FREYA furiously stomped at the black Hammer’s hood. Pumatong siya roon kanina at walang sawang tinapaktapakan ang hood niyon ng pagkalakas-lakas na akala niya’y sapat para masira iyon. Matigas ang kaha ng sasakyan kaya hindi niya iyon mayupi man lang. Halos maiyak na siya sa inis. No, correct that. Galit. Iyon ang emosyong namamayani sa puso niya ngayon. Hindi niya iyon mapigilan kaya dapat lang na mailabas niya iyon. At ang sasakyan ng lalaking may kasalanan kung bakit galit na galit siya ngayon ang napagdiskitahan niya.
Dapat lang ‘yon sa kanya!
Galit na galit siya sa boyfr—ex-boyfriend niyang si Iñigo dahil hindi nito sinabi sa kanya na engaged na pala ito at matapos nitong magkolehiyo ay magpapakasal na ito sa babaeng payat na matangkad.
Tatlong buwan na silang magnobyo ngunit hindi man lang nito nabanggit sa kanya ang tungkol sa “engagement” nito. Well, that was what two-timing is all about, Freya. He’s not supposed to tell you about his engagement, paalala niya sa sarili. Kailangan pa niyang malaman ang buong katotohanan sa isang restaurant kung saan nanananghalian si Iñigo at ang fianceѐ nitong parang linta.
Ang kaibigan at kasama niyang si Minie ang nakakakita kay Iñigo na nakaupo sa isang sulok kasama ang babae. Naningkit ang kanyang mga mata pagkakita dito na may kasamang iba. Hindi siya nito sinamahang maglaro ng tennis dahil may kailangan daw itong gawin para sa pamilya nito. Hindi niya akalain na ang kailangan pala nitong gawin para sa pamilya nito ay ang makipag-date.
“Hello, babe!” sarkastikong bati niya kay Iñigo nang makalapit sila dito ni Minie. Humalukipkip siya rito at itinaas ng todo ang isang kilay niya upang ipakita ritong nabisto na niya ito. Tila tinakasan naman ng kulay ang mukha ni Iñigo pagkakita sa kanya. Agad itong tumayo na hindi malaman kung ano ang gagawin.
“Do you know her, babe?” tanong naman dito ng babaeng kasama nito.
“So, you’re ‘babe’ number two?” aniya sa babae.
“Excuse me? Sino ka ba?” sita sa kanya ng babae at tumayo pa ito. Mas matangkad ito sa kanya na labis niyang ikinaasar. Ayaw niyang tumingala dito.
Must be the heels, konsola na lang niya sa sarili.
“Girlfriend ako ni Iñigo,” taas-noong sagot niya sa babae.
She smirked. At nang mga panahong iyon ay gusto na niya itong umbagin. “I’m Marishka. Iñigo’s fiancée. And we’re getting married after his graduation. Gusto mong um-attend?” sarkastikong sabi sa kanya ng babae. Hindi makapaniwalang tumingin siya rito. Nabasa niya sa mga mata nito na hindi ito nagsisinungaling. Doon niya tinitigan ng masama si Iñigo.
“We’re through,” mariing sabi niya rito. Tangkang aalis na siya roon pero pinigilan siya nito sa braso.
“Sasabihin ko rin naman sa—“ Iyon ang kumpirmasyon na totoo nga ang sinabi ng babae.
“Gasgas na ang linyang ‘yan, Iñigo. Bakit hindi ka na lang nagpakatotoo no’ng una pa lang? Baka natanggap ko pa ‘yon,” sarkastikong sabi niya rito. Ipiniksi niya ang kanyang kamay at nabitiwan nito iyon. “Hindi mo na kailangan pang magpaliwanag. Tapusin na lang natin ‘to dito,” nakatalikod na sabi niya rito.
“Tough and smart. I should’ve had liked you. Pero kabit ka ni Iñigo at magkaaway tayo,” ani Marishka. She felt like she was being mocked by her. Hindi niya napigilan ang kanyang sarili na harapin ito at bigyan ito ng isang malakas na sampal.
