“Huwag ka nang mag-isip. Do it now!” utos ni Hideo.
Piningasan ng pangil niya ang pulsuhan niya at hinayaang tumulo ang dugo sa bibig ni Alta. Iyon ang paraan upang maging bampira ito at mabuhay. Wala pa itong pangil kaya siya na ang kusang magbibigay ng dugo dito. Dahan-dahang naghilom ang sugat niya subalit si Alta ay hindi pa rin tumitinag. Parang hindi na nga ito humihinga.
“Hindi ko maramdaman ang tibok ng puso niya,” sabi niya nang damahin ang pulso nito. “Patay na siya.”
Huli na ba siya? Pero ininom naman nito ang dugo niya kanina. Hindi ba tinanggap ng katawan nito ang dugo niya? May ilang insidente na namamatay ang isang taong uminom ng dugo dahil hindi tinanggap ng katawan nito.
“Natural lang na magmistulang patay siya. Hihintayin natin siyang gumising. Malalaman natin kung magigising siya sa susunod na pagsikat ng buwan. Kung kakayanin niya ang pagbabago sa katawan niya, hindi natin alam. Dalhin na natin siya sa Valle. Umalis na tayo bago pa dumating ang ibang Umbra. Dadating na rin ang iba pang Knights para maalalayan tayo.”
Nang tumingin sila sa buwan ay nagulat sila nang makita ang bahaghari sa paligid ng buwan. Parang nilulukuban sila ng liwanag niyon. Ngayon lang niya nakita ang bahagharing iyon sa paligid ng buwan. Maya maya pa ay unti-unting pumula ang buwan, mistulang binubuhusan ng dugo. Katulad sa pangitain niya.
“Ang propesiya, ang itinakda,” usal ni Hideo habang nakatingala sa buwan. “Ibig sabihin ay natatakan na ang itinakda.”
Nang tingnan niya ang leeg ni Alta. Sa halip na dalawang marka ng pangil ang nasa gilid ng leeg nito ay hugis ng buwan na kulay pula ang naroon.
“Si Alta ang mezzo na itinakda,” usal niya.
PAGHARAP ni Homer ay parang hindi na ito ang Homer na kilala niya. Maputla na rin ang kulay ng balat nito sa liwanag ng buwan. Nagsimulang humaba ang mga daliri nito sa kamay kasabay ng paglabas ng pangil sa magkabilang gilid ng labi nito. Nang iangat nito ang mga mata ay pula na rin ang mata nito. Isa na rin itong bampira.
"Hindeeee!" Pakiramdam niya ay nanlaki ang ulo niya. Ang kaibigang pinagkakatiwalaan niya ay matagal nang bampira. Isang halimaw na umiinom ng dugo at pumapatay ng tao. At ngayon ay siya na ang susunod na biktima nito.
Bampira. Akala niya ay likha lang ng imahinasyon ang mga ito. Mga kwentong gawa-gawa lang. Subalit totoo ang mga ito. At sa dinami-dami ng mabibiktima, bakit siya pa?
Dahan-dahang humakbang si Homer palapit sa kanya. “Homer, magkaibigan tayo. Huwag mo akong patayin. Alam mo kung anong pinagdaanan ko at ang mga pangarap ko,” malumanay niyang wika kahit na nanginginig at naiiyak na siya sa takot.
“Sinadya ka niyang kaibiganin, Miss,” sabi ng bampirang may hawak sa kanya na si Dexter. “Huwag kang mag-alala. Sa una ka lang naman mamamamatay. Matapos iyon ay mabubuhay ka na habambuhay.”
“A-Anong ibig mong sabihin?” tanong niya at tiningala si Dexter.
“Gagawin kang bampira ng kaibigan mong si Homer.”
Umiling siya at pumiglas. “Huwag! Ayoko!” Ayaw niyang maging isang halimaw. Ayaw niyang pumatay ng mga tao. “Patayin na lang ninyo ako pero hindi ako magiging katulad ninyo.”
“Wala kang choice. Kami ang magdedesisyon noon.” Ikiniling ni Dexter ang ulo at tumingin kay Homer. “Gawin mo na siyang bampira para matapos na ang misyon mo kay Panginoong Mercado. Hindi ba gusto mong makasama ang babaeng mahal mo habambuhay? Sabi mo rin na natatakot kang makuha siya ng iba. Kaya gawin mo na siyang bampira para hindi na siya magmahal ng iba. Ikaw na ang mamahalin niya. Ang magiging panginoon niya.”
