Beneath the Summer Solstice Moon Chapter 25

Naramdaman ni Kristian ang paghilig ni Alta sa balikat niya kasunod ang pagbagsak ng libro na naglalaman ng lahat ng dapat nitong malaman tungkol sa mga rojo. Her body was soft against his hard body and her scent was sweet. Hinawi niya ang buhok na tumatabing sa mukha nito. So angelic, so trusting. Inalalayan niya ito para mas maging komportable ito sa pagkakahilig sa kanya. Kanina ay nakikipagtawanan pa ito sa kwentuhan nila. Mas komportable na ito ngayon at paunti-unti ay naiintindihan na nito ang bago nitong buhay.

"Nakatulog na siya," sabi ni Lupita at dinampot ang libro. "Malapit nang sumikat ang araw. Hindi na kinaya ng katawan niya."

"She's sleeping like a baby," komento ni Kristoff.

"She is a baby," wika ni Pinunong Kaptan. “Buhatin mo na siya at ibalik sa kuwarto niya. Kailangan mo ring magpahinga. Papasok ka pa ba ng opisina?”

Tumango siya at isinandal muna sa sofa si Alta saka ito binuhat. “Ayoko po sanang iwan si Alta. Baka kailangan pa niya ako. Hindi ko siya basta-basta maiiwan. Pero ako ang gustong makausap ng kliyente ko bago siya bumalik ng South America.”

She was still fragile. A baby sanguis. Nakadepende pa ito sa kanya.

She was a beautiful, young woman. Sinasabi niya sa sarili niya dati na kahit kailan ay di niya uunahin ang babae kaysa sa negosyo. Hindi siya magpapadala sa ganda ng isang babae para kalimutan niya ang priority niya. But for Alta, he was willing to leave everything.

Hinaplos ni Lupita ang noo nito. “Makakatulog na siya ng mahimbing. Umuwi ka na lang dito sa gabi para hindi siya mag-alala. I am sure mas gusto ka pa rin niyang makasama kaysa sa amin. Masyado siyang maraming inaalala at responsibilidad na maiiwan.”

“Ako na po ang bahala sa lahat ng iyon,” wika niya at lumabas ng kuwarto.

Iyon ang ipinagkaiba nila ni Alta. He had a pampered life. Nabuhay siya sa karangyaan kaya nakalimutan niya ang mga importanteng bagay sa buhay niya. Kinalimutan niya ang pamilya niya. Habang si Alta naman ay lumaki sa hirap at maagang naulila. Ang kakaunting tagumpay na tinatamasa nito ay pinaghirapan nito. Parang kung kailan makukuha na nito ang tagumpay ay saka pa nawala ang pagkakataon dito. Hindi pa siguro nagsi-sink in dito ang lahat subalit baka dumating ang panahon na sisihin siya nito dahil ginawa niya itong bampira. Gagawin niya ang lahat para protektahan ito at mas maging normal ang buhay nito.

Ihinilig nito ang pisngi sa balikat niya. She smelled like rose and milk. Then he remembered her milk bath. No woman had ever smelled this good. Bagay sa kainosentehan nito. Narinig niya ang mabilis na pagtibok ng puso niya. Matagal nang hindi tumitibok ng ganoon ang puso niya. Akala nga niya ay wala na siyang puso mula nang maging bampira siya. But when he met Alta, it started to beat again. Anong ginagawa nito sa kanya? Isang responsibilidad lang ito sa kanya. Wala nang iba.

“Kristian,” usal nito nang ibaba niya sa kama. May ngiti sa labi nito nang tawagin ang pangalan niya. Nananaginip ba ito tungkol sa kanya? And she was smiling.

She looked more beautiful now. He wanted to kiss her and make love with her. The urgency was so great. Attracted siya dito noong una pa lang. So what? It was natural. Mataas ang sexual urgency ng mga bampira lalo na sa mga di umiinom ng dugo.

There was another counterpart for blood addiction. Having sex with a woman could offer the same kind of high. And during the climax, he can extract his partner's life force. May ibang bampira na sa puntong iyon kumakagat ng ka-partner ng mga ito. It gives a certain kind of high.

Pero iba kay Alta. He wanted to make love with her and protect her at the same time. Di niya ito hahayaang masaktan. Hindi ito ang tipo ng babae na basta na lang itatapon sa isang tabi matapos ang isang gabi. At hindi rin niya hahayaan na may ibang lalaking tumrato dito ng di maganda na parang isa lang itong bagay. He was willing to kill for her.

