NAPANGISI si Kaycee sa Ate Alyssa niya nang saraduhan nito ang pintuan ng clinic na pag-aari nito. Si Alyssa Imperial ang resident doctor ng Camp Speed at dito siya dinala ni Mitch. Pinalabas muna nito si Mitch para makausap siya. Kaninang tinitingnan nito ang paa niya at umaarte siya’y alam niyang alam na nito kung ano ang ginagawa niya. Kaya kunwari’y may importante itong sasabihin sa kanya ngayon kaya pinalabas muna nito si Mitch.
“You wicked kid. Ano’ng ginagawa mo?” naiiling na tanong nito sa kanya. Tumabi ito sa emergency bed ng clinic nito kung saan siya nakaupo.
“Ate, ibalato mo na ‘to sa’kin. Ngayon ko lang siya nakita. Alam mo namang matagal ko nang hinihintay ang pagkakataong ito. I would do everything just to get his attention. You know, a girl in love,” paliwanag niya rito.
“Luka-luka ka! That kid’s so determined and focus on his goal to become a Formula One racer. Mahihirapan ka sa kanya,” sabi nito.
“I know. But I believe that he’s worth everything,” taas-noong sabi niya rito.
“Hay, ang mga batang in love nga naman. Malala ka na. O, siya. Susuportahan na lang kita sa kalokohan mo,” naiiling na sabi nito.
“Ate, hindi ‘to kalokohan. Pagmamahal ‘to,” pagtatama niya rito.
“Whatever. Ano’ng gusto mong sabihin ko sa kanya?”
Napangisi siya. “Sabihin mo, ihatid niya ‘ko sa’min. Na hindi ko pa maaaring itapak sa lupa ang paa ko. That I need an assistance,” agad na sabi niya rito.
“Writer ka nga. Ang bilis mong mag-isip ng plano,” natatawang saad nito.
Tumayo ito mula sa kama at tinungo ang isang cabinet. May bandage plaster itong kinuha roon at inilagay nito iyon sa “injured” niyang paa. Saka nito tinungo ang pinto. Maya-maya lang ay nasa harapan na muli niya si Mitch. Makikita ang pag-aalala sa mukha nito na labis niyang ikinakilig.
At kapag nalaman niyang pakulo mo lang ang lahat ay magtago-tago ka na sa kanya, anang isipan niya. She flinched at the thought. Siyempre ay hindi nito malalaman na gimmick lang niya ang lahat.
“Mitch, Kaycee needs to rest. Nasabi ko na sa kanya kung ano ang kailangan niyang gawin sa paa niya so you don’t need to worry about it. Kailangan mo lang siyang ihatid sa kanila para makapagpahinga na siya,” utos dito ng Ate Alyssa niya.
“Okay. Thanks,” nakangiting sabi ni Mitch sa Ate Alyssa niya dahilan para manlaki ang mga mata niya.
Napasimangot siya rito. How come he’s not smiling like that in front of her? He actually didn’t give her even a smile yet. Isang bagay lang ang nasigurado niya nang makita niya itong ngumiti, mas gwapo ito at mas mukhang approachable. Kaya nagpasya siyang gumawa ng isa pang goal para rito: ang mapangiti ito palagi kapag kasama siya.
“Let’s go,” yaya nito sa kanya. Hindi na ito nakangiti ngayon.
Unfair! “Ah-ah. You’re forgetting something, Mitch babe. I can’t walk remember?” aniya rito saka ito binigyan ng isang matamis na ngiti.
“Sige na, Mitch. Buhatin mo na siya. Ako na ang magbubukas ng pinto para sa inyo,” anang Ate Alyssa niya at sinunod naman ito ni Mitch. Mitch carried her again. Kinilig na naman siya. Parang bagong kasal lang silang dalawa.
She mouthed a “thank you” to Ate Alyssa. Nang makalabas sila ni Mitch sa clinic nito’y akala niya’y ayos na ang lahat pero kinastigo naman siya ni Mitch.
“Bakit kasi magsusuot ka ng heels pero hindi mo naman pala kayang dalhin?” parungit nito sa kanya.
