“Nanay, nasa diyaryo si Ate Alta! May napanalunan pa siyang mga ginto. Sikat na si Ate,” excited na balita ng pinsan niyang si Emaii habang bitbit ang diyaryo at ipinakita sa Tiya Cora niya. Binili niya ang diyaryo nang namili siya ng grocery kanina para dalhin sa mga ito. Nakatira ang Tiya Cora niya at dalawang anak nito sa isang squatter’s area sa Tandang Sora. Kapag may training siya ay sa dormitoryo siya ng mga atleta sa Maynila tumutuloy pero kapag wala naman ay doon siya uuuwi sa Tandang Sora.
"Nanalo ka ng ginto. Maisasanla ba ang mga iyan? Sana di ka na lang nag-uuwi ng mga basura dito sa bahay,” nakaismid nitong sabi at padabog na isinalansan ang pinggan sa banggerahan. “Wala na nga tayong pangkain. Paano mapapakinabangan ‘yan?”
“May dala po akong grocery para sa atin. S-Saka binigyan naman po kami ng konting pera,” aniya at inabutan ito ng three thousand. “Pagkasyahin na lang po ninyo muna…”
“Ano pa nga ang gagawin kundi pagkakasyahin?” nakaismid nitong wika at ibinulsa ang pera. “Hindi ka man lang bumili muna ng bigas. Ako na ang pupunta ng tindahan.”
Sampung taon siya nang maulila sa ina dahil na-hit-and-run ang nanay niya nang tumatawid sa Commonwealth Avenue. Wala itong ibang kamag-anak kundi ang nakatatandang kapatid nitong si Cora na isang biyuda. Pagtitinda lang ng gulay sa talipapa ng Tandang Sora ang ikinabubuhay nito.
Kaya naman sa batang edad ay natuto siyang magbanat ng buto dahil hindi pwede ang buhay prinsesa sa piling ng Tiya Cora niya. Mainit ang dugo lagi nito sa kanya. Kahit nga sa nanay niyang namayapa na ay pinagsasabihan pa nito ng hindi maganda. Na kesyo makiri daw at tatanga-tanga sa lalaki kaya nabuntis nang walang asawa sa batang edad. Hindi naman niya magawang kontrahin ito dahil wala naman talaga siyang ama. Disiotso anyos nang ipagbuntis siya ng nanay niya. Di nito masabi kung sino ang tatay niya. Pero sa kabila ng pinagdaanan ng nanay niya ay naging mabuting ina ito sa kanya. Hindi na ito nag-boyfriend o nag-asawa ng iba at siya na lang ang inintindi nito hanggang mamatay. Nagtrabaho lang ito ng nagtrabaho para bigyan siya ng magandang buhay. Nahiling niya na sana ay maging parang nanay sa kanya si Cora kahit minsan.
Saka niya niyakap ang mga pinsang si Emaii at Renzie nang umalis na si Cora. Nineteen na si Emaii habang eighteen naman si Renzie. Parang kapatid na ang turing niya sa mga ito. “Kumusta na kayo? Kumusta ang pag-aaral ninyo?”
Malungkot na nagkatinginan ang mga ito. “Ayaw na nga kaming papasukin ni Nanay. Magtrabaho na lang daw kami,” sabi ni Emaii. “Pero gusto pa rin naming mag-aral.”
“Kaya gagayahin ka namin. Magpa-part time job din kami habang nag-aaral. Ipinagmamalaki ka nga namin sa mga kaklase naming dahil nanalo ka. Maganda ba sa Malaysia, Ate? Marami bang mga guwapo doon.”
Tumingala si Alta sa kisame at di mapigilang ngumiti nang maisip si Kristian Cordero. “Mas guwapo pa rin ang mga Pinoy.”
“Sino naman ‘yang guwapong Pinoy na iyan?” nang-iintrigang tanong nito.
Si Kristian Cordero sana ang isasagot niya pero naalala niya ang pangitain niya. Hindi pa rin siya komportable kapag naiisip iyon.
“Huwag na nating pag-usapan iyan. Mag-aral muna kayo,” aniya at napabuntong-hininga na lang ang dalawa. Nabubuhay naman sila sa realidad. Alam naman niyang ang tulad ni Kristian Cordero ay hanggang pangarap lang.
Hindi na rin siya nagtagal dahil kailangan niyang bumalik sa Rizal Stadium kung saan naroon ang training nila. Nag-iwan din siya ng pambaon sa dalawang pinsan para makapasok ang mga ito sa eskwelahan habang naghahanap ng part-time job. Hindi na rin siya makakatagal doon dahil nakukulili siya sa bibig ng tiyahin niya. Kahit na nabigyan na kasi niya ito ng pera ay laging kulang pa rin. Ikukumpara lang siya lagi sa mga kapitbahay nilang maalwan ang buhay dahil nakapag-asawa ng matandang mayaman sa internet.
Proud si Alta sa sarili kahit na mahirap ang buhay. Hindi naman siya pinalaki ng nanay niya para maging ubod ng yaman. Ang tatay daw niya ay ubod ng yaman pero iresponsable. Ang mahalaga daw ay wala siyang sasaktang tao at masaya siya sa buhay. Gamitin daw niya ang sarili niyang kakayahan para mabuhay.
Parang warm up na niya ang pagtakbo mula sa istasyon ng LRT sa Vito Cruz papunta sa Rizal Stadium dahil late na siya. Walang special treatment sa kanila kahit gaano pa karaming medalya ang naiuwi nila. Importante sa mga atleta ang disiplina at dapat ay huwag lumaki ang ulo. Mataas ang morale nila ngayon dahil sa pangunguna sa SEA Games. Malapit na ang Asian Games at susunod ang Olympics. Mataas ang pag-asa niyang makapasok sa qualifier.
Pagpasok ng stadium ay natigilan siya sa pagtakbo nang makita kung sino ang kausap ni Coach Monty. Si Kristian Cordero. Namamalik-mata yata siya. Hindi ba bampira ito? Kung bampira ito, bakit hindi ito nalulusaw sa init ng araw? Parang cool na cool na pa nga ito sa stripe black and blue long sleeve polo na nakatupi sa braso nito.
Anong ginagawa nito noon? Paano kung inire-report nito na mukha siyang baliw na nagtatakbo palayo dito nang nakaraang gabi at natakot nang walang dahilan. Bampira o hindi, sponsor pa rin nila ito. Kung may reklamo ito sa inasal niya, pwedeng madamay ang buong team. Kung sasabihin naman niyang isa itong bampira kaya niya ginawa iyon, tiyak na iisipin ng mga ito na nababaliw na siya.
Hindi pa siya handang harapin ito ngayon. Nakakahiya talaga ang ginawa niya. Pasimple siyang naglakad papunta sa dugout. Doon muna siya magkukulong hanggang makaalis ito.
“Alta, nandiyan ka na pala.” Mariin siyang pumikit at nakagat ang labi. Nakita na siya ni Coach Monty. “Alta, halika dito. Kanina ka pa hinihintay ni Mr. Cordero.” Nakayuko siyang lumapit sa mga ito. Hindi niya matingnan ng diretso si Kristian. Kailangan na niyang makaisip ng excuse kung sakaling tanungin siya tungkol sa nangyari kagabi. Tinapik ni Coach Monty sa balikat si Kristian. “Maiwan ko muna kayo.”
Lumapit siya dito nang puntahan na ni Coach Monty ang ibang kasama niyang nagte-training na. “Yes, Sir?” tanong niya at lakas-loob na inangat ang tingin dito.