Barely Heiresses: Amira Chapter 98

Nakita ni Amira ang pagtiim ng anyo ni Sikandro. Ngayon ay nauunawaan na niya kung bakit malaki ang galit nito sa kanya at palagi siyang iniinsulto. Dahil namatay ang ama nito sa pagprotekta sa Lambayan. Paano naman niya pakakasalan ang isang lalaking antipatiko at hindi niya kasundo? Baka unang araw pa lang na magkasama sila ay baka nagsaksakan na sila ng sibat.

Hindi niya kailangan ang isang lalaki na puno ng pagkamuhi sa kanya. Wala nga siyang tiwala sa kasal na dulot ng pag-ibig. Lalong wala siya sampalataya sa kasal ng dalawang taong di magkasundo at di naman nagmamahalan. Iningatan niya ang sarili niya sa loob ng mahabang panahon at nirespeto niya ang sarili niya. Di niya kailangan ng isang lalaki na salot ang tingin sa kanya at walang respeto sa kanya. At di rin option na magpakasal siya sa iba pang mandirigma.

Kung sakaling magpapakasal siya sa isang lalaki, pipiliin niya ang lalaking alam niyang makakatuwang niya sa buhay, kaya siyang protektahan at ipaglaban at alam niyang nirerespeto din siya. Hindi niya iyon matatagpuan sa mga mandirigma ng Lambayan. Hindi sa ngayon.

“H-Hindi po ba ninyo hihilingin ang opinyon ni Sikandro sa bagay na ito?” tanong niya at tiningnan ang antipatikong mandirigma. Nakaupo lang ito nang tuwid at walang kangiti-ngiti. “Baka po may kasintahan siya o ibang babaeng napupusuan.”

“Sikandro, may kasintahan ka ba o napupusuan sa ibang mga kadalagahan dito?” tanong ni Kandor.

Umiling ito. “Wala po. Nakatalaga na ang buhay ko sa pagsisilbi sa Lambayan at protektahan ang Kanayama. Kung ano ang maitutulong ko para panatilihin ang kayapaan at kasaganaan dito ay gagawin ko.” Parang naririnig niya ang kadugtong ng sasabihin nito na magpapakasal ito kahit sa isang malas na gaya niya.

Gusto na niyang maiyak sa awa sa sarili. Hindi niya alam kung paano niya malulusutan ang sitwasyon na iyon. Hihingi ba siya ng ibang kondisyon? Malabo iyon. Mukhang sinadya ng lolo niya na ibigay ang pagsubok na ito sa kanya dahil dito malalaman kung hanggang saan ang kaya niyang ibigay para sa Lambayan.

Hanggang saan nga ba ang handa niyang ibigay? Sa lahat ng sakripisyong ibinigay niya na di pa rin sapat, pati ba ang buong buhay niya ay kailangan niyang ialay para lang sa pagtanggap ng mga ito?

“Amira, kung papayag kang itakda ang kasal ninyo bukas na bukas din sa pagsikat ng araw, makakabalik na rin ang iyong inang si Himaya dito. At kung maaring pumayag din ako na magdala siya ng doktor na titingin sa lola mo. Maari ko ring payagan na magdala ng guro dito sa Lambayan para di na kailangang tumawid pa ng ilog ng mga bata,” anang si Apo Semblat. “Makukuha mo ang lahat ng iyon, kung susundin mo lang ang gusto ko.”

Inangat ni Amira ang tingin sa lolo niya. Di lang siya basta tatanggapin bilang isang Lambayan. Maging ang kanyang ina ay makakabalik pa. Di na rin masisiil ang kagustuhan ng mga kabataan na mag-aral.

Isa itong pangarap. Mula nang magtago ang mga Lambayan sa Kanayama at isinara ang pinto ng mga ito sa mundo, sa wakas ay handa nang magbigay ng pagkakataon ang mga ito.

Pero dapat ba niyang bitiwan ang pagkakataon na ito? Ito lang ang hinihingi ng lolo niyang si Apo Semblat para tanggapin siya sa Lambaya, ang pangarap ng kanyang ina. Makukuha na niya sa wakas ang matagal na niyang pangarap pero nagdurusa naman ang puso niya. Hindi ba’t parang pinapatay na rin ang kaluluwa niya dahil habambuhay siyang di irerespeto at mamahalin ng kabiyak niya? Paanong mabubuo ang pagkatao niya sa pagiging isang Lambayan kung wasak naman ang puso niya?

Huminga siya ng malalim at kinuyom ang palad. “Hindi ko po maibibigay ang sagot ko sa ngayon. M-Maari po bang pag-isipan ko muna ito?”

“Bibigyan kita hanggang bukas ng umaga. Kung hindi mo pakakasalan si Sikandro, ibig sabihin ay hindi mo nais na maging isang Lambayan. Makakaalis ka na at huwag ka nang babalik pa sa Lambayan kahit na kailan.” Tatlong beses itinuktok ni Apo Semblat ang puluhan ng sibat nito sa kahoy na entablado. “Tinatapos ko na ang pagpupulong na ito. Magbabalik tayo bukas ng umaga para hintayin ang sagot ni Amira.”

NANLALAMBOT na napasalampak sa isang nakatumbang patay na puno si Amira sa gilid ng pulungan habang nag-aalisan naman ang mga Lambayan palayo doon.

