“Sir Kristian, nakatulog na po ang bisita ninyo. Nakaligo na rin po siya,” anang si Eden, isa sa mga fidele, ang mga matatapat na aliping tao na nagsisilbi sa mga rojo. Ang mga fidele ay siyang nagsisilbi sa kanila at nagbibigay ng dugong kailangan. Naging tradisyon na iyon na tumatakbo sa bawat pamilya at bilang kapalit ay poprotektahan nila ang mga ito mula sa mga rojo at iba pang kaaway.
“Maraming salamat, Eden,” sabi niya at saka lumapit sa kama ni Alta. Mahimbing na mahimbing na ang tulog nito. Natakot siya nang matagpuan itong nakadapa sa gubat kanina habang umiiyak. She was traumatized. Ayaw pa rin nitong maniwala na hindi nito napatay si Estancia. Mahirap itong paliwanagan kaya napilitan siyang i-hypnotize ito para mapasunod. “Hindi ka ba nahirapan sa pagpapaligo sa kanya?”
“Hindi po, Sir. Naging masunurin po siya.”
“Ikaw muna ang magbantay sa kanya. Tawagan mo ako kung magigising siya o kung hahanapin niya ako,” bilin niya at saka pinuntahan si Estancia na nasa kabilang silid. Sinalubong siya ng fidele na nagbabantay dito. “Palmyra, kumusta ang nanay mo?”
“Namamahinga po siya, Sir Kristian. Nakainom na rin po siya ng tsaa na magpapabalik ng normal sa dugo niya. Nagising po siya kanina at inaalala po niya ang bisita ninyo. Gusto nga po niyang makipagkita para daw po ipakitang ayos lang siya.”
“Nagpapahinga na si Alta. Huwag na kamo siyang mag-alala.”
He felt suddenly tired. Mula pa nang nakaraang gabi ay si Alta na ang inaasikaso niya. Muntik na itong tuluyang mawala sa kanila. Di dahil nasa poder na nila ito ay doon na matatapos ang lahat ng problema. Marami pa silang kailangang malaman. Marami pa silang katanungang dapat na masagot. Kailangan nilang matiyak kung ito nga ang itinakdang mezzo o hindi.
Tumuloy siya sa interrogation room kung saan kasalukuyang kinukwestiyon ang nahuli nilang Umbra na si Dexter. Nakaupo ito sa upuan at nakatali ng silver cuffs ang mga paa at kamay nito. Si Kristoff ang kasalukuyang nag-i-interrogate dito. Nasa viewing room ang ibang rojo. Umupo siya sa tabi ni Nicodemos.
“Did I miss anything?” tanong niya.
“Nagsisimula pa lang maging interesante ang lahat,” sabi nito at muling ibinalik sa interrogation room ang tingin. “You left your baby alone? Aren’t new sanguis a bit clingy to their new masters?”
Humugot siya ng malalim na hininga. “Natutulog na si Alta. She went through a lot a while ago. And I don’t consider myself as her master.”
“Sabihin mo na sa akin kung saan ang bagong kuta ninyong mga Umbra,” malumanay na sabi ni Kristoff.
“At bakit ko gagawin iyon? Para lipulin ninyo kaming mga Umbra at gusto ninyong pagharian ang mundo kasama ang mga mahihinang tao? Isa kayong malaking insulto sa mga bampira. Kayo pa mandin ang naturingang sanguinare, mga direktang anak ng mga tennyo. Hindi ko gugustuhing magsilbi sa mga taong katulad ninyo. Umbra ang dapat na maghari sa mundo.”
Nakaka-recover na si Dexter mula sa mga injuries nito sa pagkakabagsak sa trailer truck at sa pagkakabali niya sa braso nito kaya matapang na naman ito. Samantalang nang nakaraang gabi ay halos ipagmakaawa nito para buhayin pa nila ito. habang namimilipit sa sakit.
Hinawakan ni Kristoff ang magkabilang gilid ng upuan nito at tinitigan sa mga mata si Dexter. “Nagtatapang-tapangan ka lang pero ang totoo wala kang alam. May bago kayong headquarters at hindi sasabihin sa iyo ni Mercado ang lokasyon niya hangga’t hindi ka nakakapagdala sa kanya ng isa pang bagong mezzo. Wala kang idinala sa kanya kundi mahihinang mga tao. You brought him bloodsucking zombies with no real powers. Mga esclavo na hindi na nag-iisip at walang ibang gusto kundi dugo. Kaya nga pinilit mo si Homer na gawin nang bampira si Alta sa lalong madaling panahon para bumalik ang amor sa iyo ni Mercado.” Bumuntong-hininga ito at tumayo. “Kung ganoon wala kang silbi sa amin.”
Namutla si Dexter at mahigpit na humawak sa hawakan ng upuan nito. “P-Pero alam ko kung saan nagtatago ang itinakdang bampira. Pwede kong ituro sa inyo ang kinalalagyan ni Fleur, ang anak ng kapatid mo sa taong anak-anakan ni Panginoong Mercado na si Rebecca.”
“Sige. Hindi kita papatayin,” sabi ni Kristoff at hinawakan ang leeg nito. “Pero wala kang itatagong kahit anong impormasyon sa akin.”
