Call Me Mayor Chapter 14

Broken-hearted ako kahit wala pa akong boyfriend. Bakit naman gano'n?

“Okay ka lang ba, Mama?”

Napatingin ako kay Arkia na nag-aalalang nakatingin sa 'kin. Gusto ko sanang tuksuhin siya dahil tinawag niya akong Mama at concerned siya sa 'kin kaso wala ako sa mood.

“Pagod lang siguro,” sabi ko na lang saka tinikman ang niluto kong adobo.

Hindi pa nauwi si mayor, hindi naman dapat ako magulat dahil palagi siyang late nauwi pero iba ngayon. Napa-praning ako dahil iniisip ko na kasama niya ang Mayor Paola na 'yon.

Napailing na lang ako at ipinaghain si Arkia. Tahimik lang siya pero ramdam ko ang tingin niya sa bawat kilos ko. Umupo na lang ako sa tabi niya at kumain na lang din.

Napabuntong hininga ako at uminom ng tubig saka kinuha ang cellphone ko para i-search si Mayor Paola Juancho. Napapabuntong hininga na lang ako sa tuwing nakakabasa ako ng positibong article tungkol sa kanya.

Nakaka-insecure.

“Mama, bakit ka nagce-cellphone habang nakain? Bad 'yon,” sabi ni Arkia habang nakakunot ang noo. Napakamot na lang ako sa batok ko saka alanganing ngumiti sa kanya.

“Sorry, may kailangan lang kasi ako i-search,” pagdadahilan ko na lang.

“Si Mayor Paola Juancho po ang kailangan niyo i-search?” tanong niya habang nakatingin sa cellphone ko.

Napatikhim na lang ako. Ipinakita ko sa kanya ang isang picture ni Mayor Paola na akala mo fashion show ang pupuntahan.

“Sabi sa social media, bagay raw sila ng Papa mo. Payag ka ba no'n? Ano ba'ng tingin mo sa kanya? Gusto mo ba siya maging Mama?” sunod-sunod na tanong ko sa kanya.

Napahawak si Arkia sa baba niya habang nakatitig sa picture ni Mayor Paola.

“Hindi siya mukhang mother material, mukhang mas may pakialam siya sa make up niya kaysa sa bata,” sabi naman ni Arkia.

Napangiti ako sa sinabi niya. May punto siya ro'n, hindi talaga mukhang mother material ang Mayor Paola na 'to. Hindi siya pwede kay Mayor Arken.

“Pero kung siya ang gusto ni Papa, wala naman akong magagawa kundi ang tanggapin siya na Mama ko. Ganyang mga babae ang gusto ng mga boys,” dugtong naman ni Arkia na nagpabagsak ng mga balikat ko.

“Hindi naman lahat ng lalaki ganyan ang type 'no!” naiinis na sabi ko saka agad na pinatay ang screen ng cellphone ko.

“Bakit ka nagagalit?” nakangusong tanong niya.

Napakamot na lang ako sa batok ko saka napaiwas ng tingin sa kanya.

“Hindi naman po ako nagagalit, nagpapaliwanag lang po, boss,” sabi ko na lang saka pilit na ngumiti sa kanya.

Napaismid na lang ako at muling sumubo ng kanin. Lalo lang akong nainis. Bakit ba kasi karamihan sa mga lalaki ay maganda at sexy ang type?

Sabagay, karamihan din naman kasi sa babae ay gwapo ang hanap, pero hindi naman palagi 'no. May mga nakikita nga ako na magandang babae tapos hindi kagwapuhan ang boyfriend.

Napailing na lang ako sa mga naiisip ko, masyado akong affected dahil sa nakita ko kanina. Siguro hindi ako pwedeng magkaboyfriend dahil mabilis akong magselos. Hindi ko pa nga boyfriend si mayor, para ng sinasaksak ang puso ko dahil sa selos na nararamdaman ko ngayon.

“Papa!”

Napaupo ako ng tuwid nang agad na tumayo si Arkia at sinugo mg yakap si mayor. Napakagat ako sa ibabang labi ko at napapikit ng mariin.

Bakit naman kaya ang aga niyang umuwi ngayon?

“Sumabay ka na po sa 'min, Papa. Nagluto po si Mama ng masarap na adobo!”

Napaiwas ako ng tingin kay mayor nang umupo siya sa tapat ko. Paano ba ako aakto? Dapat ba normal lang? Ano ba ang normal kong kilos kay mayor? Nalimutan ko na yata dahil sa Mayor Paola na 'yon.

