“SERYOSO? Umamin sa `yo si Doctor Joseph?”
Mula sa pagkakaharap sa laptop ay napatingala si Mira sa Ate Clari niya. Sandaling napakunot ang noo niya sa pagtataka kung bakit nalaman nito ang balita agad. Then it hit her. Magkaibigan nga pala ang nobyo nito at si Doctor Joseph. Siguro ay napag-usapan na ng mga ito ang tungkol roon at naikuwento rin sa Ate Clari niya.
Hindi niya gustong aminin sa panganay na kapatid ang tungkol sa inamin sa kanya ng Doctor. Ang nais sana niya ay kumonsulta sa Ate Lora niya dahil hindi kaggaya ng Ate Clari niya ay hindi ito madaldal. Ito rin ang napagtanungan niya noong una siyang nagkaroon ng love dilemma. Sa tingin niya ay ito ang natatamang tao na makakatulong sa kanya. Sa katunayan nga, kaya niya binuksan ang laptop ngayon ay para makausap ang Ate niya. Alam niya na mag-o-online ito ngayong oras pero sa kasamaang palad ay wala pa ito kaya naistorbo siya ng panganay na kapatid.
Hindi magiging patas kung sa Ate Clari niya siya kokonsulta. Dahil nobyo nito ang lalaking nagpakilala sa kanya sa Doctor, malamang ay puwedeng kampihan nito ang Doctor. Isama pa na noong una pa lang ay nagpahiwatig na ang Kuya Eugene niya na gusto siyang ireto nito sa Doctor. Pero ngayong alam na nito ang tungkol roon, wala na siyang kawala pa kundi aminin rito ang nangyari.
“Eugene must have told you. Kaibigan niya si Joseph. Pero kung ano man, tama ka.”
“Tama ka. Sinabi nga sa akin ni Eugene. Napag-usapan nila ni Doctor Joseph. Pero matagal na naming napag-usapan ang katotohanan na may gusto siya sa `yo. He said he got love at first sight to you…”
Umiling siya. “Pero hindi puwede. Mahal ko si Rhett. Willing ako na maghintay sa kanya.”
“Pero hindi ba at sinabi niya sa `yo na puwede mo naman na ibukas ang puso mo sa iba? You can try date others…”
“That is not an option, Ate,” mariing wika ni Mira. Hindi niya lubos maisip na ipagpalit si Rhett gaano man kaguwapo, kaalaga o kayaman man si Doctor Joseph.
Nasa ganoon silang pag-uusap nang maramdaman ni Mira ang presensiya ng ama niya sa kuwarto. Noon lang nila napansin na nakapasok na pala roon ang kanyang ama. Nakakunot ang noo na nakatingin ito sa kanilang dalawa. Mukhang narinig nito ang pinag-uusapan nila ng panganay na kapatid.
“Gusto mo bang ireto sa iba ang kapatid mo, Claribelle?”
“Dad, hindi naman sa ganoon. Alam ko na mahal ni Mira si Rhett. At si Rhett, nakikita ko rin naman ang pagpapahalaga niya kay Mira. Pero sa ginawa niya sa kapatid ko nitong nakaraaan, I don’t think it does justice. Hahayaan na lang ba niya si Mira na maghintay para sa kanya?”
“Binigyan niya ako ng option. Puwede akong tumingin sa ibang lalaki at---“
“Exactly my point. Puwede kang tumingin o makipag-date sa ibang lalaki. So why don’t you give Doctor Joseph a chance?”
Tumingin si Mira sa ama. Waring humihingi ng tulong. Tama naman ang Ate Clari niya. Puwede siyang tumingin sa ibang lalaki. Sa ganoon ay puwede niya rin masigurado kung tama ang mga hinala ni Rhett tungkol sa damdamin niya rito. Paano nga kung awa lang naman talaga ang nararamdaman niya rito? Paano kung kaya nga niya naramdaman ang ganoon dahil ito ang lalaki na nakalapit sa kanya ng ganoon?
Pero hindi. Alam ni Mira na hindi. Nararamdaman niya na hindi. Maraming lalaki na ang nakalapit sa kanya pero kay Rhett lang niya naramdaman iyon. Naguguluhan lang siya muli ngayon.
