MASYADONG binagabag si Anna nang napag-usapan nila kagabi ni Daimon dahilan kaya mag-u-umaga na siya nang makatulog. Dahil masyado siyang napuyat, mataas na ang araw nang siya ay maggising. Hindi siya palaging ganoon. Bahagya pa siyang nataranta nang maisip ang anak. Kahit wala naman itong pasok dahil na rin kailangan pa rin nito ng pahinga sa isinagawang operasyon rito, maaga pa rin itong gumigising. Sa ngayon, malamang ay matagal na itong naggising. Paniguradong gutom na ito.
Mabilis na nag-ayos si Anna at bumaba. Wala silang stay-in na katulong dahil na rin mas gusto niya na siya palagi ang nag-aasikaso sa pamilya, kagaya na lamang ng hindi niya pagpayag na magkaroon ng sariling yaya ang anak. Dahil roon, siya ang madalas na nagluluto sa bahay. Tanging ang paglilinis lang ng bahay, paglalaba at pamamlantsa ang ginagawa ng dalawang katulong na pumupunta sa bahay nila thrice a week.
Wala na si Jaysen sa kuwarto nito kaya malamang ay inaantay siya nito sa baba. Ipinagtataka nga lang niya kung bakit hindi nito naisip na gisingin man lang siya. Pero nang matagpuan niya ito sa kusina ay nagkaroon ng kasagutan si Anna kung bakit ginawa iyon ng anak.
Jaysen was with Daimon. Base sa itsura ng mga ito ay mukhang nagluto ang kanyang mag-ama. Napansin rin niya na mukhang patapos na ang mga ito. Sinalubong siya ni Jaysen nang makita nito. “Good morning Mommy!”
Niyakap at hinalikan niya ang anak. “Good morning, too, Baby!”
“Nagluto po si Daddy ng breakfast. Nakatikim na po ako and its so delicious, Mommy!”
Nagtatakang tinignan niya si Daimon. Hindi marunong magluto si Daimon. Isama pa na may pasok ito sa opisina ngayong araw. Pero iyon at ito pa ang nag-aasikaso sa kanila kaysa siya na dapat ay ilaw ng tahanan.
Inilagay muna ni Daimon ang huling batch ng niluluto nitong pancake sa plato bago tumingin sa kanya. Ngumisi pa ito. Nahirapan si Anna na pigilan ang pamumula ng kanyang pisngi dahil naisip niya na bumagay ang ngisi nito sa porma nito ngayon. Wala itong T-shirt pero nakasuot ito ng apron. He looks so sexy like his grin. Hindi rin nakalampas sa kanya ang tila nanghihikayat na magpahawak na biceps nito na makikita kapag naka-side view ito.
Ang sabi ng kanyang anak ay delicious raw ang luto ng ama nito. Dahil hindi pa niya natitikman iyon, isa lang ang masasabi niya: Delicious rin ang mismong nagluluto.
Hah! Ang landi!
Niyaya siya ng kanyang mag-ama sa dining table kung saan niya napansin na may mga nakahanda na rin palang pagkain. Hindi lang simpleng breakfast ang naroroon. Bukod sa pancake na nakita pa niyang niluluto ni Daimon, napansin niyang gumawa rin ito ng Ham and Spinach Quiche, Pizza Omelette at Bacon and Mushroom Crepe.
Simula nang mag-asawa si Anna ay nakahiligan na niya na magluto. Madalas, kapag sinisipag siya ay ganoong mga recipe ang niluluto niya sa umaga kaya kahit medyo hindi sikat ay alam niya ang mga tawag roon. Paborito niya ang mga pagkain na iyon, lalo na ang Bacon and Mushroom Crepe. Nakakataba ng puso na kahit mahirap, nagsikap si Daimon na lutuin ang mga iyon. Base naman sa itsura ng mga niluto nito ay maayos naman iyon. Pero hindi pa rin nawala ang pagtataka niya kung paano iyon naggawa ng asawa.
“P-paanong---?”
