HABOL ni Alta ang hininga nang bumalikwas ng bangon. Madilim ang paligid niya. Mukhang gabi na sa labas. Unti-unting nag-adjust ang mata niya sa dilim. Nasa isang silid siya. Nakaupo siya sa kama. Bukas ang bintana at nakikita niya ang liwanag ng buwan sa labas. Hindi sa kanya ang silid na iyon. Yakap niya ang sarili ay sumiksik siya sa headboard ng kama. Kahit ang puting nightgown na suot niya ay hindi rin niya pag-aari.
Nasaan siya? Anong ginagawa niya doon?
Panaginip lang baa ng nakita niya kanina? Paano kung katuloy lang ito ng masamang panaginip niya? Naramdaman na lang niya na hindi siya nag-iisa sa silid. May iba siyang kasama.
Patay na siya? Isang masamang panaginip lang ang lahat? Hindi niya alam kung ano ang realidad o ilusyon. Naguguluhan na siya.
"Nagising ka na? Anong pakiramdam mo?"
Marahan niyang inangat ang tingin sa pamilyar na boses na iyon. Nanlaki ang mata niya nang makitang nakatayo si Kristian sa tabi ng kama. "K-Kristian? Nasaan ako?"
"Nasa Valle dela Luna Rojo. This is my place."
Muli niyang inikot ang tingin sa paligid. Mukhang pangmayaman ang lugar na iyon. Wall-to-wall ang carpet na kulay maroon. Malamig ang paligid. Di gaya ng mainit at masikip na kuwarto kung saan kasalo niya ang pinsan at tiyahin.
Pero hindi pa rin niya maintindihan kung paano siya napunta doon. "Anong ginagawa ko dito?"
"Dito ka namin idinala para mabawi mo ang lakas mo. Hindi mo ba naalala ang pag-atake sa iyo ng kaibigan mong si Homer?"
Ilang beses siyang kumurap para analisahin ang lahat. Bampira. Isang bampira si Homer at inatake siya nito. "Naaalala ko na sinugod kami ng mga kaibigan niya.” Hindi niya masabi dito na naging bampira ang mga lalaki pati na si Homer. Baka mamaya ay may naipainom na droga sa kanya na naihalo sa ininom niya kaya nagha-hallucinate lang siya. “Pero bakit wala ako sa ospital?”
“Paano natin ipapaliwanag sa ospital na sinugod ka ng mga bampira? Sa tingin mo maipapaliwanag ko kung bakit naubusan ka ng dugo?”
Ilang beses siyang kumurap. “T-Totoo ang mga bampira?”
“Oo. Nakita ko sila mismo.” Kaswal ang pagkakasabi ng lalaki na parang di na ito nagugulat sa ganoong uri ng kababalaghan. “Hindi ka namin maaring dalhin sa ospital. Hindi ka rin nila masasagip. Kung dadalhin ka namin sa kanila, baka ideklara ka lang patay dahil tumigil sa pagtibok ang puso mo."
Sigurado siya na mamamatay na siya nang kagatin ni Homer ang leeg niya. Nauubusan na siya ng dugo noon, nanghihina at nawawalan ng buhay. Bigla niyang sinalat ang leeg niya. May maliit na sugat doon. Ibig sabihin ay may kagat talaga siya ng bampira.
"Ano? P-Paano ako nabuhay? Bakit hindi ako nanghihina? Sinalinan ba ninyo ako ng dugo?" Walang markang kahit ano sa braso niya na karaniwang nakikita sa tinurukan ng karayom at sinalinan ng dugo. Makinis na makinis iyon.
Pumasok ang isang kawaksi na babae at narinig niya ang tibok ng puso niya. Hindi iyon tibok ng puso niya. Naririnig niya iyon sa di kalayuan.
