Four Years Later
“N-NO! HINDI maaaring mangyari iyan. Hindi sa anak ko. Please, Doc. Tell me you’re just kidding...” namumutla at halos maiyak na si Anna nang sabihin ng Doctor ang tungkol sa diagnosis nito sa apat na taong gulang niyang anak na si Jaysen.
Tumayo ang Doctor. Lumapit ito kay Anna. Hinawakan siya nito sa likod. “Relax, Mrs. Jason. Alam ko na mahirap para sa inyo na tanggapin ang lahat ng ito. But please, be calm. Hayaan niyo rin muna ako na patapusin ang tungkol sa sinasabi ko.”
Umiling si Anna. Duda siya kung makakaya niya pa na marinig ang tungkol sa susunod na sasabihin ng Doctor. Ang malaman na may sakit sa puso ang kanyang anak ay kinalalambot na ng kanyang tuhod.
“I love my daughter, Sir. She is everything to me. Hindi ko kakayanin na may mangyaring masama sa kanya. Ang malaman na may malubha siyang karamdaman ay napakasakit para sa akin.”
Tumango ang Doctor. “Naiintindihan ko. Maikokonsidera nating malubha nga ang kalagayan niya. Pero gagawa tayo ng paraan, maliwanag ba?” pilit na pinakalma siya ng Doctor sa paghahagod nito ng likod niya.
Pinilit na makinig ni Anna sa kabila ng kaba.
“Isang klase ng heart disease ang coarctation of the aorta na type ng isang birth defect. Ito ay ang pagsisikap ng aorta, ang isa sa pangunahing blood vessel that carries oxygen rich blood from the left ventricle ng puso papunta sa lahat ng organs ng ating katawan. Nangyayari ito due to genetic disorders o hindi kaya ay birth defects sa aortic valves.
“Present at birth ang ganitong klase ng sakit pero madalas ay hindi nakikita o naagapan dahil na rin hindi agad lumalabas ang mga sintomas until early or late childhood. The treatment for this is a heart surgery. Sa kaso ni Jaysen, hindi pa naman ganoon ka-severe ang mga symptoms kaya marami pang oras para magplano ng surgery.
“Ramdam ko na kinatatakot niyo ito dahil na rin sa gagawin kay Jaysen. But we can assure you that it can be cured with that. Lahat rin ng mga sintomas ay nagiging maayos pagkatapos ng surgery. Pero kahit ayaw ko rin naman kayong takutin, kailangan ko rin na maging matapat. Malaki ang risk ng death dahil sa mga ganitong heart problems kaya minumungkahi namin ang life-long follow-up check up sa cardiologist.”
“Gagawin ko ang lahat para maging maayos lang siya, Doc...”
Tumango ang Doctor. “We’ll see when we are going to schedule the surgery.”
Pagkatapos ng pag-uusap ay pinilit lalo ni Anna na kumalma. Nang kausapin siya ng Doctor ay minungkahi nitong ilabas muna si Jaysen upang hindi nito marinig ang pinag-uusapan. Ayaw niyang makita ng anak ang sakit na dinadala niya sa ngayon kaya kailangan niyang magkunwaring masaya. Sa edad ni Jaysen na apat ay nagsisimula nang maging matanong ang kanyang anak. Hindi niya gustong tanungin nito at makapagsinungaling rito kapag sinabi niya rito ang tungkol sa kalagayan nito. Hindi niya pa makakayang sabihin rito ang lahat kahit na ba alam niyang nararapat iyon. Masyado pang maaga. Isama pa na kapag sinabi niya agad rito, baka mag-break down siya at matakot lang ito.
Iniwan niya si Jaysen sa matalik na kaibigang si Alexa. Ito ang kasa-kasama niya nang magpunta sila sa ospital. Pagkalabas niya ay nakita naman agad niya si Jaysen. Sa ngayon ay makikitang tila normal ang anak. Masiyahin kasi ito. Madalas ay masigla. Sa totoo nga lamang ay isang beses pa lang siya nakakita ng kakaibang sintomas rito at sa takot niya ay dinala niya ito kaagad sa ospital para maagapan. Hindi kasi talaga niya gusto na makitang may kakaiba at mukhang may masamang dinadala ang kanyang anak. Kahit iisang bagay lang iyon.
Her daughter was her everything. Ito na lang ang natitira sa kanya.
“Mommy, Daddy’s here!” masayang anunsiyo at bungad naman sa kanya ng anak nang makita nito ang kanyang paglabas. Lalong sumama yata ang pakiramdam ni Anna nang malaman kung sino na lang ang kasa-kasama nito ngayon. Pero hindi niya napigilan na tumingala.