Hinubad ni Daimon ang apron nito at mabilis na nagpalit ng white shirt. Sinagot nito ang tanong niya pagkatapos. “Ito ang pinagkakaabalahan ko ilang gabi na. Pinapanood ko sa Youtube kung paano gawin.”
Tumaas ang isang kilay ni Anna. “Talaga? Hindi ka nakikipag-usap sa iba?”
Kumunot ang noo ni Daimon. “Iyon ba ang iniisip mo? Na kaya madalas akong nagbubukas ng laptop sa gabi ay dahil may kausap ako?”
Nakakagat ang labi na tumango si Anna.
Pumalatak si Daimon pagkatapos ay umiling. Mukhang nasaktan ito sa akusasyon niya pero binalewala rin. “Kumain na lang tayo.”
Minabuti na lamang ni Anna na sumunod sa sinabi ni Daimon. Madalas naman na kumakain pa rin sila ng sabay-sabay lalo na tuwing almusal at hapunan pero kagaya kanina ay may nagbago rin sa routine ngayong umaga. Kinuha ni Daimon ang plato niya at doon ay naglagay ng mga niluto nitong pagkain. Ganoon rin ang ginawa nito sa anak nila.
“Hindi mo naman kailangang gawin ito,” saway niya rito habang isinasagawa ang paglalagay pero na-appreciate niya iyon. Sino ba naman ang taong hindi gustong pagsilbihan? Ang ituring na tila prinsesa?
“I want to, okay? Napag-usapan na natin ito kagabi.”
Hindi man tuwiran na sumang-ayon ay parang ganoon na rin ang sinabi niyang salita kay Daimon kaya hindi na nga dapat siya magreklamo. Kahit papaano, may isang bahagi pa rin ng puso niya na gustong subukan na maayos ang lahat kahit may bahagi rin na masakit pa rin at umaayaw. “Pero ang attendance mo sa trabaho---“
“I’m on leave. Follow-up check up ngayon ni Jaysen, remember? Gusto ko kayong samahan.”
Tumango-tango si Anna. Kahit na matagumpay at walang masasabing tila masamang epekto kay Jaysen ng operasyon, kailangan pa rin ng follow-up check up pagkatapos ng operasyon. Sinabihan rin sila na life-long ang follow-up check up dahil na rin sa risk ng ginawang operasyon.
Pagkatapos ng almusal ay tumuloy na sila para sa check-up ni Jaysen. Kagaya ng inaasam, wala naman daw problema na nakita ang mga ito sa anak. Naging matagumpay ang operasyon dahil kahit nasa bahay na lang ay maayos pa rin si Jaysen. Sinabihan sila ng Doctor na maaari ng bumalik sa eskuwelahan si Jaysen kung gugustuhin nito. Maaari na itong bumalik sa normal na buhay at maging isang normal na bata. Kung gugustuhin ay puwede na rin daw itong bumalik sa school. Pero ipinayo pa rin ng Doctor na hanggang maaari ay ipa-check up buwan-buwan si Jaysen. Life-long check-ups ang payo ng Doctor dahil mas malaki raw ang tsansa na magkaroon rin ng heart problems sa hinaharap ang mga taong inayos ang aorta. Pero hindi na iyon masyadong ikinabahala ni Anna.
Dahil naging maganda ang resulta ay naisip ni Daimon na mag-celebrate daw sila. Dumaan sila sa mall, kumain ng lunch at ipinasyal na rin ang anak nila. Dahil kapag pumupunta sa mall ay hindi puwedeng hindi bibisita si Jaysen sa mga tindahan ng laruan---lalong-lalo na sa maraming stuff toys, ay dumaan rin sila roon. Sa isang sikat na toy shop nito ginustong pumunta. Mahilig sa mga bear at kung anu-ano pang malambot na laruan ang kanyang anak kaya ganoon na lang ang tuwa nito nang makapunta roon. Sa totoo lang ay mayroon itong isang malaking cabinet na punong-puno ng bear at stuff toys, bukod pa sa mga nagkalat sa paligid ng kama nito na mga paborito nito.
