He really exuded masculinity and authority. Presensiya pa lang nito ay sapat na para pangapusan siya ng hininga. Kung isa man itong bampira, dapat mag-ingat ang isang ordinaryong babae gaya niya sa isang tulad nito. Sa lahat ng lalaking nakilala niya sa harap lang nito siya hindi umaakto ng normal. Kahit ang tibok ng puso niya ay hindi normal. Kagabi ay mistulang itim ang mga mata nito. Pero sa liwanag ay chocolate brown ang mga iyon. Tinitigan niya iyong mabuti. No rainbow colors this time but mesmerizing just the same. Kahit pa hindi ito bampira, kaya nitong magpasunod at mang-akit ng kahit sino.
“I just want to check if you are okay,” sabi nito. “Kagabi basta ka na lang nagtatakbo palayo. I am sorry I came on too strong last time. Natakot ka yata sa akin.”
He apologized? Hindi siya makapaniwala dahil mapagpakumbaba ang boses nito. “N-Nagso-sorry kayo sa akin?” Parang hindi ito sanay na humihingi ng sorry. Mukha itong arogante at dominante na isang tingin lang nito ay ang mga tao ang agad na magso-sorry dito kahit na ito ang may kasalanan.
“I can assure you that I am not a bad person. I want a clean slate between us. Kung makikilala mo lang siguro akong mabuti…”
“Sir, hindi na ninyo kailangang aksayahin ang oras ninyo sa akin. Hindi ko rin po alam kung anong nangyari sa akin noon. Hindi naman po ako nasisiraan ng bait. Baka may naapektuhan lang po ako ng pagod o dahil sa nainom ko.” Humugot ng malalim na hininga ang dalaga. “Kalimutan na lang po natin ang nangyari.”
“That’s good to hear. Ayokong hindi tayo maging komportable sa isa’t isa. After all. ikaw ang napili ko para maging susunod na model ng ila-launch naming sports apparel.”
“Talaga?” Napalitan ng tuwa ang pag-aalala niya. Magandang opportunity iyon para sa kanya. Hindi lahat ay naaalok na maging commercial model.
“Hindi siya bagay maging model mo, Kristian,” singit ni Wanda at humalukipkip. “Look at her skin. Nagkaka-rashes kapag tinamaan ng sikat ng araw. Parang may maliliit na bulateng hugis-buwan sa balat niya.”
Hinaplos niya ang sariling braso. Nagsisimula nang mamula ang balat niya at naglabasan ang maliit hugis-buwan dahil papatindi na ang sikat ng araw. Parang bigla siyang hinila ni Wanda sa realidad. Hindi nga siya bagay maging model dahil doon.
“Kailan ka pa nagkaroon ng ganyang allergy?” tanong ni Kristian, may bakas ng pag-aalala ang boses nito.
“B-Bata pa lang ako ganito na talaga ang balat ko. Wala naman daw akong sagot sabi ng mga doktor. Di rin nila alam bakit ganyan ang balat ko.”
“Pero gusto mo pa ring tumakbo.”
“Doon ako magaling. Hindi ko sasayangin ang pagkakataon kahit masunog pa ako sa araw. Saka nawawala din naman iyan pagdating ng gabi,” matapang niyang sabi. “Sabagay, tama naman si Wanda. Hindi ako bagay na maging model ninyo. Makasira pa ako sa produkto ninyo. Excuse me.”
Sumama si Alta sa mga kasamahan niya at nag-warm up. Sira na ang mood niya. Sinira ni Wanda. Kung gusto nitong maging commercial model, dito na ang project. Sampal sa kanya ang katotohanang di siya magugustuhan ni Kristian Cordero bilang isang modelo o sa ibang bagay. Malamang pinandidirihan na siya nito.
Hindi maipinta ang mukha niya nang paglingon niya ay nakayakap na si Wanda sa baywang ni Kristian. Ang sarap sabunutan ng bruha. Kung makalingkis kay Kristian ay parang sawa. Parang nginangatngat ang puso niya nang ngumiti si Kristian dito. Parang nag-e-enjoy pa ito sa paglingkis ni Wanda.
Ano ngayon kung mas piliin nito si Wanda kaysa sa kanya? She shouldn’t feel this way. Hindi siya dapat maapektuhan kung matuwa man si Kristian sa babaaeng nagpi-flirt dito. Ano bang ginagawa ni Kristian Cordero sa kanya?