“Mama, hindi mo po ba ipaghahain si Papa?” tanong ni Arkia.

Natigilan ako sa tanong niya. Oo nga pala, palagi ko nga palang ipinaghahain si mayor.

Napatingin ako kay mayor na seryosong nakatitig sa 'kin, pakiramdam ko nanghina ang mga tuhod ko nang magtagpo ang mga tingin namin. Napailing na lang ako at tumayo saka ipinaghain siya.

“Mama, saan ka po pupunta? Hindi ka pa po tapos kumain,” nakasimangot na tanong ni Arkia.

“Busog na 'ko, Arkia. Magpapahinga na 'ko. Maihahatid at masusundo na kita sa school bukas,” sabi ko na lang saka nagtungo na sa silid namin ni mayor.

Agad akong nagshower at nagpalit ng damit pantulog. Napatitig ako sa salamin habang sinusuklay ang mahaba kong buhok.

Ang awkward ko na kay mayor ngayon, malamang nahahalata niya ang pagiging malamig ko sa kanya pero naiinis kasi talaga ako sa tuwing nakikita ko siya. Naaalala ko lang kung paano niya hinawakan ang Mayor Paola na 'yon.

Malamang nagandahan siya sa babaeng 'yon, malamang nabanguhan siya, malamang naakit siya dahil talagang sexy si Mayor Paola.

Naiinis na inilapag ko sa table ang suklay. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko, parang may nagwawala sa loob ng sistema ko na hindi ko maipaliwanag.

Napasinghap ako nang bumukas ang pinto. Dali dali akong nagtungo sa kama at humiga ro'n saka nagtalukbong ng kumot.

Pinakiramdaman ko si mayor. Tahimik lang siya at hindi nagsasalita. Agad kong inalis ang kumot na nakabalot sa 'kin nang marinig kong bumukas ang pinto sa banyo.

Napabuntong hininga na lang ako at pumikit, gusto ko sana na makatulog na bago lumabas ng banyo si mayor pero alam kong imposible 'yon. Baka nga mamaya pa 'ko makatulog nito eh.

Pinilit kong matulog pero nakalabas natapos ng maligo si mayor at lahat lahat, gising pa rin ako. Nakapikit lang talaga ako para hindi na niya ako kausapin.

Sabagay, ano ba'ng kinakatakot ko? Hindi naman talaga ako kinakausap ni mayor maliban na lang kapag ako ang unang kumausap sa kanya, kapag kinukulit ko siya.

Siguro nakukulitan na sa 'kin si mayor. Pakiramdam ko mabait talaga siya dahik nagagawa niyang pagtiyagaan ang kakulitan ko nang hindi ako binabaril.

Pinigilan ko ang sarili ko na mapapitlag nang maramdaman kong hinawakan ni mayor ang braso ko.

“What the fuck is your problem?” tanong niya.

Nagtayuan ang mga balahibo ko dahil naramdaman ko ang pagtama ng hininga niya sa bandang leeg ko. Parang may kung anong kuryente ang dumaloy sa katawan ko na hindi ko maipaliwanag.

Mukhang ramdam niya na hindi pa ako tulog.

Napabuntong hininga ako saka bumangon. Kumuha ako ng unan at dinala 'yon sa couch saka humiga ro'n. Naramdaman kong hinahabol niya ng tingin ang bawat galaw ko. Hindi na lang ako kumibo at tumalikod sa pwesto niya.

Naiinis pa rin talaga ako. Akala ko mababawasan na ang bigat na nararamdaman ko kapag lumipas na ang ilang oras, pero inis na inis pa rin ako sa nakita ko kanina sa plaza hanggang ngayon.

Napasinghap ako nang hatakin ako ni mayor patayo. Napalunok na lang ako nang mapatingin sa mga mata niya, nakakunot ang noo niya at talagang halata sa mga mata niya na naiinis na siya.

“Stop pissing me off and tell me why the fuck are you acting like that,” mariing sabi niya habang hawak ng mahigpit ang braso ko.

“Sa couch naman talaga ako totoong natutulog diba?” pa-inosenteng tanong ko, pinilit kong alisin ang pait sa boses ko.

“I told you to sleep on the bed,” naiinis na sabi niya saka itinuro ang kama.

“At saan ka naman matutulog?” tanong ko. Natigilan siya.

“On the bed,” nakakunot-noong sabi niya.