“Daddy, please buy me toys! Wala pa po ako ng ganitong klaseng animal na stuff toy.” tinuro ni Jaysen kay Daimon ang hilera ng mga stuff toy na may design na zebra.
Tumango si Daimon. “Which one do you like?”
“How about all, Daddy?” nagpa-cute pa si Jaysen sa ama.
At natablan naman si Daimon. Pinalapit nito ang sales man at sinabing kukunin ang lahat ng zebra stuff toys na nasa rack.
“Hindi mo dapat siya sinunod. Hindi mo ba naalala na na-over baggage pa tayo sa Hong Kong dahil sa dami ng napili niya at binili mo na Disney stuffs sa Disneyland?” may halong inis ang boses ni Anna nang sabihin iyon.
“Relax, Anna. Its just a toy. Isa pa, naging good girl siya nitong nakaraan. Naging maayos ang operasyon niya kaya nararapat lang naman na ibigay natin sa kanya ang gusto niya bilang reward,” iyon lang at iniwan na siya ni Daimon at ng anak upang magbayad sa mga stuff toys na pinamili nito.
Napailing-iling na lang si Anna at pinagsawa ang tingin sa mga stuff toys sa harap niya at hindi na tinignan si Daimon at ang anak niya. Siyempre ay gusto niyang maging masaya rin ang anak niya pero ayaw naman niyang lumaki na spoiled ito. Pero ayaw rin naman niyang pangunahan si Daimon sa klase ng pagpapalaki na gusto nitong gawin sa anak nila. Gusto lang nito na mapasaya si Jaysen, isama pa na may punto si Daimon. Naging maayos at matapang ang anak kaya nararapat lang na regaluhan nga ito.
Pagkatapos mabayaran ay pinahawak ni Daimon sa kasa-kasama nilang body guard ang napamili. Pero may isang paper bag na naiwan sa kamay nito at iniabot sa kanya. Ipinagtaka niya iyon. Hindi siya kailanman pinagdala ni Daimon ng kahit anong bagay, kahit magaan pa iyon.
“That’s for you,” ngumiti pa si Daimon.
Alinlangan na tinanggap niya iyon. “For me? Bakit naman? Hindi naman ako nagpapabili, ah.”
“Mommy, `wag ka na po magreklamo. Ayaw niyo po ba noon, binibigyan po kayo ni Daddy ng bear? Para na rin po niya kayong baby!”
“You two will always be my baby, Jaysen.” Ngiti-ngiti pa rin na wika ni Daimon sa anak nila. Tumingin rin ito sa kanya, alinlangan ang ngiti nito dahil na rin siguro ikinababahala nito ang magiging reaksyon niya pero nang makitang namula ang kanyang pisngi sa sinabi nito ay napangiti na rin ng malaki. Hindi naman napigilan ni Anna na mamula ang mukha, lalo na nang marinig iyon ng mga sales lady at tila kinikilig na naghagikgikan.
Bahagyang sumimangot si Jaysen pero ngumiti rin. “Ay, akala ko ako lang ang baby. Si Mommy rin pala. Pero okay lang rin kasi love ko rin naman siya. Dapat kung sino ang love ko, love rin ni Daddy,”
Kinulit siya ni Jaysen na buksan ang binili sa kanya ni Daimon kaya napilitan na rin siya. Isang medium sized na teddy bear iyon. Cute ang teddy bear pero ang pinakanapansin ni Anna na feature noon ay ang nakasulat sa mismong katawan ng teddy bear.
I miss you so much.
