"Ano'ng gustong almusal ng baby ko?"
Gusto kong matawa nang makita ko kung paano pasimpleng napangiwi si Arkia sa tanong ko. Ang satisfying talaga kapag naiinis ko siya.
"Kahit ano pong iluto mo, okay lang po sa 'kin," sagot naman niya saka ngumiti ng matamis.
Napatigil si mayor sa pagbabasa ng diyaryo at napatingin sa 'min ni Arkia. Yumakap naman ako kay Arkia saka pinisil ang malambot na pisngi niya.
"Ang sweet mo talaga, Arkia. Bakit ba ako nagkaroon ng anak na kasing sweet mo?" tanong ko saka ngumiti sa kanya. Napairap siya sa 'kin nang muling ibinaling ni mayor ang tingin nito sa diyaryo.
"Sweet ka rin po kasi Mama," plastik na sabi niya habang todo ismid,
"Magluluto na 'ko!" kunwaring excited na sabi ko saka binuksan ang ref upang maghanap ng mailuluto.
Pakainin ko kaya ng tortang sili itong si Arkia? Ang cute niya kasi eh.
"Arken."
Natigilan kami ni Arkia nang mapaubo si mayor. Agad ko siyang inabuutan ng tubig. Ano naman kayang problema ng isang 'to at paubo-ubo pa?
"Arken, gusto mong ipagluto rin kita?" tanong ko saka ngumiti ng matamis sa kanya.
Napatikhim na lang siya at muling ibinaling ang tingin niya sa diyaryo.
"Just make a coffee for me," sabi na lang niya. Tumango na lang ako at nagsimula ng magluto ng pancake.
Ipinagtimpla ko na rin ng gatas si Arkia, sunod ang kape ni mayor, buti na lang talaga at inaral ko ang paggamit ng coffee maker, pinipindot lang pala 'yon.
"Pancake at gatas para kay Arkia, kape naman para kay yorme," sabi ko saka ipinaghain sila.
"Yorme?" sabay na tanong ni Arkia at mayor. Natawa na lang ako.
"Yorme, mayor 'yon. Nako, palibhasa wala kayong alam mag-ama sa mga ganyang words eh. Saka mayor---este Arken, meron kang facebook page, saka sikat ka kaya sa social media," sabi ko saka umupo sa tabi ni Arkia at ininom ang kape na tinimpla ko para sa sarili ko.
"I don't handle my social media accounts, I let my secretary handle those," masungit na sabi niya saka uminom ng kape niya.
Ang gwapo talaga ni mayor, mukhang bagong ligo siya. Ang bango niya pa, amoy na amoy ko. Kahit parang pasan niya ang mundo, ang gwapo niya pa rin. Kapag ngumiti siguro siya sa 'kin kahit isang beses, siguradong malalaglag ang dapat malaglag.
"Ah, kaya pala gano'n yung reply ng page sa ibang comments, puro kalokohan. Hindi pala ikaw ang nagha-handle no'n." Sabagay, busy siyang tao. Malamang wala na siyang time magfacebook.
Hindi na lang siya nagsalita at inubos ang kape niya. Tumayo na siya at nagtungo sa kwarto niya para siguro magtoothbrush at magpalit ng damit. Napaismid na lang ako, ang sungit naman no'n.
"Palagi ng nasabay si Papa mag-almusal," nakakunot-noong sabi ni Arkia pagkaalis ni mayor. Ngumiti na lang ako ng matamis sa kanya.
"Baka na-fall siya sa charms ko," pagbibiro ko. Napairap naman siya sa sinabi ko.
"To be honest, wala ka pa sa kalingkingan ng mga nagkakagusto kay Papa," tila nang-iinis na sabi niya.
Kinagat ko ang ibabang labi ko upang pigilan ang sarili ko na hilahin ang buhok niya. Dapat kong itatak sa isip ko na bata pa siya at sadyang matalas lang ang dila niya.
"Grabe ka naman, maganda kaya ako, hindi lang ako nag-aayos," sabi ko saka pasimpleng humawak sa pisngi ko.
