Camp Speed Chapter 7

KAYCEE was totally sure she’s freaking out. Ilang araw na siyang spaced out at nangangarag na siya ngayon. Hindi pa niya tapos ang hinihinging sequel ng editor niya dahil lang hindi siya maka-get over sa mga sinabi sa kanya ni Mitch. Hindi siya makapag-concentrate ng maayos dahil hindi niya makalimutan ang mga sinabi nito, ang mga naramdaman niya noon at ang mga titig nito sa kanya.

Peste ka, Mitch! Kahit ngayong araw lang lubayan mo ang isipan ko, please?

Muli siyang humarap sa screen ng laptop niya. She was still stuck with chapter eight. Alam niya kung ano ang dapat niyang isulat dahil may outline na siya sa buong istoryang iyon. But for some unknown reason, she couldn’t write. Hindi niya iyon naharap noong weekend dahil nagpunta siya sa Batangas para sa monthly patron’s race. Hindi niya iyon nadugtungan noong Lunes dahil birthday ng mama niya at noon nga nangyari ang inaasam niyang mangyari sa kanila ni Mitch. Nang mga sumunod na araw nama’y ang video report, blogs at article tungkol sa nangyaring race ang hinarap niya para sa Camp Speed website at sa blog niya.

At ngayong libre naman siyang magsulat ay wala siyang ginawa kundi ang isipin at isipin si Mitch. Hindi pa nakokontento ang isipan niyang i-rewind ang hitsura nito at ang mga sinabi nito sa utak niya. May isang bagay kasi siyang hindi maintindihan sa sarili niya at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa “let’s try” na sinabi ni Mitch sa kanya.

This is what she’d always dreamed of. Ang mapansin ni Mitch. She was one step closer to her ultimate goal of becoming his wife but she’s chickening out. For some unknown reason, natatakot siya. Hindi niya alam kung saan iyon nanggaling pero natatakot siya.

“Sige, titigan mo lang ang laptop mo at makakatapos ka n’yan,” untag sa kanya ni Elle. Hindi niya namalayang nasa tabi na pala niya ito.

“Grabe ka, ‘te! Ginulat mo ‘ko,” aniya rito habang sapo ang kanyang dibdib dahil sa gulat.

“Kanina pa kaya ako dito. Masyado ka lang engrossed sa kakaisip kay Mitch. Ano ba kasing nangyari no’ng nagkausap kayo sa kitchen? And speaking of that, magpasalamat ka sa’kin para do’n. Hinarangan ko talaga ang mga nagtangkang pumunta do’n para bigyan kayo ng moment ni Mitch. Libreng ice cream sa Sweetsville, okay na para sa’kin,” anitong ang tinutukoy ay ang sikat na ice cream parlor sa lugar nila na puro lalaki ang crew—gwapong mga lalaki.

Huminga siya ng malalim. “Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa’kin. Ano ba kasing sinabi n’yo sa kanya at bigla siyang nagbago?” tanong niya rito.

“Nagbago in what way?”

“Hindi na niya ako sinusungitan at ilang beses niya akong nginitian habang kumakain kami ng cake. Then, he suddenly told me that we’ll try,” aniya rito.

“Oh my god! Talaga? Kinikilig ako para sa’yo, bebe!”

“Wait lang. Ano bang sinabi n’yo sa kanya no’ng birthday ni mama?” tanong niya rito.

Nag-isip muna ito bago sumagot. “Sinabi namin kung sino at ano ka talaga. Sinabi namin sa kanya kung gaano ka kabaliw sa kanya. Natatawa at napapailing pa nga siya eh. ‘Tapos, sinabi ko rin sa kanya ‘yong naging vow mo sa’min noon na magiging Mrs. Esguerra ka. ‘Yon lang,” pagkukwento nito.

“Pati ‘yon sinabi n’yo? Gosh!” bulalas niya. Pakiramdam niya’y ayaw na niyang magpakita kay Mitch kahit kailan.

“O, ano namang masama do’n? Eh, ‘di ba proud ka pa at feel na feel mo pang matawag na ‘Mrs. Esguerra’? Kahit sa Camp Speed, sabi mo ‘Mrs. Esguerra’ ang tawag ng patron racers doon sa’yo. Bakit parang ngayon ayaw mo?”

Bakit nga ba siya nakakaramdam ng pagkapahiya at awkwardness ngayon? Matagal na niyang inasam na mapansin siya ni Mitch. At ngayong kay Mitch na mismo nanggaling ang “let’s try”, bakit bigla siyang napapaurong?

“Oh my god!” pagkuwa’y bulalas ni Elle.

“Bakit?”

“Ikwento mo nga sa’kin ang buong pangyayari simula nang magkakilala kayo,” udyok nito sa kanya. And so, she did.

