Namamangha si Alta habang pinagmamasdan ang buwan mula sa gilid ng balkonahe ng mansiyon. Parang napakalaki ng buwan at humihinga. Siguro dahil nakita niya nang malapitan ang buwan nang nakaraang gabi.
“Fascinated with the moon?” tanong ni Kristian at nilapitan siya. Ihinahanda pa ang mesa nila para sa hapunan. Nasa third floor sila ng mansion kaya tanaw nila ang ibabaw ng mga puno.
“Iba na ang tingin ko sa buwan ngayon. Parang may buhay na siya. Parang humihinga. Hanggang ngayon ba nandiyan pa rin ang diwata ng buwan?” tanong niya. Parang gusto niyang makita ang mga diyosang pinagmulan ng mga bampira. Gusto niyang malaman kung paano namuhay ang mga ito habang nasa buwan.
Lumungkot ang mga mata nito. “Wala nang mga mayari doon. Dati daw may atmosphere pa ang buwan na pumoprotekta sa mga buhay na nilalang doon. Nagkaroon ng solar flar. Maraming nagkamatay. Tumakas sila at dito nanahan sa mundo. Nakipamuhay sila kasama ang mga tao. Pero iba ang hangin dito sa mundo. Hindi para sa kanila. Sampung taon lang ang itinatagal ng buhay nila dito. Kaya ang mga sanguis ang naiwan sa mga lahi nila.”
Lumapit sa kanila ang waiter para sabihing nakaayos na ang mesa. Na-excite siya nang makitang napaka-romantic ng setting ng mesa nila. May rosas sa vase at may kandila pa sa gitna ng mesa. Ipinag-usod siya ng mesa ni Kristian. “Thank you,” aniya at di alam kung paanong pipigilan ang ngiti niya para itago ang kilig niya. Ngayon lang kasi siya napagsilbihan ng lalaki ng ganoon. Parang noon lang siya nakipag-date.
Tahimik doon kumpara sa baba ng mansion. Sila lang din ang naroon at walang umookupa sa ibang mga mesa sa paligid. Parang solo nila ni Kristian ang mundo.
“Ako na ang um-order para sa atin. Choco-strawberry for you,” sabi nito.
Napansin niya na likido din ang in-order nito. "Nasaan ang pagkain mo?"
"Kapareho na lang ng isa iyo ang in-order ko. Hindi ako pwedeng kumain ng solid food sa harap mo dahil baka mainggit ka lang. Anim na buwan kang diet.”
"Salamat sa konsiderasyon.” Baka mabaliw siya sa pag-iisip ng normal na pagkain kung kumain ng kung anu-ano sa harap niya si Kristian. “At salamat sa pagbibigay ng matutuluyan at proteksiyon sa pamilya ko. Mas komportable sila doon kaysa sa dati naming bahay. Binigyan mo pa ng part-time job ang mga pinsan ko."
"Nakausap mo na pala sila. Hindi ko na nasabi sa iyo na ililipat ko sila ng bahay. Naisip ko na lang nang makita ko ang bahay nila. Mas mahihirapan kaming protektahan sila. Kaya naisip kong ilipat sila sa subdivision na pag-aari ng isa sa consejo. May guwardiya doon na alerto sa anumang banta pati sa mga bampira."
"Hindi na ako mag-aalala habang nandito ako. Sila lang naman ang inaalala ko.” Gusto niyang makabalik sa pamilya niya kapag pwede na siyang mamuhay ng normal.
"Ako ang dahilan kaya ka nagkaganyan kaya responsibilidad kong alagaan ka.”
Responsibilidad? Hindi lang siguro siya sanay na may ibang gumagastos para sa kanya. Pero di naman ibig sabihin ay di niya naa-appreciate ang mga iyon. "Salamat sa mga damit. Nagustuhan ko din 'yung rubber shoes. Mahal din iyon."
"Hindi mo dapat intindihin ang presyo. You need good shoes. Mate-training ka pa rin habang nandito."
“Kristian, hindi pwedeng ibigay mo ang lahat sa akin. Gusto kong magtrabaho. Kailangan kong magkaroon ng silbi dito. Baka naman may pwede akong pasukan dito."
"Sa loob ng anim na buwan marami kang dapat pag-aralan para handa ka nang makisalamuha sa mundo ng mga tao. Forget about your pride for a while. Hindi magiging madali ang training mo sa mga darating na araw. You will have urges and you have set of instincts that you must control. Diyan ka mag-focus. After six months, I will have a job ready for you. Nagkakaintindihan ba tayo?"
Tumango siya at inubos ang choco-strawberry blood. Tuluyan nang nawala sa isip niya na dugo iyon. Salamat sa nilalang na umimbento noon. May choice na ang mga bampira na huwag uminom ng dugo para mabuhay.
“Gusto mong maglakad-lakad?” yaya nito at tumayo. “Para makapasyal ka rin dito. Wear your new rubber shoes."
PASIMPLENG tiningnan ni Alta ang sarili niya sa salamin. Nagsuklay siya ng buhok at inayos ang pagkaka-pony niyon. Isa sa advantage ng pagiging bampira ay maganda lagi ang buhok niya. Hindi nagbubuhol at kusang umaayos. Parang nahiya din siyang dapuan ng pimples. Malaki siguro ang natitipid ng mga bampira sa pagpapa-derma at mga cosmetics surgery.
Maya maya pa ay kinatok na ni Kristian ang kuwarto niya at sinundo siya. Guwapong-guwapo ito sa casual na green collared polo at khaki shorts. Hindi ito masyadong intimidating. Inabot nito ang kamay sa kanya. "Let's go."
Nakaalalay nito sa braso niya at inalalayan pa siya habang pababa sa hagdan. Date. Pakiramdam niya ay nasa date siya. Umabot siya sa edad na twenty-one pero di pa siya nakikipag-date. Wala namang masamang magpantasya kahit kaunti.
Parang ngayon lang niya ine-enjoy ang buhay niya. Presko ang hangin doon. Di tulad sa Maynila na polluted. "Nasaan tayo mismo?" tanong niya kay Kristian.”
"Sa paanan ng Bundok Makiling. We are in the middle of a rainforest. Siguro nagtataka ka kung bakit dito piniling itayo ng rojo ang pamayanan na ito.”
“Oo nga,” sabi niya at napaisip. “Kung tutuusin maraming sikat na lugar diyan na sinasabing kuta ng mga bampira. Mga kastilyo sa Europe, mga vineyard o kaya sa New Orleans. Anong meron dito sa Pilipinas?”
“Nandito ang pinakamalakas na enerhiya sa mundo. Kaya dito rin kumukuha ng lakas ang mga rojo. Lalo na sa bundok na ito. Kumakalma ang mga sanguis dito dahil na rin sa kapangyarihan ng kalikasan na nandito. Mapayapa ang mga rojo sa lugar na ito at nakakapamuhay kami ng tahimik. Isa pa, may natural force field ang bundok na ito para itaboy ang mga masasamang elemento,” kwento nito.
"Pinayagan kayo ni Mariang Makiling na tumira dito?" tukoy niya sa diwatang sinasabing nananahan at nagbabantay sa naturang bundok.
"Close ang pamilya ni Tatay Pinunong Kaptan sa kanya. Bilang kapalit kailangan naming i-preserve ang mga natitira pang gubat dito. Masyado nang maraming nasira ang mga tao."
“O-Okay,” marahan niyang sabi. “Hindi totoo si Dracula pero totoo ang mga bampira at ang mga diwata tulad ni Mariang Makiling.”