Napairap naman siya saka uminom na lang ng gatas. Naku, kaunti na lang at madudukot ko na ang mata nitong batang 'to.
Lumabas na rin si mayor makalipas ang ilang minuto. Nakasuot na siya ng tipikal niyang damit pangtrabaho na three piece suit, kapag suot niya 'yan, lalo siyang nagmumukhang matipuno. Paano na lang kaya kapag wala siyang suot?
"Yung laway mo," bulong ni Arkia sa 'kin.
Agad akong napahawak sa labi ko. Tiningnan ko ng masama si Arkia nang mapansing wala namang laway.
"Ikaw talagang bata ka, masasabunutan kita," pasimpleng bulong ko naman sa kanya.
"I'll go ahead," sabi ni mayor bago tuluyang umalis. Hinabol ko na lang siya ng tingin hanggang sa makaalis siya.
"May crush ka talaga sa Papa ko," pang-aakusa ni Arkia habang nakatingin ng masama sa 'kin.
"Wag ka ngang ano riyan, feeling mo ba lahat ng babae nagkakagusto sa Papa mo?" tanong ko na lang. Naningkit ang mga mata niya.
"Ayaw ko sa 'yo para sa Papa ko," masungit na sabi niya.
"Ayaw ko rin sa Papa mo para sa 'kin, masyado akong mabait para sa kanya," sabi ko na lang.
"Hindi ka mabait, nagbabait-baitan ka lang."
Ayos din ang batang 'to ah.
"Nakadepende kasi sa tao ang pagiging mabait ko. Hindi ako mabait sa 'yo kasi hindi ka mabait sa 'kin," sabi
Ito talagang si Arkia, hindi ko talaga inakala noong una na ganito ang ugali niya, pero kahit papa'no naiintindihan ko naman siya. Napipikon lang talaga ako minsan.
"Arkia, aalis ako ha. Text mo na lang ako kung may trip kang ipabili, pero hindi na kita ibibili ng gummy worms. Pahamak ka," sabi ko saka inirapan siya.
"Umalis ka kung gusto mo, I don't care," masungit na sabi niya saka nagtungo sa kwarto niya.
Napailing na lang ako habang hinahabol siya ng tingin, mag-ama talaga sila ni mayor, walang duda.
* * *
"Bakit gusto mong mamili ng mga damit? Nagpapaganda ka talaga para kay mayor 'no?" tila nanunuksong tanong ni Wrena. Napairap naman ako.
"I don't need to look pretty, my friend. I was born pretty," I said and smiled sweetly at her.
Napasimangot na lang ako nang batuhin niya ako ng damit sa mukha.
"Manahimik ka na lang, mamili ka na ng damit," pagsingit niya sa sasabihin ko.
Hindi naman kasi ako namimili ng mga damit para magpaganda kay mayor, puro luma na kasi ang mga damit ko kaya gusto ko ng palitan yung mga luma na talaga.
Pero sige na nga, medyo gusto ko rin manamit ng ayos sa harapan ni mayor. Hindi naman ako magsusuot ng revealing na damit, aayusin ko lang ang pananamit ko.
"Ayen, tingnan mo 'to."
Tumingin ako kay Wrena. Napasinghap ako at hinampas siya sa braso nang lingerie ang ipakita niya sa 'kin. Agad kong hinablot iyon at ibinalik sa kung saan man niya iyon nakuha.
"Ano ka ba? Ang laswa no'n, baka sipain ako palabas ni mayor kapag nakitang suot ko 'yon," nakangiwing sabi ko. Ayoko ng ma-imagine.
"Sus, try mo lang. Kapag tinanong kung bakit gano'n ang suot mo, sabihin mo na lang na nadulas ang kamay mo at nasuot mo 'yon nang hindi sinasadya."
Napailing na lang ako sa sinabi niya. Hindi ko talaga alam ang magagawa ni mayor sa 'kin kapag nakitang suot ko 'yan. Baka mabaril talaga ako no'n ng tuluyan.