Nandoon nga si Daimon. Nandoon nga ang kanyang asawa. Hindi na niya nakita si Alexa sa paligid at nag-assume siya na baka umalis na ito. Alam niya na napilitan lang naman ang kanyang kaibigan na samahan siya dahil na rin abala ito sa ginagawa. Isang painter si Alexa at inamin nito na may kasalukuyan itong ginagawa na painting pero napilitang samahan siya at itigil ang ginagawa dahil sa pangungulit niya. Kailangan niya ng makakasama sa check-up ng anak. Kahit na afford naman nilang kumuha ng katulong upang masamahan at may makatulong siya sa pag-aalaga sa anak, ipinilit ni Anna na huwag. Gusto niya na siya mismo ang magpapalaki sa anak.
“I-is everything all right?” naramdaman niya ang pag-aalinlangan ni Daimon na magtanong. Kagaya nito ay nakaramdam rin siya ng pag-aalinlangan sa sagot. Of course, he deserved to know the truth. Sa kabila naman ng lahat ng pinagdaanan ng relasyon nila ay nanatili pa rin ito sa tabi niya, sa tabi nila ng anak niya. Parte rin ito ng buhay ni Jaysen. Pero alam niya na hindi pa ito ang tamang oras para sabihin niya rito ang totoo dahil nasa harap sila ni Jaysen. Paniguradong magtatanong ito. Napakarami ng tanong ni Jaysen sa edad nito.
“Y-yes. Pero mag-uusap tayo mamaya,”
Sandaling kumunot ang noo ni Daimon. Naramdaman niya kung bakit. Hindi kasi ito sanay na sabihan niya ito ng ganoon. Mukhang naramdaman nito na may problema na pero hindi na rin naman ito nagtanong.
Sabay nilang nilisan ng anak at ng asawa ang ospital. Pero bago pa sila tuluyang lumisan, hindi naiwasan na titigan silang mag-anak. Hindi dahil sa mukha silang masaya na pamilya dahil magkakasama sila pero alam niyang dahil na rin kay Daimon.
Hindi miminsang umagaw ng atensyon si Daimon, lalo na kapag naka-corporate attire ito kagaya ngayon. Hindi niya inimporma ang asawa tungkol sa pagpunta sa ospita l pero dahil bata nito ang driver nila, malamang ay ito mismo ang nag-imporma sa asawa. Wala naman kasi silang schedule na check-up ngayon kaya malamang ay nag-alala rin ito roon na mukhang basta na lang rin iniwan ang trabaho upang personal na malaman rin ang lagay. With his attire, he looks so composed, professional and serious. Dahilan upang makaagaw ito lalo ng atensyon. Ilang babae rin ang nakita ni Anna na sandaling natigilan sa paglampas ng asawa.
Noon pa man ay marami na ang nagsasabi kay Anna na masuwerte siya na mapangasawa si Daimon. Bukod sa mga pangunahing dahilan niya nang pakasalan niya ito, napakaguwapo rin nito. Lumaki ito sa Pilipinas pero dahil iba ang lahi ng mga magulang nito ay kakaiba pero katangi-tangi rin ang features nito at ng dalawa pang kapatid nito. They all had green set of eyes. Minana ng mga ito iyon sa Half-Greek, Half-Filipino na ama ng mga ito. Ang matangos na ilong at magandang pangangatawan nito ay minana rin ni Daimon sa ama. Sa Americana na ina naman ni Daimon minana ang tangkad nito.
Physically, her husband looked so perfect. Mayaman rin ito at ang pamilya nito. Maganda ang career nito bilang ngayon ay isa na sa mga Vice President ng kompanya na pagmamay-ari ng pamilya nito. Kung may masasabi man siyang hindi nagbago sa ilang taon na pagsasama nila, iyon lang siguro iyon.
Umaayon naman madalas si Anna sa masuwerte talaga siya kay Daimon.
Pero noon iyon.
Tatlong taon na ang nakalipas simula nang maniwala siya roon. Tatlong taon na ang nakakaraan simula nang sirain ni Daimon ang pangako nito sa kanya.
Tatlong taon ng malabo ang kanilang pagsasama....
NAPAKUNOT ang noo ni Daimon nang matagpuan niya si Anna sa paborito niyang lugar na puntahan sa bahay nila tuwing gabi---ang bar. Simula nang lumabo ang kanilang relasyon ng asawa, naging paborito na niyang puntahan iyon. Ito ang pinakaunang beses na makita niya ito roon dahil bahay nito ang library ng bahay kapag napatulog na nito ang anak nila na si Jaysen. Doon ay madalas itong nagbubukas ng laptop nito na sa tantiya niya ay nagba-browse lang ng mga social networking sites. Hindi niya pinakikialaman ito dahil na rin sa sitwasyon nila. Pero ngayong araw, dahil ramdam niya na may kailangan silang pag-usapan at ito na rin mismo ang nagsabi noon, hinanap niya ito sa library. Pero sa halip ay naabutan niya ito sa bar.
