DAHIL sa pinagsama-samang pagod sa pampisikal at emosyonal, nagkaroon ng breakdown si Anna. Matinding sinisisi ni Daimon ang sarili roon. Naka-recover naman ito pagkatapos itong painumin ng gamot at makapagpahinga nang maayos ng ilang araw sa ospital pero ramdam ni Daimon na hindi na ito makaka-recover sa kanyang ginawa.
Si Daimon mismo ang nakakita kung paano nag-breakdown ang asawa. Nakita niya kung paano ito nagdusa. Kahit siya ay muntik na rin mag-breakdown dahil sa sakit at pagsisisi sa kanyang ginawa at nang dahil roon, gustuhin man niya na magpaliwanag pa kay Anna, tinanggap na lang niya ang kanyang pagkakamali. Isama pa sa reaksyon pa lang nito sa kanya, kahit tinanggap pa rin siya nito na makita ay alam niyang mahihirapan talaga siya.
Hindi niya masisisi si Anna kung bakit nagkaganoon na lang ito. Naging masakit ang nakaraan nito. At kahit na ba hindi naman ganoon kabigat ang ginawa niyang kasalanan, sinisisi niya pa rin nang malaki ang sarili niya. Sinaktan niya ito samantalang nangako siya rito na hindi niya gagawin iyon rito. Pinaniwala niya ito na hindi siya magiging kagaya ng ama nito. Magiging maayos ang pagsasama nila. Pero siya ang sumira noon. Kahit na maliit na bagay lang iyon, pagkakamali pa rin iyon.
“Sumama ako sa `yo hindi dahil may nararamdaman pa rin ako sa `yo, Daimon. Iyon ay dahil sa anak ko. Sa kabila ng lahat, mahal na mahal ko ang anak ko. Hindi ko naman makakayang magkaroon siya ng pamilya na sira. Ayaw kong mahirapan siya kagaya na lamang nang nakikita kong lagay ni Santo sa mga magulang niya. Kahit kinasusuklaman kita, hindi ko hahayaan na maapektuhan noon ang anak ko.
“Lumaki ako sa isang pamilya na masasabi man na buo pero palagi namang nagkakagulo pero hindi ibig sabihin noon, mas gugustuhin ko pa na maging isang single parent. Gusto ko na lumaki ang anak ko na may maipapagmalaking buo na pamilya. Ayaw kong pagpasa-pasahan siya kagaya ng ginagawa ng kapatid mo sa anak niya. Kaya kong tiisin na makita araw-araw ang isang taong kagaya mo kung para rin naman iyon sa ikabubuti ng anak ko. Titiisin ko ang lahat ng galit...”
Humanga siya nang husto kay Anna noon. Napakabata pa nito kung tutuusin pero nasabi nito ang mga iyon. She became selfless because of their child. Masyado itong ginawang mature ng history ng pamilya nito.
Kahit siya ay hindi rin naman gustong masira sila dahil ramdam rin niya ang hirap na pinagdadaanan ni Cristiano sa anak nito. Kakapanganak pa lang kasi kay Santo nang magdesisyon ang kapatid niya at ang asawa nito na si Maria na maghiwalay. Hindi niya gustong mangyari rin iyon sa kanila ng anak niya. Hindi siya papayag.
Tinanggap ni Daimon ang lahat ng kondisyon ni Anna. Nagsasama na lang sila sa iisang bubong para sa sake ng anak nila. Naging malamig man ang relasyon nila pagkatapos noon, tinanggap niya iyon. Pero kahit alam niyang kaya niyang magloko dahil na rin sa sitwasyon, kailanman ay hindi niya ninais. Sa kabila ng lahat, nagkaroon na siya ng urge na mas panindigan ngayon ang mga sinira niyang pangako.
For all the pain he suffered, he deserved it. Kapag iniisip niya na parang unfair at masakit na...mas masakit ang lahat ng pinagdaanan ni Anna. She doesn’t deserve the pain. He deserved it.