"Mababaril ako," tipid na sabi ko na lang habang nagtitingin ng mga damit.
"Aysus, mababaril ka ng sandata niya?"
Agad ko siyang hinampas sa braso saka tiningnan ng masama. Tinawanan niya lang ako saka itinuloy ang pagtingin sa mga damit.
Puro kahalayan talaga ang nasa isip niya, pakiramdam ko tuloy nahahawa ako minsan, narurumihan na rin ang isip ko.
"Pero alam mo, kakaiba ka sa lahat ng secretary. Bakit pagala-gala ka lang? Akala ko ba sobrang busy ng trabaho mo kay mayor kaya kailangan mong tumira sa bahay niya? Eh bakit parang ang dami mo naman yatang oras," sabi niya saka pinaningkitan ako ng mga mata.
"Ano ka ba? Hindi naman ako robot 'no, binibigyan din ako ni mayor ng time na magpahinga, mabait siyang amo," labas sa ilong na sabi ko.
"Talaga ba? Sobrang bait naman niyang amo na tipong nakakagala ka kung kailan mo gusto. Grabe naman girl, hindi ko kinakaya ang pagiging mabait ng amo mo," puno ng sarkasmong sabi niya. Napaismid na lang ako.
"Iyan ka na naman sa pagiging malisyosa mo. Walang something sa 'min ni mayor, okay?"
Ibang something ang meron sa 'min ni mayor at hindi nakakakilig 'yon, medyo suspenseful.
"Ay ewan ko sa 'yo, ilibre mo na lang ako nito," sabi niya saka ipinakita sa 'kin ang damit na gusto niya. Kulay itim iyon at medyo may kaiklian.
"Ano 'yan? Nagpapaganda ka ba kay Aljen?" natatawang tanong ko. Napasighap naman siya sa sinabi ko.
"Ano ka ba?! Mandiri ka nga sa pinagsasasabi mo," nakangiwing sabi niya. Natatawang napailing na lang ako.
"Sus, malakas talaga ang feeling ko na kayo ni Aljen ang magkakatuluyan eh," pang-aasar ko pa.
"Asa naman 'no, kita mong baliw na baliw sa 'yo ang lalaking 'yon eh," sabi na lang niya.
"Feeling ko naman matagal ng walang mararamdaman sa 'kin si Aljen, nalilito lang talaga siya. Malay mo ikaw pala ang totoong gusto niya."
"Manahimik ka na lang diyan, puro katangahan ang sinasabi mo," napapailing na sabi niya.
Matagal din kaming namili ng mga damit ni Wrena. Iniwan niya rin ako pagkatapos naming mamili dahil naka-duty siya rito sa mall, nagta-trabaho siyang sales lady rito.
Nakakamiss din ang mga trabaho namin ni Wrena, ngayon kasi ang trabaho ko na lang ay maging nanay at alagaan ang medyo bruhildang anak ni mayor.
Natigilan ako nang mapadaan ako sa bilihan ng mga damit pambata. Napakunot ang noo ko nang makita si mayor doon at nagtitingin ng mga damit.
Ano'ng ginagawa ni mayor doon?
Agad akong pumasok sa loob ng mall at nilapitan siya. Nakakapagtaka na hindi niya kasama ang bodyguard niyang si Adham, nakakapagtaka rin na nandito siya sa mall.
"Mayor," tawag ko sa kanya saka dinutdot ang balikat niya. Agad siyang napatingin sa 'kin.
"What are you doing here?" nakakunot-noong tanong niya.
Inangat ko ang dalawang paper bag na hawak ko.
"Namili ako ng damit, mamaya sa ukay-ukay naman ako pupunta, mas magaganda ang damit do'n at mura pa," bulong ko sa kanya para hindi marinig ng sales lady.
Hindi na siya nagsalita at pinagpatuloy na lang ang pagtingin ng mga damit. Gusto kong matawa sa hitsura niya ngayon, ang cute niya.
"Hinahanapan mo ng damit si Arkia?" tanong ko. Tumango na lang siya.
