Campus Romance Chapter 18

NAKABUSANGOT ang mukha ni Freya habang naghihintay kay Prime sa kanilang sala. Kaninang alas-sais pa siya ayos dahil sabi nito’y susunduin siya nito sa ganoong oras pero isang oras na ang nakararaan ay wala pa rin ito. Kanina pa siya nagte-text dito ngunit hindi ito sumasagot. Sinubukan na rin niya itong tawagan pero nakapatay ang cell phone nito.

“Ayaw mo bang sumabay sa’min, baby?” tanong sa kanya ng daddy niya.

Umiling siya. Bihis na bihis na ang kanyang mga magulang at aalis na ang mga ito papunta sa Hotel Elysѐ kung saan gaganapin ang anniversary party ng Crescent Company. Mas nauna siyang mag-ayos sa mga ito pero mas mauuna pa ang mga itong makaalis kaysa sa kanya.

“Anak, baka busy si Prime at tumutulong siya do’n kaya hindi ka niya masusundo,” anang mommy niya.

“He should’ve at least called me. Kapag wala pa rin siya within thirty minutes, hindi na ako pupunta,” nakapangalumbabang saad niya.

“Naku! In love na talaga kay Prime ang baby ko,” tudyo sa kanya ng daddy niya pero hindi niya ito pinansin.

“I’m ready! Let’s go, guys,” sabi ng Kuya Ylac niya. Nagulat siya dahil nakabihis din ito. Gwapong-gwapo ito sa suot na tangerine button down long sleeves at coat and tie. Hindi na siya magtataka kung marami na naman ang mahuhumaling sa kapatid niya sa gabing iyon. He looks incredibly handsome.

“My, my, kuya! Nabalitaan mo bang dadalo sa party si Ate Zesska kaya ganyan na lang ang pagpapa-gwapo mo?” pang-aasar niya rito. Nakaugalian na niya itong asarin sa dati nitong nobya simula nang maghiwalay ang dalawa sa hindi niya malamang dahilan. Hindi kasi sinasabi ng kuya niya sa kanya kung ano ang naging problema ng mga ito.

“Don’t start, Freya. You might not like what you’re going to hear from me,” banta nito sa kanya. Sa tono ng pananalita nito’y tila may alam ito na hindi niya alam.

“I’d like to see you try me,” matapang na sabi niya rito.

“Talaga? Do you know that your guy—“

“Is here,” nakangiting dugtong niya sa sasabihin nito. Narinig niya ang pagsabi ni Letty na naroon na si Prime. Excited niyang tinungo ang kanilang pintuan ngunit pinigilan siya ng kanyang ina. Ang Kuya Ylac niya ang pinagbukas nito ng kanilang main door.

Pumasok doon si Prime na humihingi ng paumanhin ang mga mata sa kanila. Napangiti siya pagkakita dito. Mas gwapo dito ang Kuya Ylac niya pero hindi naman nagpapahuli ang kagwapuhan ni Prime. Siguro’y dahil mas mukhang matured tingnan ang kanyang kuya kaya niya iyon nasabi. Nonetheless, Prime is extremely gorgeous in his black button down long sleeve shirt topped with a modern-patterned gray coat and pants.

“Hi!” nakangiting bati niya rito.

“H-hi,” bati nito sa kanya na nasa mga mata ang paghanga.

Nagalak siya sa nakuhang reaksyon mula rito. Pakiramdam niya’y napakaganda niya ng gabing iyon. She held her gaze for what seem like minutes of pure admiration.

Naputol lang iyon ng tumikhim ang Kuya Ylac niya.

“Let’s go. Baka ma-late tayo sa party. Doon na lang tayo magkikita, okay?” anang daddy niya. Tinanguan nila ito ni Prime. Naunang umalis sa bahay nila ang kanyang pamilya at sumunod naman sila ni Prime dito.

“You look really gorgeous,” papuri sa kanya ni Prime nang makasakay na sila sa sasakyan nito.

“You look…good,” aniyang pinipigilan ang mapangiti ng malawak. Kinunutan siya nito ng noo na tila nagtatampo. Hindi niya napigilan ang kanyang sarili na kurutin ang magkabilang pisngi nito. Napaka-cute kasi nitong tingnan tuwing umaarte ito ng ganoon. “Siyempre, ang gwapo mo. Ang gwapo-gwapo mo,” puri niya rito na ikinangiti nito.