MAHIGIT isang linggo ang itinagal ni Jaysen sa ospital. Dahil bata pa si Jaysen, naging mas matagal kaysa sa normal ang pag-oobserba rito ng Doctor. Naging maayos ang resulta ng lahat at dahil wala namang nakitang masamang epekto ang ginawang operasyon, pinayagan na sila na umuwi pagkatapos ng mga ginawang obserbasyon at ilan pang test. Sa kabila ng ginawang operasyon sa anak ay wala naman masasabi si Anna na nagbago rito. Bumalik ang sigla nito na para bang walang malalang ginawa sa katawan nito. Naging maayos kaysa sa inaasahan si Jaysen.
Lumipas rin ang isang linggo pagkatapos nitong makalabas sa ospital at nanatili si Jaysen sa ganoong kondisyon kahit na ba wala na sila sa ospital. Walang kakaibang nangyayari rito. Normal ang mga galaw nito at palaging maayos ang pakiramdam. Nabawasan na ang lahat ng pag-aalala nilang dalawa ni Daimon sa welfare ng anak. At dahil rin doon, bumalik na rin sila sa dating buhay nila. Bumalik na rin sila ni Daimon sa relasyon nila. Magkalayo sa isa’t isa at malungkot.
Iniisip ni Anna na ang nakitang pag-aalala sa asawa noong nakaraan ay dahil na rin sa ikinababahala nito ang lagay niya sa pagkakasakit ng kanilang anak. Dahil ngayon na maayos na si Jaysen, hindi na ito kagaya ng dati na tatanungin siya kung maayos ba siya. Kapag nakikita siya nitong mag-isa ay mapapansin niya na oobserbahan siya nito at kahit hindi niya masasabing inaalalayan siya nito sa pamamagitan noon, tila naman sisiguraduhin muna nito na maayos siya at walang mangyayari na masama. At kahit alam ni Anna na mali, hindi niya maiwasan na masaktan ng dahil roon.
Iyon ba ay dahil medyo nasanay na siya na palaging nasa malapit lang si Daimon nang magkasakit ang anak nila? Na para bang kapag kailangan niya ng makakaramay noon, hindi maaaring hindi ito magpapakita sa kanya at aalalayan siya? Na kahit ngayong tapos na sila sa napagdaanang stage na iyon ay hinahanap pa rin niya ito.
Hindi maaari! Giit ng nasasaktan pa rin na bahagi ngayon ng puso ni Anna. Isama pa na alam niyang ngayon ay mas mataas ang risk na sa huli ay masaktan rin siya. Hindi ba’t hindi siya sigurado kung may babae sa buhay ng asawa pagkatapos ng pagiging malabo ng relasyon nila? Wala siyang pakialam rito, eh. Binalewala niya ito. Pero nitong mga nakaraan, nagkaroon ng masakit na hinala si Anna tungkol sa status ng buhay ni Daimon.
Kahit ginusto ni Anna na iwasan ang asawa dahil sa nangyaring panloloko nito sa kanya noon, hindi naman rin niya maiiwasan na kahit paminsan-minsan ay mapansin ito. Nasa iisang bahay sila pagkatapos ng lahat. Mahirap pero sa loob ng tatlong taon, naggawa naman niya nang matagumpay at matiwasay. Pero dahil sa naging ilang beses na magkakalapit, tila nahihirapan lalo si Anna. Pero alam ni Anna na mas mahihirapan pa siya ngayon dahil may hula siya na mukhang may iba na nga sa buhay ni Daimon.
Kahit mataas ang puwesto sa kompanya ng pamilya, hindi nagdadala si Daimon ng trabaho sa bahay. Mas gusto nitong i-dedicate ang libreng oras nito para kay Jaysen, para sa pamilya. Kaya sa mga nakalipas na taon, kahit galit rito, ay hindi nila naggawang magtalo kagaya na lang ng palaging nangyayari sa kanyang mga magulang noon. Nanatiling maaayos ang relasyon sa kabila ng pag-iwas niya rito. Pero maaaring sa mga susunod na araw ay hindi na. Ilang beses na kasi niyang nahuli si Daimon na tila may palaging kausap sa laptop nito tuwing gabi. Palagi kasi itong naka-headset at tila aliw na aliw sa kung ano man na ginagawa nito roon. Inaabot rin ito ng hating gabi dahil lamang roon samantalang hindi naman ito ganoon.
