Tumakbo siya sa gilid ng kuwarto at lalong sumiksik doon. Bampira. Kahapon lang ay isang kalokohan lang ang mga bampira pero sa isang iglap ay naging totoo ang mga ito. Bampira rin si Kristian. Pati siya ba ay bampira na rin? Gusto na niyang pumatay ng tao para sa dugo. Itinakip niya ang palad sa mukha. Ayaw niyang maging isang halimaw!
Marahang lumapit sa kanya si Kristian. "Wala ka na halos buhay kaya ibinigay ko ang dugo ko sa iyo. Iyon lang ang paraan para di ka mamatay.”
"G-Ginawa ninyo akong halimaw na gusto ng dugo? Sinira ninyo ang buhay ko! Ayokong maging bampira! Ayoko!”
"Hindi ka halimaw. Sanguis ka na kailangan ng dugo para mabuhay,” paglilinaw nito.
"Anong sanguis? Parang bampira nga. Halimaw ako,” giit niya at niyakap ang sarili. Puno ng hinanakit niya itong pinagmasdan. “Pinatay ko si Estancia! Diyos ko! Hindi ba halimaw ang tawag sa akin?"
"Dahil mamamatay ka kundi ko gagawin 'yan. Iniwan ka ni Homer na naghihingalo. Kundi kita gagawing sanguis, mamamatay ka."
"Pero ano ba ako ngayon? Iinom ako ng dugo para mabuhay! Wala kang karapatang gawin sa akin ito! Hindi ako mamamatay-tao!"
"Ginawa ko lang 'to para mabuhay ka. Ang totoo ito ang tadhana mo. Di ka ordinaryong tao, Alta. May lahi kang sanguis. Isang sanguinare ang ama mo,” deklara nito na lalong nakapagkapayanig sa pagkatao niya.
"Hindi! Ayokong makinig sa iyo. Nagsisinungaling ka lang!" Ubod lakas niya itong itinulak. Napamaang siya nang humagis ito sa ere. Isang malakas na lagabog ang nilikha nang humampas ito sa pader. Dahan-dahan itong bumagsak. "Kristian?"
Akmang lalapitan niya ito subalit nakadama siya ng panlalamig. Napatingin siya sa kamay niya. Malakas siya. Ubod ng lakas. Halimaw siya. Isang halimaw. Nasaktan niya si Kristian. Gusto niya ng dugo. Napatay na niya si Estancia dahil doon. Panganib ang dala niya sa sinumang lalapit sa kanya. Hindi ligtas ang sinuman sa kanya.
Bumaling siya sa bukas na bintana. Tumalon siya nang di nag-iisip. Parang may sariling isip ang katawan niya. She touched the ground crouching. Saka siya tumakbo ng tumakbo sa kalaliman ng gabi. Puro mga puno ang nadadaanan niya at hindi rin patag ang lupa sa paanan niya na pawang damo at mga tuyong dahon ang natatapakan ng walang sapin niyang paa. Sobrang bilis niya. Nadulas siya at natagpuan na lang niya ang sarili na gumugulong pababa.
UMIKOT ang paningin ni Alta nang magpagulong-gulong pababa. Sa sobrang bilis ng paggulong niya ay parang humampas siya sa pader nang humampas ang katawan niya sa malaking puno. Masakit ang katawan niya ngunit hindi na niya nagawang indahin. Pinag-aralan niya ang paligid niya. Parang napakalayo ng tinakbo niya. Di niya alam kung saan siya nakarating sa katatakbo niya. Nakatitig siya sa matatayog na punong nasa ulunan niya.
Tumatagos ang sinag ng buwan sa mga sanga nito. Nasa gitna siya gubat? Gitna ng kawalan? Hindi niya alam pero pakiramdam niya ay ibang tao na siya. Hindi pa nala siya tao.
Bampira. Isa siyang bampira. Tumawa siya ng pagak at kasunod niyon ay ang pagpatak ng luha sa mata niya. Nababaliw na yata siya. Nang nakaraang araw lang ay inakala niyang gawa-gawa lang ang mga iyon. Ngayon ay isa na siya sa mga ito.
Nanghihina siya habang napalugmok sa lupa. Hindi niya magawang gumalaw. Malakas na malakas ang tunog ng mga kuliglig sa gabi. Kahit ang lagaslas ng tubig ay narirnig niya. Nang muli siyang tumingin ay parang nakikita niya ang mga hayop na lumilikha ng ingay. Kung saang eksaktong sanga ang mga ito. Nang muli niyang ituon ang tingin ay tumagos ang mata niya niya sa mga dahon ng puno hanggang makita niya ang buwan at mga butas niyon.
Ano nang mangyayari sa kanya ngayon? Doon na lang ba siya mananatili? Aabutan ba siya ng sikat ng araw? Kapag ba nasinagan siya ng sikat ng araw ay matutunaw siya o masusunog hanggang maging abo? Hanggang ilang beses ba maaring mamatay ang isang tao?
