Camp Speed Chapter 19

NAGISING si Rodgine nang nag-iisa. Wala na si Nick sa tabi niya. Naghanap siya ng note sa kanyang ulunan at sa kama pero wala siyang nakita. Naisip niyang maaaring mag-iwan si Nick ng note sa kanya dahil ganoon ang napapanood niya sa mga pelikula pagkatapos ng “good time”.

Tange! Hindi naman one-night stand ang nangyari sa inyo. Isa pa, nasa bahay ka niya. That makes it different from the movies. This is real life, anang isang bahagi ng isipan niya.

Hindi muna siya tumayo mula sa kama nitong kinahihigan niya. She replayed everything that happened between her and Nick last night. Ang paglipat nila mula sa entertainment room sa kwarto nito. Kung ilang ulit siya nitong pinaligaya. It was really the best night of her life. For the past twenty-four years of celebrating her birthday, that was the best birthday celebration ever.

Napangiti siya sa sarili. She had given everything to the man she loves and she’s not regretting every single bit of it. Sa katunayan ay masayang-masaya siya. What happened made everything official between her and Nick. Ang matagal na niyang inaasam.

Nang makaramdam siya ng gutom ay tumayo na siya at nagbihis. Bago siya lumabas ng kwarto ay inayos muna niya ang kanyang pinaghigaan. Saka siya pumunta sa kusina at hinanap sina Manang Yolly at Laida.

Pero bago pa man siya tuluyang makapasok sa kusina ay napatigil siya sa paglalakad dahil may narinig siyang pamilyar na boses na kausap nina Manang Yolly at Laida. Nang silipin niya kung sino iyon ay nakita niya si Muriel na prenteng nakaupo sa stool sa may kitchen pantry. Anong ginagawa nito doon ngayon?

“Manang, si Nick po?” tanong niya kay Manang Yolly nang tuluyan siyang makapasok sa kusina. Muriel’s eyes shot up at her the moment she talked, then she eyed her thoroughly. Pagkuwa’y napangiti ito. Isang ngiti na para bang nagsasabing “nanalo” ito sa kanya.

Saan naman siya mananalo? I got Nick now, aniya sa sarili.

“Ah, eh...May pinuntahan lang sandali,” ani Manang Yolly.

“Kanina pa ba siya umalis?” muli niyang tanong dito.

“Kani-kanina lang. Uuwi na rin ‘yon,” ani Manang Yolly.

“You got it bad for him, huh,” sabi sa kanya ni Muriel. Nanatili pa rin itong nakangiti sa kanya.

Oh, how she wanted to wipe that smile off her face. “You, got it so bad for him. Ano pang ginagawa mo dito? Break na kayo ‘di ba?” mataray na sabi niya rito.

“Ah, so that’s what you think. Akala mo break na kami ni Nick so you stepped in instantly,” nang-uuyam na sabi nito sa kanya.

Ano’ng sinasabi nito? “Bakit, hindi pa ba?” aniya rito.

“Why do you think I’m here?” anito sa kanya. Then, she smirked at her. “Poor you. You gave in too soon. I know. You have that pink glow on your face,” puna nito sa kanya. Nag-init ang magkabilang pisngi niya dahil sa sinabi nito lalo na’t nasa harapan nila sina Manang Yolly at Laida kaya nakaramdam siya ng hiya sa mga ito.

“Alam ba ni Nick na nandito ka?”

“Oo naman. He called me up. May pupuntahan daw kami ngayon. Alam mo, Rodgine, nagkaroon lang kami ng hindi pagkakaunawaan ni Nick noon kaya hindi ako nakasama sa Batangas. But here you are stepping in for me so sudden. Nag-assume ka agad. Nick just wants to get laid,” sabi pa ni Muriel.

“Ma’am Muriel,” nananaway na sabi dito ni Manang Yolly.

Muriel’s words seemed like daggers who cut through her heart. Ayaw man niyang makinig o maniwala sa mga sinabi nito’y hindi niya mapigilan ang masaktan.

Gaga! Si Muriel lang ‘yan! Hintayin mo dapat ang paliwanag ni Nick. Siyempre, threat ka kay Muriel kaya ganyan ang sinasabi niya sa’yo, anang isang bahagi ng isipan niya kaya nakatayo pa rin siya ng maayos at natitingnan pa niya ng deretso si Muriel. Tama, hihintayin niya ang paliwanag ni Nick. Sana lang ay dumating na agad ito.

“Manang, abisuhan mo na lang ako kung dumating na si Nick,” sabi niya kay Manang Yolly bago umalis doon at bumalik sa kwarto ni Nick.