Tapos na ang aalalahanin niya kay Jaysen pero may bago na namang gumugulo kay Anna. Paano na nga kung nakatagpo na ng bagong babae si Daimon? Paano kung mas piliin ni Daimon ang bago nito kaysa sa kanila? Sa kanya? Paano kapag nangyari ang nasa panaginip niya?
Iniisip pa lang ni Anna na iyon ay nasasaktan na siya. Pero masasabi rin naman niya na kasalanan niya iyon. She wasn’t able to forgive him for what he had done. Kahit napansin niya na nagbabago naman si Daimon sa mga nakalipas na taon, hindi pa rin niya ginawa. Mas pinapanaig niya palagi ang naging sakit.
Para ma-distract sa naiisip, pinili na lang ni Anna na gawin ang palagi niyang ginagawa kapag napatulog na niya ang anak. Nagpunta siya sa library at ginawa sa laptop ang madalas niyang pagkaabalahan kapag naroroon.
Ang magsulat.
“Anna?” ang boses na iyon ni Daimon ang nagpagulo sa kanya sa ginagawa. Hindi naman masasabi ni Anna na professional siya na writer dahil ginagawa lang niya iyon kapag wala siyang ginagawa. Hindi niya natapos ang pag-aaral ng kurso niyang Journalism dahil na rin sa kanyang pagbubuntis. Pinag-iisipan pa rin naman niya na mag-aral muli pero dahil masyadong abala sa anak, sa tingin niya ay matagal pa iyon. Baka siguro kapag naging malaki-laki na ito.
Pero kahit ganoon, hindi itinigil ni Anna ang pangarap. Nanatili siyang nagsusulat. Hindi man napa-publish ang kanyang ginagawa dahil madalas na itinatago niya lang iyon sa kanyang sarili at hindi rin natatapos. Pero hindi niya gustong malaman ni Daimon iyon. Lalo na ang klase ng sinusulat niya. Isinara niya ang monitor ng laptop niya bago pa iyon masilip ni Daimon.
“B-bakit ka nandito?” dahil rin siguro na-engross siya sa ginagawa, hindi niya narinig na dumating ito.
Sandaling tinitigan lang siya ni Daimon. Napalunok rin ito. Tila kinakabahan. “G-gusto ko sanang makausap ka.”
Matamang tinitigan ni Anna si Daimon. He looks serious yet nervous. Lumakas ang tibok ng puso niya sa ginawa, kung iyon ba ay dahil sa napatagal ang tingin na ibinigay niya rito ngayon kaysa dati o dahil lang sa kinakabahan siya sa maaaring sabihin nito ay hindi niya maipaliwanag.
“Kung puwede lang naman, Anna.”
Huminga nang malalim si Anna. Sa kabila ng nararamdaman ay tumango siya. Kahit maaaring hindi magandang kalabasan ang magiging pag-uusap nila, kailangan niyang harapin iyon. Para rin sa pamamayapa ng isip niya iyon.
Niyaya siya ni Daimon sa couch ng library. Yumuko ito at maya-maya ay bumuntong-hininga. Naramdaman niya ang tension sa katawan nito na lalo namang nagpahinala kay Anna na mukhang masama ang sasabihin nito. Tila nahawa rin siya sa nararamdaman nito. She felt tensed.
“Its been three years, Anna...” wika ni Daimon. Lalong nagkahinala si Anna na tungkol nga siguro iyon sa napapansin niya rito sa nakaraan. Ipinapahiwatig na ba nito ang paghihiwalay nila?
Tumango si Anna. “I-I know. Naiintindihan ko rin kung gusto mo na rin na maghiwalay tayo. Pero ito iyong mga pagkakataon na mas may alam na si Jaysen at mas mahihirapan siyang---“
Kumunot ang noo ni Daimon. “Maghihiwalay?”