"Ikaw pala ang napili ng mga damit ni Arkia, kaya pala hindi magaganda ang mga damit niya."
Napatakip ako sa bibig ko nang tumingin ng masama sa 'kin si mayor. Bakit ba siya nagagalit eh nagsasabi lang naman ako ng totoo?
Hindi na lang niya ako pinansin at ibinalik ang atensyon sa mga damit.
"Mayor," bulong ko sa kanya.
Huminga siya ng malalim saka naiinis na tumingin sa 'kin.
"Bakit na naman ba?" naiiritang tanong niya pero pinapanatiling mahina ang boses.
"Wala ka bang trabaho? Bakit pa-shopping shopping ka na lang? Saka nasaan si Adham?" sunod-sunod na tanong ko.
"I checked the construction of road nearby. Dumiretso na lang ako rito para bilhan ng damit si Arkia. May inutos ako kay Adham," sagot niya sa mga tanong ko. Napatango na lang ako.
Ayos din itong si mayor, parang robot kung sumagot.
"Hawakan mo 'to, ako na ang mamimili ng mga damit ng baby ko," sabi ko saka pinahawak sa kanya ang paper bags na dala ko.
Lihim akong natawa, kung narinig lang siguro ni Arkia ang sinabi ko baka napairap 'yon.
"Sanay ba talagang mag-isa si Arkia? Mukhang hindi siya natatakot kahit mag-isa lang siya sa bahay na 'yon. Saka hindi ka ba natatakot? Baka may mang-kidnap sa kanya o ano?" tanong ko habang nagtitingin ng mga damit.
"There are guards around the house, she's safe," tipid na sagot niya. Napasinghap naman ako.
"May mga guard do'n? Bakit hindi ko nakikita?" tanong ko.
Hindi na lang siya sumagot. Napaismid na lang ako at itinuloy ang paghahanap ng mga damit.
"Alam mo magiging honest ako, hindi talaga magaganda ang mga damit ni Arkia kahit mukhang mamahalin. Suggest ko sa 'yo, bumili ka ng maraming tela, ipagtatahi ko na lang siya," sabi ko saka inabot sa kanya ang mga damit na napipili ko.
"Do whatever you want," sabi na lang niya habang kinukuha ang mga damit na inaabot ko sa kanya.
Lumabas na kami ng store na 'yon pagkatapos naming mamili. Buti na lang talaga at nakita ko siya, ang pangit ng mga pinipili niyang damit. Wala siyang kaalam-alam sa fashion.
Ako naman kasi sadyang wala lang akong pera kaya hindi ako maayos manamit.
"Mayor, ilibre mo ko ng binatog," sabi ko saka itinuro ang stall ng binatog.
"No," agad na sabi niya at akmang aalis na bitbit ang paper bags nang hawawakan ko ang braso niya.
"Mayor, sige na. Gusto rin 'yan ni Arkia eh," pagsisinungaling ko.
"I don't care," sabi naman niya at akmang aalis pero mas hinigpitan ko ang pagkapit sa braso niya.
"Mayor, ang sama ng ugali mo," nakakunot-noong sabi ko.
Napabuntong hininga siya at isinabit sa isang kamay niya ang limang paper bag saka kinuha ang wallet niya sa bulsa ng coat niya at iniabot sa 'kin.
"Ang bait mo na pala, mayor," tuwang tuwa na sabi ko.
Hinila ko siya sa stall ng binatog. Namiss ko kumain nito, paborito ko talaga ang binatog.
"Kuya, pabili nga po ng apat na binatog," sabi ko kay kuyang tindero.
Binuksan ko ang wallet ni mayor, napasinghap ako nang makitang puro card ang laman no'n, may cash naman siya kaso puro isang libo at five hundred. Kumuha na lang ako ng five hundred at inabot kay kuya.
"Bakit apat?" nagtatakang tanong niya.
"Dalawa sa 'kin, isa kay Arkia at isa rin sa 'yo," sabi ko naman.
"I don't eat binatog," sabi naman niya. Napailing ako.
