Call Me Mayor Chapter 9

“Drink it.”

Napatingin ako kay mayor nang abutan niya ako ng tubig. Nanginginig ang mga kamay na kinuha ko iyon saka uminom.

Hindi ako makatingin ng ayos sa kanya, hanggang ngayon nanginginig pa rin ang buong katawan ko dahil sa nangyari.

Natigilan ako nang magbukas ang pinto sa kwarto ni mayor. Pumasok si Arkia saka lumapit sa kama at umupo sa tabi ko.

“Papa, ano'ng nangyari kay Mama?” tanong ni Arkia kay mayor.

“Don't mind her and go back to your room now, it's late,” sabi ni mayor saka lumabas ng kwarto.

Naiwan kaming dalawa ni Arkia sa kwarto. Nanatili akong tahimik at walang kibo, wala ako sa mood makipag-usap kahit kanino.

“Gusto mo pa rin ba si Papa? Talagang nakakatakot siya, hindi ka makakatulog sa gabi kakaisip,” walang emosyon na sabi niya saka tumayo at hinarap ako.

“You're too good for him, I pity you,” sabi niya bago lumabas ng kwarto ni mayor.

Napabuntong hininga na lang ako at napahilamos sa mukha ko. Pakiramdam ko hanggang ngayon naririnig ko pa rin ang putok ng baril kanina. Paulit-ulit ko itong naririnig sa isip ko.

Kahit nanghihina pa 'ko, pinilit kong tumayo para kumuha ng mga damit. Nagtungo ako sa banyo para maligo.

Hindi ko alam kung gaano ako katagal sa banyo. Nakababad lang ako sa bathtub habang nakatulala, kahit anong pagpapakalma sa sarili ko ang gawin ko, walang nangyayari. Nanginginig pa rin ako, takot na takot pa rin ako.

Lumabas na ako ng banyo pagkatapos kong maligo at magtoothbrush. Natigilan ako nang maabutan si mayor na nakaupo sa kama habang nakatingin sa direksyon ko.

Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanya saka nagtungo sa couch at umupo ro'n.

Hindi na lang siya nagsalita at pumasok sa banyo. Napailing na lang ako at sinuklay ang buhok ko. Kahit papa'no medyo kumalma na ako, pero natatakot pa rin ako hanggang ngayon.

Sino ba naman ang hindi matatakot ng gano'n? Pinatay lang naman ni mayor ang lalaki sa harapan ko. Hindi ko alam kung magagawa ko pang matulog ng payapa.

Napabuntong hininga na lang ako at sumandal sa couch saka ipinikit ang mga mata ko.

Agad kong naidilat ang mga mata ko nang maalala ko na naman ang nangyari kanina. Yumakap na lang ako sa mga tuhod ko, gusto ko ng makalimutan ang nangyari kanina pero hindi ko magawa. Mukhang hindi ko 'yon basta malilimutan.

Natigilan ako nang lumabas na si mayor ng banyo makalipas ang ilang minuto. Napatingin siya sa 'kin habang pinupunasan niya ang buhok niya ng towel.

“Sleep on the bed,” sabi niya saka lumapit sa 'kin. Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanya.

“A-ayoko,” sabi ko na lang saka mas nagsumiksik sa couch.

Tila naubusan na siya ng pasensya at marahas na hinila ako patayo. Napasinghap ako nang hilahin niya ako palapit sa kanya, napakapit ako sa dibdib niya saka gulat na napatingin sa kanya.

“Stop acting like this, will you? He's not dead, I just shoot his right leg!”

Napakurap ako sa sinabi niya, napakagat ako sa ibabang labi ko saka tinitigan ang mga mata niya para tukuyin kung nagsisinungaling ba siya o hindi.

“T-talaga? Buhay pa siya?” paninigurado ko.

“You can ask Adham if you want to make sure. I really didn't kill him,” seryosong sabi niya habang nakatitig sa mga mata ko.

