari. Pasensiya na pero alam na ng lahat kung sino ka. Na hindi ka lang isang Banal kundi bahagi ka na rin ng mga Lambayan.
Nakarating na sa kay Papa ang tungkol dito. He was berating me about it. So to make sure that everything’s fine at your end, I had to stay with them and join them at the mine tour. Kailangan kong patunayan kay Papa at sa mga executives ng Banal Mining na nasa kontrol natin ang lahat.
So do everything you need to do. Ako ang bahala dito hanggang makabalik ka. I know you are happy that you are back with your mother’s tribe. Sana lang ay makuha mo ang pagtanggap na hinahanap mo.
Au revoir!
Francois
Amira knew how much Francois hated acting like a manager or leader at Banal Mining even if he could perform it without a hitch. Pero nagsakripisyo ito para sa kanya. Ito na ang gumagawa ng trabaho niya.
Bigla tuloy niya itong na-miss. Gaano ba katagal bago ito bumalik? Anong oras ba matatapos ang tour nito? Sana ay kasama niya. Pakiramdam niya ay may kulang sa kanya kapag wala si Francois sa tabi niya. At kung anumang kaligayahang nararamdaman niya ngayon, gusto niyang kasama ang binata.
Natawa siya nang makapa na may isa pang pahina ang sulat na di pa niya nababasa. P.S. I realized that this is the first time that I’ve written a love letter. Yes. In my twenty-eight years of existence, I finally wrote one. Consider yourself lucky, mon amour.
Nag-uumapaw ang saya sa puso niya nang itupi ang sulat. Francois’ letter was not exactly about love, but he definitely made her feel special. She appreciated everything he did for her. Wala siya dito ngayon hindi dahil sa suporta nito.
“Hihintayin ko rin na bumalik ka, Francois.”
Ano kaya ang pwede niyang magawa para kay Francois? Saka niya naalala ang mga katutubong lutuin nito na kailangan nito sa gagawin nitong libro. Baka pwedeng ibahagi ng Lambayan ang lutuin ng mga ito para sa binata.
Naabutan niya ang pinsan sa labas ng kubo ng Idang Asra. “Alam ko naman na ikaw ang pinakamasarap magluto sa buong Kanayama. Maari mo bang tulungan si Aklay na magluto ng mga pagkain dito?”
Nagtaka ito. “Bakit naman?”
“Kilala siya sa pagluluto at gusto niyang matuto ng iba’t ibang lutuin ng iba’t ibang lugar.”
“Sige. Pero kailangang ipaliwanag din niya sa akin kung ano ang ipinakain niya kay Kimea nang papunta dito.”
“Tsokolate ang tawag doon,” paliwanag niya. “Sige.”
Bigla na lang tumunog ang gong at nagsimulang magsilabas ng kanya-kanyang bahay ang mga tao. Nagpapatawag ng pulong. Lumapit sa kanila ang antipatikong mandirigma na si Sikandro. “Tamika, ayon kay Apo Semblat ay isama daw ang babaeng isinumpa sa pulong.”