“Kinaya ko naman ah. Napamali lang talaga ako ng hakbang,” katwiran niya rito.
“Hahakbang ka lang ng maayos, hindi mo pa kaya?”
Muli siyang sumimangot dito. “Oo na. Tanga na ako. Pero gano’n talaga ang magiging reaksyon mo kapag nasaktan ka ng taong mahal mo. Madi-disorient ka,” pagpaparinig niya rito. Hindi ito nagsalita. Muling may pumasok na ideya sa isipan niya. Salamat sa makulit niyang utak.
Ipinulupot niya ang kanyang mga kamay sa leeg ni Mitch saka ito tiningnan ng diretso sa mga mata. Napakagwapo talaga nito. Every angle of him, every feature is real beauty. Napatutok ang tingin niya sa manipis ang mamula-mulang mga labi nito. Ano kaya ang lasa niyon? Ano kaya ang pakiramdam na mahalikan ni Mitch?
Stop right there, Kaycee Jean, awat niya sa sarili. Pakiramdam niya’y namula siya dahil nag-init ang buong mukha niya. Pakiramdam din niya’y napahiya siya sa kanyang sarili dahil sa mga naisip niyang makamundong bagay. Dati, ang yakap lang ni Mitch ang inaasam niya, ngayon ay ang halik naman nito.
Ganoon talaga, one step at a time, pilyang saad ng makulit na isipan niya.
“Don’t stare at me if you don’t want us to fall,” babala sa kanya ni Mitch. Hindi naman ito tumitingin sa kanya kaya nagtaka siya kung paano nito nalamang nakatitig siya rito.
Siguro no’ng abala kang titigan ang lips niya, paalala niya sa sarili.
“Actually, I want us to fall,” makahulugang sabi niya rito.
“What?”
“I want us to fall in love. At least, ikaw. Kasi ako, I already fell for you,” masuyong sabi niya rito. Kesehodang corny pero basta para kay Mitch, go lang.
Hindi agad nakapagsalita si Mitch. She knew that she caught him off guard again. Natutuwa siya kapag nakikita si Mitch na ganoon dahil nawawala sa aura nito ang pagiging seryoso at masungit. Kumbaga, natitibag ng mga banat niya rito ang pananggalang na binuo ni Mitch para hindi siya makapasok sa puso nito.
“Do you want to fall hard? Literally?” anito.
Umiling siya. Baka nga bigla na lang siya nitong bitawan at ihulog sa daan. Mapuputol ang moment nilang dalawa. “Hindi na lang ako nagsalita,” aniya rito saka muling humilig sa dibdib nito.
Ah, this is something I would bargain for.
NAGTAKA si Mitch nang makita niyang maraming sasakyan ang nakaparada sa harapan ng bahay nina Kaycee. It was like there’s a party at their house.
Yup. Hinatid nga niya sa Maynila si Kaycee dahil sa insidenteng nangyari dito. Inihabilin niya kay Juno ang pagtuturo sa mga bata at naiintindihan naman nito kung bakit. Katulad ng inaasahan niya, kulang na lang ay itaboy siya nito nang malamang ihahatid niya si Kayce sa bahay ng huli. Nakasalubong kasi nila ni Kaycee si Juno sa parking lot ng Camp Speed.
Alam mo ‘yong feeling na pinipigilan mo ang sarili mong gawin ang isang bagay pero lahat naman ng tao sa paligid mo’y inuudyukan ka pang gawin ‘yon? Ganoon ang pakiramdam niya ngayon. Lumalayo at umiiwas na nga siya kay Kaycee dahil hindi niya nagugustuhan ang nararamdaman niya tuwing malapit dito pero lahat naman ng tao na nakakasalamuha niya ay tinutulungan pa ang dalagang mapalapit sa kanya.
So, are you admitting that you’re avoiding her because you’re scared that you might fall for her? kastigo niya sa sarili.
Of course not! agad na sagot niya sa kanyang sarili.
Then, why did you say—
Oh, just shut up, mind!
Really. Nababaliw na yata siya. For some unknown reason since he met Kaycee last weekend, natutunan na niyang kausapin ang sarili niya. Totally insane.
“Ano’ng mayro’n sa inyo?” curious na tanong niya kay Kaycee.
