Beneath the Summer Solstice Moon Chapter 23

NAKAKAPIT nang mahigpit si Alta sa braso ni Kristian habang naglalakad sila sa hallway ng mansion. Nakakailang ang laki at garbo ng naturang bahay. Parang naglalakad siya sa isang palasyo. Di niya iyon masyadong ininda kanina dahil nanghihina siya. Gawa sa makintab na kahoy ang sahig.

Napansin niya ang mga paintings na nakasabit sa hallway. Two men, so legally dressed with a beautiful and elegant female in the middle. Kung titingnan ay mukhang di lumalagpas ng mid-thirties ang mga ito. Subalit may kakaibang kislap sa mga mata ng mga ito na nagsasabing higit na matanda ang mga ito sa itsura ng mga ito. Na parang napakarami nang pinagdaanan ng mga ito.

"They are the clan leaders. Si Pinunong Kaptan Maharlika. Si Tatay."

Pamilyar ito sa kanya dahil sikat itong businessman at ang mga kompanya nito ay pinararangalan dahil maganda ang pagtrato sa mga empleyado.

"Tatay mo siya?" Namangha siya dahil bata pa rin ang itsura niya. Ang pagkakatanda niya ay sinabi ni Kristian na buhay na ito wala pang panahon ng Kastila. Ilang taon na ito kung ganoon?

"Not my biological father. Matagal nang patay ang mga tunay kong magulang.”

“Anong nangyari sa kanila?” tanong niya. Ano ba ang nakaraan nito? Ano ang nagdudulot ng lungkol sa mga mata nito?

Isang babaeng morena na may mahaba at itim na buhok ang sumalubong sa kanya. Mukhang mabait ang babaeng iyon. "Kristian, siya na ba iyon?"

"Opo. Alta, my mother, Lupita Maharlika.”

“Nanay?” bulalas niya saka niya naalalang bampira nga pala ito. “A-Ang bata pa po pala ninyo.” Parang hindi nalalayo ang edad nito sa kanya.

“Buhay na ako bago pa dumating sila Magellan sa Pilipinas. Kung nasakop ni Magellan ang Mactan, maaring ang balangay na namin ang sunod nilang sasalakayin,” sabi nito. “Kung nagkataon ang asawa ko ang nakalaban niya.”

Napanganga siya. Ganoon na ito katanda? Saka niya naalala ang kwento ni Kristian. Nabuhay ang mga tumatayong magulang nito bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas. Parang napaka-interesanteng makipagkwentuhan sa mga ito tungkol sa kasaysayan.

Nakangiti nitong ibinuka ang mga bisig at niyakap siya. “Alam ko na natatakot ka sa mga pinagdaanan mo. Iniisip mo na mag-isa ka lang. Pero nandito kami. Nahihirapan ka sa pinagdadaanan mo pero naiintindihan ka namin.”

Her words were soothing. Kahit ang mga yakap nito ay mainit. Parang yakap ng isang ina. Matagal nang panahon nang huli niyang naramdaman ang ganoon kainit na yakap. Kahti sa tiya niya ay hindi niya naramdaman ang yakap na iyon. Ni hindi siya nito niyakap nang mamatay ang nanay niya.

“Thank you po, Ma’am,” mangiyak-ngiyak niyang usal.

“Nanay na lang ang itawag mo sa akin. Nanay ako ng lahat ng nandito. Kung may kailangan ka sabihin mo lang sa akin. Bahagi ka na ng pamilya namin, Alta.”

Gusto niyang maiyak. Naalala niya ang nanay na matagal na niyang di nakita. Nadama niya ang sinseridad sa yakap nito, sa mga salita nito. She felt… home.

Bahagya itong lumayo sa kanya at ginagap ang kamay niya. “Maayos na ba ang pakiramdam mo? Alam ko nalilito ka pa sa maraming bagay. Lahat ganyan sa simula. Hindi kami masasamang bampira.”

Tumango ang dalaga. “Sinabi po sa akin ni Kristian ang tungkol sa inyo. Salamat po sa pagtanggap ninyo sa akin. K-Kung hindi po dumating si Kristian baka wala na akong habas na pumatay ng tao ngayon kasama ang mga Umbra.”

Ngayon na lang niya na-realize na maswerte siya. Paano kung nakuha siya ng mga Umbra? Baka wala na siyang sariling bait at wala nang konsensiya. Kahit ano gagawin niya para lang makainom ng dugo at mabuhay. At kung pipilitin siyang magkaanak ng mga ito, tiyak na magiging mamamatay-tao din ang magiging anak niya. Nakakapangilabot isipin kung iyon ang magiging buhay niya.

“Habang nandito ka kasama namin ligtas ka. Ipinapangako ko iyan,” paniniyak ng matandang babae.

