Minsan pakiramdam niya na may gusto sa kanya si Homer. Kahit ang mga kasamahan niya ay nararamdaman na interesado ito sa kanya. Pero hindi naman ito nanliligaw. Para sa kanya kasi kapag kaibigan, kaibigan lang ay kailangan lang talaga. Ayaw niyang haluan ng ibang kulay. Iyon pala ay higit pa sa pakikipagkaibigan ang gusto nito. He wanted her soul.
"Noon ka pa binabantayan ng mga Umbra,” wika ni Pinunong Kaptan. “Iyan ang gawain nila. Nag-aabang sila sa mga lugar kung saan posibleng matagpuan ang mga mezzo. Ang mga mezzo ay nabubuhay tulad ng normal na tao pero mas malakas, mas mabilis at mas matalino kaysa karaniwang tao. Gusto nilang mailabas mo ang lahat ng potensiyal mo bago ka nila kunin para maging parte ng grupo nila."
"Paano po nila nalaman ang tungkol sa akin?" tanong ni Alta.
"May mga tao na nakakakita kung tao ka lang o isang sanguinare o mezzo na di pa nagiging sanguis. Iyon ang binabantayan nila para palakasin ang pwersa nila," wika ni Kristoff.
Nanlamig ang dalaga. Paano kung marami pang mga mezzo na tulad niya ang nariyan at binabantayan ng mga Umbra para gawing halimaw na pumapatay ng tao.
"Nahuli na po ba si Homer?" tanong niya. Kung mahuhuli ito ay maaring maituro nito kung nasaan pa ang iba mga Umbra. Ayaw niyang may mabiktima pa ang mga ito.
"Hindi pa subalit natitiyak naming buhay pa siya at babalikan ka niya,” sabi ni Kristoff.
Lalo siyang kinilabutan. Ayaw na niya itong makaharap. “Anong laban ko sa katulad nila?” nangangatog niyang tanong. Ayaw na nga niyang makita pa si Homer o kahit sinong mga Umbra. Nanlalata na siya maalala pa lang ang itsura ng mga ito, ang mga mata nito na ang intensyon ay pumatay.
“Gusto mo ba ng hot chocolate? Nanginginig ka. It will soothe you,” nag-aalalang wika ni Lupita at pinisil ang braso niya. Nang tumango siya ay lumapit ito sa intercom para magpakuha ng hot chocolate.
Maya maya pa ay ipinasok na ng babaeng nagpakilalang Loreta ang hot chocolate niya. “Salamat, Loreta,” sabi niya at ininom ang mainit na tsokolate hanggang kumalma siya. “A-Ano pong gagawin ko kapag bumalik ang mga Umbra?”
“Handa kaming protektahan ka,” desididong sabi ni Kristoff.
“H-Hindi po ako umaasang lagi ninyo akong poprotektahan. Nakakahiya pong mang-abala. Kung may mapagtataguan po sana ako…”
“Hindi mo kailangang laging magtago,” anang si Kristoff at tiningnan siya ng mga mata nito na magkahalong asul at abo. “Isa kang mezzo. Isa kang malakas na sanguis. Ang mga Umbra ang dapat na matakot sa iyo. Kailangan lang nating hasain ang lakas at kapangyarihan mo. Matututo kang protektahan ang sarili mo. Basta manatili ka dito sa Valle hanggang handa ka nang labanan sila. Ligtas ka dito.”
"Paano po ang pamilya ko? Baka pati sila guluhin ni Homer at gamitin laban sa akin. At kung mawawala po ako, baka po mahirapan sila sa ikabubuhay nila. Umaasa po sila sa akin. Sila na po ang pamilya ko nang mawala ang nanay ko.”
“Kahit na pinagmamalupitan ka ng tiyahin mo?” tanong ni Kristian.
Gulat niya itong nilingon. “Paano mo nalaman?”
Kristian curled his lips. “Ikinuwento sa akin ng coach mo.”
Di naman kaila sa mga kasamahan niya ang pinagdaanan niya mula pagkabata. Siguro ay naawa lang ito sa kanya kaya naikwento kay Kristian. Hindi niya ugaling ikalat ang drama ng buhay niya. At ayaw din niya na sinisiraan ang pamilya niya sa iba. Gusto lang niyang may mapaghingahan ng sama ng loob minsan kaya naikwento niya sa coach niya.
Huminga siya ng malalim. “Kung wala sila, hindi ko na alam kung anong nangyari sa akin nang mawala ang nanay ko. Mas mabuti na ang may pamilya kaysa wala. Baka pati po sila idamay ni Homer at gamitin para makuha ako. Inosente po sila lalo na ang mga pinsan ko.”