Naging magaan ang pakiramdam niya matapos niyang ikwento sa matalik niyang kaibigan ang lahat-lahat. No feelings barred. Kahit na iyong pagkapahiya pa niya kay Mitch at iyong mga oras na kinikilig siya pati na rin ang pagiging makulit niya noong unang beses silang nagkita. Wala siyang itinago kay Elle na dati naman niyang ginagawa. Kaya niya ito naging matalik na kaibigan ay dito lang siya nagtitiwala among her other friends. Sinasabi niya ang lahat ng gusto niyang sabihin dito at nakikinig naman ito sa kanya.

Pagkatapos niyang ilahad ang lahat ng nangyari sa pagitan nila ni Mitch since day one ay nanlaki ang mga mata ni Elle sa kanya. Kinabahan siya dahil sa naging reaksyon nito. Pakiramdam niya’y hindi niya magugustuhan ang magiging komento nito sa kanya. But then, she smiled at her. At hindi niya mawari kung para saan iyon.

“Maybe he likes you since day one. Pinipigilan lang niya ang sarili niya dahil nasa isip niya kung ano ang dapat i-priority niya pati na rin ang goal niya. At siguro, iniisip din niya ang kahahantungan ng magiging relasyon n’yo kasi ‘di ba hindi siya dito naka-base? Mabuti na lang at persistent ka at dahil doo’y hinayaan niya ang kanyang sarili na bigyan kayo ng chance. Baka rin na-cute-an siya sa’yo,” paliwanag ni Elle.

“You think so?” aniya rito.

“Uh-huh. At in love ka na rin sa kanya. Hindi ‘yong love na fascination mo lang sa kanya kundi ‘yong totoong love na talaga,” sabi pa nito.

“Ano’ng ibig mong sabihin?” kunot-noong tanong niya rito dahil hindi niya makuha ang sinasabi nito.

“This is the real thing, Kayce. Kaya ka nakakaramdam ng takot dahil hindi mo alam kung ano ang kahahantungan n’yo ni Mitch. Katulad din ni Mitch, iniisip mo ang future kaysa ang present. Well, my dear best friend, don’t. Just go with the flow. Enjoy the kilig and let your love story be. ‘Wag kang mag-isip ng negative o ‘yong mga bagay na maaaring mangyari in the future. I-enjoy n’yo lang ni Mitch ang isa’t isa at ‘wag kang matakot. Ngayon ka pa ba naman uurong gayong nand’yan na si Mitch at napansin ka na rin niya? Kung hindi natakot si Mitch na sumubok, dapat ikaw rin,” payo sa kanya ni Elle.

‘Yon nga siguro ‘yon.

“You mean to say, may iba’t ibang klase ng love?” tanong niya rito.

“Oo naman. May fake love. ‘Yon ‘yong love na sinasabi lang ng isang lalaki sa isang babae kapag gusto lang niyang maka-iskor dito. ‘Yong tipong sinasabihan ka niya ng ‘I love you’ pero sinasabi rin pala niya ‘yon sa ibang babae. May fascinated love din at do’n ka nabibilang dati. Nararamdaman ito nang mga katulad mong fan sa mga idolo nila. Umiikot kasi ang mundo n’yo sa idolo n’yo kaya naiisip n’yong magiging masaya kayo, kikiligin kayo ng bonggang-bongga kapag isang araw ay nagkakilala kayo somewhere and then, you’d hit off like two lovers hit by Cupid’s love arrow. Pero kapag may nakita kayong mas magaling o mas gwapo sa idolo n’yo, kakalimutan n’yo na ang dati at lilipat kayo sa bago.”

“At siyempre, may real love. ‘Yong tipong nagmamahal ka sa isang tao kahit hindi ka naman niya mahal pero go ka pa rin dahil ang pagmamahal mo sa kanya ang pinakaimportante sa lahat. ‘Yong tipong nagmumukhang tanga ka na sa kahihintay sa tawag o text o tweet niya na kahit siguro period lang ay magiging masaya ka na. ‘Yong tipong makita mo pa lang siya ay ayos ka na kahit kanina lang ay masama ang mood mo. ‘Yong tipong ayaw mong gawin ang isang bagay pero titig at ngiti pa lang niya, mapapa-‘oo’ ka na. ‘Yong tipong manonood ka ng isang romantic movie pero iisipin mong siya ‘yong bidang lalaki at ikaw naman ‘yong bidang babae. ‘Yong tipong titig pa lang niya, pakiramdam mo natutunaw ka na. ‘Yong tipong kahit na ano’ng gawin mong pag-alis sa kanya sa isipan mo, hindi mo pa rin magawa dahil subconsciously ay gusto mo pa rin siyang isipin ng isipin. ‘Yong tipong habang nagsasalita ako, iniisip mo pa rin si Mitch,” ani Elle.