“There is no harm in trying, lalo na at pinayuhan ka naman niya nang ganoon. Tama si Rhett, nasa labas ka. Marami kang makikilala. Marami kang puwedeng i-explore. Puwede kang sumubok at kung hindi umayon, then there it is. Sigurado ka sa feelings mo sa kanya.”
“Pati ba kayo, Dad? Ang akala ko ay tanggap niyo si Rhett? Ang akala ko ay---“
“Nagkakamali ka, Mira, kung inaakala mo na hindi namin tanggap si Rhett,” sabat naman ng Ate Clari niya. “Naipaliwanag ko na ito sa `yo. Gusto ko siya para sa `yo pero gusto ko rin na subukan mo na sumubok sa iba para masigurado mo ang feelings mo. Kailan lang ba kayo nagkakilala? Hindi pa nasusubok ng panahon ang pagsasama niyo.”
“Hindi. Willing ako na maghintay. Hindi ba at ganoon ka rin naman kay Kuya Eugene? Mahal mo pa rin siya sa kabila ng mga nangyari…”
“Alam ko. Pero sa tagal ng panahon na naghiwalay kami ay nasubok na kami. There were a lot of men came to me pero anong nangyari? Sa kanya pa rin ang puso ko. Itong panahon na wala si Rhett sa tabi mo ang panahon para mahanap mo kung ano na nga ba ang damdamin mo. Bata ka pa. Paano kung ganyan lang naman pala ang nararamdaman mo dahil pareho kayong nakulong ni Rhett sa isang mundo na kayo lang dalawa at naisip mong siya na lang talaga ang lalaki na para sa `yo ng dahil roon? Napalapit ka sa kanya dahil siya lang ang lalaking puwede sa `yo sa loob ng ilang buwan. Maaring hindi pa iyan ang totoo. Just give it a try. Kung hindi naman aayon edi maganda. Ibig sabihin lang noon ay talagang mahal na mahal mo si Rhett,” pagpapaliwanag ng Ate niya.
Tumingin siya sa kanyang ama. Napansin niyang tila nahulog ito sa malalim na pag-iisip dahil sa sinabi ng kanyang Ate. Pero sa huli ay napatango-tango rin ito. “May point si Clari. Alam ko na mahalaga sa `yo si Rhett at hindi ko siya tatanggapin kung hindi ko nakikita iyon sa kanya. Ang ginawa niya sa `yong sandaling pag-iiwan ay hindi gaanong maganda para sa akin. Pero dahil nakilala ko siya at nakita ko naman na malinis ang intensyon niya sa `yo, hindi ko siya hinusgahan. Ang mahalaga sa akin, basta para sa ikabubuti ng lahat ang ginawa ng isang tao, magiging maayos iyon. Alam ko na sakitin ka at ikaw ang pinakamahina sa tatlong anak ko. Pero malaki ka na, Mira. Kaya mo ng magdesisyon ng sa iyo. Pinatunayan mo sa amin na hindi ka kaggaya ng inaakala namin. Malakas ka at kaya mo na protektahan ang sarili mo. Pero darating rin ang mga araw na maguguluhan tayo, malilito. Nasa sa iyo ang desisyon kung gusto mong sumubok o hindi.”
Pagkatapos sabihin ng ama niya iyon ay ang Mama naman niya ang pumasok sa kuwarto. Tumingin ito direkta sa kanya. “Mira may naghahanap sa `yo. May bisita ka,”
Kumunot ang noo ni Mira. Wala siyang inaasahan na kahit sino ngayong araw. Sino kaya iyon?
“Si Doctor Joseph.” Bago pa man makapagtanong si Mira ay sinagot na ng Mama niya ang tanong sa kanyang isip.
MASAYA si Doctor Joseph na pinagbigyan siya ni Mira na mai-date ito. Malinaw naman sa kanya na hindi siya nito gusto. Na may iba ng lalaki na nagmamay-ari ng puso nito. Ganoon pa man, ayaw niyang basta na lang sumuko. Sinubukan muli niya na makalapit rito lalo na ngayong alam niya na wala naman sa paligid ang tinuturing nitong nobyo.