Pagkatapos niyon ay patakbong lumabas siya ng restaurant. Nawala ang gutom niya dahil napagod siya sa paglalaro ng tennis. Puno ng luha ang kanyang mukha pagkarating niya sa parking lot kung saan naroon ang kotse niya.
Napahiya siya roon at mas nakadagdag iyon sa galit niya kay Iñigo. Ang lakas ng loob niyang manugod pero hindi naman pala siya ang “una”. Hindi naman pala siya ang legal na girlfriend. Much worse, the girl with Iñigo was much better than her. Dahil fiancѐe na ito ni Iñigo at siya ay isang dakilang girlfriend lang. Isa lang siyang kabit nito at iyon ang hindi niya lubos na matanggap. Hindi siya dapat ang kabit pero iyon ang ginawa ni Iñigo sa kanya.
Kaya naman ng makita niya ang sasakyan ni Iñigo sa parking lot ay doon niya ibinuhos ang kanyang galit dito. Alam niya kung gaano kamahal ni Iñigo ang sasakyan nito kaya siguradong makakaganti siya rito. Mabuti na lang at memoryado niya ang plate number ng sasakyan nito.
Tumunog ang alarm niyon kanina pero wala siyang pakialam. Wala siyang pakialam kung mahuli man siya ng mga gwardiya. Ang mahalaga sa kanya’y mailabas niya ang galit niya dahil baka hindi niya iyon makayang dalhin mamaya at baka kung ano naman ang mangyari sa kanya.
“Here. Bilisan mo dahil baka dumating na ang mga gwardiya. Malalagot tayo nito,” ani Minie habang iniaabot sa kanya ang mga tennis racket nila. Sa kabila ng pagluha niya’y nagawa niyang mapangiti dahil sa ginawa ni Minie. Kinuha niya ang mga raketa at sinimulang hatawin niyon ang windshield ng sasakyan ni Iñigo.
Ilang segundo pa’y basag na ang windshield ng sasakyan maging ang raketa ay yupi na rin pero wala siyang pakialam. Bumaba siya sa hood ng kotse at ang mga bintana naman niyon ang hinataw.
“I hate you, Iñigo! Mahal kita pero hayop ka! Niloko mo lang ako!” galit na galit na sigaw niya habang hinahataw ng isang raketa ang isang bintana.
Nang may pumito ay agad siyang tumigil sa paghataw sa kotse.
“Freya, tara na!” yaya sa kanya ni Minie pero hindi niya tatakasan ang ginawa niya. Gusto niyang malaman ni Iñigo na siya ang may kagagawan sa pagkasira ng kotse nito.
“Tumakas ka na, Minie,” aniya rito.
“Ano? Sira ka ba? Baka makulong ka dahil sa ginawa mo,” anito.
“Hindi ako ipapakulong ni Iñigo. Sige na. Tumakas ka na. Malapit na sila,” pagtataboy niya rito.
Nakita niyang parating ang tatlong gwardiya sa parking lot at may mga dalang baril at batuta ang mga ito. Pero hindi siya natakot sa mga ito.
“Patay kang bata ka, sira,” anang isang gwardiya.
Hinaklit ng isang gwardiya ang braso niya. “Sumama ka sa’min sa opisina,” anito. Nagpumiglas siya sa hawak nito.
“Hindi mo po ako kailangang hatakin. Kusa akong sasama sa inyo,” aniya sa mga ito.
“Bakit mo binasag ang mga bintana ng sasakyang ‘yon, Miss?” tanong ng babaeng guwardiya sa kanya habang itinuturo ng batuta nito ang mga bintanang basag na ngayon.
“He deserves that,” sabi niya sa mga ito.
“Ipa-page mo na ang may-ari ng sasakyan,” utos ng gwardiyang humawak sa kanya kanina sa isa pang gwardiya. Kinuha naman ng gwardiyang iyon ang radyo nito at nag-utos.