BIGLANG hinampas ni Chenie ang lamesa matapos ikwento ni Alta ang ginawa ni Wanda kaninang umaga. “Grabe! Bakit hinayaan mong ganunin ka na lang ng bruhang Wanda na iyon? Commercial na ang ino-offer sa iyo. Malaki din ang bayad doon. Chance mo na sanang sumikat tapos mapupunta lang sa kanya. Bakit hindi mo ipinaglaban?”
Luminga-linga siya sa paligid ng mesa. “Hoy! Huwag ka ngang maingay. Baka mamaya may makarinig sa iyo na kakilala ni Wanda.”
Nasa isang eatery sila para mananghalian. Katatapos lang ng training nila at pagkatapos ng tanghalian ay pupunta na siya sa café na pag-aari ng isa sa coach nila kung saan nagtatrabaho siya bilang part-time waitress at cashier.
“Huwag ka ngang maingay. Baka mamaya may makarinig at sabihin pa kay Wanda,” saway ni Alta dito.
“Naku! Wala akong pakialam kahit may makarinig,” anito at parang sinadya pang lakasan ang boses. “Talaga namang masama ang ugali niya.”
“Paanong hindi ka niya sisiraan? Nasa Malaysia pa lang tayo ipinagmamalaki na niya ang commercial na iyan,” sabi ni Amphie na tatawa-tawa. “Nakakahiya nga naman kung sa iba mapupunta ang commercial. Ambisyosa rin ang isang iyon. Gusto siya lang ang bida.”
Puro sila mga babae sa mesa. Nasa kabilang mesa naman ang mga lalaki. Gusto kasi niya na sa kanila lang mga babae niya ihinga ang sama ng loob niya. Mas magulo pa kung sasama ang mga lalaki.
“Hindi ko naman ikinagagalit na siniraan niya ako para sa commercial,” sabi ni Alta at saglit pang tumigil sa pagkain. “Nakakainis talaga ‘yung paglingkis-lingkis niya kay Sir Kristian. Grabe! Parang sawa.”
“Ah! Nagseselos ka pala kay Wanda kasi nakakalingkis siya kay Sir Kristian,” tukso ni Amphie.
Nagulat pa siya dahil naibulalas pala niya ang talagang rason ng pagngingitngit niya. Huli na para bawiin pa. Yumuko siya sa pagkain. “Hindi ako nagseselos, no?” kaila niya.
“Kanino ka naman nagseselos?” singit ni Homer na may dalang tray.
“Usapang babae lang ito, no? Bumalik ka na sa mga boys,” pagtataboy ni Chenie dito.
“Excuse me,” singit naman ng isang babaeng naka-office uniform. Pormal na pormal ito sa itim na blazer at violet skirt. “Miss Alta Kintanar?”
“Yes?” aniya at tumigil sa pagkain.
“I am Darla. Ipinadala po ako ni Sir Kristian. Kristian Cordero.” May inabot itong paper bag sa kanya. “Para daw po sa inyo.”
“Para sa akin?” tanong niya at sinilip ang loob. May botelya sa loob subalit hindi naman niya maintindihan ang sulat. “Ano ito?”
“Tatawagan daw po niya kayo mamaya para ipaliwanag. Aalis na po ako,” anito at magalang na tumango sa mga kasama niya saka nagpaalam.
“Ano ‘yan?” tanong ni Chenie at kinuha sa kanya ang paperbag. “Di ko maintindihan ang sulat. Parang Russian.”
“Baka naman gayuma iyan,” sabi ni Homer at kumunot ang noo nang makita ang bote.
“Okay lang na gayuma. Guwapo kaya si Sir Kristian,” kinikilig na sabi ni Amphie. “Kung gayuma iyan, gusto ko ring makiinom. Mag-share ka naman ng biyaya, besh.”
Tinutukso pa rin siya nina Chenie at Amphie nang mag-ring ang cellphone niya. Hindi naka-rehistro ang numero ngunit hula niya ay si Kristian iyon.
“Sagutin mo na,” udyok ni Chenie sa kanya.
“Shhh!” saway niya sa mga ito at pumunta sa labas upang doon sagutin ang tawag.