Kung tutuusin ay may pag-asa siya kay Mira. Nang ikinuwento nito ang tungkol sa sitwasyon nito at ni Rhett ay nabuo iyon. Dahil pakiramdam niya ay na-love at first sight siya rito, kinuha niya ang pagkakataon.
Napakaganda ni Mira at tila napakabait. Kahit sino siguro ay maaring magkagusto rito. At kahit alam niya na may nobyo na ito, mahirap pa rin pigilan ang nararamdaman niya. Ngayon lang siya na-fascinate ng ganoon sa ibang babae. Gusto niyang pagbigyan ang puso niya. And luckily, kahit papaano ay naggawa namang pagbigyan rin iyon ni Mira.
Sa ngayon ay isang linggo na silang lumalabas ni Mira. Napapansin naman niya na nag-e-enjoy ito na kasama siya. Nakikita niya ang magagandang ngiti nito kapag tumitingin sa kanya at nagagawa rin niyang mapatawa ito. Mukhang nagbago na ito. Ang kalungkutang pumipinta sa mukha nito noon ay wala na. Masaya si Joseph na naggawa niya iyon para kay Mira. Ganoon pa man, hindi pa rin siya sigurado sa nararamdaman nito sa kanya. Wala itong sinasabi. Basta nakikita niya lang ang saya sa mukha nito ngayon.
“Saan mo gustong pumunta?” tanong niya rito. Ngayon ay sinundo na naman niya ito para mag-date. Linggo ngayon at hindi siya duty sa ospital kaya maaga siya. Sa tuwina ay nanonood sila ng sine, kumakain sa magagandang restaurants o kaya ay nag-i-stroll sa mall. Ngayon, dahil buong araw niyang ilalabas ito, nais sana niyang yayain ito sa medyo malayong lugar kaggaya ng Tagaytay. Pero siyempre ay gusto rin niyang hinggiin muna ang opinyon nito.
Mabilis naman na sumagot si Mira. “Sa Mandaluyong,”
Napakunot-noo si Joseph. “Anong gagawin natin sa Mandaluyong?”
Ngumiti lang ito. “Basta…”
Nagtataka man ay sinunod ni Joseph ang gusto ng dalaga. Wala siyang maisip na lugar na maari nilang pasyalan roon bukod sa…
Inalis ni Joseph ang nasa isip. Bilang isang Doctor, ang madalas na pumapasok sa isipan niya kapag sinasabi ang lugar ay isang mental hospital. Pero ano namang naisip ni Mira at pupunta sila roon? Wala siyang maisip na dahilan kung bakit gustong pumunta roon ng dalaga.
Kahit hanggang sa patigilin nga siya ng dalaga sa lugar na nasa isip.
“I CAN manage, Joseph. Puwede mo na akong iwanan dito,” pangungumbinsi ni Mira kay Doctor Joseph nang yayain niya itong magpunta sa National Center for Mental Health. Alam niyang nagtataka ito kung bakit niya niyaya ito sa lugar at hindi niya masisisi ito. Hindi naman kasi buong alam nito ang kuwento tungkol sa totoong dahilan sa pagkawala ni Rhett. Hindi niya kinuwento nang buo noon at hindi na niya ninais na i-open up ulit. Pero kahit naman kasi anong pilit niyang huwag isipin ang nakaraan, patuloy pa rin siyang bumabalik roon.
Sinubukan niyang lumabas-labas at i-entertain si Doctor Joseph kaggaya na lang ng payo sa kanya ng pamilya niya. Masaya naman siya pero hindi pa rin niya maiwasang mapaisip sa nakaraan. Kahit na araw-araw silang lumalabas at magkasama ni Doctor Joseph, pakiramdam niya ay may kulang pa. Dahil kung hindi, bakit niya pa maiisip na pumunta sa lugar na ito? Bakit gusto niya pang kumustahin ang taong alam niyang kahit naging masama ay napalapit rin sa kanila ni Rhett?