"I don't care," panggagaya ko sa sinabi niya kanina.
Excited na nakatingin ako sa binatog na ginagawa ni kuyang tindero. Namiss ko talaga ang binatog dahil dalawang linggo na akong hindi nakakakain nito.
"Kuya, paki-plastic yung tatlo, yung isa kakainin ko na ngayon."
Napangiti ako nang i-abot sa 'kin ni kuya ang plastic pati ang isang binatog na ready to eat na.
"Mayor, hawakan mo 'to." Inabot ko kay mayor ang plastic ng binatog at pinabitbit 'yon sa kanya.
"Mayor, ikaw pala 'yan," nakangiting sabi ni kuyang tindero.
"Hello," tipid na sabi na lang ni mayor saka tipid na ngumiti kay kuyang tindero.
Sabi na nga ba at gwapo talaga siya kapag ngumiti. Kahit tipid na ngiti lang 'yon, parang may kung anong nagwala sa tiyan ko.
"Girlfriend mo ba siya, mayor? Nako, bagay na bagay kayo," nakangiting sabi naman ng tindero.
Napalunok na lang ako at hinawakan ang braso ni mayor at hinila siya palayo sa binatog stall. Baka ma-tsismis pa kami ni mayor nito eh.
Umupo kami ni mayor sa may mahabang upuan. Agad kong tinikman ang binatog nang makaupo na kami.
"Wow, ang sarap talaga. Tikman mo mayor," sabi ko at inilapit sa labi niya ang kutsara na may binatog.
Napabuntong hininga na lang siya at sinubo iyon. Napakagat ako sa ibabang labi ko saka napangiti.
Bakit ngayon ko lang napansin na sinusunod lahat ni mayor ang utos ko ngayon?
"Ang sarap 'no? Magugustuhan ni Arkia 'to, saka bumili rin tayo no'n oh," sabi ko at itinuro ang cotton candy stall na katabi lang namin.
"Cotton candy?" nakakunot-noong tanong ni mayor. Tumango naman ako.
"Oo, gusto ni Arkia 'yan, pati ng doughnuts. Bumili rin tayo ng chocolate cake na maliit, gustong gusto raw talaga ni Arkia 'yon."
Ako lang naman talaga ang may gusto ng mga 'yon, kunwari na lang gusto rin ni Arkia para bilhin niya talaga.
Muli akong sumubo ng binatog, tila wala sa sariling napangiti ako.
Grabe, indirect kiss 'yon! Iisang kutsara ang ginagamit namin ni mayor.
Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko nang maramdaman kong nag-iinit ang magkabilang pisngi ko. Pakiramdam ko rin may kung anong nagwawala sa tiyan ko, hindi ko maipaliwanag kung ano.
"Ano pa'ng gusto ni Arkia?" tanong ni mayor habang nakatingin sa 'kin.
"Gummy worms."
Tiningnan niya ako ng masama. Tumawa na lang ako saka pabirong hinampas ang braso niya.
"Joke lang naman, mayor. Hindi ka mabiro," sabi ko na lang saka muli siyang hinampas sa braso.
Ang tigas ng braso ni mayor. Kayang kaya akong protektahan... Kayang kaya rin akong saktan.
INABOT kami ng ilang oras ni mayor sa pagbili ng kung ano-ano. Nasira lang ang moment namin nang dumating si Adham, may kailangan pa rin kasing asikasuhin si mayor.
"Hay, ang dami kong napamili ah," sabi ko na lang saka inilagay sa backseat ang mga paper bags.
Buti na lang nakita ko si mayor sa mall, bukod sa kaunti lang ang nagastos ko, nakapagbonding din kami.
Itinapon ko sa malapit na basurahan ang paper cup ng binatog. Kunwari pa si mayor, naubos din naman namin ang binatog. Hindi na nga namin natirhan si Arkia pero buti na lang binilhan siya ng doughnuts ni mayor.
Nakangiti pa rin ako habang nagmamaneho. Kahit na medyo masungit pa rin si mayor maghapon, pakiramdam ko para kaming nagdate. Ako ang nasunod sa 'ming dalawa kanina, para kaming magjowa.
