Campus Romance Chapter 12

IPINAYPAY ni Freya ang mga kamay sa kanyang mukha na tila ba naiinitan siya kahit hindi. Pinipilit kasi niyang hindi kausapin o marinig man lang si Iñigo na pilit na umaagapay sa kanya ngunit hindi niya hinahayaan. Wala na siyang pakialam pa rito at sa mga sasabihin nito. Tapos na sila at wala na siyang balak pang makipag-ayos dito.

Para saan pa? Niloko siya nito. Wala ng dahilan pa para magkaayos sila. Nasira na ang lahat sa pagitan nila dahil kasalanan nito. Hindi siya ang nagkulang. Hindi rin sumobra ang pagmamahal niya rito at mas lalong wala siyang ginawang masama. Ito ang tanging may kasalanan ng lahat.

“Minie, bilisan natin dahil may naghihintay pa sa’kin sa Bo’s,” aniya kay Minie na kasabay niyang maglakad palabas ng kanilang eskwelahan na ang tinutukoy ay ang katapat na coffee shop ng kanilang eskwelahan. Nagsisinungaling siya. She just wants to get rid of Iñigo fast before she burst into tears.

Umiyak na siya kagabi pagkagaling nila sa Milandia at ayaw na niyang iyakan pa ang walang-kwentang lalaking ito. Tama na ang pag-iyak niya kagabi. He’s not worth her tears. Pero aaminin niyang labis siyang nasaktan dahil sa nangyari. Minahal niya ito. Pero biglang naglaho iyon ng malaman niyang niloko lang siya nito.

Nang sabihin niya sa dalawang matalik niyang kaibigang sina Drea at Tracy ang nangyari’y nagalit din ang mga ito kay Iñigo. Ang sabi ng mga ito’y hindi na niya dapat pang iyakan ang mga lalaking ganoon. Pero sinabi rin ng mga ito na madali rin siyang makaka-recover. Kahit na hindi niya nakausap ng personal ang dalawa dahil kapwa abala rin sila sa pag-aaral ng bawat isa’y gumaan ang pakiramdam niya sa suportang ibinibigay ng mga ito sa kanya. She would forever be all right with Drea and Tracy around.

“You’re seeing someone already?” kunot-noong tanong ni Iñigo. Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ito.

“Oo. Akala mo’y titigil ang mundo ko kapag naghiwalay na tayo? Well, think again. I can have another guy this instant,” aniya ritong pumitik pa sa hangin para i-emphasize ang sinabi niya. Gusto niyang isipin nito na hindi siya apektado sa kanilang paghihiwalay.

“Minahal mo ba ako, Freya?” tanong ni Iñigo sa kanya na may hinanakit sa tinig. Wala itong karapatang maging ganoon sa kanya na para bang siya pa ang may kasalanan dahil ito ang nanloko at hindi siya.

“Hindi mo rin naman ako minahal kaya patas lang tayo,” mataray na sabi niya rito. Magpapatuloy na sana siya sa paglalakad ng marinig niyang muling magsalita si Iñigo.

“Hindi ko mahal si Marishka but I have to marry her for my family’s sake. If I were to choose, I’ll choose you, Freya, without even thinking. Dahil mahal kita. Akala ko…nevermind,” sabi na lang nito pagkatapos ay ito na ang kusang lumayo sa kanya.

“Arranged marriage?” ani Minie nang makaalis si Iñigo.

Sinungaling ito. He had a choice not to do it because he loves her. Pinatunayan lang nito na hindi siya talagang mahal nito ng ganoon katindi sa hinahanap niyang pag-ibig. Hindi siya nito nagawang ipaglaban. Kung mahal talaga siya nito’y siya ang pipiliin nito.

Ipinagpatuloy niya ang paglalakad palabas ng kanilang eskwelahan ng may tumawag sa pangalan niya. Nanlaki ang kanyang mga mata ng makita si Prime kasama ang mga alagad nito.

What now?!

UMINIT ang ulo ni Prime dahil sa mga narinig at nasaksihang eksena sa pagitan ni Freya at ng napag-alaman niyang ex-boyfriend nito. Kagagaling lang niya at ng kanyang mga ka-teammate sa gym dahil sa praktis at naabutan niya si Freya na nakikipag-away kay Iñigo Tetangco. Pinagtitinginan na ang mga ito ng ibang estudyante pero parang walang pakialam ang mga ito sa paligid.

Noon lang niya muling nakita si Freya dahil humanap pa siya ng impormasyon tungkol dito para malaman niya kung anong parusa ang ipapataw niya rito. Hindi na sana niya bibigyan pa ng parusa si Freya dahil ayaw na niya itong makita pa pero dahil kay Zac ay nagbago ang isip niya.

That dupe is in love. At kailangan nito ng tulong niya. He sighed. Ibinalik niya ang atensyon kay Freya.