Nakaramdam ng kaba si Daimon. Sa totoo lang ay kanina pa rin niya naramdaman iyon nang sabihin ni Anna na kailangan nilang mag-usap. Sa loob ng ilang taon ay bihira silang mag-usap ni Anna. Kapag kinailangan nilang mag-usap at dito iyon mismo nanggaling, paniguradong importante iyon. May hula na siya kung bakit pero ayaw niyang isipin...
Napatitig si Daimon kay Anna. She looks so wasted. Hindi naman ito ganoon kahapon. Mukhang may mabigat itong dinadala. Nakapinta ang kalungkutan sa mukha nito habang tinutungga ang mga alak na halos siya lang naman ang nangingialam sa buong bahay nila. Bihirang uminom ng alak si Anna. Umiinom lang ito kapag nasasaktan ito na siya namang mababakas talaga sa mukha nito. Nakaramdam ng kirot sa puso si Daimon. Hindi niya gustong nasasaktan si Anna...
“P-pasensya ka na kung pinakialaman ko ang mga alak mo sa bar, ha....” ang malat na boses rin na iyon ni Anna ang nakapagpatigil kay Daimon sa pagkakatitig rito.
Lumapit si Daimon rito. Tinabihan ito sa bar. “M-may problema kay Jaysen, tama ba ako?”
Humarap sa kanya si Anna. Noon niya lubos na natitigan ang asawa dahil magkalapit na magkalapit na sila ngayon. May luhang naglalabasan sa itim pero namumula na ngayong mata nito. Namumula rin ang pointed na ilong nito at wala rin kulay ang madalas na mapupulang pisngi nito. Magulo ang madalas ay maayos na mahabang itim na buhok nito. Lalong nakaramdam ng sakit si Daimon. Bukod sa hula niyang masamang kalagayan ng anak, mas lalo pang nakasama sa kanya ang lagay ngayon ng asawa.
“Hindi ko kayang mangyari iyon sa kanya, Daimon. Bakit sa lahat ng bata, ng tao, siya pa? Puwede namang ako.... Gagawin ko ang lahat huwag lang may mangyari na masama sa anak ko. Kung maipapasa lang ang sakit, bukal sa loob na kukuhanin ko ang kanya. Hindi dapat nangyayari sa kanya ito. Napakabata niya pa para pagdaanan ito...” kasunod noon ay sinabi sa kanya ni Anna ang pinag-usapan nito at ng Doctor na siyang tumingin sa kanilang anak kanina.
Nawalan ng kulay si Daimon sa narinig. Nanghina siya. Napakabata pa ni Jaysen at kahit may solusyon naman sa sakit nito, hindi niya pa rin mapigilan na masaktan. Magiging mahirap iyon panigurado. Risky. Bilang isang businessman, sanay siyang mag-take ng risk. Pero ngayon ay hindi pera ang usapan. Buhay ng anak nila. Mahal na mahal niya ang anak. Hindi niya yata kakayanin kung may mangyayaring masama rito...
Pero sa kabila ng sakit, pinilit ni Daimon na magpakatatag. Siya ang padre de pamilya. Kailangang siya ang maging matatag, matapang. Lalo na sa lagay ngayon ni Anna. Kung natatakot siya sa kalagayan ng anak, alam niyang higit ang takot ni Anna. Si Jaysen ang buhay nito. Saksi siya kung gaano nito kamahal ang anak nila.
Sinubukan niyang yakapin si Anna para pakalmahin ito. Hindi kagaya ng dati, hindi siya nito tinanggihan. Nakaramdam ng kaginhawaan si Daimon roon kahit na ba binabasa na nito ang damit niya sa pag-iyak nito sa kanyang dibdib. Kahit masakit sa kanya na makita na umiiyak ito, na-appreciate niya na ginawa siya nitong sandalan. Na lumapit ito sa kanya. Ang akala niya ay pangarap na lang muli na magkalapit sila ng ganoon pagkatapos ng pagkakamali na naggawa niya rito noon...
“Hush, Anna. Gagawa tayo ng paraan, okay? Walang mangyayaring masama kay Jaysen. Magiging maayos siya. Mabubuhay siya ng normal. Malalagpasan natin ang problema na ito...” pagpapakalma niya sa asawa. Hinawakan niya pa ang likod nito pero hindi pa rin ito tumigil sa pag-iyak.
Daimon feel like melting. Sa problemang nalaman pero alam niyang higit sa nararamdaman sa pagyakap at pagbubukas ng loob ng asawa ngayon sa kanya. Medyo hindi niya inaasahan na magiging ganoon pa rin ang reaksyon ng kanyang puso sa paglapit nito sa kanya. Matagal ng malabo ang kanilang pagsasama. Ni hindi na nga sila gaanong nag-uusap. Pero nandoon pa rin ang kakaibang damdamin niya rito. Hindi pa rin iyon nawawala.
May nararamdaman pa rin siya kay Anna sa kabila ng lahat... sa kasamaang palad, alam niyang ito ay matagal ng nilimot iyon.