Napabuntong hininga ako at napatungo.

“S-sige, maniniwala na 'ko,” nakangusong sabi ko na lang.

Natigilan kaming pareho at muling nagkatinginan. Pakiramdam ko nag-akyatan ang lahat ng dugo sa mukha ko nang mapagtantong sobrang lapit namin sa isa't isa. Halatang natigilan din siya saka napaiwas ng tingin sa 'kin.

Agad niya akong binitawan, lumayo naman ako nang kaunti sa kanya. Pakiramdam ko nakahinga ako ng maluwag, hindi ko napansin na napigil ko pala ang paghinga ko nang matagal.

“Sleep on the bed,” sabi na lang niya saka marahan akong tinulak palapit sa kama.

Napatingin na lang ako sa kanya nang umupo siya sa couch saka humiga ro'n. Napakamot na lang ako sa batok ko at nagtungo sa kama at umupo ro'n.

“Mayor,” pagtawag ko sa kanya.

“Hmm?” tanong niya habang nakapikit.

“Komportable ka ba talaga sa couch?” nag-aalalang tanong ko.

Ang tangkad niya masyado para sa couch na hinihigaan niya. Malamang sumasakit ang likod niya sa umaga.

“I'm comfortable here. Just go to sleep and don't mind me, I know you're tired,” sabi niya habang nakapikit pa rin.

“Malaki naman 'tong kama, ayaw mong magtabi tayo?” nakatungong tanong ko.

Napapitlag ako nang biglang napabangon si mayor at napatingin sa 'kin. Napakurap na lang ako dahil ang sama ng tingin niya sa 'kin ngayon.

“What the hell are you saying? I'm a man!” naiinis na sabi niya saka napaiwas ng tingin sa 'kin.

“Alam ko, wala naman akong sinabi na babae ka eh.”

Napatakip na lang ako sa bibig ko nang tingnan niya ako ng masama. Ang sungit na naman niya.

“Do you have bipolar disorder?” masungit na tanong niya. Agad akong napailing.

“Wala naman, mayor. Kanina malungkot lang talaga ako dahil akala ko patay na si kuyang binaril mo,” sabi ko na lang saka napakagat sa ibabang labi ko.

Natigilan ako nang mapansing natahimik siya. Tumingin ako sa kanya, napakurap na lang ako nang mapansin kong nakatingin siya sa 'kin.

“I'm sure you won't be able to live a normal life if you're my girlfriend,” napapailing na sabi niya saka muling humiga sa couch at pumikit.

Natigilan ako sa sinabi niya, pakiramdam ko nagloading pa iyon sa isip ko.

Sa sinabi niyang 'yon kanina, yung salitang girlfriend lang ang naintindihan ko.

* * *

“Excited ka na ba, Arkia? Today is your big day!” excited na sabi ko saka inihain ang niluto kong almusal.

“Opo, Mama! Sobrang happy ko rin dahil may ipapakilala na akong Mama sa classmates ko,” nakangiting sabi niya.

Gusto ko sanang mainis sa plastikan namin ngayon kaso naawa naman ako sa kanya. Wala pala siyang mga magulang na ipinapakilala sa mga kaklase niya.

“Dapat talaga maging happy ka dahil maiinggit sila sa 'yo, ang ganda ko kaya,” natatawang sabi ko saka naghawi pa ng buhok.

“Opo Mama, mana po ako sa 'yo,” masiglang sabi naman ni Arkia.

Hindi ko na talaga kinakaya ang plastikan naming dalawa, ibang level na.

Napatingin ako kay mayor na napapatingin sa 'min na para bang ang OA na namin ni Arkia.

Hindi na lang siya nagsalita at itinuloy na lang ang pagbabasa ng diyaryo. Ang gwapo ni mayor kahit nagbabasa lang siya ng diyaryo. Hindi makatarungan.

“Arken!”