Napangiwi si Kristian nang itutok nito ang kamay sa mukha ng walang kamalay-malay na si Dexter at lumabas ang animo’y itim na usok mula sa mukha nito. Napahiyaw si Dexter habang hinihigop ni Kristoff ang life force nito. Exoneration. Isa sa mga kapangyarihan ng mga sanguinare. May kakayahan ang mga ito na kunin ang lakas at buhay ng kalaban sa pamamagitan ng paghigop sa life force ng mga ito. Unti-unting nangulubot ang balat ni Dexter at halos lumuwa ang mata. Mukha itong nasa mid-twenties kanina pero ngayon ay parang nasa eighty years old na ito. Hindi ito tumigil hanggang halos mukhang mummified na si Dexter. Wala na itong buhay nang isara ni Kristoff ang palad nito saka inutos sa mga tauhan na alisin ito sa interrogation room. Tumayo silang lahat at lumabas ng viewing room. Sa conference room sila tumuloy. Nakaupo na si Kristoff sa isa sa mga upuang nakalaan para sa mga clan leaders. He looked exhausted. Samantalang madali lang naman ang interrogation nito.
Hinawakan ng asawa nitong si Olivia ang balikat nito. “Anong nakita mo?”
Sinapo nito ang noo. “Cattivo. Evil. Everything vile. Sana hinayaan ko na lang siyang pugutan ng ulo kaysa sa exoneration na iyan. Hindi ko masikmura ang ginawa ng Umbra na iyon bago pa siya maging bampira hanggang maging bampira siya. Hindi na siya dapat na buhayin pa dahil marami siyang masasamang plano laban sa mga tao at maging sa sarili kong pamangkin.”
Sa exoneration, di lang buhay ng isang bampira o tao ang nakukuha kundi maging ang alaala nito. At minsan, hindi maganda ang mga alaalang iyon.
Hinaplos ni Olivia ang buhok ni Kristoff. “Sino ba ang may sabing isama mo iyan sa alaala mo? Ano ang nalaman mo tungkol sa anak ni Romeo? Fleur ang pangalan niya? Hindi ba’t siya dapat ang itinakda?”
“Pero si Alta ang may tatak ng buwan,” protesta niya. “Matapos ko siyang painumin ng dugo saka ko nakita ang paglabas ng bahaghari sa buwan.”
Lumabas ang profile ni Alta sa malaking LED screen. “Alta Kintanar. Ipinanganak ng June 21. That’s summer solstice.” Nag-type ito sa hologram keyboard nito at in-encode ang mga impormasyong nakuha nito tungkol kay Fleur. “Fleur Soller. Ipinanganak siya ng December 21, winter solstice. Parehong solstice?”
“Posible kayang may dalawang itinakda?” tanong ni Kristian habang haplos ang sariling baba.
“Isang itinakda lang ang binabanggit sa hula. Isang mezzo,” mariing wika ni Aleaja. “Hindi pwedeng magkaroon ng iisang tadhana ang dalawang nilalang.”
“The solstice twins,” narinig nilang sabi ni Enricus. “That’s what my wife wrote in her book.” Inabot ni Enricus ang USB para ilagay sa computer. “Hindi niya inilalabas ang kwento na iyan. Palihim niyang isinulat. Ayaw niyang magkagulo na naman at palabasin ng marami na sinungaling siya. Gusto lang niyang tahimik na makapagsulat at di siya mape-pressure na parang nakalagay sa kanya ang tadhana ng mga tao at mga bampira.”
“Ibig sabihin mali ang oculus na nasa atin?” tanong ni Kristoff. “Anong sinasabi sa kwento tungkol sa kay Alta?”
“Klaro lang na ang kambal ng solstice ang nasa hula. Kapareho ng nangyayari kay Alta kay Kristian ngayon. Katulad ng kwento namin ni Jermaine dati,” anang si Enricus at ipinabasa sa kanila ang mga pahina. “She wrote this a month ago. Gusto lang talaga niyang magpasa ng kwento. Sinong mag-aakalang magkakatotoo na naman ang isinulat niya?”
“Mas mabilis sana nating naprotektahan si Alta sa mga Umbra kung nalaman agad natin ito,” may halong paninising wika ni Kristoff.
Bumuntong-hininga si Enricus. “May hula man o wala, mangyayari pa rin ang itinakda. Binigyan niya ako ng warning na protektahan si Alta dahil may mga umbra na sa paligid niya at tama siya. Di siya nagkulang ng paalala. Ang magagawa lang natin ngayon ay kumpirmahin ang pagiging itinakda ni Alta. Mapoprotektahan na natin siya. Dahil kung pagbabasehan ang kwentong ito, matinding panganib ang kakaharapin niya.”
“Siguro naman nakalagay din diyan kung paano mabubuo ang itinakdang sanggol. Pabasa naman,” ungot ni Nicodemos.
“Shut up, Nicodemos!” aniya at matalim itong tiningnan. Hindi siya komportable na sisilipin nito ang kung anumang pribadong bagay sa hinaharap.
“Fine. I will just buy the book,” nakangising sabi ng lalaki.
“Wala kang mababasa dahil bibilhin ko na kay Jermaine para hindi na ma-publish!” bulyaw ni Kristian.