Suot pa rin ni Alta ang puting robe nang lumabas ng shower room. Nang pumasok si Kristian ng shower room ay saka lang siya naghubad ng robe at dali-daling lumusong sa tubig. At least kapag nakalusong na siya sa tubig ay hindi na siya maiilang dito. Alam niyang maganda ang katawan niya. Her muscles were well-toned due to her training. Pero hindi siya sanay na mag-swimsuit lang kung hindi naman niya training lalo na’t sila lang ni Kristian ang naroon.
She let out a sigh when her feet sink underwater. Mainit ang tubig na bumabagsak galing sa isang kawayan na sa palagay niya ay galing sa main hot spring. Umupo siya hanggang ang tubig ay umabot hanggang balikat niya. Napaungol siya dahil parang minamasahe ng bumubulwak na tubig ang balikat niya.
“I see, you are enjoying the Jacuzzi,” Kristian said in a pleased tone.
Bigla niya itong nilingon at muntik na siyang maduling nang makitang naka-swimming trunks lang ito. Parte ng training nila ang swimming dahil mas mahirap daw tumakbo sa tubig. Nakakita na siya ng mga lalaking naka-swimsuit pero kay Kristian lang siya natulala at napanganga. Pangalawa na lang ang Jacuzzi sa na-enjoy niya dahil mas enjoy siya sa view na ipinapakita nito. His muscles were smooth and defined. Parang gusto niyang haplusin ang six-pack abs nito. Hindi ito payat tulad ng mga bampirang nakikita niya sa TV. Kung ganito ang bampira, kahit sinong babae ay gugustuhing mag-offer ng dugo dito kasama na siya.
Sinamahan siya nito sa Jacuzzi at bigla siyang di makahinga. So many erotic images flashed inside her head. Nakakasira ng kainosentehan niya.
“How is your leg?” tanong nito.
Itinaas niya ang binti para makita ang sugat niya. “Mas maliit na ang sugat ko,” excited niyang sabi at nanlaki ang mata habang pinagmamasdan ang unti-unting pagbalik nito sa dati.
“One of the privileges of being a sanguis.”
“Kaya siguro hindi ako nagkakapeklat kahit na gaano kalaki ang sugat ko dahil sa pagiging mezzo ko.”
“Pero may mga sugat na masyadong malalim na kahit maghilom ay nag-iiwan pa rin ng bakas. Those were wounds inflicted by fellow sanguis or slayers.”
Napalunok siya at naramdaman ang pagbilis ng tibok ng puso niya nang maisip ang mga banta sa buhay niya ngayon. “Oo nga. May mga taong trabaho ang pumatay ng sanguis.”
Nagkibit-balikat ito. “May mga bagay na hindi alam ang ibang slayers. Hindi nila tayo basta-basta mapapatay. Mag-relax ka lang dahil safe ka naman dito.”
Tumingala siya sa mga punong nasa ulunan niya. “Ang sarap naman dito. Halatang pangmayaman lang. Parang club lang ito ng mga mayayaman.”
“Valle dela Luna Rojo is not just a rojo’s club. Dito rin isinasagawa ang mga business transaction namin at business deals. Sa mata ng mundo ay exclusive leisure club ito para sa mayayaman. Ang kaibahan lang ay by invitation kami,” paliwanag nito.
“Mayaman ka na ba bago ka pa naging sanguis?” tanong niya at saka lang ito nilingon.
“My parents were well-off. Nag-iisa akong anak at ako ang tagapagmana ng negosyo namin. Masasabi kong buhay-prinsipe ako at sunod ang lahat ng kapritso ko. Nakapag-aral din ako sa isang sikat na eskwelahan sa abroad.”
“Nalaman ba nilang sanguis?” marahan niyang tanong. Gusto niyang malaman kung ano ang reaksiyon ng malalapit sa buhay ng isang bampira kapag nalamang di na ito tao.
Tumingala ito. “Namatay na sila bago pa nila nalaman na buhay ako. Akala nila patay na ako,” malungkot nitong wika.
“I am sorry.” Kinagat niya ang labi. Naalala niya kung paano nitong iniiwasang pag-usapan ang sarili nito noon. Malungkot pala ang naging buhay nito. Nami-miss siguro nito ang mga magulang nito. “Nagka-asawa ka ba o anak?”
Inunat nito ang braso sa gilid ng jacuzzi. “Single forever.”
“Hindi mo ba naiisip na mai-in love ka at mag-aasawa pagdating ng panahon?”
Nagkibit-balikat ito. “Parang imposible sa akin iyan. Maybe I am not cut out for love. Bakit mo naitanong? May naiwan ka bang boyfriend o may lalaki kang gusto mong balikan kapag sa palagay mo pwede ka nang mamuhay ulit kasama ang mga tao?”
Pinagsugpong niya ang mga daliri at tinitigan iyon. “Meron akong crush.”
“I hope it is not Homer.”
Umiling siya. “Hindi! Hindi ko siya naisip bilang boyfriend. Kaibigan ko lang siya.”
Umusod ito sa tabi niya at tinitigan siya. “Kilala ko ba ‘yang lalaking iyan?”
Dali-dali siyang pumikit at tinakpan ng palad ang mga mata. “Huwag mong babasahin ang utak ko. Huwag mo rin akong ihi-hypnotize para paaminin ako kung sino siya. Please.”
Kumunot ang noo nito. “Hindi ko naman sasabihin sa kanya.”
Nanatili pa rin siyang nakapikit. “Basta ayoko!”
Mamamatay siya sa kahihiyan oras na malaman nitong crush niya ito. Baka isipin nitong sinasamantala niya ang pagiging mabait nito o binibigyan niya ng ibang kulay. Kung alam lang nito na dati pa niya ito gusto. Unang beses pa lang niya itong nakita ay espesyal na ito sa kanya. Hindi niya alam kung bakit. Siguro dahil sadyang magkadugtong ang tadhana nila.
Bumalik ito sa pwesto nito kanina at mukhang sumuko na sa pangungulit sa kanya. “Gusto ko lang malaman kung sino ang lalaking iyon para matiyak ko ang kaligtasan mo. Paano kung gagawan ka niya ng masama o lolokohin ka lang?”
“Crush lang naman. Hindi ko pa siya boyfriend.” At saan naman siya nito poprotektahan? Sa sarili nito? Baka sarili nito ang protektahan nito mula sa kanya oras na malaman nito na ito ang gusto niya. Ayaw niyang masira ang magandang samahan nila. “Saka hindi rin naman niya malalaman na gusto ko siya maliban kung manligaw siya sa akin.”
“At oras na manligaw siya sa iyo, sasabihin mo sa akin, di ba?”
Ngumiti lang siya at pumikit. “Hmmm… titingnan ko.”
She heard him growl. Hindi na niya narinig pa ang boses nito. Mukhang nagmamaktol ito dahil ayaw niya itong pagbigyan. Kung alam lang nito kung gaano siya kahalaga dito. Parang si Kristian na ang buong mundo niya nang mga oras na iyon. Sa loob kalahating taon ay mananatili siya sa piling nito at magsisilbing tagabantay niya. Nanaisin pa ba niyang mapalayo sa tabi nito kapag oras na para lumayo siya sa piling nito.
Bumukas ang mga mata niya at nakita niya ang pagdaan ng ulap sa ulunan niya. Tinakpan ng ulap ang liwanag ng buwan at nakarinig siya ng boses.
Kailangan kita, Alta. Pumunta ka sa akin. Halika. Sa akin ka, Alta. Sa akin.
Nang muling nahawi ang ulap ay hindi na ang buwan ang nakikita niya kundi ang mukha ni Homer.