Napatingin ako sa pinanggalingan ng boses. Napakunot ang noo ko nang may apat na gwapo at matatangkad na lalaki ang dumating. Sino naman ang mga 'to?

Napatayo si mayor at sinara ang diyaryong binabasa niya.

“Let's talk in the library,” sabi ni Mayor Arken saka agad na umalis. Sinundan naman siya ng tatlong lalaki.

Napakunot ang noo ko nang maiwan ang isang lalaki, nakatingin ito sa 'kin.

“Hello, I'm Cadence Lettiere, what's your name?” tanong nito saka ngumiti sa 'kin.

Napakurap na lang ako. Ang gwapo niya rin, pero si mayor talaga ang pinakagwapo sa paningin ko sa ngayon.

“Cadence!”

Napatayo ng tuwid si Cadence at sinundan na lang si mayor. Napakibit-balikat na lang ako at muling ibinaling ang tingin kay Arkia.

“Kilala mo ba ang mga 'yon?” tanong ko.

“Si Kuya Cadence at Ninong Zak lang ang kilala ko,” sagot naman niya.

Napailing na lang ako at inayos ang kwelyo ng uniform ni Arkia. Inayos ko rin amg buhok niya na tinirintas ko kanina.

“Pwede na ba tayong umalis? Mukhang matagal pa ang Papa mo eh,” sabi ko saka napakamot sa batok ko.

“Hindi ko alam,” tila walang pakialam na sabi niya. Napaismid na lang ako, sasabunutan ko na ang batang 'to eh.

“Saglit lang, tatanungin ko si mayor.”

Iniwan ko muna saglit si Arkia at nagtungo sa library. Kumatok muna ako sa pinto bago ako pumasok. Naabutan ko naman si mayor na seryosong kausap ang mga kaibigan niya.

Napakurap ako nang napatingin silang lahat sa 'kin.

“Who is she?” malamig na tanong ng lalaking kulay asul ang mga mata.

Pasimple akong napayakap sa sarili ko dahil sa malamig na boses ng lalaki. Bakit mukhang problemado at galit sa mundo itong mga kaibigan ni mayor?

“Ano'ng pangalan mo? Hindi mo sinabi sa 'kin,” sabi naman ni Cadence. Alanganing ngumiti na lang ako sa kanya.

Si Cadence lang yata ang mukhang friendly sa kanila, pero kinikilabutan din ako rito kay Cadence, yung ngiti niya nakakataas ng mga balahibo.

“Ahm, ako si Ayen,” tipid na sagot ko na lang.

“Magpakilala naman kayo kay Ayen,” sabi ni Cadence. Napakamot na lang ako sa batok ko.

Gusto ko lang naman itanong kay mayor kung pwede na kaming umalis ni Arkia.

“I'm Zak, Zakarius Cavalcante,” malamig na sabi ng lalaking may kulay asul na mga mata.

“H-hello,” nauutal na sabi ko na lang.

Bakit boses pa lang niya nakakatakot na?

“I'm Ashteroh Alexeev,” sabi naman ng lalaking brown ang mata at blonde ang buhok.

Foreigner yata siya, tunog Russian ang apelyido niya at sa tingin ko wala siyang dugong Pilipino.

Napatingin ako sa lalaking hindi nagsalita at itinuloy lang ang pagt-type sa phone nito. Napakurap na lang ako at napakagat sa ibabang labi ko.

“He is Xanthos Archante, he's an asshole,” nakangiting sabi ni Cadence. Napangiwi na lang ako.

Mukha ngang wala itong pakialam sa mundo, mukha talagang suplado. Bakit naman ganitong ka-wirdo ang mga kaibigan ni mayor?

“Ahm, h-hello sa inyo,” pagbati ko na lang sa kanila.

Napatingin ako kay mayor na nakatingin pala sa 'kin.

“Mayor, pwede na ba kaming umalis ni Arkia? Baka ma-late siya sa school,” sabi ko na lang saka napakamot sa batok ko.