Ngayon niya mas naramdaman na welcome siya sa lugar na iyon. Pakiramdam din niya ay may nanay ulit siya dahil kay Lupita. Mabait ang ngiti nito. Naalala niya ang nanay niya. Ang kaawa-awa niyang ina. Hindi nito alam na isang bampira ang lalaking minahal nito.

Pumasok sila sa eleganteng silid na colonial ang interior. Mataas ang kisame na napapalamutian ng eleganteng chandelier na gawa sa Kristal. Parang nasa isang eleganteng lobby sila ng hotel. Sa dulo ay may tatlong trono. Nakaupo ang dalawang lalaki doon na parehong makisig at mukhang kagalang-galang. Ramdam nila ang malakas na enerhiyang nagmumula sa mga ito, nagsasabi na di ito basta-basta mga tao. It was an overwhelming energy. Nakaka-intimidate. Ganito rin ang pakiramdam niya ang makaharap niya ang presidente ng Pilipinas noong linggo.

These two men spoke of power. Di kailangang magsalita ng mga ito.

Naramdaman niya ang paghawak ni Kristian sa siko niya at iginiya siya palapit sa dalawa. “Alta, ipinakikilala ko sa iyo ang mga pinuno ng rojo. Si Pinunong Kaptan Maharlika, ang pinakapuno sa tatlong sanguinare.”

“Ikinagagalak kitang makilala, Alta,” pormal na bati nito at kinamayan siya. Isa daw itong rajah. Moreno ang balat nito at katamtaman ang tangos ng ilong. Mahaba rin ang buhok nito na nakapusod. Ito ang patunay na di mapuputla ang mga bampira. Noong una ay inakala niyang istrikto ito subalit ngumiti ito sa kanya. “Ibig sabihin nadagdagan na naman ang anak ko. Ngayon lang may idinalang babae si Kristian sa bahay namin.”

Naramdaman niya ang pag-iinit ng pisngi niya. “Hindi naman po…” Nilingon niya bigla si Kristian na nakakunot ang noo. Kinabahan siya. Hanggang saan ba ang nalalaman ng isang sanguis sa kanya? Paano kung nabasa ni Kristian ang nakita niya dati nang hawakan siya nito? Nang makita niyang hinalikan siya nito.

“Huwag mong tuksuhin si Alta. Behave!” utos ni Lupita at ipininid ni Pinunong Kaptan ang bibig. Lalong nag-iba ang tingin niya sa pinuno ng mga bampira. Mukha itong malakas at makapangyarihan subalit napapatahimik ito ng asawa nito.

Napansin niya ang pinipigilang tawa ni Kristian. Mukhang madalang ang ganoong eksena na may mag-utos sa ama nitong pinuno ng mga bampira. Parang isang normal na pamilya lang ang mga ito. Hindi niya naranasan na maging bahagi ng isang buong pamilya. Posible bang sa lugar na iyon niya maranasan na magkaroon ng sarili niyang pamilya?

“Kristoff de Angelis,” pagpapakilala ng isa pang miyembro ng Council at kinamayan siya. Moreno din ito subalit mamula-mula ang balat. Matangos ang ilong nito at maitim ang mata. Hindi niya maipaliwanag kung bakit parang may kumudlit sa puso niya nang pagmasdan ito. Magaan ang loob niya dito kahit na hindi niya ito kilala at mukha itong masungit.

“Si Padrone Kristoff ang head ng security. Ang mga ninuno niya ay nagmula pa sa mga Roman soldiers,” paliwanag ni Kristian.

“May ilang mga bagay lang akong kailangang malaman tungkol sa iyo, for security purposes,” sabi ni Kristoff. Inilahad nito ang kamay. “Dito tayo.”

Idinala siya nito sa isang mas maliit na silid. Elegante rin iyon subalit parang nakakasakal dahil kulob. “Relax. Kailangan lang nila ng impormasyon tungkol sa iyo lalo na’t parte ka na ng pamilya namin,” sabi ni Lupita at tinabihan siya. “Pwede ka naming kuhanan ng impormasyon sa pamamagitan ng pagbasa sa utak mo pero mas gugustuhin namin na kusa mo iyong ibigay. Parang nagkukwentuhan lang tayo dito.”

Tumango siya at hinayaan na magbato ng tanong si Kristoff. Noong una ay kinabahan siya subalit simple lang naman ang tanong ng mga ito sa kanya tungkol sa buhay niya. “Sino ang bampirang umatake sa iyo?” tanong ni Kristoff.

"Homer po. Homer Fernandez. Matagal-tagal na rin po kaming magkasama sa Philippine Team. Medalist din po siya. Magkaibigan po kami. Parang bestfriend ko nga po siya," napapailing niyang sabi. “Hindi po ako makapaniwala na magagawa niya iyon sa akin. Na may iba pa siyang motibo sa pakikipaglapit sa akin.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.