Kinalimutan na niya ang gutom na naramdaman niya kanina dahil kay Muriel. Dapat pala ay hindi na muna siya bumaba para hindi siya makaramdam ng hindi maganda ngayon. Dapat ay masaya pa rin siya ngayon. Dapat ay wala silang magiging problema ni Nick. Kasisimula pa lang nila pero agad na sinusubok na agad ang relasyon nilang dalawa.

She’s in the middle of being paranoid when her phone rang. Si Remus ang tumatawag sa kanya kaya agad niya iyong sinagot.

“Remus,” aniya rito. Gusto niyang ikwento rito kung ano ang nangyayari sa kanya ngayon. Hindi nito talagang kilala si Nick. Ang kilala nito ay si “Sirius” dahil iyon ang code name na ibinigay niya kay Nick dito. Mula sa pagiging seryoso ni Nick kaya “Sirius”.

“You have to come home now. Nasa ospital ang mommy’t lola mo. Pareho silang nawalan ng malay kanina no’ng pumunta ang mga taga-bangko sa bahay n’yo para paalisin sila,” agad na kwento sa kanya ni Remus.

This is so not my lucky day! Pagkatapos ng saya kagabi, puro problema naman ang haharapin niya ngayon. Nothing is really constant in this world.

“Oh, god! Eh, kumusta na sila? Ano’ng nangyari? Paano na kami?” halos mag-hysteria na tanong niya rito. Right there and then, she wanted to fly to Cebu immediately.

“They’re both okay. Pero hindi pa rin sila nagigising. Inaayos ko na ‘yong mga dapat bayaran sa bangko. Pero hindi ko alam kung maisasalba pa natin ‘yong kompanya n’yo. By the way, nakausap ko na ang mommy’t lola mo tungkol sa pagpapakasal mo, hindi ka na nila pipilitin. But you have to come home now,” sabi sa kanya ni Remus.

Naiiyak siya sa sobrang relief dahil dito. “Remus, I love you so much! Grabe! Sobrang salamat talaga. I’ll come home. I promise. I’ll see you soon,” aniya rito.

She was fighting her tears but it was no use. Na-overwhelm siya sa tulong na ibinibigay sa kanya ng matalik na kaibigan. Kung bakit ba kasi hindi niya naisipang tawagan ito noon pa. Disinsana’y matagal nang naresolba ang problema niya. Hindi na sana niya kinailangang umalis pa ng Cebu.

Kung hindi ka umalis ng Cebu, hindi mo makikilala si Nick, paalala sa kanya ng isang bahagi ng isipan niya.

Oh, right. Of all the trouble she’ve been through, he was the only best thing that happened to her.

“Okay. I’ll see you soon,” ani Remus sa kanya bago tinapos ang tawag na iyon.

Pumikit siya at huminga ng malalim. Good vibes please. Lalabas na sana siya ng kwarto ni Nick nang mamataan niya itong nakasandal sa may pintuan.

“Finally, you’re done,” anito. Napakunot-noo siya habang nakatingin dito. His aura seemed so cold and serious again. Katulad nang dati. “Lalabas ka na ba? Magbibihis ako.”

“So? Eh, ‘di magbihis ka sa harapan ko,” pabirong sabi niya rito. Nginitian niya ito pero nanatiling malamig ang ibinibigay nitong tingin sa kanya. Lalapitan sana niya ito pero naglakad ito palayo sa kanya patungo sa aparador ng mga damit nito. “May problema ba?” tanong niya rito.

Nakita niyang humugot ito ng malalim na hininga bago siya muling hinarap. “The thing is, I don’t know how to tell you the truth,” anitong ikinalito niya.

“What truth?” tanong niya rito kahit na kinakabahan siya sa maaari nitong sabihin. May kinalaman ba iyon sa mga sinabi sa kanya ni Muriel kanina?

Oh, god. Please no. Nagsisimula pa lang kami. I still don’t want this to end. Actually, I don’t want this to end. I love him.

“What happened last night was a mistake. I shouldn’t have done it with you. I should’ve just waited for Muriel and I to—“

Hindi na niya pinatapos pa itong magsalita. Inilang hakbang lang niya ang pagitan nilang dalawa at malakas na binigyan ito ng sampal sa pisngi. Bumigat ang kamay niya at nangati iyong saktan ito. Pero hindi pa rin niyon nahigitan ang bigat na nararamdaman niya sa dibdib niya.

“Bawiin mo ang sinabi mo, Nick! May chance ka pa. Bawiin mo ‘yon!” sigaw niya rito. Pero hindi man lang natinag si Nick at hindi nito binawi ang mga sinabi nito.

“Bakit ka pala naging sweet sa’kin? Bakit mo ipinakita sa’kin na gusto mo rin ako?”

