HINDI maiwasang mailang ni Alta habang sinusuklayan siya ni Estancia. Tapos na siyang maligo ngunit nakasunod pa rin si Estancia sa mga pangangailangan niya. Una ay hindi siya sanay nang pinagsisilbihan siya na parang prinsesa. Parang hindi bagay sa katulad niya na lumaki sa hirap at mahirap pa rin. Pangalawa ay naiilang siya sa matitiim na mga mata ni Kristian na nakatitig sa kanya habang nakaupo ito sa seetee na nasa isang bahagi ng silid. Ano ang iniisip nito sa kanya? Hindi pa rin niya alam kung anong klaseng bampira ito at ang mga kasama nito. Pero kung pagbabasehan ang kwento ni Estancia, mabubuting bampira daw ang mga nandoon.
Paano kung na-hypnotize lang siya para sabihin iyon sa akin? O nautusan para manatiling buhay.
Ano ba ang magiging buhay niya ngayon? Alam niyang di siya pwedeng magtagal sa lugar na iyon. Bampira o hindi, may buhay na naghihintay sa kanya sa labas kasama ang mga tao. Pero paano pa siya babalik sa normal na buhay kung bawat taong makikita niya, gusto niyang inumin ang dugo?
“Kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong ni Kristian matapos siyang suklayan ni Estancia at iwan silang dalawa sa silid.
“Matapos kong inumin ‘yung chocolate drink, okay na ako.” Isang simpleng ngiti ang ibinigay niya dito sa salamin. Mabuti at wala na ang pangil niya. Hindi na siya nagugutom o nauuhaw sa dugo. “Hindi na rin ako naghahanap ng dugo. Mabuti at pwede pa rin akong kumain ng normal na pagkain.”
Hindi pa rin nagbago ang ekspresyon ng mukha nito. “Alam ko na marami kang tanong sa akin. Marami kang gustong malaman. Maari mo nang simulan.”
"Anong meron sa kuwartong 'to?" tanong niya at luminga. Nang lumabas siya sa kuwartong iyon kagabi ay saka niya naring ang mga malalakas na ingay. Ultimo ang huni ng mga kuliglig ay nakakabingi sa kanya.
"Ginawa ito para sa mga bagong sanguis. Para hindi sila manibago paggising nila mula sa sanguis coma."
"Sanguis coma?"
"Kapag kinagat ka ng sanguis, twenty-four hours kang matutulog. Magiging sobrang hina ng tibok ng puso mo na aakalain ng mga espesyalista na patay ka na. Paggising mo, bampira ka na. Kaya maraming mga nakagat ng bampira ang inaakalang patay at inililibing o inilalagay sa kabaong dahil tumitigil ang pagtibok ng puso nila. Paggising nila nakalibing na sila. Kaya may mga portrayal ng bampira na natutulog sa kabaong."
"Natutulog kayo sa kabaong?"
Ngumiwi ito. "No way! 'Yung ibang matatandang sanguis galing Europe ang hilig sa kabaong pero hindi dito sa loob ng Valle. Nakakasira iyon sa glamorous image ng club."
"Bakit kung anu-anong naririnig ko kanina at nakikita? Parang nasisiraan ako ng bait."
"Your senses are heightened now. Mas malinaw ang paningin mo at mas malakas ang pandinig mo. Mas mabilis ka ring gumalaw. Kaya maraming mga tao ang di kinakaya ang pagiging bagong bampira. Nasisiraan sila ng bait. Mga malalakas lamang ang natitira. Ang iba hindi kinakaya ng katawan ang transition at namamatay. Meron nagsu-suicide at nagpapakasunog sa araw."
"Hindi ko alam kung kakayanin ko ang buhay na ganito," malungkot niyang usal. Naguguluhan na siya sa dapat niyang gawin. "Nasaan tayo? Anong lugar ito?"
“NasaValle dela Luna Rojo ka.” Hinawakan nito ang noo niya at sa isip niya ay nakita niya ang isang paraiso sa gitna iyon ng kagubatan, sa paanan ng bundok. Nagtataasan ang mga puno sa paligid nito at may mga hot and cold spring. May waterfalls din doon na parang di nabubulabog pa ng sibilisasyon ang kagandahan. “It is an exclusive resort… for sanguis.”
Nahigit niya ang hininga. “B-Bampira lahat ng nandito?”
“Yes. Lahat ng sanguis nandito ay miyembro ng rojo o Club Rouge para sa iba. Pinamumunuan kami ng tatlong punong sanguis. Sila ang pinakamatatanda at pinakamalalakas sa amin.”
“Gaano katanda?” tanong niya.