Bumukas ang pinto at pumasok si Lupita. Nakita niya ang kakaibang ngiti nito. Saka lang niya napansin ang itsura niya. Malapit ang mukha niya kay Alta na parang hahalikan niya ito anumang oras. Bigla siyang tumuwid at di makatingin nang diretso sa ina. Di rin niya alam ang sasabihin. Daig pa niya ang teenager na nahuling hahalikan ang crush nito. He was not a teenager anymore. He was a grown man.

"Poor girl. Muntik na siyang mapahamak kundi mo sinagip," sabi ni Lupita at inilapag sa mesa ang libro. "I think she's special. Special to you."

"She’s my fledling. Ngayon lang ako nagkaroon ng isang sanguis sa ilalim ko.”

Tumaas ang kilay nito. “Sa ilalim mo? Hindi iyan ang nakikita ko. Hindi ranggo ang pinag-uusapan natin dito. Sa palagay ko noon pa iyan mula nang unang beses kayong nagkita. Naalala mo 'yung kwento mo sa tatay mo? Paano kung siya ang babaeng nakatadhana para sa iyo at mamahalin mo?"

Bigla siyang lumayo sa kama at lumabas ng kuwarto. Sinundan siya ni Lupita sa labas at saka lang siya nagsalita. "Nay, imposible po. Hindi rin ako naniniwala sa tadha-tadhanang iyan."

"Mas maraming tao ang naniniwala sa tadhana at sa pag-ibig kaysa sa ating mga sanguis. Kung tayo ngang mga sanguis nag-e-exist sa tunay na mundo, lalo naman ang pag-ibig. May nakatadhana para sa iyo. Nakita ni Alta na sanguis ka sa unang pagkikita pa lang ninyo."

“Dahil isa siyang mezzo.”

“Hindi iyon kasama sa kapangyarihan niya dahil di niya nakita na sanguis din ang kaibigan niyang si Homer. Samantalang mas matagal silang magkasama. You know there is more. Saka nakikita ko kung paano siya tumingin sa iyo.”

Huminga siya ng malalim. Ayaw niya ng ganitong klase ng usapan at parang tinutukso pa siya ni Lupita. “Ako lang ang kakilala niya dito. Natural lang na parang iba ang tingin niya sa akin. Kung akala ninyo may gusto siya sa akin o may gusto ako sa kanya, siguro dahil ako ang kumumpleto ng pagiging sanguis niya. Wala na pong iba.”

“Bakit ba sarado ka agad?” may halong panenermong tanong nito. “Ganyan din ako sa Tatay mo noong unang beses kaming nagkita. Isang hawak ko lang sa kamay niya ay nalaman ko na isa siyang sanguinare. At wala akong kapangyarihan. Normal lang akong tao noon.”

Hinawakan niya ang balikat nito. “Nanay, huwag na muna nating pagtalunan ito. Hindi man ako naniniwala na destiny na iyan at kahit sa palagay ko imposible akong magmahal, di ibig sabihin pababayaan ko na si Alta. I will protect her. Nothing more."

Matapos ang nangyari sa mga tunay na magulang niya, ayaw na niyang mandamay ng ibang inosente. Minahal siya ng magulang niya subalit naging palalo siya. Ayaw niyang mahalin siya ng isang babae dahil baka sirain lang din niya ang pagmamahal at tiwala nito. Ayaw niyang isipin na may isang tulad ni Alta na magmamahal sa kanya at dadalhin niya sa konsensiya niya.

Isang malokong ngiti ang sumilay dito. "So it’s okay to matchmake her with others? May party si Maria Francesca. Pwede na natin siyang ipakilala sa lahat bilang bagong miyembro ng pamilya natin. She is pretty. Maraming magkakagusto sa kanya.”

Hinaplos niya ang batok niya. “Kayo po ang bahala, Nay. Matutulog na po ako.”

"Huwag kang maninisi kapag sa iba siya nagkagusto."

Naggiyagis ang ngipin niya pagtalikod. Hindi niya kinagat ang pagma-matchmake ng nanay niya sa kanila ni Alta pero hindi niya gusto ang ideya na may ibang bampirang aangkin dito. Now he was torn. He wanted to claim her but he couldn’t. Pero ayaw din naman niya itong mapunta sa iba. Bago sumikat ang araw ay pumikit na ang mga mata niya. Babantayan na lang niya si Alta para hindi ito ma-in love sa maling lalaki. Kasama na siya doon.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.