“Sweet? I was never sweet, Rodgine. Na-misunderstood mo lang ang lahat. Na-guilty lang ako sa mga ginawa ko sa’yo kaya inalagaan kita. Kargo kita kaya dapat kitang alagaan. Isa pa, I was looking for Muriel’s caresses kaya hinayaan kitang lapitan ako.”

“Damn you! Jerk! So, you really just wanted to get laid back? Wow, ha. Tindi mo naman. Hindi mo ako naabisuhan. Eh, ‘di sana nakipaglaro din ako sa’yo. I could give you a much better play kung nagsabi ka sana sa’kin,” sarkastikong sabi niya rito pero tumutulo na ang luha niya sa kanyang pisngi.

So, tama nga si Muriel. Nag-assume siya agad nang walang kasiguraduhan. Mali si Chord sa sinabi nito sa kanya dati. Nagselos nga si Nick kay Daniel noon pero hindi naging sapat ang pagseselos nito para mahalin siya. Mali rin ang akala ng mga kaibigan nito na problema ni Nick. Hindi si Polyanna ang magiging kaagaw niya rito dahil hindi siya nito binigyan ng pagkakataong maging kaagaw si Polyanna sa pagmamahal nito. Hindi naman kasi siya nito sinubukang mahalin. He just wanted to get laid back so he did it with her. And it was the most painful feeling she ever felt.

Lesson learned: ‘wag mag-assume agad-agad. And be patient.

“It happened already,” kibit-balikat na sabi nito.

He sounded like the biggest jerk there ever was. He’s not the man she used to love. Binabawi na niya ang lahat ng sinabi niya kanina. She regrets every single bit of what happened between them now. She regretted meeting him on that airplane. She even regretted smelling him and taking a look at him then. Magsama ito at ang Muriel nito!

“Curse you!” galit na sigaw niya rito. “Sana hindi ka na maging masaya pa kahit kailan. I pity you. Hinding-hindi ka magiging masaya kahit kailan dahil d’yan sa ugali mo. Sinasayang mo lang ang concern na binibigay sa’yo ng mga kaibigan mo. At hindi lang ako ang nasaktan mo dahil sa ginawa mo, Nick. Pati si Polyanna. Kung buhay pa siya ngayon, she would regret loving you too.”

“How did you know about Polyanna? Who told you about her?” mabalasik na tanong nito sa kanya. His fierce gaze held hers. Nilabanan naman niya ito ng tingin.

“Hindi na mahalaga kung paano ko nalaman ang tungkol sa kanya. Ano pa nga ba ang silbi ng alaala niya sa’yo ngayon if you’re being the biggest jerk ever?” nang-uuyam na sabi niya rito.

“You have no right to speak of her!” galit na sigaw nito sa kanya.

“You have no right to act as if you love her ‘cause you don’t know how to love! You don’t know how to treat a girl right!” galit din na sigaw niya rito.

Lumapit ito sa kanya at hinawakan ng mahigpit ang magkabila niyang balikat. “Wala kang karapatang sabihan ako ng ganyan dahil hindi mo alam kung ano ang nangyari sa’min ni Polyanna! Ikaw ang hindi marunong magmahal! You’ve been juggling three guys at a time,” pang-aakusa nito sa kanya na ikinalito niya.

“Ano’ng sinasabi mo?” naguguluhang tanong niya rito. She had no idea what he’s talking about.

Padarag siya nitong binitiwan kaya muntikan na siyang matumba. Then, he smirked at her. “Ako, si Daniel at si Remus. O baka naman hindi lang kaming tatlo?” anito sa kanya na ikinatanga niya.

Hindi niya nagustuhan ang indikasyon ng sinabi nito. Wala namang namamagitan sa kanila ni Daniel at alam nito iyon. Paano naman nito nakilala si Remus? Narinig ba nito ang mga sinabi niya kay Remus habang kausap niya sa cell phone ang huli? Dahil lang doon ay nag-assume ito na mayroong namamagitan sa kanila ni Remus?

To think na ako lang ang nag-assume, ito rin pala. Quits na kami ngayon.

“I only loved you. But it was a mistake,” seryosong sabi niya rito. Hindi na niya hinintay pa ang susunod nitong sasabihin dahil masyado nang mabigat ang nararamdaman niya.

Pagkalabas niya ng kwarto ni Nick ay dumeretso siya sa kwarto niya. Inilabas niya ang lahat ng damit niya at inilagay iyon sa back pack na tanging dala niya noon. Kailangan na niyang makaalis sa bahay na iyon. Wala nang rason para manatili pa siya roon. Babalik na siya sa Cebu.