“S Pinunong Kaptan ay nabuhay na wala pa ang mga Kastila sa Pilipinas. Siya ang pinakamatanda sa amin at pinakamalakas. Ang pinakabata sa Council ay two hundred years old.”
Napanganga siya. Ganoon na katanda? Bampira nga pala ang mga ito. Baka kumukurap lang ang mga ito sa paglipas ng panahon. Hindi pa rin siya makapaniwala na may ganoong klaseng nilalang sa mundo. Akala niya ay sa kwento at imahinasyon lamang nabubuhay ang mga ito.
“May mga taong nandito o ibang nilalang na may kapangyarihan ay asawa ng mga rojo. May mga staff din kaming tao na pinagkakatiwalaan namin. Matagal na silang nagsisilbi sa amin katula ni Estancia,” paliwanag ni Kristian.
“H-Hindi ninyo sila kinakain?” marahan niyang tanong.
Natatawa itong umiling. “Dugo ang pangunahing pinagkukunan namin ng lakas.”
“P-Paano kayo nagkaganyan? S-Si Dracula ba?”
Nagsalubong ang kilay nito. “Gawa-gawa lang si Dracula ng mga tao dahil noong unang panahon ay libangan niyang magpahirap at pumatay ng tao. Hindi rin kami lahi ng demonyo o mga anghel na bumagsak sa lupa. Ang mga unang bampira ay anak ng mga diwata ng buwan.”
“Diwata ng buwan?” Sinapo niya ang noo. Mas magulo yata ito kaysa sa inaasahan niya.
“Ang mga mayari o diwata ng buwan ay nakikisalamuha sa mga tao noon. Para sa kanila ay paraiso ang mundo. Gustong-gusto nilang maligo sa mga batis at bukal sa mundo. Wala daw no’n sa buwan. Ang iba ay nakikipag-isa sa mga tao at nagkakaanak. Ang mga anak nila ang tinatawag na sanguinare.
“Iba’t ibang uri ng bampira. Una, ang mga sanguinare. Anak sila ng mismong diwata ng buwan at ng tao. Pangalawa ng isang sanguinare o ipinanganak na bampira sa sanguinare o sa tao.” At ipinaliwanag nito ang level-level ng mga mezzo sanguinare. Mas malakas sila kaysa sa karaniwang tao, mas mabilis, mas matalino at mas matagal ang buhay. Ang mga taong tumatagal ng mahigit isang daang taon ay mga mezzo. Pwede silang mabuhay na tulad ng normal na tao at nagiging bampira lamang oras na kagatin ng ibang bampira. Panghuli ang esclavo. Sila ang mga dating tao na nakagat ng bampira kaya naging bampira.”
“At anong klaseng sanguis ako?” tanong niya. “Narinig ko na sinabi ni Homer at ng kaibigan niya ang salitang mezzo.”
“Isa kang mezzo. Kaya masyado kang mabilis kaysa normal na tao. Mas mabilis ding maghilom ang sugat mo kaysa sa normal na tao at di ka halos nagkakasakit.” Tumango-tango siya dahil totoo ang lahat ng sinabi nito. “Ibig sabihin isa sa mga magulang mo ang bampira.”
Natigilan siya at napaisip. “Sigurado akong tao ang nanay ko.”
“At ang tatay mo?”
Bumigat ang pakiramdam niya. “Hindi ko siya kilala. Minsan lang silang nagkasama ng nanay ko. Iniwan niya si Nanay bago pa niyang malamang buntis si Nanay sa akin.” Marahan niyang inangat ang tingin kay Kristian. “Dahil ba sa pagiging mezzo ko kaya ako inatake at gustong gawing bampira nila Homer? Bakit ibang bampira sila sa inyo?”
Tumayo ito. “Mga Umbra ang tawag sa kanila. Ang pinuno nila ay isang esclavo. Sila ang mga bampirang naniniwala na pagkain lang ang mga tao. Hindi sila mangingiming pumatay. Sila ang mahigpit na kalaban naming mga rojo. Galit sila sa amin dahil pinoprotektahan namin ang mga tao. Noong una nagkakasya na sila sa paggawa ng iba pang esclavo. Nang huli, nagsisimula na silang maghanap ng mga mezzo para mas lumakas ang grupo nila. Matagal ka na nilang minamanmanan. Isa pa sa dahilan kaya kumukuha sila ng mezzo ay dahil di maaring magkaanak ang mga esclavo sa tao man o sa kapwa nila esclavo. Kaya kumukuha sila ng mezzo na ipinanganak na may dugong bampira.”
Nahigit ni Alta ang hininga. “Ibig sabihin g-gusto nilang dalhin ko ang anak nila para mas lumakas ang grupo nila?”