Tumango na lang si mayor. Tipid na ngumiti na lang ako saka agad na lumabas ng library.

Pakiramdam ko nakahinga ako nang maluwag nang makalabas na ako ng library. Grabe ang hangin sa loob, parang nakakasakal.

“Arkia, halika na.”

Hinawakan ko ang kamay ni Arkia saka binitbit ang bag niya. Sa totoo lang ang cute ni Arkia sa suot niyang uniform, kaso nakasimangot siya. Magkakaroon ba siya ng kaibigan sa lagay na 'yan?

“Arkia, ngumiti ka naman. Baka wala kang maging friends,” sabi ko nang makasakay na kami sa kotse.

Napairap na lang siya at tumingin sa bintana. Napailing na lang ako. Ang sungit naman nito, ako na nga ang concerned sa kanya.

Nakarating na kami sa school makalipas ang mahigit 20 minutes na biyahe. Private school ang pinapasukan ni Arkia ngayon, mukha talagang mahal ang bayad sa enrolment dito sa school na papasukan niya.

Sinamahan ko si Arkia hanggang sa gate, akmang papasok na ako sa loob nang pigilan niya ako.

“Kaya ko na, umalis ka na,” tipid na sabi niya saka agad na pumasok sa loob.

Napailing na lang ako at hinayaan siya. Mag-aaway lang kami kung ipipilit ko ang sarili ko, mukhang kaya naman niya ang sarili niya.

BUMALIK din agad ako sa school ni Arkia nang time na ng uwian nila.

Kahit nakakainis si Arkia, hindi ko naman siya pwedeng pabayaan ng basta basta. Kailangan on time ko siyang nasusundo at baka may dumukot pa sa kanya na kung sino.

Talagang mapapatay ako ni mayor pag nagkataon.

“Nasaan na ba ang bruhildang 'yon?” tanong ko saka tiningnan ang oras sa cellphone ko.

“Where's your Mom?! It seems like you don't even have a parent, how did you manage to enroll here?!”

Natigilan ako nang mapansing may sopistikadang babae na galit na galit sa isang bata. Nasa gilid sila ng gate, yung guard naman nanonood lang imbis na umawat sa babae. Napailing na lang ako. Pati ba naman bata pinapatulan niya, mukha pa naman siya edukada.

Muli kong ibinaling ang tingin sa cellphone ko, ngunit natigilan ako nang may mapagtanto ako. Muli akong tumingin sa babaeng nasigaw.

Si Arkia ba ang sinisigawan niya?

Agad akong lumapit sa kanila. Napakunot ang noo ko nang mapansing si Arkia nga ang sinisigawan ng babae.

“Ano'ng karapatan mong lamangan ang anak ko?! You don't even have a parent with you! Masyado kang pabibo!” galit na sabi ng babae at niyakap ang anak niya na nakayakap sa baywang niya.

Agad na napataas ang isang kilay ko.

“Hoy!”

Napatingin sa 'kin ang babae. Agad akong lumapit kay Arkia at hinawakan ang kamay niya, yumakap naman si Arkia sa 'kin saka nagtago sa likod ko.

“Bakit mo sinisigawan ang anak kong gaga ka?!”

Hindi talaga ako mapagpatol o palamura, hindi rin naman ako war freak, pero ginigigil ako ng mayabang na babaeng 'to.

“Pagsabihan mo 'yang anak mo, mukhang cheap din katulad mo. Pinaiyak niya ang anak ko!” galit na sabi niya saka itinuro ang anak niya na nakayakap sa baywang niya.

“Paano naman pinaiyak ng anak ko ang anak mo?!” matapang na tanong ko.

“Ang anak ko ang pinakamagaling sa klase! Pero dahil diyan sa anak mo, umiiyak ang anak ko. Dinaya niya ang anak ko!”

Mapakla akong tumawa sa sinabi niya.