She blinked at her. Narinig niya ang mga sinabi nito. At tulad nga ng sinabi ito’y iniisip niya si Mitch. Gosh! She’s really in love with him. And this time, it’s for real. Hindi na lang niya ito mahal dahil sa achievements nito. Hindi na lang niya ito mahal dahil sa gwapo ito at ito ang lalaking naisip niyang magiging asawa niya kundi dahil titig pa lang nito, tumitibok na ang puso niya.

“Oh, ano? Real love na ba?” tanong ni Elle sa kanya.

Nginitian niya ito. Mas lalong gumaan ang pakiramdam niya. Ngayong malinaw na ang lahat sa kanya’y pakiramdam niya’y makaka-quota siya ng maisusulat na chapter ngayong araw. At siguro’y karamihan doon ay ang mga sinabi ni Elle.

Akala kasi niya ang pag-ibig, isa lang. Na kapag naramdaman mong mahal mo ang isang tao, iyon na iyon. Hindi niya alam na may real love at fascinated love pa pala. Dapat pala si Elle ang naging romance novelist sa kanilang dalawa at hindi siya. Mas marami pa itong alam sa pag-ibig kaysa sa kanya.

“Thanks, ‘te. Ikaw ang maid of honor sa kasal namin ni Mitch babe ha?” nakangising sabi niya rito. Tama ito. Ngayon pa ba naman siya uurong gayong nandito na nga si Mitch at may “let’s try” pang nalalaman?

INSTANT closeness agad ang naramdaman ni Kaycee sa nakababatang kapatid ni Mitch na si Lauren. Natatawa siya habang animated na animated itong magkwento tungkol sa sarili nito at kay Mitch. At fan-slash-reader pala niya ito. Katatapos lang daw nitong basahin ang series of books niya kahapon at magre-research na daw sana ito tungkol sa kanya nang makita daw nito na binabasa ni Mitch ang blog niya na pr-in-omote niya sa first page ng isang libro niya sa series na nabasa nito.

Sinasaway ni Mitch si Lauren na magkwento pa ngunit tila mas madaldal pa ang huli kaysa sa kanya kaya hindi ito maawat ni Mitch. Tuwang-tuwa naman siyang marinig ang lahat ng kwento ni Lauren lalo na’t karamihan sa mga iyon ay tungkol kay Mitch at sa mga reaksyon at komento nito sa series niya. Dapat pala ay matagal na niyang hinanap ang account ni Lauren sa Facebook o kaya’y sa Twitter. Pero hindi rin pala niya mahahanap ang social networking accounts nito dahil walang Twitter si Lauren at hindi “Lauren” ang gamit nitong account kung hindi “Mrs. Potter” dahil adik ito sa series na Harry Potter.

Kasalukuyan silang nasa Sugar Treats. Tinawagan kasi siya ni Mitch at inanyayahan siya nitong kumain doon ngayon. Hindi niya alam na kasama pala nito si Lauren. Nang malaman daw kasi ni Lauren na magkikita silang dalawa ay nagpumilit itong sumama dahil gusto daw nitong makilala siya. Sinulyapan niya si Mitch na tahimik na kumakain ng cake sa tabi niya.

Okaaaay. In love na talaga ako sa kanya at tama ang mga sinabi ni Elle. Kasi tinitingnan pa lang niya ito’y kinikilig na siya.

“Ate Kylie, bigyan mo naman ako ng hero. Please?” pakiusap ni Lauren sa kanya. “Kylie” ang tawag nito sa kanya dahil “Kylie Jane” ang pen name niya bilang isang romance novelist.

“Lauren, bakit hindi mo na lang sagutin ang isa sa manliligaw mo?” singit ni Mitch sa usapan nila ni Lauren.

“Kuya, iba pa rin ang may hero ka sa pocketbooks. Nakakakilig kaya ‘yon. At saka, ayaw ko sa mga manliligaw ko. Hindi ako kinikilig sa kanila at saka hindi sila katulad sa mga hero na nababasa ko,” sagot ni Lauren dito.

“Kailangan ba ay kikiligin ka muna para magustuhan mo ang isang lalaki?” ani Mitch.

“Oo naman,” sabay nilang sagot ni Lauren. Napailing lang si Mitch sa kanilang dalawa ni Lauren.

“Actually, Ate Kylie, crush ko si Seff dito,” kinikilig na saad ni Lauren. Kilala niya ang lalaki na tinutukoy nito—si Seff Austin Jimenez.

Nakilala niya ito sa Camp Speed nang minsang isama ito roon ng champion racer nilang si Lemon Martinez. At nang makausap niya ang lalaki noon sa Camp Speed ay nalaman niya ang tungkol sa Sugar Treats na pagmamay-ari pala nito at ng best friend-slash-girlfriend na nito ngayong si Sugar Aimie Crisostomo.