Pinisil lang ni Tamika ang balikat niya. “Kaya mo iyan, Amira. Kung anuman ang desisyon mo ay makapagdala sana ng kaligayahan sa iyo,” anang pinsan niya at tumango na lang siya. Alam naman niya na wala rin itong magagawa para sa kanya. Si Apo Semblat na ang nagdesisyon at walang sinumang maaring magtanggol para sa kanya kahit na wala ito sa lugar.

Bukas na niya ibibigay ang sagot niya. Bukas ay posibleng magbago na ang buong buhay niya ay isusuko na niya ang kalayaan niya para sa pagtanggap ng mga Lambayan. Subalit kaya ba niyang gawin ang sakripisyo na ito? Ikatutuwa kaya iyon ng kanyang ina?

Hindi kailangang malaman ni Nana yang tungkol dito. Ang mahalaga ay makabalik siya at makasama niya si Idang Asra. Kailangang-kailangan siya ng ida ngayon. Malaking bagay din sa mga bata at di na sila makukulong sa mundo lang na ito. Marami pa silang maaring maabot lalo na si Kimea at matutulungan ko ang mga Lambayan sa muling pagharap sa mundo. Ang sakripisyo ko ay makakapagpasaya sa maraming mga tao. Mga taong pinahahalagahan ko.

Pero paano naman ang kaligayahan ko? tanong ni Amira sa sarili.

Buong buhay niya ay itinalaga na niya para sa mga Lambayan at pagprotekta sa kalikasan. Maisip lang niya na pakakasalan niya si Sikandro ay parang magiging miserable na ang buhay niya. She couldn’t imagine him touching her nor kissing her. Baka nga di siya nito makakausap nang matino.

“Mapalad ka dahil ako ang pinili ni Apo Semblat para pakasalan mo. Wala kang kahirap-hirap na makuha ako habang maraming kababaihang Lambayan ang nagnanais na makaisang-dibdib ako.”

Nakataas ang kilay na inangat ni Amira ang tingin at nakita ang mandirigmang si Sikandro na nakatayo isang dipa mula sa harapan niya. Nakapamaywang ang isang kamay nito habang ang isa naman ay hawak ang sibat na nakatungkod sa lupa. He had the stance of a proud warrior with a smug look on his face. Makisig naman ito. A perfect example of an alpha male. Isang antipatikong alpha male. Sorry na lang ito dahil di naman nito binubuhay ang dugo niya kahit na maganda ang pangangatawan nito at pinagkakaguluhan ito ng mga kababaihang Lambayan. He didn’t hold a candle on Francois. Si Francois unang kita pa lang niya ay nag-tumbling na ang puso niya. Partida. Ngiti at mata pa lang ang nakikita niya noon. Hindi pa ito nagpapakita ng abs sa kanya.

Iniwas na lang niya ang tingin dito at di na lang kumibo. Wala siyang oras na patulan ang kahanginan nito. Ang kailangan niya ay mag-isip-isip para maging tama ang desisyon niya.

Subalit sinundan pa rin nito ang direksiyon ng tingin niya at sinadyang humarang doon. “Hindi ka na rin maaring makipag-ugnayan sa mga taga-ibayo. Puputulin mo na ang ugnayan mo sa lahat ng nasa labas at mananatili ka na lang dito sa Lambayan. Hindi mo rin tuturuan ng karunungan buhat sa labas ang mga bata dito. At kapag nagkaanak tayo…”

Tumayo siya at itinaas ang kamay para patigilin itong magsalita. “Sandali lang, mayabang na mandirigma. Sino naman ang may sabi sa iyo na pwede mo na akong manduhan ngayon pa lang? Hindi pa tayo kasal. Sana naman hintayin mo muna ang sagot ko bago mo ipakita sa akin kung paano mo gagawing miserable ang buhay ko.”

“Miserable? Di ka lumaki kasama ng mga Lambayan kaya di mo alam kung paano maging masunuring asawa. Dapat matuto ka kung saan ka lulugar bilang asawa ko,” anito sa aroganteng tono. Pakiramdam yata nito ay pag-aari na siya nito.

“Matuto ka ring lumugar, mandirigma. Hindi pa tayo kasal. Kung hindi lang sa kondisyon ni Apo Semblat, ikaw ang kahuli-hulihang lalaki na gugustuhin kong kausapin, lalo naman ang pakasalan,” may katarayan niyang sabi.

Ngumisi lang ito at hinaklit ang braso niya. “Sino ang ipinagmamalaki mo, babae? Ang lalaking may abuhing mata? Hindi ka niya matutulungan. Mas mabuting layuan mo na siya ngayon pa lang. Hindi mo na siya makikita pa kapag magkataling-puso na tayo. Kaya kung mahal mo siya, ngayon pa lang ay patayin mo na ang puso mo para sa lalaking iyon dahil akin ka lang.”

Saka pasalya siyang binitiwan. Subalit nawalan na siya ng lakas na lumaban o sagutin pa ito. Hinayaan na lang siya nitong iwan siya na nakatulala.

Si Francois. Hindi na niya makikita si Francois. Di na sila magkakasama. Di na niya makikita ang ngiti nito. Wala na ang lalaking nagpapasaya sa kanya. At ang papalit sa kanya ay ang antipatikong Sikandro na ito?

Hindi siya makahinga nang maisip na mawawala na sa buhay niya si Francois. Pero kahit na ito pa ang nagpapasaya sa kanya at bumubuo sa malulungkot niyang araw, di naman nito hawak ang susi para tanggapin siyang muli ng mga Lambayan.

Ang pagpapakasal lang kay Sikandro ang paraan para maabot niya ang lahat ng pinapangarap niya para sa sarili, para sa kanyang ina at para sa Lambayan.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.