Ayon sa nalaman niya’y tipikal señorita ito. Hindi ito marunong ng gawaing-bahay at ayaw nito ng nauutusan. Ang tanging nakakapag-utos lang dito’y ang mga magulang nito at ang mga propesor nito sa unibersidad. The rest, snobbed. Kung minsan nga raw ay hindi pa nito nasusunod ang utos ng magulang at ilang propesor nito. She was obviously lazy.

Hindi niya gusto ang ugali ni Freya simula una pa lang niya itong makita dahil ito ang dahilan kung bakit nasira ang Hammer niya at mas lalong hindi niya nagustuhan ang ugaling ipinakita nito ngayon. To him, she was more like a prima donna and a spoiled brat. Palibhasa’y iisang anak na babae kaya halos lahat ng luho ay naibibigay rito. Maging sa usaping lalaki.

Labis siyang nakaramdam ng inis dito dahil sa mga sinabi nito kay Iñigo. Paiyak-iyak pa ito kahapon kesyo nasasaktan ito sa hiwalayan nito at ni Iñigo pero iyon pala’y may ipinalit na agad itong lalaki sa huli. He loathed girls like her. Naiinis siya sa mga katulad nitong nagpapaasa na mahal ang isang lalaki pero hindi naman pala. Nagsasabi na mahal ang isang lalaki pero madali namang nakakahanap ng kapalit.

Hindi porke’t maganda ito ay may karapatan na itong gumawa ng mga ganoong bagay.

You find her pretty? kastigo niya sa sarili.

That, I wouldn’t deny. Pero hindi ko siya type. I hate her, agad na sabi niya sa sarili.

Ang mga dapat sa katulad nito’y tinuturuan ng leksyon. He surely won’t tolerate what she’s doing. Tuturuan niya ito ng leksyon. Ngayon pa lang ay alam na niya kung ano ang parusa na iaatang niya rito.

“SO, ANO ang pag-uusapan natin?” kinakabahang tanong ni Freya kay Prime. Inanyayahan siya nito sa Bo’s sa hindi malamang kadahilanan. Sumama siya rito dahil may kasalanan pa rin siya rito at ayaw niyang painitin ang ulo nito dahil baka totohanin nito ang pagpaparusa sa kanya.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang ipinagkanulo siya ng sarili niyang ama rito. Alam niyang mali ang ginawa niya pero aksidente lang ang lahat. Nanlabo ang mga mata niya dahil sa ga luha niya kaya mali ang pagkakita niya sa plate number ng sasakyan nito. Hindi niya iyon sinasadya. Ang sasakyan sana ni Iñigo ngayon ang sira at hindi ang kay Prime.

“Ang tungkol sa parusa mo,” walang gatol na sabi nito. His face, emotionless. Hindi niya mabasa kung nagbibiro ba ito o hindi.

“Okay. A-ano ang magiging parusa ko?” alanganing tanong niya rito. May pakiramdam siya na hindi niya magugustuhan iyon dahil kakaiba ang nararamdaman niya sa tinging ipinupukol sa kanya ni Prime.

Sa lahat ng mga lalaking nakasalamuha niya, ito lang ang nakapagpapanginig ng mga tuhod niya. Sa lahat ng lalaking nakilala niya, dito lang siya natatakot. Nangingilag siya minsan kay Dereck dahil minsan ay masungit si Dereck pero nakakasakay naman siya sa mood swings nito. Pero mas malala si Prime kaysa kay Dereck. Parang kapag nagdesisyon ito kung ano ang magiging mood nito sa maghapon ay iyon lang ang magiging mood nito.

Isa ito sa mga crush niya dahil gwapo ito, mayaman, magaling maglaro ng basketball, dahil naniniwala siya noon na may “happily ever after” at maaaring ito ang prince charming niya. Pero hindi na ngayon. Nabura na ito sa listahan ng maaari niyang maging prince charming dahil hindi niya gusto ang nararamdaman niya para rito. Magkahalong kaba, takot, panginginig ng tuhod at, weird, pero kilig din.

She must be getting crazy.

“You will be my slave for a month,” ani Prime.

“Ano?” bulalas niya. Tama ba ang dinig niya? Magiging alipin siya nito? Iyon ang parusa niya?

“Magiging alipin kita sa loob ng isang buwan. Susundin mo lahat ng iuutos ko sa’yo at wala kang karapatang umangal. Sa oras na umangal ka ay madadagdagan ng isang linggo pa ang isang buwang parusa mo bilang alipin. Sa oras naman na hindi mo nagawa ang mga ipapagawa ko sa’yo, additional week din ng service mo. Maliwanag?” tanong nito.

“You can’t be serious about that,” aniya rito. One month? Magiging alipin siya nito? Utos?

Allergic siya sa salitang “utos” dahil ayaw niyang nauutusan siya. Sakali mang may mag-utos sa kanya’y mabigat sa loob niya. Lumaki kasi siyang walang ibang ginagawa kundi ang mga gusto niya lang gawin. At hindi kasama ang mga roon ang mautusan. They have maids to do things for her. Besides, she’s a princess. Hindi siya dapat na inuutusan.