“Birthday ni mama,” kaswal na sagot nito na ikinakunot-noo niya.
“Birthday ng mama mo pero pumunta ka pa rin sa Batangas?” aniya rito. Kung siya ang nanay nito’y sasama talaga ang loob niya rito.
Noong unang punta nga niya sa Europe ay agad niyang hinanap-hanap ang mama niya. He never missed out on his family member’s birthday. Importante kasi ang pamilya sa kanya. Kapag hindi siya makakauwi kapag birthday ng mama o ng mga kapatid niya’y ang mga ito ang pinapapunta niya sa Europe. Wala namang kaso sa papa niya dahil palagi niya itong kasama.
“Makiki-celebrate naman ako sa kanya mamaya. Isa pa, alam niya kung saan ako pupunta at para saan ang gagawin ko. Suportado niya ako dito,” paliwanag ni Kaycee.
He was pissed and touched at the same time. Naiinis siya rito dahil mas inuna pa siya nitong puntahan kaysa ang tulungang mag-organize ng party ang mama nito. Kung siguro’y sa ibang tao nito ginagawa iyon ay matutuwa siyang makita itong ginagawa ang lahat para sa taong mahal nito.
Magiging ayos lang sa’yo na magpapa-cute si Kaycee sa ibang lalaki? kastigo niya sa sarili.
Hindi…Well, maybe yes. Or not…Basta, magulong sagot niya. The thing is he felt guilty about Kaycee pursuing him than she should have helped her mother organize this party.
At may parte naman sa puso niya na nagustuhan ang ginawa nito. Pakiramdam niya’y napakaimportante talaga niya para rito. Pakiramdam niya’y espesyal talaga siya dito. Na hindi lang dahil isa ito sa mga fans niya kundi dahil naniniwala na siyang mahal siya nito.
Mahal? Love is a scary word, Mitch. You better watch out.
“Akala mo nagustuhan ko ang ginagawa mo? Kaycee, if a guy likes you, he would do everything just to get your attention. Hindi ikaw ang dapat gumagawa ng mga ganito para sa isang lalaki,” aniya kay Kaycee. He knew he sounded like a jerk. Siya pa talaga ang nagsabi niyon dito. Napakagat-labi ito. Damn!
“In this fast paced world, everybody’s equal. So, if a girl likes a guy, she would do everything just to get his attention,” sagot naman nito sa sinabi niya.
Heck! Sino ba ang nagturo sa babaeng ito ng gano’n?
“Kung gusto mo talaga akong iwasan, gagawin mo ang lahat para iwasan ako. At kung gusto mo talaga akong layuan, eh ‘di sana, pinahatid mo na lang ako sa iba dito,” nanghahamong saad ni Kaycee.
Natigilan siya sa sinabi nito. Palagi niyang sinasabi sa sarili na dapat niya itong layuan at iwasan pero mukhang trinatraidor siya ng katawan niya. Katulad na lang ngayon. Pwede naman niyang ipahatid na lang si Kaycee nang makasalubong nila ito pero hindi niya ginawa. Ano nga ulit ang inisyal na naging reaksyon niya pagkakita niya kay Kaycee na halos maiyak na dahil sa sinapit ng paa nito?
Concern. Labis siyang nag-alala dito. Ayaw niyang makita itong umiiyak. Ayaw niyang makita itong nasasaktan. Siguro’y nasanay siyang makita itong palaging nakangiti sa kanya kaya ganoon. Pero kasi’y gusto niyang iyon lang ang palaging makita mula rito. Gusto niyang palagi itong nakangiti. Gusto niyang palaging makita ang adorableng ngiti nito na ito lang ang mayroon at gusto niya ang saya at ang gaan sa pakiramdam na idinudulot ng ngiting iyon sa kanya.
Okay. You definitely like her, man. There’s no denying that fact, anang isang bahagi ng isipan niya. Well, maybe he is. But he can’t keep that feeling for long. Wala silang patutunguhan.