Naalala niya ang sinabi ni Homer bago siya kagatin. Akin ka na.
Kinilabutan siya at niyakap ang sarili. “Ibig sabihin kung hindi ninyo ako nakuha baka pilitin nila akong pumatay ng tao at…” Ayaw na niyang isipin na makakapatay siya ng tao. Mas gugustuhin na lang niyang mamatay kaysa pumatay g kapwa niya dahil lang sa dugo at pagsilbihan ang masasamang bampira. Hindi yata niya gugustuhing sumayad pa muli sa kanya ang kamay ng kahit sinong Umbra.
Umuklo ito sa harap niya at ginagap ang kamay niya. “You don’t have to worry. Ligtas ka dito. Hangga’t mananatili ka dito sa loob ng Valle, hindi ka nila sasaktan. Poprotektahan kita.”
“Pero di iyon garantiya na hindi ako papatay ng tao.”
“Tuturuan ka namin ng dapat mong malaman kung paano mamuhay bilang isang rojo. Kung paano mo ring poprotektahan ang mga tao sa paligid mo. Kaya mong kontrolin iyan. Maraming katulad mo na namuhay bilang tao bago naging bampira. Maraming susuporta sa iyo.”
Subalit hindi pa rin mapanatag si Alta. “Hindi ako pwedeng dito lang. May buhay rin ako sa labas. May pamilya ako. May mga pangarap din ako.”
“Tutulungan ka namin na maging normal kahit paano ang buhay mo. Pero sa ngayon dito ka muna at makikinig ka sa lahat ng ibibilin namin. Hindi ko maibabalik ang pagiging normal na tao mo. Tutulungan kita sa bago mong buhay. Hindi ito magiging madali kaya kailangan din namin ang kooperasyon mo.”
“Alam ko. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula,” nanlulumo niyang usal. Hirap na nga siya sa buhay niya bilang tao. Mas lalo naman bilang isang bampira.
“Let me help you. Pwede mo ba akong pagkatiwalaan?” tanong nito at direkta siyang tiningnan sa mga mata.
Natigilan ang dalaga. Isang bahagi niya ang natatakot magtiwala kay Kristian. Isa pa rin itong bampira. Hindi niya alam kung sadyang mabuti lang ito o may iba pa itong agenda. Hindi niya alam kung nagsasabi ito ng totoo. Mahirap nang magtiwala.
Pero sinasabi ng puso niya na ito lang ang pwede niyang makapitan sa ngayon. Na mas ligtas siya kapag nasa tabi niya ito. Ito ang nagligtas sa kanya mula sa mga Umbra, mula kay Homer na itinuring niyang kaibigan.
Tumango si Alta. Kung hindi man siya magiging normal na tao, basta huwag lang siyang matutong pumatay ng tao. “B-Bukod ba sa pag-inom ng dugo ng tao ay may iba pa akong maarng inumin? A-Ayoko nang maulit ang nangyari kay Estancia. M-May ininom ako kanina na parang chocolate. Ibig sabihin ay maari akong kumain gaya ng normal na tao.”
Huminga nang malalim si Kristian at ginagap ang kamay niya. “That’s enough question for now. Masasagot ang iba mo pang mga tanong sa pananatili mo dito. Oras na para makilala mo ang mga pinuno ng rojo. Gusto ka nilang makilala.”
Hindi siya tuminag sa pagkakaupo sa kama. Mahigpit niyang hinaklit ang kobre-kama sa kamay niya. “M-Mga sanguis sila na malalakas. Paano kung hindi nila ako gusto…” Parang hindi pa siya handang makakita ng iba pang mga bampira.
“Isa ka na sa amin ngayon, Alta. Ako na mismo ang titiyak na hindi ka nila sasaktan. May mabubuti at masasamang sanguis. Kahit noong tao ka pa, may mabubuti at masasamang tao. Hindi ba may tiwala ka sa akin?” Tumayo ito at inilahad ang kamay sa kanya. “Sumama ka sa akin. Kundi ka lalabas sa kuwartong ito dahil sa takot, kailan ka pa masasanay sa bago mong buhay at makikihalubilo sa iba? Kapag nakilala mo na kami at nagdesisyon ka na di mo gustong maging kabilang sa amin, hahayaan ka na namin kung saan mo gustong pumunta. Malaya ka nang makakaalis dito sa Valle.”
Hinawakan niya ang kamay ni Kristian. Tanggap niya na di pa siya handa na humarap sa mundo bilang isang bampira. Kailangan niya ang pag-alalay ng binata - may agenda man ito o wala. She loved the warmth of his hands enveloping hers. He was still her hero. Kahit siya umalis ng Valle basta mananatili ito sa tabi niya.