Nakaramdam siya ng pagkauhaw. Kakaibang uri ng pagkauhaw. May hinahanap ang panlasa niya subalit hindi niya alam kung ano. Parang di lang ang panlasa niya ang nais malasahan iyon kundi ang buo niyang pagkatao. Na parang mababaliw siya kundi niya malalasahan iyon o matitikman sa lalong madaling panahon.
Naaamoy niya kung saan niya nanggagaling ang mabangong amoy ng pagkaing gusto niya. Tumutok ang mata niya sa babae, kung saan naroon ang pulsuhan nito. Sumigaw siya nang parang mawawarat ang gilagid niya sa sakit. Sinalat niya ang bagong tubo niyang ngipin. Pangil. May pangil siya. At gusto niya ng dugo.
Napatitig siya sa leeg nito. Parang nakikita niya ang pagbilis ng tibok ng pulso nito. Naririnig niya ang pagragasa ng dugo doon. Parang nag-aanyayang kagatin niya ang leeg nito para maibsan ang pagkagutom niya.
“Ako po si Estancia,” magalang na sabi ng babae at bahagyang yumukod sa harapan niya. “Sabihin po ninyo kung ano ang gusto ninyo.”
Napahawak siya sa sarili niyang leeg. “May kailangan ako.” Hinawakan niya ang parte ng leeg nito at inilapit ang mukha nang maramdaman ang pulso sa leeg nito. Naramdaman niya ang paghaba ng pangil niya at ibinaon sa leeg nito.
Dumaloy ang masaganang dugo sa leeg niya. The blood tasted like ambrosia. The aroma was addictive. Pakiramdam niya ay dahan-dahang nabubuhay ang bawat himaymay ng laman niya at doon dumadaloy ang kakaibang lakas na noon lang niya naramdaman. Uminom siya ng uminom hangga’t hindi siya nakakaramdam ng kabusugan.
“Alta!” narinig niyang tawag sa kanya ni Kristian.
Saka lang niya na-realize kung anong itsura niya. May pangil siya at sumisipsip siya ng dugo ng tao. Si Estancia ay nakapikit at namumutla na. Ininom niya ang dugo nito. Hindi siya makapaniwala na nagawa niya iyon. Nang bitiwan niya ito at basta na lang itong bumagsak na mistulang walang buhay. Dali-dali itong sinalo ni Kristian.
Natutop niya ang labi. Patay na ito. Nakapatay siya ng tao. Hindi na rin siya isang tao kundi isang bampira. “A-Anong nangyari sa akin?” tanong niya at umurong. Naramdaman niya ang pangingilid ng luha niya. Nararamdaman pa niya ang dugo sa bibig niya. “Kristian…”
"Calm down, Alta. Sa simula lang iyan."
"Ano ito? Bakit ganito ako? Anong sa simula lang iyan?" histerikal niyang tanong.
"Huwag kang matakot. Normal iyan."
Normal? Paanong normal ang uminom ng dugo at pumatay ng tao. Mamamatay-tao. Mamamatay-tao. Paulit-ulit niyang naririnig ang salitang iyon hanggang halos mababaliw na siya.
Sinapo niya ang tainga at tumili. "Ayoko! Lumayo ka sa akin!” sigaw niya at sumiksik sa kabilang gilid ng kama para makalayo dito. “Anong nangyari sa akin? M-Magpatawag ka ng pari o kung sinong makakatulong sa akin. Baka anong magawa ko sa inyo. Baka mapatay din kita."
Binuhat nito si Estancia at inilagay sa couch na nasa gilid ng silid. Saka ito marahang lumapit sa kanya. "Hindi mo ako masasaktan,” malumanay na sabi nito.
Nagbago ang anyo nito. Sa harapan niya ay unti-unting tumubo ang pangil nito. Maging ang mga mata nito na dating itim ay naging light green. Hindi ito tao. Bampira rin ito. "B-Bampira ka rin. Katulad ka ni Homer? Kayo ang gumawa nito sa akin?"