“Magtatabi tayo? Bakit tayo magtatabi? Hindi naman porke't may nangyari na sa 'tin dapat na tayong matulog ng magkatabi diba? Alam ko naman ang limitasyon ko, nilinaw mo sa 'kin na bawal akong magkagusto sa 'yo. Tinutupad ko lang ang gusto mo dahil ayaw ko pang mamatay.”

Hindi siya nakasagot sa sinabi ko. Nanatili lang siyang nakatitig sa mga mata ko. Pakiramdam ko nanghihina ang mga tuhod ko. Ako rin pala ang manghihina sa mga salitang sinabi ko.

“Fine, fucking sleep on the couch. Do whatever the fuck you want,” malamig na sabi nito saka tinalikuran ako at nagtungo sa kama niya saka humiga.

Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at muling humiga sa couch. Muli akong tumalikod sa pwesto ni mayor saka bumaluktot.

Mas lalo lang bumigat ang pakiramdam ko, pati paglunok nahihirapan na 'ko.

Pumikit na lang ako at pinilit ang sarili ko na matulog, pero mahigit isang oras na yata ang lumipas pero gising na gising pa rin ang diwa ko.

Nangangati akong silipin si mayor kung tulog na siya. Malamang tulog na siya dahil wala akong naririnig na pagkilos mula sa kanya.

Ang unfair naman. Bakit ang dali lang para sa kanya na matulog pagkatapos ng nangyari. Gano'n ba talaga siya ka-walang pakialam sa 'kin.

Natigilan ako nang maramdaman kong may malalakas na braso ang bumuhat sa 'kin mula sa couch. Pumikit na lang ako at pinilit na pakalmahin ang paghinga ko upang hindi mahalata ni mayor na gising pa 'ko.

Naramdaman kong dahan-dahan niya akong inihiga sa kama saka kinumutan. Napalunok ako nang maramdaman kong humiga siya sa tabi ko.

Bakit niya naman ako binuhat dito sa kama? Akala ko ba galit siya sa 'kin?

Pinigil ko na mapasinghap nang maramdaman kong niyakap niya ako nang mahigpit. Pakiramdam ko sakop na sakop ng katawan niya ang may kaliitan kong katawan.

Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at pinilit na pakalmahin ang nagwawala kong puso. Ano ba 'tong ginagawa sa 'kin ni mayor?

Bakit niya ba ako ginaganito?

* * *

“Papa, bakit po kayong dalawa ni Mama ang maghahatid sa 'kin sa school?” tanong ni Arkia mula sa back seat ng kotse. Halata sa boses nito ang tuwa.

Napatingin naman ako kay mayor na nasa tabi ko at abala sa pagmamaneho.

Sa totoo lang nagtaka rin ako dahil nagprisinta siya na ihatid si Arkia sa school, mas lalo akong nagtaka dahil isinama niya pa ako.

“I still have a lot of time,” tipid na sagot niya na lang kay Arkia.

Tumingin na lang ako sa bintana at hindi na lang nagsalita. Bakit ba kasi sinama pa ako ni mayor? Hindi ko nga alam kung paano aakto sa harapan niya ngayon dahil sa ginawa kagabi.

“Bye po, Mama, bye, Papa!” Hinalikan ni Arkia ang pisngi ko pati ang kay mayor saka agad na lumabas ng kotse at pumasok sa school niya.

Hindi ko alam kung bakit pero ayaw na ayaw ni Arkia na magpapahatid sa loob ng school niya, kaya na raw kasi niya ang sarili niya.

Naging awkward na naman ang atmosphere nang maiwan kami ni mayor sa kotse. Tahimik lang ako habang tinitingnan ang mga nadadaanan naming mga gusali. Hindi ko alam kung saan kami pupunta, pero hindi ako nagtatanong dahil gusto kong manindigan.

Natigilan ako nang tumigil ang kotse sa mall. Agad na lumabas ng kotse si mayor at pinaguksan ako ng pinto saka walang pasabing hinila ako palabas.

“A-ano'ng ginagawa natin dito?” tanong ko.

“Shut up,” malamig na sabi niya saka hinila ako papasok sa loob ng mall.

Tumahimik na lang ako at nagpatianod sa kanya. Napakagat ako sa ibabang labi ko at napatingin sa kamay niyang nakahawak sa kamay ko. Hindi ba siya nag-aalala? Kilala siya ng lahat ng tao rito sa Caloocan City.

Natigilan ako nang tumigil kami sa tapat ng stall ng bilihan ng binatog. Napakunot ang noo ko at nagtatakang napatingin sa kanya.

