Barely Heiresses: Amira Chapter 97

Hindi maalis-alis ang kaba ni Amira habang nakaupo katabi ni Tamika. Nasa likuran nila ang iba pang mga Lambayan. Unang tinalakay ng mga ito ang tungkol sa gagawin sa mga libro at gamit pang-eskwela na ilegal na idinala ni Kimea sa Kanayama. Nakaupo na ang kapulungan sa mistulang entabladong gawa sa kahoy na nasa harap ng sinindihang bonfire. Iyon ang senyales na isang pagpupulong ang isinasagawa. Papatayin lang ang apoy kapag tapos na ang pagpupulong.

“Tagalabas,” tawag ni Apo Semblat sa kanya. “Tungkol saan ang mga librong inuwi ni Kimea dito?” Walang sinuman sa mga ito ang gustong magbuklat sa libro para tingnan ang laman dahil natatakot marahil ang mga ito na ma-contaminate ang isipan ng mga ito kapag nakita ang nasa loob.

Ipinaliwanag niya ang tungkol sa pagbibilang, iba’t ibang kaalaman, mga lugar at tanawin na hindi matatagpuan sa maliit na tribo ng Kanayama. Dahil doon ay lalong tumindi ang kuryosidad ng mga tao.

“Sapat na!” saway ni Apo Semblat sa kanya. “Hindi kailangan ng mga Lambayan ng malawak na mundo. Mapanganib ang mundo sa labas.”

“Pero maganda,” narinig niyang isa sa bulong ng mga bata. “Kaya pala gusto ni Kimea na mag-aral.”

“Shhh!” saway ng isang ina sa anak nito. “Gusto mo bang maparusahan din?” Umiling ang bata at yumuko pero nakita niya ang interes sa mga mata nito.

“Marapat na sunugin na lang ang mga iyan nang di na makapaminsala,” sabi ni Sikandro.

Itinaas ni Tamika ang kamay. “Mga mahal na pinuno, bilang ina ni Kimea ay nag-aalala po ako sa maaring idulot kung susunugin natin ang mga aklat. Nais niyang maghanap ng karunungan. At tama si Amira. Malawak ang mundo sa labas. Mas gusto ba natin na sa paghahanap ng karunungan ng mga anak natin ay lumabas sila ng Kanayama nang di natin nalalaman at mapahamak sila?”

“Pabaya kang ina kung mapapahamak ang anak natin at matatakasan ka niya,” angil ni Kandor dito na kasama sa kapulungan ng pinuno.

“Di ibig sabihin ay pabayang ina ako. Di mo ako masisisi kung nagkaroon ako ng isang matalinong anak na malayang mag-isip at di nagpapatali sa kung ano lang ang ituro natin sa kanila,” depensa ni Tamika. “Ang mga batang gaya ni Kimea ay maraming tanong na di lahat ay maibibigay natin. Kaya kaysa sa ibang lugar niya hanapin ang sagot sa tanong niya at ikapahamak pa niya, hayaan natin siya na matuto dito sa atin. Dito siya magbasa ng mga aklat kung nais niya. Magsulat siya. Matuto siya sa kung anong gusto niya. Di na niya gugustuhing lumayo sa atin kung maibibigay natin sa kanya ang nais niya.”

Hudyat iyon para magka-interes ang mga matatanda na mag-aral ang mga anak nito at ang mga ito rin mismo. Gusto daw malaman ng mga ito ang tungkol sa karagatan at mga bulkan pati na rin ang snow na di makikita sa Kanayama. May tutol sa mga libro pero mas namamayani ang mga nais na magbasa ng aklat. Bata, matanda, babae man o lalaki ay napuno ng kuryosidad.

Sa huli ay ibinigay ang pagdedesisyon kay Imba Kumigin na siyang may koneksiyon sa mga anito. “Nagbabago ang mundo. Hindi natin mapipigilan ang mga pagbabago kahit pa sa Kanayama. Kung nais natin na huwag tuluyang mawala sa atin ang ating mga anak at maghanap sila ng ibang kaalaman sa labas, hayaan ninyo sila dito. Ano ba naman ang masamang magagawa ng mga libro na iyan kung may malaman sila tungkol sa kung ano ang mayroon sa labas,” paliwanag ni Imba Kumigin. “Kung nanaisin ng mga bata na lumabas sa mundo, ang mahalaga ay naibigay natin sa kanila ang tamang pangangaral. Na may alam din tayo at di natin sila hinayaang walang alam nang lumabas sa mundo. Kaya kahit tayong matatanda ay kailangan ding matuto upang magabayan natin nang tama ang mga anak natin.”