“Hindi, Mira. Delikado ang lugar na ito. Paano na lang kung---“ natutop ni Doctor Joseph ang noo. “Ayaw ko ng alalahanin pero alam mo bang minsan na dumalaw ako rito noong estudyante pa lang ako para sa isang research study sa isa sa mga subject ko noon ay bigla na lang may nakawalang pasyente sa ward niya? Sinugod niya ako at ang mga kaklase ko. Hirap na hirap ang mga nurses na pakalmahin siya. It was horrible. Ayaw kong mangyari iyon sa `yo.”
Umiling siya. “Hindi ako natatakot. Isa pa, kilala ko ang dadalawin ko rito. He might commit a lot of crime but I am trusting that he wouldn’t harm me or you for that matter. Kaya kung natatakot ka, sapat na talagang dahilan iyon para umalis ka muna. Don’t worry, tuloy pa rin naman ang date natin. Gusto ko lang talaga siyang bisitahin.”
“Sino ba kasi ang gusto mong---“
Naputol ang pagsasalita ni Mira nang bumukas ang pinto ng visiting room. Mula roon ay lumabas kasama ng nurse ang taong ninais niyang bisitahin. “Mang Chito,”
Nakita niya ang pagkagulat sa mukha nito nang makilala siya nito. “Mira?” untag pa nito at tumingin kay Doctor Joseph. Nagdilim ang mga mata nito nang titigan ang lalaki.
“Kung ganoon ay napalitan mo na pala ang anak ko sa buhay mo.” Umiling-iling ito. “Wala ka talagang naidulot na maganda para sa kanya.”
Umiling si Mira. “Kaibigan ko lang po si Doctor Joseph. Siya po ang espesyalista na nag-opera sa akin…”
Tumingin ito sa lalaki. “Totoo ba na kaibigan mo lang siya?”
Tumingin muna sa kanya si Doctor Joseph bago tumango kay Mang Chito. Nanahimik naman si Mang Chito. Si Mira ang bumasag ng katahimikan.
“Kumusta po kayo? Maayos po ba ang lagay niyo rito? Nabibigyan po ba kayo ng mabuting pangangalaga?”
Pero sa halip na sagutin ng matanda ang tanong ay iba ang sinabi nito. “Hindi ko gustong nandito ka, Mira. Alam mo na naman siguro na galit ako sa `yo. Maaring nasabi na sa `yo ni Rhett ang mga dahilan. Inamin ko na sa kanya ang lahat kaya nandito ako ngayon.”
Bumuntong-hininga si Mira. “Naiintindihan ko naman po kayo, Mang Chito. At patawad. Alam kong may pagkakamali rin ako kasi hindi ko kayo naisip. Ang akala ko naman po kasi talaga ay---“
“Oo, ako ang katiwala ni Rhett! Kasambahay, katulong o ano pa man! Pero ginawa ko ang mga iyon, pinagtiisan ko ang mga iyon dahil mahal ko siya. Dahil anak ko siya!
“Lumaki ako sa lansangan at walang pamilyang namulatan. Hindi ako nakapag-aral, hindi ako nakapagtapos pero ganoon pa man alam ko na may karapatan akong umibig. Umibig ako kay Jeanette---ang Mama ni Rhett pero sinusupladahan niya lang ako. Siya lang ang natatanging gusto ko at napunta sa obsesyon ang pagkagusto kong iyon. Ni-rape ko siya.
“Alam ko na kahit nagbunga ang ginawa ko sa kanya ay hindi ko magagawang mabuhay na kasama siya. Sino nga ba naman ako? Isang hamak na kasambahay lamang at kapag nalaman pa niyang ako ang gumawa ng rape sa kanya, siguradong hindi ako makakalapit. Makukulong pa ako. Kaya gumawa ako ng iba pang paraan para mapalapit sa pamilya ko. Sa anak ko. Ang akala ni Rhett kaya ko siya minahal ay dahil napalapit ako sa kanya. Hindi, noong una pa lang ay mahal ko na siya dahil alam kong laman at dugo ko siya. Nang magkalapit kami, sinigurado ko na wala ng makakapagpawalay sa amin ng anak ko. Ang nag-iisang pamilya ko sa mundo dahil lumaki ako na walang mga magulang, walang mga kapatid. Hindi ko hahayaan na ang nag-iisang tao sa buhay ko na kapamilya ko ay mawawalay sa akin.