"Poprotektahan namin ang pamilya mo. Nasugatan ng kasama kong si Hideo si Homer. May lason ang kuko niya. Buhay pa si Homer pero sigurado ako na manghihina siya," wika ni Kristian.
Napalunok siya. “Hanggang kailan po ba ako dito? May training po kasi ako. Malaki po ang inaasahan sa akin.” Nakikita niya ang sarili sa Asian Games at sa Olympics sa hinaharap pero lumalabo na iyon.
“Pwede kang dito muna mag-training. Ako na ang bahalang kumausap sa coach mo,” sabi ni Pinunong Kaptan. “Alta, hindi ka pa namin mapapayagan na basta-basta bumalik sa normal mong buhay. Marami kang kailangang matutunan. Marami kang kailangang malaman. Batang bampira ka pa kaya kapag hinayaan ka namin, baka tingin mo sa lahat ng tao pagkain.”
“At hindi ka rin pwedeng mag-training kasama ang mga kasamahan mo. Masusunog ka pa sa init ng araw,” dagdag ni Kristian.
Nahigit niya ang hininga. “Pero nakita kita na nakakapaglakad sa init ng araw. Nakakalabas ka kapag umaga.”
“Kailangan ng anim na buwan para masanay ang balat mo sa bagong kondisyon ng katawan mo. Saka ka lang makakagamit ng sunscreen para sa mga sanguis,” paliwanag nito.
Anim na buwan. Nakapakatagal noon. “Pero pwede pa rin akong makisalamuha sa mga tao, hindi ba? Kakain na lang ako bago makihalo sa kanila. Hindi ba pwede naman pong kumain ng normal na pagkain ang mga tulad ninyo… natin,” apela niya sa mga nakatatandang bampira.
“Anim na buwan bago ka makakain ng normal na pagkain,” sabi ni Lupita.
“Pero nakainom po ako ng chocolate kanina,” wika naman niya at tiningnan ang tasa ng hot chocolate na wala nang laman.
“That’s Chocoblood,” sabi ni Kristian.
“C-Choco ano? D-Dugo?” Gusto niyang magtitili at magalit dito. Pakiramdam niya ay pinaglaruan siya nito. Napaikot. “Sabi ko hindi ako iinom ng dugo ng tao, hindi ba?”
“Relax. That’s synthetic blood. Gawa iyon sa iba’t ibang klase ng katas ng halaman para magmistulang dugo. Iyan din ang ginagamit sa mga ospital ngayon lalo na’t mahirap maghanap ng donor sa dugo para sa kailangang salinan ng dugo,” paliwanag ni Kristian.
Napalunok siya at dahan-dahang umupo. “S-Sigurado ka? H-Hindi iyon totoong dugo?”
“Si Claude ang nakadiskubre niyon. Paraan iyon para hindi na uminom pa ng dugo ng tao ang mga bampira. May option na kami ngayon,” paliwanag ni Pinunong Kaptan. “Ginagawan namin ng paraan para hindi na magsakripisyo pa ng buhay ng tao para sa pagkain namin. Iba sa mga bampira ay hinahanap pa rin ang tunay na dugo. Iba ang lakas na nakukuha namin sa tunay na dugo kumpara sa normal na pagkain ng tao.”
“Iinom po ako basta huwag lang akong iinom ng dugo ng tao o hayop.” Pinagsalikop niya ang mga kamay. “K-Kasi nakakaawa po ang mga hayop.”
Tumawa si Kristoff. “A very gentle sanguis. May naalala tuloy ako sa iyo.”
“Sino po?” tanong niya.
Isang tipid na ngiti ang ibinigay nito. “Kukunan ka namin ng blood sample. Baka sakaling malaman natin kung saang lahi ng bampira ka nagmula.”
“P-Parang DNA test po? Pwede kong malaman kung sino ang tatay ko?” tanong niya.
“Oo.” Kumunot ang noo ni Kristoff. “Ayaw mo ba?”
Hindi agad siya nakakibo. Hindi niya alam kung gusto niyang makilala ang lalaking nang-iwan sa kanilang mag-ina. “Ayaw mo bang maging parte ng isang pamilya?” tanong ni Lupita.
“Akala ko po kayo na ang pamilya ko,” sabi niya. Natatakot siyang mawala ang pamilya na tumanggap sa kanya.
“Alam ko nagtatanong ka pa rin sa sarili mo kung saan ka nagmula. Hindi mo alam kung sino o ano ang ama mo,” malumanay na wika ni Lupita. “Kahit naman anong mangyari nandito kami para sa iyo.”
Pumikit siya nang maramdaman niya ang pagkagat ng karayom ng hiringgilya sa braso niya. Malalaman din niya kung ano ang isang bahagi ng pagkatao niya. Hindi niya alam kung anong naghihintay sa kanya. Paano ba mabuhay nang habambuhay?