“Ano? Sa tanda kong ito ay ngayon pa ako magbabasa ng mga ganyan?” angil ni Kandor kay Imba Kumigin. “Sino ang gusto mong magturo sa akin – ang anak kong si Kimea?” Naghalakhakan ang mga tao. “O itong isinumpang babae na dahilan ng kamalasan sa atin?”

“Hindi siya malas!” anang isa sa mga Lambayan sa likuran ni Amira. “Siya lang ang muling nakapagpakanta kay Idang Asra. Ibig sabihin ay maraming magandang bagay ang dadating sa atin. Mapupuno ulit ang Kanayama ng magagandang awit.”

“Kahit sino pa ang magtuturo sa akin basta magabayan ko ng tama ang anak ko,” anang isa sa mga nanay doon na matibay ang paninindigan. Yakap nito ang anak nito na gustong mag-aral kanina pero sinaway nito. Ngayon ay handa itong mag-aral para sa anak nito. “Saka ano ngayon kung may alam si Amira at siya ang magtuturo sa atin? Siya lang naman talaga may alam ng mga iyan.”

“Gusto ninyong magpasok ng makabagong kaalaman tulad ng kanyang inang si Himaya? At sa susunod, winawasak na naman ng malalaking makinarya itong tribo natin,” galit na wika ni Sikandro. “Ilang mga tao na naman ang mamamatay sa atin?”

Di na nakatiis si Amira. “Mula nang ipanganak ako, malas na ang turing ninyo sa akin. Ano bang ginawa kong masama sa inyo? At kung may kasalanan ang ina ko sa panlilinlang ng ama ko, pinagbayaran na niya. Itinaboy ninyo siya nang ilang beses sa tribong ito. At sa kabila ng ginawa ninyo sa amin ni Nanay, wala siyang masamang itinuro tungkol sa mga Lambayan. Kahit saang parte pa ako ng mundo makarating, lagi niyang idinidikdik sa akin kung paano siya pinalaki sa tribong ito. At mula pagkabata, nabuhay ako na walang dapat gawin kundi protektahan ang kalikasan. Sa kahit saang parte ng mundo, ibinubuwis namin ni Nanay ang buhay namin para lang mabawi ang lahat ng sinasabi ninyong kamalasan namin. Nilalabanan namin ang mga minahan.”

“Kung nilalabanan mo ang Banal Mining, bakit bahagi ka pa rin ng kompanya ng iyong ama?” tanong ni Sikandro.

Natigagal siya. “Paanong…”

Ngumisi ang antipatikong lalaki. “Alam ko ang nangyayari. Hindi kami hangal o mangmang dito sa Kanayama, babaeng isinumpa. Hindi mo na kami mapapaikot. Kaya mabuting umalis ka na lang!”

Narinig niya ang bulungan ng mga tao. Hati-hati ang opinyon ng mga ito kung ano ba talaga siya – kakampi o kalaban?

Lumunok siya. “Kailangan kong magtrabaho sa Banal Mining para matiyak na hindi na mapoprotektahan ko ang Kanayama mula sa kanila.”

“At paano mangyayari iyon?” tanong ni Apo Semblat.

Napilitan siyang ipaliwanag ang tungkol sa proviso ni Don Alfonso. “Napoprotektahan pa ang tribong ito noong buhay pa si Lolo Alfonso pero ngayon ay wala nang katiyakan dahil interesado sila sa lugar na ito. At gagawin ko ang lahat para mapatunayan sa inyo na isa rin akong Lambayan. Gagawin ko rin ang lahat para matanggap ninyo ako.”

“Kung talagang nais mong maging kaisa sa amin at maniwalang isa kang tunay na Lambayan, may kondisyon ako,” sabi ni Apo Semblat.

Nilingon niya ang lolo niya. “Ano po iyon?”

“Pakasalan mo ang isa sa mga Lambayang mandirigma,” anang si Apo Semblat at inilahad ang kamay sa mga nakahanay na kalalakihan doon. “Pipiliin ko ang pinakamakisig sa lahat at karapat-dapat na mapasama sa pamilya natin.” Itinuro nito ang sibat sa direksyon ni Sikandro. “Si Sikandro, anak ni Komiro na isa ring magiting na mandirigma. Namatay ang ama niya sa pakikipaglaban sa mga tauhan ng minahan mahigit dalawampung taon na ang nakakaraan.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.