Nanlaki ang mata niya. Hindi! Hindi pwedeng ipilit sa kanya na mahalin ni Homer. Ayaw din niyang maging alipin nito at maging alipin ng dugo. Akmang lalapit si Homer sa kanya subalit sinipa niya ito. “Oras na gawin mo akong bampira, kamumuhian kita habambuhay. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa mahalin ka.”
Lumungkot ang mga mata ni Homer. “Alta…”
“Huwag mong sabihing ganyan ka kahina? Sa babaeng ito ka lang magpapasindak? Sino ba ang mas mahalaga sa iyo- ang babaeng ito o si Panginoong Mercado?” angil ni Dexter.
Sa pagkakataong ito ay wala nang kabutihan sa mga mata ni Homer. Hindi magawang gumalaw ni Alta. Nanlalaki ang ulo niya habang palapit nang palapit si Homer sa kanya.
Sinubukan niyang manlaban subalit mas humigpit ang hawak ni Dexter. Hinawakan nito ang panga niya at nahantad ang leeg niya sa mga ito. Malakas ito. Nang titigan siya ni Homer ay di na niya magawang gumalaw. Gusto niyang manlaban, gusto niyang sumigaw subalit hanggang sa isipan na lamang niya iyon nagagawa.
“Gusto kong makasama ka habambuhay, Alta. Wala akong pakialam kahit na kamuhian mo pa ako habambuhay,” sabi ni Homer.
Saka niya niya narinig ang pag-alingawngaw ng sigaw niya nang mapunit ang balat niya dahil sa pagtagos ng pangil nito sa balat niya. Habang iniinom nito ang dugo niya ay natiyak niyang mamamatay na siya. Totoo pala ang sinasabi ng iba na kapag mamamatay ka na ay makikita mo ang lahat ng nangyari sa buhay mo mula sa pagkabata mo hanggang sa paglaki.
Ang paglaki niya ng walang ama subalit puno ng kaligayahan kasama ang mga nanay niya, ang pagkamatay nito at ang pagtira niya sa tiyahin niya, ang pagsusumikap niyang mag-aral sa kabila ng pambubusabos ng tiya niya, ang training niya kasama ang mga kaibigan niyang atleta, ang pagkakapanalo niya ng medalya sa SEA Games at si Kristian. Hindi na niya makikita si Kristian. Hindi na nito malalaman na hinintay niya ito.
Hindi na niya maaabot pa ang mga pangarap niya. Hindi na siya ang magdadala ng Olympic gold medal sa Pilipinas. Di na niya makakasama ang mga pinsan niya. Ni hindi siya nakapagpaalam sa mga ito. At di na niya makikita pa si Kristian. Hindi na magkakatotoo ang pangitain niya. Di niya mararamdaman ang halik nito.
Narinig niya ang pag-igik ni Homer na animo’y nasaktan. Nawala ang pagkakakagat nito sa leeg niya. Anong nangyari? Halos di na niya maidilat ang mata niya. May naririnig siyang mga boses subalit di niya halos maintindihan. Nanghihina na siya at nanlalamig. Nahihirapan na rin siyang huminga. Unti-unti na siyang namamatay.
Naramdaman niya na may kamay na humaplos sa pisngi niya. “Alta, wake up. Please…”
Ang boses na iyon. Boses ni Kristian. Idinilat niya ang mga mata. Sa nanlalabo niyang paningin ay naaninaw niya ang guwapong mukha nito. “K-Kristian?” Humugot siya ng malalim na hininga. Baka patay na siya at kahawig lang ito ng anghel na susundo sa kanya.
Inangat niya ang kamay para haplusin ang mukha nito. Ginagap nito ang kamay niya. Siguro nga ay anghel ito. Sinusundo na siya nito patungo sa kabilang buhay.
Bago pumikit ang mga mata niya ay nakita niya ang malaking buwan. Parang tinatawag siya ng buwan. Unti-unting pumikit ang mga mata niya hanggang tuluyan nang magdilim ang lahat sa paligid niya.