“Pero muntik na iyong gawin ng Lola niya, At ikaw rin, Mira. Inilayo mo sa akin si Rhett. Inilayo mo ang loob niya sa akin. Hindi ko gusto iyon kaya galit ako sa `yo. G-galit ako sa `yo…”
Sa kabila ng mga masasakit na sinabi ni Mang Chito ay gumaragalgal ang boses nito at sa huli ay napaiyak rin. Mukhang na-realize nito na hindi maganda ang mga sinabi, Walang posas o tali ang mga kamay nito kaya naman naggawa nitong hawakan ang mga kamay niyang nakapasok sa lamesa.
“Patawad, Mira. Nagkamali ako. Hindi. Hindi dapat ako magalit sa `yo dahil wala ka naman talagang ginagawang masama. Ako, ako ang masama. Dapat sa akin ka magalit. Pero ito ka at dinalaw pa ako sa kabila ng mga naging kasalanan ko. Sa kabila ng mga masasakit na salitang ginawa ko sa `yo. Patawad…”
Ginagap niya rin ang palad nito. “Pinapatawad ko na po kayo, Mang Chito.”
“Talaga?”
Tumango si Mira. “Wala po kayong kasalanan sa akin. At saka ang mga nasabi niyo sa akin noon, naiintindihan ko po ang dahilan kung bakit nasabi niyo iyon.”
Mahirap ang lumaki ng walang pamilya. Naging obsess at possessive lang ito kay Rhett dahil sa bagay na iyon.
“Salamat, Mira. Salamat. Pero kay Rhett… sa Mommy niya, lalong lalo na sa Lola niya, sa kanila ako may kasalanan… Pero ito ako ngayon. Sa halip na sa kulungan ilagay ni Rhett ay sa psychiatric center na ito niya ako dinala.”
“Sinabi ko po sa kanya na baka may sakit kayo sa pag-iisip kaya sa halip na sa kulungan ay kaya dito niya kayo dinala. Mas gusto niyang unahin na pagalingin kayo.”
Isa sa mga huling napag-usapan nila ni Rhett ay ang kung ano ang ginawa nito kay Mang Chito. Dahil sinunod nito ang hinala niya na may sakit ito sa pag-iisip ay dinala nito sa psychiatric center ang ama sa halip na sa kulungan. Sa kabila ng mga ginawang kasalanan ni Mang Chito sa pamilya ay pinapahalagahan pa rin ito ni Rhett. Ibig sabihin lang noon ay mapagpatawad pa rin si Rhett. Hindi nga lang niya sigurado kung ano ang plano nito kay Mang Chito kapag gumaling na ito.
Ganoon pa man ay hindi sinabi ni Rhett kung ano ang klase ng pagpapagaling sa sarili ang gagawin nito. Dadalhin ba nito ang sarili sa isang psychiatric ward o kokonsulta lang ng doctor para series of theraphies? Hindi siya nito binigyan ng kahit anong clue. Ayaw nitong isama talaga siya sa kung ano man plano nito. Ayaw siya nitong idamay sa isa pang magiging mahirap na parte ng buhay nito.
“Sa tingin ko ay magiging maayos na ang kondisyon ko rito. Marami ng nurses ang nagsasabi na malaki raw ang pag-asa ko. Hindi man nila nasabi na malapit na pero maaring mabilis lang ang maging gamutan ko. Pero hindi ko alam, Mira. Parang mas natatakot akong lumabas rito. Hindi ko alam ang plano ni Rhett sa akin. Pero kung ano pa man iyon, tatanggapin ko dahil alam ko na nagkamali ako. Marami akong dapat na pagbayaran.”
Nauunawaan ni Mira ang matanda. Kahit siya ay hindi alam kung ano ang magiging pasya ni Rhett. Gusto sana niyang makialam pero alam niya na wala siyang karapatan. Si Rhett lang ang maaring magdesisyon.
At ito rin ang maaring magdesisyon kung mananatili siyang mag-isa habang buhay…