“Lauren, taken na siya eh. Girlfriend na niya si Ate Sugar, ‘di ba?” aniya kay Lauren.

“How do you know that?” tanong sa kanya ni Mitch.

“Dahil kilala ko si Kuya Seff. Nagpupunta rin siya sa Camp Speed kasi sinasama siya ro’n ni Ate Lemon. Sa kanya ko nalaman ang tungkol dito sa Sugar Treats,” paliwanag niya rito. Tumango lang ito.

“Alam ko, ate. Pero may crush pa naman ako sa Sweetsville eh. Si Chad,” sabi ni Lauren.

“Oh my gosh! Si Chad! Na-crush-an ko din siya dati. Ang cute niya ‘no?” nakaka-relate na sabi niya rito. Paboritong ice cream parlor kasi nila ni Elle ang Sweetsville dahil sa mga gwapong service crew niyon. At isa rin pala si Lauren sa nahumaling sa ice cream parlor na iyon.

“Ate, gwapo siya at hindi cute,” ani Lauren sa kanya.

“Punta tayo do’n next time,” yaya niya kay Lauren at agad naman itong sumang-ayon sa kanya.

“What the heck?” bulalas ni Mitch. Nagulat sila ni Lauren sa biglaang outburst nito.

“Bakit?” tanong niya rito.

“Ilang lalaki ba ang crush mo?” tanong nito na diretsong nakatingin sa kanya.

Napaisip siya sa sinabi nito. Binilang niya sa kanyang isipan ang mga crush niyang lalaki bago sumagot dito. “Marami eh. Pero ‘yong crush na crush—“ Hindi siya nakatapos ng pagsasalita dahil biglang tumayo si Mitch at dire-diretso itong lumabas ng Sugar Treats. “Ano’ng nangyari do’n?” tanong niya kay Lauren.

“Ate, nagselos ‘yon. Sabihin mo ba naman na marami kang crush na lalaki. Nakakatawang magselos si kuya. Most of the time, kontrolado niya ang feelings niya pero pagdating sa’yo, he’s losing his control on things,” natatawang saad ni Lauren.

Shit! mura niya. Agad siyang tumayo mula sa kinauupuan niya at lumabas din ng Sugar Treats para sundan si Mitch sa labas. Nakita niyang nasa loob na ito ng kotse nito kaya naman agad siyang sumakay sa passenger seat niyon sa unahan. Pagpasok pa lang niya’y agad niyang pinisil ang pisngi nito ngunit iniwasan siya ni Mitch at ibinaling nito ang tingin sa kabilang panig.

Hinawakan niya ang kamay nito saka iyon pinisil. “Nagseselos ka?” tanong niya rito. Ngunit hindi nito sinagot ang tanong niya.

“Tawagin mo na si Lauren. Uwi na tayo,” sabi lang nito. Hindi niya mapigilan ang mapangiti. Labis na kilig ang nararamdaman niya ngayon.

“Nagseselos ka nga,” aniya rito.

“No, I’m not!” agad na tanggi nito.

“Talaga? So, ayos lang sa’yo na pumunta kami ni Lauren ngayon sa Sweetsville? Kakain kami ng ice cream at magpapa-cute kina Chad. Tutal, mabilis—“

Hindi niya natapos ang iba pa niyang sasabihin dahil bigla na lang sinapo ni Mitch ang batok niya. Nanlaki ang kanyang mga mata nang halos magkandaduling siyang tumingin mukha ni Mitch na lumapit sa kanya. Then, suddenly, she felt his lips against hers. He was kissing her!

Her initial reaction was shock. Pagkatapos ay kinilig siya at muli’y naroon na naman ang kakaiba at nakakalokang tibok ng puso niya na tanging kay Mitch lang niya nararamdaman. He moves his lips on hers. Naipikit niya ang kanyang mga mata at in-enjoy niya ang sensasyon na idinudulot ng halik na iyon sa kanya. Parang kailan lang at tinutukso pa siya ng mga labi nito pero ngayo’y nakamit na naman niya ang hinihiling niyang halik nito.

She wasn’t dreaming anymore. This was really for real. Mitch Esguerra is kissing her and her heart can’t help but to scream with glee.

“Don’t ever go to Sweetsville. Don’t you ever think of other men than me. Ngayon pa lang, itigil mo na ang pagkaka-crush sa ibang lalaki,” sabi ni Mitch sa kanya matapos siyang halikan nito. His face was still dangerously close to hers.

“So, nagseselos ka nga?”

“Yes. I’m jealous.”

She felt like dying of total “kilig” that very moment. Ngunit hindi na siya nakapag-isip pang muli ng ibang bagay dahil muling bumaba ang mukha nito sa kanya. At wala na siyang nagawa kundi ang i-enjoy ang pangalawang halik nito sa isang araw.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.