Napatingin siya kay Daimon. Ngumiti ito. Tila sinadya talaga nito na iyon ang bilhin na teddy bear. Mukhang seryosong-seryoso talaga ito na ayusin na nga ang dating nasira na relasyon nila. Kinapa ni Anna ang damdamin. Nakaramdam siya ng kagustuhan pero may sakit pa rin. Hindi niya maggawang masabi kung bearable na dahil paulit-ulit niya pa rin na nararamdaman iyon tuwing nararamdaman niya ang saya. Hindi na naman ganoon kalala pero nararamdam pa rin at naalala niya. At habang ganoon pa rin ang estado ng sakit, may mali pa rin. Kahit nagkakaroon siya ng pakiramdam na pagbigyan ito, ayaw niyang lubusan na bumigay dahil gusto niyang maging maayos muna ang lahat. Ang mawala ang lahat ng sakit. Ang kahit papaano, maging bearable na iyon.
Magiging mahirap pero nararamdaman ni Anna na hindi imposible. Hindi pa nga lang talaga sa ngayon.
BINILHAN ni Daimon si Jaysen ng playhouse na itinayo niya sa garden ng bahay nila. Dahil sa sobrang galak ng anak sa bigay niya rito ay halos hindi na nito ninais lisanin ang playhouse. Nang dahil rin roon ay nagyaya itong makisama na maglaro silang pamilya roon. Nagyaya rin ito na kung maaari ay matulog sila sa mismong playhouse ng gabing iyon. Ayaw raw kasi nitong pabayaan ang playhouse nito, lalo na at bago. Pero dahil hindi sila kasyang tatlo sa playhouse, naisip na lamang ni Daimon na maglagay ng tent sa garden para sa pagbabantay na gusto ng anak sa bagong malaking laruan nito.
Pumayag si Jaysen pati na rin si Anna. Tila sila nag-picnic sa labas ng bahay nila. Doon rin sila nagluto ng hapunan nila. Nag-ihaw sila ng barbeque at doon na rin naghapunan. Bago sila matulog at pumasok sa tent ay nagyaya si Jaysen na maglatag muna sila sa labas para manood ng mga stars.
“Daddy, Mommy! Look o! May kakaiba sa langit! Parang nahuhulog ang stars! Ang dami!”
“That’s what you called meteor shower, baby,” sagot naman ni Anna. Pinagigitnaan nilang dalawa si Jaysen.
“Wow! Ang galing naman! Ang dami pa!”
“Magandang sign `yan, baby. Kapag daw nag-wish ka kapag nakakita ka niyan, matutupad daw ang wish mo.” Hindi nila inaasahan na mayroon palang meteor shower ngayong araw pero masaya siya na nangyari iyon. Lalo pang sumaya si Daimon na habang nakita iyon ay kasama niya ang dalawang pinakamahalagang babae sa buhay niya. Kompleto silang pamilya.
Nanlaki ang mga matang tumingin si Jaysen kay Daimon. “Talaga po, Daddy?!”
Tumango si Daimon. Tumingin muli si Jaysen sa langit. “Ayon, mayroon ulit!” pumikit ito at pinagsiklop ang kamay. “Nakapag-wish na po ako, Daddy! Ang wish ko po ay---“
“Oh no, Baby. `Wag mo sabihin dahil baka hindi raw matupad kapag ganoon.”
Umiling si Jaysen. “No, dahil alam ko po na kayong dalawa lang ni Mommy ang makakatupad ng wish ko na ito,”
Nagkatinginan sila ni Anna pagkatapos noon.
“K-kung ganoon, ano iyon?” tanong ni Anna.
“Ang hindi po kayo maggaya kayna Tito Cristiano at kay Tita Maria. Hindi po kayo maghiwalay...”
Tumango-tango si Daimon. Kahit matagal ng hiwalay ang kapatid niya ang asawa nito, hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin ang epekto noon. Hindi naman rin niya masisisi si Jaysen kung bakit naapektuhan rin ito noon dahil madalas rin nitong nakakasama si Santo. Kahit bata pa ay ramdam na ramdam ng kanyang pamangkin ang nangyari sa parents nito. Nahihirapan ito sa tila bolang pinagpapasahan ng kanyang kapatid at ng dating asawa nito. Nasasabi siguro ni Santo kay Jaysen ang saloobin kaya nasasabi nito iyon.