Napakagat labi si Anna. “Hindi ba iyon ang gusto mong pag-usapan natin?” Nagkamali ba siya sa isipin na kaya baka ito nagbababad sa laptop nito sa mga nakaraang araw ay may kausap itong babae?
Nakakunot pa rin ang noo na umiling si Daimon. “It’s very different from that.”
“Kung ganoon ay ano iyon?”
Matagal na titigan muna siya ni Daimon pagkatapos ay huminga muli nang malalim. “Alam ko mahirap ito para sa `yo, Anna. Pero tatlong taon na ang nakalilipas. Hindi naman puwedeng habang buhay tayong ganito `di ba? Mas lalaki pa si Jaysen. Sa paglaki niya, mas makikita at mararamdaman niya ang kamalian sa relasyon natin kung hindi natin aayusin ito.”
Napalunok si Anna. Bigla yatang natuyo ang lalamunan niya. “A-ang ibig mo bang sabihin ay---“
“Can we give it another chance, Anna? Another try?”
Anna was stunned at a moment. Nagulat siya dahil hindi iyon ang inaasahan niya kay Daimon. She thought of the worst...yet what she got was a good one.
She thinks.
“Hindi ko aasahan na papayag ka kaagad. Naiintindihan ko. But come to think of it... its been three years. I-I think its about time that we fixed the mess. Gusto kong magsimula. Noon pa. Pero dahil naramdaman ko na mahirap para sa `yo na mag-respond, hindi ko pinilit ang sarili ko. Ayaw ko rin na-i-pressure ka. Isa pa, baka kapag hindi mo nagustuhan iyon ay makipagtalo ka pa sa akin. Ayaw ko naman noon hindi dahil natatakot ako na masaktan pero iyon ay para sa anak natin. Ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang makita na nag-aaway tayo. Pero sa pagkakataong ito, umaasa ako na sana, kahit payagan mo lang akong ipakita ko lang sa `yo na gusto kong ayusin ito. Na ibalik sa dati ang nasira...”
Hindi nagsalita si Anna at nanatiling nakatitig kay Daimon. Bahagya siyang kumurap-kurap, hindi gaanong makapaniwala. Pero alam ni Anna na hindi maaaring ganoon na lang ang gawin niya. Kinapa rin niya ang kanyang damdamin. Inisip ang mga nararamdaman ng mga nakaang araw. Ang mga nangyari... Si Jaysen.
Hindi ba’t kahit sa batang edad ni Jaysen ay tila nararamdaman at napapansin na nito na may mali sa relasyon nila ng ama nito? Tama si Daimon na sa paglaki ng anak nila, mas mapapansin at mararamdaman ng kanilang anak na may mali sa relasyon nila. Nagsasama man sila pero madalas naman na nag-iiwasan sila.
Simula nang magpakasal siya kay Daimon at mahawakan niya ang anak, nangarap na siya na magkaroon ng isang magandang pamilya. Isang pamilya na buo at nagmamahalan. Hindi nag-aaway, hindi nag-iiwasan. Kaiba sa pamilya na nagkaroon siya. Gusto niya ang “the best” para sa anak niya. Para na rin sa sarili niya. Pero paano ang mga sugat?
Time heals pain. Bulong ng isang bahagi ng isip ni Anna. Hindi nga ba? Naging masakit ang nangyari noon pero ramdam ni Anna na sa paglipas ng mga panahon ay may nagbago roon. Bahagyang nawala, unti-unti ng naghihilom. At hindi nga ba, sa pagkakalapit nila ng asawa ay nararamdaman niya na may kakaiba pa rin siyang damdamin rito? Paano kung bukod sa sakit ay iyon naman ang pagtuunan niya ng pansin? Wasn’t it about time?
“Anna...?”
Matagal pa rin siyang nakatitig kay Daimon hanggang sa mabuo ang kanyang isip. Sinubukang ngumiti ni Anna. “Tignan natin...”