“Kasalanan ba ng anak ko na mas magaling at mas matalino siya sa anak mo?! Ha?!”

Namula ang mukha niya sa galit dahil sa sinabi ko. Wala akong pakialam kahit sumabog pa siya riyan, hindi ko siya uurungan 'no.

“Malamang dinaya ng anak mo ang anak ko! Hitsura niyo pa lang mag-ina hindi na katiwa-tiwala! Kaya rin siguro walang tatay 'yang anak mo dahil hindi siya gusto ng tatay--”

Hindi na niya naituloy ang sasabihin niya nang hablutin ko ang buhok niya. Napasigaw naman siya dahil sa sakit. Napansin kong pinagtitinginan na kami ng mga tao, pero wala na 'kong pakialam.

“Una sa lahat, wala kang karapatang sigawan ang anak ko dahil lang sa punyetang mababaw na dahilan! Pangalawa, wala kang karapatan na pagsabihan ng masama ang anak ko dahil hindi ikaw ang nanay niya kundi ako!”

Hinila niya rin ang buhok ko pero hindi ako nagpatinag at mas nilakasan ang pagsabunot sa kanya. Nasampal ko rin siya sa sobrang inis ko.

“Pangatlo, sobrang gaga mo! Mukha kang edukada pero wala kang utak!”

Nakatikim ako ng malutong na sampal mula sa kanya dahil sa sinabi ko. Hindi naman ako nagpatalo at sinampal siya ng mas malakas.

“Mama!”

Narinig ko ang boses ni Arkia na tumatawag sa 'kin pero wala akong pakialam. Hindi ako makakapayag ng hindi nababangasan ang pagmumukha ng mayabang na babaeng 'to.

“You bitch! Let me go!” sigaw niya.

“Ikaw ang bitch! Gaga!”

Nararamdaman kong may nagvi-video na sa 'min. Hindi ko iyon pinansin at tinuloy lang ang pakikipagbakbakan sa babaeng 'to.

Napabitiw ako sa buhok niya nang suntukin niya ako. Grabe, boksingera ba ang babaeng 'to? Bakit ang lakas niya manuntok?

Hindi naman ako nagpatalo at bumwelo saka tinadyakan ang tiyan niya. Pumaibabaw ako sa kanya at muli siyang sinabunutan.

“Mrs. Dela Juego! Ms. Macarios! Stop this right now!”

Napatigil kami sa pagsasabunutan nang may babaeng sumulpot sa harapan namin.

“I'm Principal Liana Cuesta, I'm inviting the two of you in my office.”

* * *

“Congratulations, you're currently trending on social media,” malamig na sabi ni mayor habang nakatitig sa 'kin.

Napakagat na lang ako sa ibabang labi, pero napangiwi rin ako nang maramdaman kong may sugat pala ako ro'n.

“Hihingi ka ba ng autograph?” tanong ko saka alanganing ngumiti sa kanya.

Napakurap na lang ako nang tumingin siya sa 'kin ng masama.

“Sorry na nga eh,” sabi ko na lang at napatungo.

Napatingin na lang ako kay mayor nang tumayo siya saka kumuha ng first aid kit. Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanya nang umupo siya sa tabi ko.

Napasinghap ako nang hawakan niya ang mukha ko at iniharap 'yon sa kanya. Napakagat ako sa ibabang labi ko dahil titig na titig siya sa mukha ko.

“Look at your face, you look like a fucking delinquent,” nakakunot-noong sabi niya habang nakatitig sa 'kin. Napasimangot na lang ako.

“Hindi naman talaga ako war freak, yorme. Kaso bruha ang babaeng 'yon eh! Sinigawan niya si Arkia at sinabihan ng masama, sa tingin mo ba hindi ako maiinis no'n?!” galit na sabi ko.

Napakurap na lang ako nang pahirin niya ang pisngi niya. Tumalsik na pala ang laway ko sa mukha niya dahil sa pagsigaw.