Niyakap niya ang anak at hinalikan ito sa ulo. “Hindi iyon mangyayari, baby. We will always be there for you. We will always be a complete family. A happy one.”
“Talaga po? Kung ganoon po, puwede ko na rin po ba sabihin ang second wish ko?”
“Mayroon pa?” sabat ni Anna. Nang tignan niya ito ay hindi naman mababakas ang pagkairita nito sa mga ipinangako niya sa anak. Nakangiti pa nga ito.
“Yes, Mommy. I wish to have a younger brother or sister!”
Pareho silang nagulat ni Anna sa sinabi ng anak. Namula rin si Anna.
“We’ll see. We are going to work on that. But don’t expect it to be so soon, okay?”
Nakakaunawang tumango-tango si Jaysen. Humilig sa kanyang dibdib ang anak. “The best ka po talaga, Daddy...”
Hinalikan niya ang ulo ng anak. “I love you, baby. Gagawin ko ang lahat para lang maging masaya ka...”
Kahit alam ko na hindi magiging madali iyon, gusto pa sanang idugtong Daimon sa kanyang sinasabi pero dahil alam niyang maaaring magtaka at magtanong pa ng marami ang anak, minabuti na lang niya na huwag idugtong.
Gustong mapasaya ni Daimon ang anak pero alam niya na mas malaki ang dahilan na mapasaya niya ang sarili niya. Gusto niyang maayos ang relasyon nila ni Anna. Nagkaroon siya ng pag-asa at ng lakas ng loob sa pag-respond nito noong mga panahong mahirap ang pinagdadaanan nila sa sakit ni Jaysen. At kapag naayos niya iyon, alam niya na tuloy-tuloy na ngang matutupad niya ang hiling ng anak.
Tatlong taon na ang nakalilipas at hindi naman puwedeng ganoon na lang sila ni Anna. Umasa siya na may pag-asa siya at mukhang pinaboran naman siya ng Diyos dahil kahit papaano, masasabi niyang pumapayag ito. Sa mga ipinakita niya ito sa nakaraan, hindi na siya nito tinatanggihan. Bihira na niyang makita na magalit ito kapag sila lamang dalawa, o ang sumimangot ito kapag nakikita siya. Tinatanggap rin nito kahit ang mga mumunting bagay na ibinibigay niya. Nakita niyang kahit iminungkahi lang ng anak nila na itabi nito ang teddy bear na bigay niya sa pagtulog, malaking bagay na iyon sa kanya. Isama pa na kapag nagpapadala siya dito ng bulaklak, hindi na lang niya sa basurahan nakikita iyon. Inaayos na iyon ni Anna sa isang vase bilang pampaganda ng bahay. At ramdam ni Daimon na bukod sa mga bagay, alam niyang sooner or later, maaari na rin siyang tanggapin nito sa buhay niya. Nararamdaman niya. Gusto niyang maging positibo dahil matindi pa rin ang nararamdaman niya para rito.
Hindi na kayang balewalain pa ni Daimon ang nararamdaman niya kay Anna. Oo, guilty pa rin siya pagkatapos ng lahat pero bahagyang nawala iyon nang kausapin siya ni Alekos. Nalinawan siya. Hindi lang siya ang nagkamali pero hindi ibig sabihin noon, nilimot na niya iyon. Kaya ito siya, ang mas gumagawa ng paraan para maiayos ang relasyon nila. Nararapat lang naman iyon dahil kahit nasaktan rin siya, alam niya na mas nasaktan si Anna. Hindi niya masisisi kung bakit ganoon na lang ang naging reaksyon nito, ang naging pag-aksyon at pag-iwas nito sa kanya.