“Paki-page po ang may-ari ng sasakyang may plate number na ARF 193. Pakisabing pumunta sa opisina namin,” anang gwardiya. Ang isang gwardiya nama’y kinunan ng larawan ng kotseng sira na ngayon.
Wait. ARF 193? Muli niyang tiningnan ang plate number ng black sedan at nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita. ARF 193 nga! Nakagat niya ang pang-ibabang labi sa nakita.
Iñigo’s car plate number was ARF 198. Baka dahil sa mga luhang tumabon sa kanyang mga mata kaya ang kita niya sa “3” ay “8”. Patay siya ngayon sa tunay na may-ari ng black sedan na iyon. Siguradong ipakukulong siya nito.
Think fast, Freya! Dapat ay sumama ka ng tumakas kay Minie kanina, aniya sa sarili. Malay ba niyang mali pala ang kita niya sa plate number kanina.
NAPANGIWI si Freya nang makita kung sino ang lalaking pumasok sa opisina ng mga gwardiya. Labis na guilt ang lumukob sa kanyang sistema pagkakita dito pati na rin kaba. Dumadagundong ang tibok ng puso niya habang nakatingin sa lalaking iniluwa ng pintuan.
Si Prime Abellana. Ang captain ball ng basketball varsity team nila at ang sunod na uupo bilang CEO ng Crescent Company—ang pinakamalaking real estate company sa bansa. Sa katunayan ay ang kompanya ng mga ito ang nag-develop ng village na tinitirhan nila ngayon.
Kasama pa ni Prime sina Zac at Jasper na ka-teammate nito sa varsity dahilan para magnais siyang sana’y basta na lamang malusaw sa upuang iyon. Naroon marahil si Zac dahil pagmamay-ari ng pamilya nito ang mall na kinaroroonan nila ngayon—ang Milandia.
If she wasn’t problematic right now, she would totally freak out. Maybe she would hug each of them too. Bakit? Sila lang naman ang tatlo sa sampung sikat na mga lalaki sa kanilang eskwelahan. Nag-aaral siya bilang third year Fine Arts student sa Princeville University at schoolmate niya ang tatlong lalaking kaharap niya ngayon.
They were dubbed as the Princes. Crush niya ang mga ito noon pa man at isa siya sa mga babaeng nangangarap na mapalapit sa mga ito. Pero dahil sa nangyari’y siguradong magagalit sa kanya si Prime.
“Ano po ba ang nangyari?” tanong nito sa mga gwardiyang naroon.
“Kilala mo ba siya?” tanong ng chief guard na kaharap niya sa mesa nito at itinuro siya. Nakaupo siya sa visiting chair. Ipinatawag nito ang kanyang mga magulang at parating na ang mga ito. Tiyak na masesermunan siya ng kanyang ama dahil sa kanyang nagawa. Pero nangyari na ang nangyari.
Mataman siyang tinitigan ni Prime na animo kinikilala talaga siya. Hindi niya alam kung guni-guni lang niya iyon pero nakita niyang kumislap ang mga mata nito. Nang umiling ito’y ipinagsawalang-bahala na lang niya iyon dahil baka natamaan lang ng liwanag ang mata nito.
“No,” ani Prime na umiiling. Mukhang seryoso ito. Well, he was the cold and distant one. Hindi na iyon nakapagtataka.
At ‘wag ka na ring magtaka kung magagalit siya sa’yo mamaya. Just brace yourself, aniya sa sarili.
“Ako kilala ko siya,” sabi naman ni Zac. Hindi na siya magtataka pa roon dahil ex-girlfriend ng Kuya Ylac niya ang kapatid nitong si Ate Zesska.
“Basta babae talaga, ang bilis mo, Zac,” sabi dito ni Jasper.
“Eh, sa kilala ko siya eh. You’re Freya Marie Sotto, right?” ani Zac. Tumango siya rito. “Mag-ex ang mga kapatid namin,” paliwanag nito sa dalawang kaibigan pagkatapos ay ipinakilala nito sa kanya sina Prime at Jasper.