“Do you want that... what do you call that again?” nakakunot-noong tanong niya saka tinuro ang binatog.

“Binatog?”

“Yes, binatog. Do you want that... binatog?” tanong niya.

Napakurap na lang ako habang nakatitig sa kanya. Bakit naman niya tinatanong kung gusto ko ng binatog?

“B-bakit?” tanong ko na lang.

“I'm trying to... Fuck, I'm trying to cheer you up since you seem to be in a bad mood last night,” sabi niya na tila ba hirap na hirap siyang sabihin 'yon.

Napakagat na lang ako sa loob ng pisngi ko.

Walang ibig sabihin 'to Ayen, wag kang kiligin. Wag kang kiligin.

“Sige na nga, ibili mo 'ko,” kunwaring napipilitan na sabi ko na lang saka napaiwas ng tingin sa kanya.

Gusto ko pa sanang mag-inarte kaso dinaan niya 'ko sa binatog. Paborito ko 'yon eh, hindi ako nakakatanggi sa binatog.

Bumili si mayor ng binatog, pinigilan ko na mapangiti nang ibigay niya sa 'kin 'yon. Hinila niya ako papunta sa isang bench saka iniupo ako ro'n, umupo naman siya sa tabi ko.

“Mayor, gusto mo ba?” tanong ko saka inalok siya ng binatog.

Tumango na lang siya. Napangiti ako at sinubuan siya no'n. Pinanood ko siya na ngumuya, ang gwapo ni mayor ngumuya. Hindi na nakakatuwa.

Natigilan ako at napatingin sa pwesto namin. Bakit parang nangyari na 'to?

“Bibili lang ako ng tubig,” sabi ko saka tumayo at naghanap ng bilihan ng tubig.

Natigilan ako nang mapansing nakasunod pala sa 'kin si mayor. Hindi na lang ako nagsalita at hinayaan siya.

“Pabili po ng tubig,” sabi ko sa tindero saka nagbayad. Agad niya namang inabot ang bottled water sa 'kin.

Binuksan ko ang tubig saka ininom 'yon. Natigilan ako at napatingin kay mayor na nakatitig sa 'kin. Nauuhaw rin ba siya?

“Gusto mo rin ng tubig? Ibibili kita, wait.”

Akmang pupunta ulit ako sa bilihan ng tubig nang hawakan niya ang braso ko saka kinuha ang bottled water na ininuman ko. Napakurap na lang ako nang inumin niya 'yon saka ibinalik din kaagad sa 'kin.

“M-mayor, nainuman ko na 'to eh,” nauutal na sabi ko na lang. Napakunot na lang ang noo niya.

Oo nga pala, may nangyari na sa 'min at lahat lahat. Bakit big deal pa sa 'kin 'yon?

“May iba ka pa bang gusto?” tanong ni mayor.

“Ikaw,” agad na sagot ko.

Natigilan siya pero nanatiling walang reaksyon.

“What?” tanong niya.

“Ikaw, kung may iba ka pa bang gusto?” palusot ko na lang.

“Ikaw,” sagot naman ni mayor na nagpasinghap sa akin.

Napaubo ako sa sinabi niya. Gulat na napatingin ako sa kanya, nanatili naman siyang walang reaksyon. Bakit wala pa rin siyang reaksyon samantalang muntik na akong maloka sa isang salita na sinabi niya.

“Ikaw, may gusto ka pa ba?” pahabol na tanong niya.

Napaismid na lang ako at pinigilan ang sarili ko na sapakin siya. Kung hindi ko lang talaga siya crush... Nako. Pasalamat talaga siya.

“Gusto ko ng libro tungkol sa mga hayop, lalo na tungkol sa mga nagiging sakit ng iba't ibang hayop. Wag kang mag-alala, ikaltas mo na lang sa ibinabayad mo sa 'kin,” sabi ko na lang.

Gusto ko talaga ng maraming alagang hayop kaso hindi ko naman maaalagaan.

Hindi naman siya nagsalita at hinila na lang ako papuntang book store.

“Excuse me, I want to buy all the books here about animals, I'll send you the address.”

Napasinghap ako sa sinabi ni mayor. Agad ko siyang hinila palayo sa manager ng book store.

“Mayor, bakit mo naman bibilhin ang lahatbng libro? Paano ko naman mababayaran 'yon?” tanong ko saka napakamot sa batok ko.

Baka kulang pa ang isang taong suweldo ko para sa mga 'yon eh.

