“I don’t think my wife would agree. Naipasa na niya sa publisher at inaabangan na ng mga readers niya. Gusto mong magrebolusyon ang mga readers niya? You won’t like it,” anang si Enricus na nakaranas ng backlash nang ipahakot nito ang kopya ng libro ni Jermaine at muntik nang ipasunog para wala nang makabasa pa tungkol sa rojo at Umbra.
“May araw ka rin,” usal niya kay Nicodemos.
“Iyan ang dahilan kung bakit ayaw ni Jermaine na sabihin sa inyo ang kabuuan ng hula o ipabasa ang kwento. May tendency na labanan ang nakatadhana na maaring mas ikapahamak ng iba. O kaya magiging sunud-sunuran lang sa nakasulat,” paliwanag ni Enricus. “Gusto niya na kumilos tayo nang natural at ayon sa hinihingi ng sitwasyon. Para sa kanya, pang-entertain lang ang mga kwento. Kung may matulad man sa kwento niya, iyon ay dahil kusang kumilos ang mga gumanap ayon sa gusto at desisyon nila.”
“May sinasabi ba diyan tungkol sa anak ni Romeo sa ibang babae na hawak ng mga Umbra?” nag-aalalang tanong ni Senyora Aleaja. “Baka may clue kung saan natin siya mahahanap.”
“Wala pong nakalagay sa libro,” wika ni Enricus. “Ayoko siyang pigain dahil alam nating maselan ang kalagayan niya. Sa ngayon, nandito ang lahat ng impormasyon na dapat nating malaman.”
“Panahon lang ang makakasagot ng lahat,” wika ni Pinunong Kaptan. “Ang mahalaga ngayon ay nasa atin si Alta at wala sa mga Umbra. Mas malaking gulo kung hindi siya nasagip sa tamang panahon. Itinakda o hindi, isang malaking problema kung may madadagdag pang mezzo sa hanay nila. Hihintayin natin ang resulta ng blood tracing para malaman kung isang de Angelis si Alta. Walang babanggit sa kanya tungkol sa propesiya. Lalo lang siyang maguguluhan. Sa ngayon ay mananatili siya sa pamilya ko at si Kristian ang may responsibilidad sa kanya.”
“A-Ako po?” tanong niya. “Pero dapat ay mas matinding bantay ang italaga sa kanya.”
“Ikaw lang ang kilala niya at maaring pagkatiwalaan ngayon, Kristian,” sabi ni Lupita. “Hindi madali para sa kanya ang magtiwala sa iba. Isa pa ay ikaw ang nagbigay ng dugo sa kanya. Kailangang makuha mo muna ang loob niya. Ikaw ang nakatakdang lalaki para sa kanya.”
“Nanay, kailangan po ninyong alalayan si Kristian. Nanginginig sa harap ng babae ‘yan. Baka hindi pa niya alam ang dapat gawin,” kantiyaw ni Nicodemos.
Matalim niya itong tiningnan. “Hindi simple ang responsibilidad. Kaya huwag mong gawing biro.”
“Nasa kamay ni Kristian ang buhay ni Alta,” wika ni Aleaja. “Marami pang panganib na dadating sa kanya at ikaw ang makakasagip sa kanya. Kaya ihanda mo ang loob mo. Sa iyo rin nakasalalay ang kinabukasan ng anak ng itinakda - ang pinakamalakas na sanguis.”
AYAW nang dumilat pa ni Alta. Natatakot siyang paggising niya ay nasa mundo na naman siya ng bangungot. Na isa siyang bampira at nakapatay siya ng tao. Doon lang siya at magkukunwaring tulog. Hindi niya kayang harapin ang pangalawang buhay na ibinigay sa kanya.
Hindi niya alam kung anong nangyari sa kanya. Basta ang huli niyang natatandaan ay natagpuan siya ni Kristian na nakalugmok sa gitna ng kagubatan. Narinig pa niya na inutusan siya nito na huwag nang mag-isip, alisin sa isipang may napatay siya, maligo at matulog ng mahimbing. Bahagya niyang idinilat ang mata at tiningnan ang damit na suot niya. Bago at malinis ang damit na suot niya. Hindi na rin nanlilimahid ang pakiramdam niya.