“So, ano’ng ginagawa mo dito, Freya? May problema din ba ang kotse mo?” tanong ni Jasper. Napangiwi na naman siya. Sasagot na sana siya rito ngunit inunahan siya ng chief guard.
“Sir, kailangan n’yo po itong makita,” anang may katandaan ng lalaki kay Prime. Ipinakita nito kay Prime ang kuhang larawan kanina ng gwardiya sa kotse ng una.
“Holy crap! What happened to my car?” bulalas ni Prime.
“Bakit?” agad na tanong nina Zac at Jasper dito. Tiningnan din ng mga ito ang larawan na ipinakita kay Prime ng chief guard.
“I’m glad that isn’t my car in that picture,” ani Jasper.
“Sino ang gumawa nito?” galit na sigaw ni Prime. Makikita na ang litid nito sa leeg. Muli niyang nakagat ang pang-ibabang labi niya.
“I’m really sorry, Prime. Akala ko kasi’y kay Iñigo ang Hammer na ‘yon kaya binasag ko ang windshield at mga bintana. Ang kita ko sa last digit ng plate number ng sasakyan mo ay eight. Three naman pala ‘yon,” mabilis na paliwanag niya rito. She didn’t give him the chance to cut her off. Kung hinayaan niya iyo’y hindi siya makakapagpaliwanag dito.
“Ikaw ang may gawa no’n? Hindi ka nagbibiro?” tanong nito sa kanya habang binibigyan siya ng nakamamatay na tingin.
Alanganing tumango siya rito. “I’m really sorry. I was furious a while back and—“
“Then, I am furious now, do you know that?” mariing sabi nito sa kanya. Hinaklit nito ng malakas ang braso niya dahilan para mapasubsob siya sa dibdib nito. He smells good. Parang nabale-wala ang nararamdaman niyang kaba kanina dahil may kung anong kilig na pumaloob sa katawan niya.
Siguro’y dahil isa iyon sa katuparan ng mumunting pangarap niyang mapalapit sa Princes.
Zap the thought, Freya! Kabe-break mo lang kay Iñigo! paalala niya sa sarili.
“Freya, nagdyo-joke ka lang ‘di ba?” tanong sa kanya ni Zac.
Marahang umiling siya. “I…napagkamalan ko ‘yong Hammer niya na sasakyan ng ex ko,” aniya.
“You’re gonna regret saying that,” sabi naman ni Jasper.
“We’ll go to the police station,” ani Prime na magkasalubong ang kilay.
“H-ha? P-pero darating na ang p-parents ko. H-hindi ba pwedeng h-hintayin muna natin sila?” kinakabahang tanong niya rito. Lagot siya kapag umabot pa sila sa presinto.
“Then, call them up! Sabihin mong sa presinto na sila pumunta,” mariing utos nito sa kanya. Hinila siya nito paalis sa lugar na iyon. Palabas na sana sila ng pintuan nang saktong bumukas iyon at iniluwa ang mga magulang niya.
“Freya!” tawag sa kanya ng mama niya.
“Prime?” sabi naman ng papa niya kay Prime. Hindi na siya nagtaka pang kilala nito si Prime dahil iisang sirkulo lang ang ginagalawan ng mga ito. Hindi siya mahilig sa negosyo kaya hindi siya pamilyar para sa mga ito. Nasa linya ng sining kasi ang hilig niya.
“Tito Franz, alam mo ba kung ano ang ginawa ng anak n’yo sa sasakyan ko?” ani Prime saka binitiwan nito ang braso niya. Kinuha nito sa chief guard ang litrato ng sirang sasakyan nito at ipinakita iyon sa kanyang ama.
“Papa, hindi ko naman alam na sasakyan pala niya ‘yon eh,” katwiran niya.
“Then, bakit mo sinira kung hindi mo naman pala alam kung kanino ‘yon? Stupid!” inis na sabi sa kanya ni Prime. May kung anong kumurot sa kanyang puso ng sabihin nito ang katagang “stupid”. Pakiramdam na pakiramdam niya ang galit nito.