“I didn't tell you to pay for it,” sabi na lang niya saka muling bumalik sa manager ng book store.

Mukhang seryoso talaga siya na bibilhin niya ang lahat ng libro tungkol sa mga hayop sa book store na 'to.

“Mayor, hindi ba sobra naman yata 'yon? Eh malay mo hindi ko naman mabasa 'yon lahat, edi sayang lang ang pera mo,” sabi ko na lang habang nakasunod sa kanya.

“I don't care,” sabi na lang niya habang tuloy sa paglalakad. Napakamot na lang ako sa batok ko.

“Mayor Arken!”

Natigilan ako at napatingin sa maganda at sopistikadang babae na papalapit sa pwesto namin. Naningkit ang mga mata ko habang nakatitig sa kanya.

Bakit parang nakita ko na ang babaeng 'to?

“Mayor Paola, you're still here,” wika naman ni mayor saka hinarap ang babae.

Pakiramdam ko nanliit ako nang magkalapit na si mayor at ang Mayor Paola na 'yon. Mukhang tama ang mga tao, bagay na bagay talaga sila.

Napabuntong hininga na lang ako at tumalikod at pasimpleng umalis at iniwan sila. Mukhang hindi naman napansin 'yon ni mayor dahil ni hindi ako binalingan ng tingin nito.

Nakakalimutan niya 'ko kapag nandyan ang Mayor Paola na 'yan

* * *

Tahimik lang ako na nakahiga sa kama habang si mayor ay nasa banyo at nagsh-shower.

Hindi ko siya kinibo simula nang umuwi na siya rito. Alam kong nahalata niya 'yon pero hindi na lang siya kumibo.

Natigilan ako nang magbukas ang pinto sa banyo. Pasimple akong napatingin kay mayor na boxer lang ang suot habang nagpupunas ng basa niyang buhok.

Napaiwas na lang ako ng tingin at napalunok. Kailangan kong umiwas sa tukso at baka bumigay ako ng wala sa oras.

Bakit naman kasi ibinabalandra niya ang katawan sa harapan ko? Sinasadya niya ba 'yon?

Kumuha siya ng sando sa drawer niya at sinuot 'yon. Medyo nadismaya ako nang matakpan na ng damit ang abs niya, pero okay lang dahil kita pa naman ang braso niya.

Napailing na lang ako. Ano ba naman 'tong naiisip ko? Nasasaktan na nga ang puso ko dahil sa nangyari kanina, nagawa ko pang pagnasahan si mayor sa isip ko.

Napatingin ako kay mayor, seryosong nakatitig siya sa 'kin habang nagpupunas siya ng buhok. Napalunok na lang ako at muling napaiwas ng tingin sa kanya.

Napasinghap ako nang mapansing gumapang si mayor sa kama, napakurap ako at umatras habang siya naman ay gumagapang papalapit sa 'kin. Ano ba'ng trip niya.

“M-mayor,” nauutal na sabi ko hanggang sa lumapat na ang likod ko sa headboard ng kama dahil sa kakaatras ko.

Napalunok na lang ako nang magkalapit na ang mukha naming dalawa. Pinigil ko ang paghinga ko nang halos magdikit na ang ilong namin.

“I'm really pissed now, tell me what the hell is your problem,” mariing usal niya habang nakatitig sa 'kin.

Napaiwas ako ng tingin, maling move yata iyon dahil naramdaman ko ang paghinga niya sa leeg ko na nagpatayo ng mga balahibo ko.

“M-mayor,” sabi ko na lang saka marahan siyang itinulak palayo sa 'kin. Baka malagutan na talaga ako ng hininga dahil sa kakapigil ko ro'n.

“Mayor, k-katulad ba ni Mayor Paola ang type mong babae?” lakas-loob na tanong ko saka tumingin sa kanya.

Halatang natigilan siya sa tanong ko at bahagyang napalayo. Napalunok na lang ako habang dinadamdam ang mabilis na tibok ng puso ko habang hinihintay ang sagot niya.

Napasinghap ako nang imbis na sagutin ang tanong ko, hinila niya ako papalapit sa kanya saka marahang kinagat ang tainga ko. Agad naman akong napatakip sa tainga ko at gulat na napatingin sa kanya.

Tila may kuryente na namang dumaloy sa buong katawan ko.

“She's not my type for several reasons, but the most crucial reason is because her ears aren't small,” sabi na lang niya habang nakatitig sa 'kin.

Ano raw?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.