Napailing na lang ako sa mga naiisip ko. Ano ba naman 'to? Nahahawa na yata talaga ako kay Wrena.
"Ay!"
Napatili ako nang maramdaman kong tila pumutok ang gulong ng sasakyan ko. Ano'ng nangyari?
Dali dali akong bumaba ng kotse upang tingnan ang gulong, napangiwi ako nang makitang flat ang gulong sa unahan. Bakit naman kaya nagkaganito 'to?
Napangiwi ako nang makitang nasa gitna ako nang madilim na kalsada at walang katao-tao rito, wala ring bahay at puro puno lang. Parang katulad lang ng mga nasa cannibal na palabas.
Nagtayuan ang mga balahibo ko nang biglang humangin, ang lamig ng hangin. Papasok na lang ako sa kotse at hihingi ng tulong kay mayor o Adham.
"Miss."
Natigilan ako at napalingon sa tumawag sa 'kin. Napakunot ang noo ko nang mapansing may lalaki na papalapit sa 'kin. Naningkit ang mga mata ko, hindi ko siya masyadong maaninag dahil madilim na.
"Girlfriend ka ba ni mayor?"
Napasinghap ako nang mamukhaan ko na kung sino siya. Napalunok ako at napaatras ako saka napakapit sa kotse. Pakiramdam ko nanginginig ang mga tuhod ko.
Siya yung lalaki sa eskinita, siya yung dapat papatayin ni mayor.
"H-hindi po ako girlfriend ni mayor," nauutal na sabi ko.
Nanlaki ang mga mata ko nang maglabas siya ng kutsilyo at itinutok iyon sa 'kin.
"Alam mo ba kung gaano kahayop ang lalaking 'yon? Tinangka niya akong patayin dahil lang sa nalaman ko ang tungkol sa grupo nila."
Napalunok ako, ano'ng grupo na tinutukoy niya?
Natigilan kami nang mapansing may paparating na sasakyan. Nabuhayan ako ng loob nang makitang lumabas ng kotse si mayor.
"Mayor!"
Akmang tatakbo na ako papalapit kay mayor nang mahablot ng lalaki ang buhok ko at hinila ako papalapit sa kanya. Napasinghap ako nang itutok nito ang kutsilyo leeg ko.
"Let her go," malamig na sabi ni mayor habang nakatingin sa 'min.
"Kung papatayin mo lang din naman ako, isasama ko na 'tong syota mo."
Napapikit ako ng mariin nang maramdaman ko ang paglapat ng malamig na patalim sa leeg ko. Nanginginig na ang buong katawan ko sa takot.
"M-mayor," nauutal na sabi ko habang nakatingin sa kanya.
Mas lalong nanginig ang buong katawan ko nang i-angat na ng lalaki ang kutsilyong hawak niya at isasaksak sa 'kin. Sinubukan kong magpumiglas pero masyado siyang malakas.
Napapikit na lang ako ng mariin kasabay ng pagkawala ng mga luha mula sa mga mata ko at hinintay ang kutsilyo na sumaksak sa 'kin.
Napasinghap ako nang makarinig ng putok ng baril. Napadilat ako at gulat na napatingin sa lalaki na ngayon ay nakahiga na sa sahig.
Napalunok ako at dahan-dahang napatingin kay mayor. Pakiramdam ko nagtayuan ang mga balahibo ko nang makitang may hawak siyang baril.
Walang emosyon na makikita sa mukha niya habang nakatingin sa duguang lalaki na binaril niya.
Hindi ako nakagalaw ng lumapit sa 'kin si mayor at binuhat ako, nanginig na naman ang katawan ko nang maramdaman ko ang hawak niyang baril.
Alam kong masama talaga si mayor at pumapatay siya, pero iba pala talaga ang pakiramdam ngayong nakita ko ito ng harapan.
Pero mas lalo akong nanghihina dahil sa mga mata niyang walang emosyon na para bang wala lang sa kanya ang pumatay.