“Freya, hindi ka namin pinalaki para gawin ang mga ganitong bagay. Ano ba ang pumasok sa utak mo at ginawa mo ito?” anang ama niya sa kanya na halatang pinipigil ang mapasigaw.
Nanubig ang kanyang mga mata katulad ng kanina. Puro mali ang nangyari sa araw na ito. Una, nawalan siya ng boyfriend. Pagkatapos ay kinakaharap niya ngayon ang isang problemang hindi niya alam kung makakalusot siya o hindi. Halo-halong emosyon ang nararamdaman niya ng mga oras na iyon.
Nasasaktan ang puso niya pero kinakabahan din siya dahil sa mga tinging ipinupukol sa kanya ni Prime. Natatakot din siyang makulong dahil tiyak na masisira ang record niya. Ngayon siya nakaramdam ng pagsisisi sa kanyang nagawa.
Stupid, Freya! Real stupid! Tama si Prime. Pero kasalanan ba niya kung nasaktan siya? Kasalanan ba niya kung hindi niya makontrol ang kanyang mga luha dahilan para hindi niya makita ng mabuti ang plate number ng sasakyan nitong akala niya’y kay Iñigo? Hindi naman, hindi ba?
“I’m hurting, you know,” sabi niya sa mga ito.
“Kung inaakala mo’y madadaan mo ako sa iyak na lang basta, nagkakamali ka. Mahal ang pagkakabili ko sa sasakyang ‘yan at wala n’yan dito sa Pilipinas. Binili ko pa ‘yan sa ibang bansa. Hindi ko basta na lang palalampasin ang ginawa mo,” mariin pa ring sabi ni Prime.
“Hindi naman ako nagpapaawa sa’yo. Totoong nasasaktan ako ngayon dahil kahihiwalay lang namin ng boyfriend ko. Letse!” frustrated na sigaw niya. She started the day with a happy face and she feels like it’s going to end with her sad face.
“Hijo, baka naman pwedeng pag-usapan natin ‘to? ‘Wag na nating paabutin pa sa pulisya ang nangyari,” pakiusap ng mama niya kay Prime.
“Tita, hindi naman po kayo ang kailangang magdusa dito eh. Ang anak n’yo. Siya ang may kasalanan ng nangyari. Wala po kayong kinalaman dito,” sagot ni Prime dito.
“Francisco, hahayaan mo bang makulong ang anak mo?” anang mama niya sa papa niya.
“Prime, what if we buy you another car? ‘Yong katulad din ng sasakyan mong nasira ni Freya,” anang papa niya. Nagliwanag ang kanyang mukha dahil sa sinabi nito. Mahal na mahal talaga siya ng kanyang mga magulang.
“Papa—“
“Tito, I don’t mean to sound rude pero ini-spoil n’yo po ang anak n’yo kaya ganyan siya,” ani Prime patungkol sa kanya.
“Excuse me? Hindi ako spoiled brat!”
Sa hindi niya malamang kadahilanan ay ngumiti ang papa niya. Niyaya nito si Prime sa isang sulok at nag-usap ang mga ito. Hindi niya alam kung ano ang pinag-uusapan ng dalawa pero puro tango lang ang naging sagot ni Prime. Saka nagkamay pa ang dalawang lalaki bago lumapit sa kanila.
“I’ll buy you a new car dahil sa ginawa ng anak ko, Prime. Hindi ko na rin parurusahan si Freya—“ Magdiriwang na sana siya dahil sa sinabi nito pero dinugtungan pa iyon ng kanyang ama. “Ikaw na ang bahalang magparusa sa kanya,” anang kanyang ama.
“What the heck? Papa!” kontra niya rito.
“Sa kanya ka may kasalanan, Freya. Kaya dapat lang na pagbayaran mo ‘yon. Pinagaan ko na nga para sa’yo eh,” anang papa niya sa kanya.
“Papa!”
Prime smirked. “Deal.”
“What?”