Sakali mang i-entertain niya ang pagpapa-cute nito’y aasa ito na may kahahantungan sila. Pero hindi siya sa Pilipinas nananatili ngayon. Dalawang linggo na lang ay aalis na siya patungong Europe at hindi niya alam kung kailan siya muli makakabalik ng bansa. Kaya nga hindi siya pumapasok sa isang relasyon dahil masyadong komplikado ang lahat. Hindi siya nananatili sa isang lugar. Ang GP3 Series ay naglilibot sa iba’t ibang parte ng Europe. He has no permanent home, though he and his father rented an apartment in London. Kadalasan ay palaging sa mga hotel sa iba’t ibang bansa siya tumutuloy. Palagi siyang sakay ng eroplano at nang mga kotse. If he would ever have a perfect relationship, it’s probably with his co-racers.
Well, there’s Venice from the Trident Racing team and Carmela from the OceanTech Racing team. Pero kahit ang mga ito’y ayaw ring pumasok sa isang relasyon. Bakit? Dahil lahat sila ay nakapokus sa kanilang ultimate goal: ang makapasok sa Formula One. Hindi lang basta makapasok kundi maging isa sa pinakamagaling na formula racer sa buong mundo.
Formula One, man, naalala niya.
Ah, this is crazy. Bakit ko ba naiisip ang mga bagay na ganito? aniya sa sarili.
It’s because you like Kaycee too, man. And you’re now weighing the pros and cons, sagot naman ng isang bahagi ng isipan niya.
Would something change if he would ever commit into a relationship?
Binalingan niya si Kaycee. She was smiling that sweet smile at him again. “Tara na sa loob. Ipapakilala ko sa’yo ang family ko. You’ll love them,” yaya nito sa kanya.
Give it a shot, man, udyok sa kanya ng isang bahagi ng isipan niya.
Ah, bahala na. Bumaba siya ng kanyang kotse at saka inalalayang makababa din ng sasakyan si Kaycee. Bubuhatin niya sana itong muli pero hindi na ito nagpabuhat sa kanya ngayon.
”Uulanin tayo ng tukso kapag binuhat mo ako papasok,” ani Kaycee saka hinawakan ang isang kamay niya. He almost jolted by the sudden touch of their hands together. May kung anong enerhiya na dumaloy sa kamay niya mula sa kamay nito. It’s not the warmth of her hands, it was something more.
Nang makapasok sila sa bakuran ng bahay ng mga ito’y maraming tao ang bumati sa kanilang dalawa ni Kaycee. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman tuwing may nagtatanong kay Kaycee nang “siya na ba?”
“Siya po si Mitch Esguerra,” nakangiting pakilala sa kanya ni Kaycee sa mga taong sumalubong sa kanila.
“Congratulations, Kaycee! Parang kailan lang at parang baliw na baliw ka sa kaka-Mitch Esguerra mo pero heto ngayon at kasama mo na nga siya,” anang isang may-edad na babae.
“Tuloy na tuloy na ba ang pagiging Mrs. Esguerra mo, neng?” tanong naman ng isa pang babae.
“Opo!” nakangising sagot ni Kaycee.
Pinisil niya ang kamay ni Kaycee saka bumulong dito. “Ang paa mo, Mrs. Esguerra,” aniya rito.
Maging siya ay nagulat din sa itinawag niya rito. Halata namang nagustuhan ni Kaycee ang itinawag niya rito kaya ngumisi ito sa kanya at hinila siya papasok sa loob ng bahay. Doon nama’y sinalubong sila ng masayang kantahan ng mga teenagers at may-edad na mga babae at lalaki.
“Hey, guys! Mitch Esguerra here,” masayang sigaw ni Kaycee sa mga ito.
Nagpalakpakan naman ang lahat at may ilang sumigaw pa. Napapailing na lang siya. Mukhang alam talaga ng lahat nang naroon ang matinding paghanga sa kanya ni Kaycee. Natutuwa rin siya dahil hindi ito nahihiyang sabihin iyon sa iba. At mukhang nagsasabi nga ito ng totoo kanina nang sabihin nitong suportado ito ng pamilya nito sa “panliligaw” sa kanya dahil nang makilala niya ang buong pamilya ni Kaycee ay buong giliw siyang tinanggap ng mga ito.
Siya pa ang naging special guest sa party na iyon.