Bumalikwas siya ng bangon. Malamang ay isinailalim siya sa hipnotismo ni Kristian kaya naging sunud-sunuran siya dito. May nagpaligo sa kanya at nagbihis habang wala siya sa sarili. At di niya alam kung ano pang ginawa sa kanya habang nasa ilalim ng impluwensiya nito. Baka naman may pinatay na naman siyang tao. Sinapo niya ang noo. Anong gagawin niya?
“Mabuti po nagising na kayo, Ma’am,” magalang na wika ng isang babaeng nakayukod at nakasuot ng pang-maid na damit. Inangat nito ang mukha at ngumiti sa kanya. “Nagugutom po ba kayo o gusto ninyong maligo muna. Gusto po ba ninyo magbabad sa bathtub?”
Nanlaki ang mata niya nang makilala ito. “Estancia?” Nagtayuan ang lahat ng balahibo niya sa katawan at napasiksik sa gilid ng kama. Hindi lang mga bampira ang totoo kundi pati mga multo. Hindi matahimik ang kaluluwa nito dahil sa pagkakapatay niya dito. “P-Patawarin mo ako. Hindi ko sinasadyang patayin ka. Ayokong maging ganito. Ayokong maging bampira.”
“Ma’am, huwag po kayong matakot. Hindi po ako multo,” natatawa nitong sabi. “Hindi rin po ninyo ako napatay. Buhay po ako. Uminom lang kayo ng dugo sa akin pero hindi ninyo ako napatay. Hindi ba sinabi sa inyo ni Sir Kristian?”
“B-Buhay ka? Hindi ka patay?” tanong niya.
“Opo. Maari po ninyong inumin muli ang dugo ko kung gusto ninyo. Handa po akong maglingkod sa inyo,” magalang na wika ni Estancia. “Kami po ay nilikha upang magsilbi sa mga anak ng buwan. Ako po ay isang fidele, Ma’am. Mula po sa aming mga ninuno ay ito na ang aming gampanin. Ilang beses na po akong nag-aalay ng dugo subalit buhay pa rin ako hanggang ngayon. Wala pong pinapatay na tao ang mga anak ng buwan. Ang mga Umbra lamang ang pumapatay ng tao para mabuhay.”
“Sino ang mga Umbra?” tanong niya.
“Si Sir Kristian po ang magpapaliwanag sa inyo ng lahat. Pupunta daw po siya dito kapag nakaligo na kayo at nakainom na kayo…”
Sunud-sunod na iling ang ginawa niya. “Ayoko nang uminom ng dugo ng tao. Baka makapatay na ako sa susunod.” It didn’t give her any comfort that Estancia was alive. Hindi niya alam kung anong pwedeng mangyari sa susunod. Subalit anong gagawin niya lalo na’t nakakaramdam na naman siya ng gutom. “Lumayo ka sa akin. A-Ayokong saktan ka.”
“Inumin ninyo ito para bumalik ang lakas ninyo,” masuyong wika nito at inabot ang baso ng brown na likido sa kanya.
Nakakunot ang noo niyang inamoy iyon. “Ano ‘to? Chocolate drink? Pwede akong uminom nito?” Sinamyo niya ang mabangong amoy ng tsokolate. “P-Pwede akong kumain ng pagkain ng tao? Pwede akong hindi uminom ng dugo?”
“Inumin muna ninyo iyan at itanong po ninyo kay Señor Kristian lahat mamaya.”
“H-Hindi ka natatakot sa katulad ko? Katulad nila?” maingat niyang tanong. Malay ba niya kung naiimpluwensiyahan lang ito ng mind control ng mga bampira gaya niya.
Umiling ito at ngumiti. “Alam ko po na natatakot kayo pero mabubuti silang nilalang. Hindi sila nananakit ng tao. Minsan mas demonyo pa nga ang ibang tao kaysa sa mga katulad nila. Ligtas po kayo dito.”
Dapat ba niya itong pagkatiwalaan? Dapat ba niyang pagkatiwalaan si Kristian matapos siyang traidurin ng kaibigan niya? May pagpipilian ba siya? Sa mga ito lang nakasalalay ang buhay niya sa ngayon. Hindi pa sapat ang lakas niya. Kailangan muna niyang malaman kung paano mabuhay sa bago niyang mundo. Kailangan niyang bawiin ang lakas niya. At kapag malakas na siya, pagbabayarin niya ang sumira ng buhay niya.