Naalala niya ang sinabi ni Dexter sa kanya. Isang beses ka lang mamamatay. Sa muling pagdilat ng mata mo ay mabubuhay ka na habambuhay.
Habambuhay siyang halimaw. Uhaw sa dugo. Papatay ng tao para mabuhay.
Naisubsob niya ang mukha sa lupa at humagulgol ng iyak. Ngayon lang siya nakadama ng matinding takot dahil sa kanyang pag-iisa. Hindi pa siya natakot ng ganito kahit nang mamatay ang nanay niya. Nasisira ang lahat ng pinaniniwalaan niya. Hindi niya alam kung sino ang pagkakatiwalaan niya. Si Homer na kaibigan niya ay hindi niya pwedeng pagkatiwalaan.
Hindi niya kaya ang ganitong buhay. Bakit pa siya binuhay kung magiging mamamatay-tao lang siya? Mas mabuti pa ang kamatayan kaysa ang ganitong buhay.
“Diyos ko, patawarin po ninyo ako,” mahina niyang panalangin habang nakalugmok. “Hindi ko po ginustong pumatay ng tao. Patawad po.”
Natatakot siya sa maaring gawin niya sa ibang tao. Natatakot siya sa maaring gawin ng mga tao sa kanya oras na malamang isa siyang bampira. Hindi na niya kilala kung sino siya. Hindi na ligtas ang mundo sa kanya. Hindi na rin siya ligtas sa mundo. Saan pa siya tatakbo? Saan pa siya susuling?
"Alta! Alta!" tawag ng isang boses sa kanya.
Si Kristian. Akmang bubuka ang bibig niya para tawagin ito subalit nakaramdam siya ng takot. Takot dito dahil isa rin itong bampira? O natatakot siya dahil ibang nilalang na siya? Kahit ito ay nagawa niyang saktan kanina.
Nakarinig siya ng mga yabag subalit nawala iyong bigla. Hindi siya nito makikita sa dilim ng pinaglaglagan niya. Nagulat na lang siya nang may humawak sa balikat niya. Napapitlag siya at napasigaw sa labis na takot.
“Alta, ako lang ito. Si Kristian.”
Gusto niyang yumakap dito para maibsan ang takot niya. Hindi niya alam kung bakit hindi siya nakakaramdam ng takot dito sa kabila ng pagiging bampira nito.
Subalit nanaig ang takot niya sa sarili. Pilit niya itong itinulak palayo sa kabila ng panghihina niya. “Huwag! Sasaktan lang kita. Mapapatay kita. Lumayo ka sa akin. Hindi ko na kilala ang sarili ko. Ni hindi ko alam paano ko nagawang manakit ng tao.”
“Hindi mo ako masasaktan.” Marahan siya nitong ibinangon. Napaigik siya sa sakit dala ng pagkakahampas niya sa puno. “Shhh! Mawawala din iyan maya maya. Gagaling ka agad.”
“Ayoko nang gumaling. Hayaan mo na lang ako dito. Kung gusto ninyong utusan akong pumatay ng tao, hindi ninyo ako magagamit sa kasamaan ninyo. Tama na.”
“Wala kang napatay na tao, Alta. Buhay si Estancia.”
Umiling siya. “Hindi ako naniniwala sa iyo. Nakita ko na wala na siyang buhay kanina. Ikaw rin nakita ko kung paano ka humagis matapos kitang itulak. Ayokong makapanakit ng iba. Maawa ka sa akin, Kristian. Pabayaan mo na akong mamatay dito.”
“Hindi ko pwedeng hayaan iyon.” Hinawakan nito ang balikat niya at tinitigan ang mga mata niya. “Alta, ipahinga mo ang isip mo. Wala kang sinaktan. Wala kang pinatay. Hindi mo kasalanan ang nangyari. Alam kong hindi ka basta-basta nananakit ng tao. Hindi iyon ang intensiyon mo. Kaya alisin mo sa isip mo ang takot. Hindi ka masama. Wala kang pinatay.”
Parang may magneto ang mga mata nito at hindi niya nagawang alisin ang mga mata dito. Iba ang kulay ng mga mata nito. Berde. At parang hinihigop ng mga mata nito ang pagkatao niya. Unti-unting naglalaho ang takot niya. Kahit ang isipan niya ay parang wala nang laman. Wala na siyang ibang maisip. Ang nais lang niya ay marinig ang boses ni Kristian. Hinihintay lang niya ang susunod nitong sasabihin.
“Babalik na tayo sa mansion. Pagdating natin doon, maliligo ka, magbibihis at matutulog. Bukas paggising mo saka ko ipapaliwanag ang lahat.”
“Masusunod, Kristian.”