“Ayun nga mayor, sana maintindihan mo kung bakit ako nagwala ng gano'n. Hindi naman talaga ako palaaway, mabait kaya ako. Kaso sinagad ng babaeng 'yon ang pasensya ko,” nakangusong sabi ko.

Napailing na lang si mayor at kumuha ng bulak saka naglagay ng betadine ro'n. Mas inilapit niya ang mukha sa 'kin saka dinampian ng bulak ang sugat sa pisngi ko. Nakalmot pala ako ng babaeng 'yon sa pisngi, hindi ko na napansin.

“I'll take care of that woman, don't worry,” malamig na sabi niya saka gilid naman ng labi ko ang ginamot niya.

Napasinghap ako sa sinabi niya.

“W-wag mong sabihin na--” agad niyang pinutol ang sasabihin ko.

“Silly, I won't kill her,” sabi na lang niya na tila ba nababasa niya ang nasa isip ko.

Tila nakahinga naman ako ng maluwag. Nakakagigil ang babaeng 'yon pero ayoko namang mamatay siya 'no.

“Paano ako makakasiguro na hindi mo siya papatayin?” tanong ko saka nilaro ang daliri ko.

“Hindi nga, ang kulit,” sabi na lang niya.

Napakagat ako sa ibabang labi ko para pigilin ang pagngiti ko saka napatingin sa kanya.

Ang kulit ko raw, ang cute ng pagkakasabi niya no'n.

“Hindi naman ako makulit, cute lang,” sabi ko na lang saka ngumiti ng matamis.

Napasinghap ako nang diinan niya ang pagdikit ng bulak sa sugat ko.

“Aray naman!” naiinis na sabi ko saka hinampas siya.

“Stop talking nonsense before I kick you out of this room,” pananakot niya. Napaismid na lang ako.

“Mayor, gusto ko ng binatog,” sabi ko habang nakatitig sa kanya.

Ang gwapo talaga ni mayor kahit hindi nakaayos ang buhok niya at nakababa. Palagi kasing naka-taas ang buhok niya kaya nagmumukha siya palaging intimidating. Kapag nasa bahay lang siya, nakababa na ang buhok niya, nagmumukha siyang cute minsan lalo na kapag basa ang buhok niya. Ngayon ko lang din napansin na nag-ahit pala siya, sabi na nga ba at gwapong gwapo talaga siya kapag walang balbas. Kitang kita ang detalyadong panga niya at ang magandang labi niya.

Hindi ko na pala yata gusto ng binatog. Titigan ko lang si mayor, nabubusog na 'ko.

Joke lang.

Hindi siya sumagot at ginamot naman ang sugat sa leeg ko. Napapitlag ako nang makaramdam ako ng kakaiba nang dumampi ang balat niya ro'n.

“M-mayor,” nauutal na sabi ko.

Natigilan siya sa sinabi ko saka napatingin sa 'kin. Napalunok ako nang mapansing may kakaiba sa tingin niya.

Bakit parang nag-iba ang atmosphere?

“What did you say?” tila paos na tanong niya. Napakurap na lang ako.

“M-mayor,” sagot ko.

Natigilan ako nang mapansing napalunok siya habang nakatitig sa 'kin. Naramdaman ko rin na bumigat ang paghinga niya, gano'n din naman ako.

Bakit parang nagwawala ang mga paru-paro sa tiyan ko? Halos mabingi na rin ako sa lakas ng kabog ng dibdib ko.

“Again,” utos niya, bumaba ang tingin niya sa labi ko.

“M-mayor.”

Natigilan ako nang agad siyang tumayo. Nagtatakang napatingin ako sa kanya.

“Call me Arken from now on even when we're alone. Don't call me mayor ever again,” sabi niya saka lumabas ng kwarto.

Napalunok na lang ako at napatitig sa pinto.

Ano'ng nangyari? Bakit siya nagkagano'n?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.