"ATE ALTA, biglaan naman ang biyahe mo sa China. Hindi ka man lang nagsabi sa amin,” mangiyak-ngiyak ang boses ng pinsan niyang Emaii sa kabilang linya. Nang magising siya ay may bagong cellphone sa tabi niya at may sulat si Kristian kung saan niya pwedeng tawagan ang mga pinsan niya. Wala kasing sariling cellphone ang mga ito.
"Pasensiya na. Sayang kasi 'tong chance ko na i-train ng mga tulad nila. Okay lang ba kayo diyan?" tanong niya. Nagkasundo sila ni Kristian na sasabihin sa mga kamag-anak at kaibigan niya na nasa China siya para sa training kasama ang iba pang lalahok sa Olympics. Na may sponsor siya. Malamang ay ginamitan nito ang hypnotic suggestion ang coach niya para iyon din ang palabasin sa iba.
"Okay na okay kami dito, Ate. Salamat din kasi naihanap mo kami ng mas magandang bahay. Bonus daw 'to para sa pagkakapanalo mo saka may sponsor ka. Kung nandito ka lang, baka mahalikan ka ni Nanay sa sobrang tuwa. Hindi na daw kami sa squatter’s area nakatira."
Bahay? Anong bahay? Hindi yata niya alam ang tungkol doon. Pero mas mabuti siguro iyon para hindi basta-basta masundan ni Homer ang mga ito.
"Okay lang ba kayo diyan? Komportable ba kayo?"
"May mga guwardiya pa nga malapit dito. Feeling ko tuloy celebrity kami,” sagot naman ni Renzie. Naka-speaker phone ang mga ito kaya naririnig siya. “Walang problema, Ate. Tinulungan pa kami ng kaibigan mo na makakuha ng trabaho. Guwapo na at mabait pa. Mahal na namin si Papa Kristian!"
Huminga siya ng malalim. Kung ganoon ay nilubos-lubos na ni Kristian ang pagtulong sa pamilya niya. Simpleng protektsiyon at allowance lang naman ang hinihingi niya. Hindi niya alam kung paano pa ito pasasalamatan.
“Sige. Sasabihin ko kay Kristian na pinasasalamatan ninyo siya.”
“Ate, may girlfriend na ba siya?” kinikilig na tanong ni Emaii. Mukhang crush pa ng mga ito si Kristian. Aagawan pa yata siya.
“Anong girlfriend-girlfriend? Mag-aral kayong dalawa,” sermon niya.
Mas natahimik siya ang kalooban niya nang makausap ang mga ito. Hindi na niya aalalahanin pa kung saan kukuha ng pangkain ang mga ito o kung baka sinasalakay na ng mga Umbra. May tiwala siya kay Kristian na poprotektahan ang mga mahal niya sa buhay.
Tiningnan niya ang relo. Alas otso na ng gabi. Paparating na ito galing sa trabaho. May condo daw ito sa Maynila sabi ni Lupita pero uuwi ito araw-araw para sa kanya. Isinuot niya ang walking shorts at loose blouse. Iyon lang ang komportable para sa kanya na isuot dahil karLupita ng nasa closet ay mga dress na o kaya naman ay palda. Kahit noong bata pa siya ay hindi siya nahilig sa ganoong klaseng damit.
Paggising niya ay puno na ng damit ang closet niya. In-order iyon ni Kristian para sa kanya. Kailangan niyang pasalamatan ang binata sa lahat ng pabor na ginawa nito para sa kanya. Subalit hanggang hagdan lang siya dahil di niya magawang bumaba pa.
Nasa baba ang restaurant, gaming room at bar. Doon din ginaganap ang mga parties at doon ine-entertain ang mga bisita. Nasa second floor naman security area. Iyon din ang nagsisilbing headquarters ng consejo. Sa third floor naman matatagpuan ang kuwarto para sa mga Maharlika. Iyon ang main mansion. May apat pang malalaking mansion doon na pag-aari ng iba pang consejo at tinutuluyan ng iba pang angkan ng mga rojo.