“Oh, but I am. Ang parusa ay magsisimula na ngayon. Kung ayaw mo naman, pwede rin naman kitang pakasuhan na lang sa abogado namin dahil sa ginawa mong paninira sa Hammer ko. At isa pa, mahiya ka naman sa’kin. Wala pa rin ang kapalit ng Hammer ko kaya dapat lang na sundin mo ang lahat ng iuutos ko sa’yo,” ani Prime.

“Hindi gano’n kadaling bumili ng sasakyan mo, ‘no. Kailangan pang umalis ni papa para bumili no’n sa ibang bansa kaya ‘wag kang apurado.”

“Alam ko.”

“Alam mo naman pala, sinumbat mo pa sa’kin,” inis na sabi niya rito.

“We’ll start with your first task. Tell me about yourself,” anito. Tumaas ang isang kilay niya dahil sa sinabi nito. “Susunod ka o mas bibigatan ko ang ipapagawa ko sa’yo?”

Nagsimula siyang magkwento rito tungkol sa kanyang sarili hanggang sa mapag-usapan nila ang tungkol sa kanyang mga kaibigan.

“So, kaibigan mo pala sila. Tell me about Tracy,” udyok nito sa kanya. Muli niya itong tinaasan ng kilay.

“MedTech siya sa PrinceU. She hates handsome guys. May boyfriend siyang chaka at hindi sila bagay. Paborito niyang isawsaw ang McDo fries sa chocolate sundae at hindi pwedeng dumaan ang isang araw ng hindi siya nakakakain ng mga ‘yon. She’s simply addicted to those. Sa aming tatlo, siya ang pinaka-praktikal. Minsan, nagmumukhang nanay namin siya ni Drea dahil masyadong malalim ang mga nasasabi niya pero minsan, siya naman ang pinaka-luka-luka sa’min,” kwento niya kay Prime.

“Other than McDo fries and sundae, ano pa ang ibang paborito niya?”

“Avengers collectibles. Pero gusto niya ‘yong may thrill sa pagkuha niya ng mga ‘yon,” aniya.

“And?” udyok pa nito sa kanya na ipinagtaka niya.

“Let’s talk about Drea now,” aniya. Nagtataka siya kung bakit tila interesadong-interesado ito tungkol sa mga bagay na may kinalaman kay Tracy.

“Kilala ko na si Drea at maraming bagay na akong alam sa kanya.” Kaya naman pala.

“Alam mo, hindi mo naman kailangang idamay sa gulong ‘to ang mga kaibigan ko eh.”

“Hindi ko sila idadamay. Gusto ko lang malaman kung ano’ng klaseng mga kaibigan ang mayro’n ka. Now, let’s startd with your first errand of the day. I-order mo ako ng cake,” utos ni Prime sa kanya.

Utos agad? “Ako ang magbabayad?”

Hinugot nito ang isang libo sa wallet nito at ibinigay iyon sa kanya. “Pakibilisan ha?” bilin pa nito na lalo niyang ikinainis dito. Tuluyan nang naglaho ang pagka-crush niya rito dahil sa ipinapakita nitong ugali sa kanya. He’s a guy. He should be a gentleman. Hindi siya nito dapat na binigyan ng ganoong parusa.

“Good. Mabilis ka naman palang pasunurin eh,” seryosong sabi ni Prime sa kanya ng makabalik siya sa mesa nila at maibigay rito ang order niya. Pero ang dating niyon sa kanya ay pang-aasar. “Dahil wala akong sasakyan, ibig sabihin ay wala akong sasakyan pauwi. Araw-araw ay ihahatid mo ako sa condo unit ko sa tuwing uwian ko na. At ipagda-drive mo ako tuwing may pupuntahan akong lakad,” sabi nito sa kanya.

“Ano? Ano tayo pareho ng schedule? May ibang bagay din naman akong ginagawa. Nag-aaral din naman ako,” kontra niya rito.

“Nagreklamo ka. Additional one week. You now have a total of one month and a week of service to me.”

“Seriously?” hindi-makapaniwalang sabi niya rito.

“Obviously. Ikaw ang dapat na mag-adjust sa’kin. You’re my slave and I’m your master. Hindi ikaw ang masusunod kundi ako. ‘Kuha mo?”

This isn’t really happening! Please tell me I’m just dreaming.

Nang hapong iyon ay nagsimula ang paghahatid niya kay Prime pauwi sa condo unit nito. Nang makauwi siya’y agad siyang nagsumbong sa kanyang mga magulang partikular na sa kanyang ama pero umayon pa rin ito kay Prime. Iyon ang labis niyang ikinaasar. Wala na siyang ibang choice kundi ang maging “alipin” ni Prime dahil kung totohanin nito ang banta sa kanyang kakasuhan siya’y masisira ang record niya. Pangarap pa naman niyang makapag-aral sa Paris. Baka dahil sa nagawa niyang iyon ay hindi pa matupad ang pangarap niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.