Isama pa na kung hindi pa aayusin ni Daimon ang lahat ngayon, paano na sa hinaharap? Sa palagay rin naman niya ay sapat na ang tatlong taon para kahit papaano, maghilom na ang mga sugat. Kung patatagalin niya pa iyon, maaari rin na maraming mangyari. Wala siyang kasiguraduhan kay Anna. Paano kung dahil sa pagpapabaya na lang niya ay makakita ito ng bagong lalaki na magpapaniwala muli rito na umibig? Lahat ay puwedeng posibleng mangyari. Ang posibilidad na makuha si Anna ng iba ay isa sa mga posibilidad na hindi niya gusto. Hindi niya makakaya. It would kill him. Mahal pa rin niya ito sa kabila ng lahat.
Maya-maya pa ay naramdaman ni Daimon na nakatulog na si Jaysen sa may dibdib niya. Binuhat niya ito. Nang akmang tatayo na rin si Anna ay pinigilan niya ito. “D-don’t go. Diyan ka lang. Ihihiga ko lang si Jaysen. Gusto ko sanang mag-usap tayo,”
Bumuka ang bibig ni Anna na para bang gustong magprotesta pero isinara rin nito iyon. Tumango ito at nanatili sa puwesto. Nang maiayos ni Daimon ang anak sa loob ng tent ay lumabas siya. Lumapit siya kay Anna. Humiga sa tabi nito.
“Hmmm....?”
Tumingin siya kay Anna na nakatingin naman sa kalangitan. “What do you think of Jaysen’s wish? Matutupad nga kaya iyon?”
“Daimon...”
Sinubukan ni Daimon na lalong lumapit kay Anna. Ang isiksik ang sarili rito. Napapikit pa siya nang maramdaman ang katawan nito. “I missed you, Anna. And I’m so desperate to have you back. I want you back. I want us to be back.”
Naramdaman niyang nanigas si Anna dahil sa ginawa niya pero hindi naman ito nagreklamo at nagprotesta. Nang imulat niya ang mga mata ay nakita niyang titig na titig ito sa kanya. Magkalapit na magkalapit ang mga mukha nila. Ilang sandali rin na nagsalubong ang kanilang mga mata hanggang mag-iwas si Anna ng tingin.
“Daimon, I can’t...I still can’t...” bahagyang lumayo ito sa kanya.
“Still,” ngumiti si Daimon sa salitang iyon. “May posibilidad naman `di ba?”
Nahihiyang tumango si Anna. “Pero hindi pa talaga sa ngayon.”
“Handa akong maghintay, Anna. But can you grant one wish of mine as of this moment?”
Tumaas ang isang kilay ni Anna. “Hindi naman ako meteor para mahingian mo ng wish.”
“But you are my wish, Anna. You are my everyday wish. Pero alam kong masyadong malaki para sa `yo ngayon ang hinihiling ko. Kaya simpleng wish lang sana ang hihilingin ko. And that is to hold you...”
Ibinaba ni Daimon ang tingin sa kaliwang kamay niya. Katabi lang noon ang kanang kamay ni Anna. Itinaas ni Daimon ang kaliwang kamay ng may pag-aalinlangan. Iniisip niya na kung aalisin nito iyon, hindi ito papayag sa kahilingan niya. But Anna didn’t move it. Ipinatong ni Daimon ang kamay sa ibabaw ng kanang kamay nito. Naramdaman niya agad ang init, ang init na matagal na niyang gustong maramdaman, ang init na araw-araw niyang hinahanap-hanap.
Napapikit si Daimon. He felt something touched his heart when he held her. It was an overwhelming feeling. Wonderful. Marami pa siyang gustong hilingin, maramdaman. Pero sa ngayon ay makokontento na lang siya sa ganito. Gaano man niya kagustong ipagpilitan ang gusto, alam niyang mali. Hindi niya maaaring puwersahin si Anna dahil kapag ginawa niya iyon, alam niyang masasaktan na naman niya ito. At iyon ang pinakahuling bagay na pinakaayaw niyang gawin muli rito.
Hinding-hindi na niya hahayaang masaktan muli si Anna. Kahit maliit na bagay pa iyon. Hindi na niya gustong makaramdam ulit ito ng kahit ano pang sakit.