Hindi niya magawang bumaba doon at makisalamuha sa ibang bampira. Ang mga bampirang iyon ay magagara ang mga damit. Di niya makayang humalo sa mga ito kahit na inalok siya nina Lupita at Pinunong Kaptan kanina na samahan niyang maghapunan ang mga ito. Tumanggi siya at sinabi niyang hihintayin niya si Kristian.
Umupo siya sa huling baitang ng hagdan at hinintay ito. "Bakit dito ka naghihintay kay Kristian? Mas maganda yata kung sa lobby mo siya hihintayin."
Nahigit niya ang hininga at biglang tumayo. "Sorry."
Sa baba ng hagdan ay nakatayo ang lalaki na may singkit na mga mata at may kahabaan ang buhok. Naalala niya ang paborito niyang samurai sa anime na si Battosai. Maybe it was the stance. He looked like a warrior. Makisig ang dating nito kahit na simpleng pantalon at white T-shirt lang ang suot nito.
Nakangiti nitong inabot ang kamay sa kanya. "Hideo. Kumusta ka na, Alta?"
Naalala niya kung sino ito. "Ikaw ang isa pang kasama ni Kristian na sumagip sa akin." Kinamayan niya ako nang mahigpit. "Salamat. Utang ko ang buhay ko sa iyo."
Pakiramdam niya ay malakas din itong bampira. Hindi niya alam kung anong problema dito. Nakangiti ito pero parang hindi masaya ang mga mata nito.
"Sana hindi ka nahihirapang mag-adapt sa bago mong buhay. It is not easy. Pero nandito ang bago mong pamilya para bantayan ka. Lalo na si Kristian."
"Alam ko. Mabait siya sa akin,” nakangiti niyang sabi.
Napailing lang ito at binitiwan ang kamay niya.”
"Sa iyo lang mabait iyan. Sa ibang babae kuripot 'yan,” pabulong nitong sabi na parang isang sekreto ang pinagsasaluhan nila.
"Narinig ko iyon,” wika ni Kristian na nakasuot pa ng business suit nito. Nakapamulsa itong umakyat ng hagdan. “And I beg to disagree. I am very generous when it comes to women. I always buy them whatever they want."
"I am not pertaining to material things. Madamot 'yang puso mo,” sabi ni Hideo at tinampal ang dibdib nito.
"Look who's talking ojii-chan,” anang si Kristian at sarkastikong tumawa.
"Ojii-chan?" tanong niya.
Ngumisi si Kristian. "Lolo. Lolo ko na ‘yan, eh!"
"Umakyat na kayo,” pagtataboy ni Hideo. Nawala ang ngiti nito. Mukhang tinamaan ito sa biro nito Kristian sa pagiging lolo nito. Paano nangyari iyon samantalang mas mukha itong bata ng ilang taon kay Kristian. “Baka gutom na si Alta. Kanina ka pa niya hinihintay. " Saka bumaba si Hideo.
"Hindi ka pa kumakain? Hindi ka ba niyaya nila Nanay?" gulat na tanong nito.
"Sabi ko hihintayin kita. May ie-entertain daw silang bisita. S-Saka naiilang kasi ako sa baba. Parang di ako bagay doon. Baka magkalat pa ako.”
Di pa niya kilala ang mga tao doon. Paunti-unti pa lang ang bampirang natatanggap niya sa buhay niya. Hindi pa niya kayang yakapin ng buo ang lahat. Pakiramdam niya ay intruder siya sa mundo ng mga ito. Hindi lang dahil bago siyang bampira kundi halatang may kaya ang mga ito. Baka nga siya lang ang bampirang hampaslupa.
Nakakaunawa itong ngumiti at hinaplos ang pisngi niya. "Doon tayo kakain sa terrace. It's full moon tonight. Magugustuhan mo ang view."