Mabigat man sa loob na magpaalam kina Manang Yolly at Laida ay kinailangan na niyang magpaalam sa mga ito. Hindi na rin siya nagpahatid pa kay Manong Julio sa airport dahil baka kung ano pa ang sabihin ni Nick.

Her love journey ends there. Ipinangako niya sa kanyang sarili na hinding-hindi na siya muling lalapit o makikibalita man lang kay Nick Velarde. Someday, she would just say ‘he’s just somebody that I used to know’.

Present Time

ALL IS WELL now, sabi ni Rodgine sa sarili pagkatapos alalahanin ang lahat ng nangyari noon. Pero hindi niya inaasahang iiyak siyang muli dahil sa lalaking nanakit sa damdamin niya noon. Sa pag-alaala niya sa nakaraan noon, muling bumuka ang sugat sa puso niya na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nagagamot.

Nang bumalik siya sa Cebu noon ay naging maayos na ang relasyon niya sa mommy at lola niya. Hindi na siya pinilit pang magpakasal ng mga ito sa milyonaryong pinapakasal ng mga ito sa kanya noon. Tinulungan sila ni Remus na makabayad sa bangko pero hindi na nila nabawi pa ang kompanya nilang naisangla ng daddy niya noon sa nakalaban nito sa sugal. Pero kahit na ganoon ang nangyari’y maayos pa rin ang buhay ng pamilya niya ngayon. Kaya malaki ang pasasalamat niya kay Remus.

Iyon nga lamang, minsan ay naiipit siya sa pagkakaibigan nilang dalawa dahil alam niyang umaasa ang mga taong nasa paligid nila na silang dalawa ang magkakatuluyan. Sinubukan niyang mahalin si Remus noon pero hindi niya nagawa. Gwapo ito, mayaman, mabait at magkasundo sila pero hindi niya ito nagawang mahalin. Tinawanan lang din siya nito pagkatapos dahil maging ito’y hindi siya magawang mahalin nang higit pa sa isang kaibigan.

“Still can’t decide between Camp Speed and Royale?” pukaw sa kanya ni Remus.

“O, saan ka pupunta?” tanong niya rito nang makitang bihis na bihis ito.

“I have a date,” nakangising sabi nito sa kanya.

“Naman, Remus! Sa akin mo na naman iiiwan si Toffee!” reklamo niya rito.

“Bakit? May lakad ka ba? Mahal mo naman si Toffee eh,” anito sa kanya.

“Sa susunod talaga, pagbubuhulin ko na kayong mag-ama! Sana naman ‘yang date mo na ‘yan ngayon ang susunod na mommy na ni Toffee,” aniya rito.

“Hangga’t hindi pa okay ang love life mo, hindi ko pa rin mahahanap ang susunod na magiging mommy ni Toffee. We’re cursed to be stuck together until one finds his or her true half, ‘di ba? So, do me a favor and fix whatever it is between you and Nick,” sabi nito sa kanya na ikinasimangot niya. Naging biruan na sa pagitan nilang dalawa ang “curse” na iyon dahil hanggang ngayon ay wala pa rin silang nakakatuluyan.

“Wala kaming dapat ayusin ngayon. Matagal ng natapos ang kung anumang sa amin, Remus. He’s not my true half. Kung siya eh ‘disinsana’y matagal ng kami at matagal ka na rin sanang may asawa ulit,” aniya rito.

“People assumed that if you find your true love, it’s going to be a happy experience, an easy journey. We tend to forget the factors and consequences of having a relationship because we always seek for happiness. You can’t really blame a person in love. But you have to understand that love isn’t always easy. You have to go through heartaches for you to know that it’s always worth it,” sabi sa kanya ni Remus na ikinamangha niya. Hindi niya alam na may ganoong pananaw pala sa pag-ibig ang kaibigan niya.

“Speechless ako ah. Bow na ‘ko sa’yo, p’re,” aniya rito.

“Ang sinasabi ko lang, give your love a chance,” anito.

“Ang haba ng sinabi mo, ‘tapos, ‘yon lang pala ibig sabihin? Wow, ha.”

“Sige. Umiwas ka pa.”

Bumuntong-hininga siya. “Wala ng chance.”

“You wouldn’t know if you wouldn’t face him,” sabi pa ni Remus.

“Galit ako sa kanya,” aniya rito.

“Love is always stronger than anger,” sagot naman nito sa kanya.

“Ewan ko sa’yo, Remus! Umalis ka na nga. May date ka pa ‘di ba?” pagtataboy niya rito pero tinawanan lang siya nito.

“Think about everything I said, Gine,” bilin nito sa kanya bago ito umalis. At naiwan nga siya nito roon na nag-iisip.

Ah, peste! Nadedemonyo na naman ako.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.