“Sorry nga pala dahil na-late ako ng sundo sa’yo. May dinaanan pa kasi ako eh,” pagpapaliwanag nito.

“Okay lang.” Ang mahalaga’y dumating ka.

Mahigit kalahating oras din ang biniyahe nila patungo sa Hotel Elysѐ. Pagdating nila roon ay nagsisimula na ang programa. Marami siyang pamilyar na mukhang nakita. Ang iba’y binati siya dahil nakikita niya ang ilan sa mga ito sa mga okasyon na dinadaluhan nila ng kanilang pamilya. Hindi naman palagi siya sumasama sa mga okasyong pang-alta sosyedad dahil hindi siya mahilig na pag-usapan ang mga negosyo. Wala siyang alam sa pagnenegosyo hindi katulad ni Drea. Kung dadaluhan niya ang lahat ng okasyong iyon ay madali lang siyang mabo-boring, maa-out-of-place lang siya. Kung hindi nga siya naka-“oo” noon kay Prime ay hindi siya pupunta doon.

Pero dahil in love na ako kay Prime ay gusto kong makasama siya sa lahat ng oras.

Hinanap ni Prime ang pamilya nito at ipinakilala siya nito sa mga iyon. Magaan ang loob niya sa bawat miyembro ng pamilya nito dahil pawang mga nakangiti sa kanya ang mga ito habang ipinapakilala siya ni Prime. Agad din namang humiwalay ang mga magulang ni Prime dahil marami pang tao ang kailangang kausapin ng mga ito. Sina Daphne lang—ang kapatid ni Prime—at ang date nitong si Jasper ang nanatili sa tabi nila ni Prime.

Ang mommy’t daddy naman niya’y nakikipag-usap sa isang negosyante. Ang Kuya Ylac niya’y hindi niya makita kung nasaan dahil sa dami ng tao roon. Nagkalat sa paligid ang miyembro ng Princes. May kanya-kanyang kausap ang mga ito. Napapangiti siya habang tinitingnan ang bawat tao sa kanyang paligid. Ganoon palagi ang nangyayari sa mga kasiyahang ganoon. Kahit na anong sabihin na kasiyahan ang lahat ay hindi pa rin mapipigilan na mag-usap ang mga negosyante tungkol sa negosyo ng isa’t isa. Ang unang rason naman kung bakit dumadalo ang mga ito sa ganoong pagtitipon ay para lumawak ang impluwensiya ng mga ito.

Siya? Naroon siya para kay Prime.

“Chillax, p’re. Darating ‘yon,” biglang sabi ni Jasper kay Prime.

“Bakit? May hinihintay ba kayo?” alanganing tanong niya sa dalawa. Hindi iyong napakinggan ni Daphne dahil may bumating isang babae dito.

Kitang-kita niya kung paano naging malikot ang mata ni Prime. Tila hindi ito mapakali mula sa kinatatayuan nito. Maging siya’y naging alanganin din sa sitwasyon. Bigla siyang kinabahan. Kaba na hindi niya alam kung bakit umatake sa kanya.

“Matutuwa kang makita siya dito mamaya, Freya,” sabi lang ni Jasper. Itatanong pa sana niya kung sino ang tinutukoy nito ngunit dumating naman si Zac.

“Hey, guys!” masiglang bati nito sa kanila. “Wow, Freya and Daphne! You girls look lovely tonight,” puri nito sa kanila ni Daphne.

“Nambola ka na naman, Zac,” sabi ni Daphne dito.

“Hindi ako marunong no’n,” tanggi naman ni Zac. “Anyway, hihiramin ko muna ang date n’yo. May…pag-uusapan lang kami.”

“Is that about the girl you’re stalking again?” ani Daphne. Ngunit ni isa sa tatlong lalaki ay walang sumagot sa tanong ni Daphne.

“Daph, ikaw na muna ang bahala kay Freya. Babalik kami agad,” bilin ni Prime kay Daphne na tila ba isa siyang batang musmos na dapat pang bantayan. Nginitian lang siya ni Prime at saka umalis na ito roon kasama sina Zac at Jasper.

“I don’t understand those three sometimes. Simula nang magsama-sama ang tatlong ‘yan no’ng high school sila, hindi na sila mapaghiwalay. Magkasangga sila sa lahat ng bagay. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa kanila kapag pare-pareho na silang office boys,” komento ni Daphne.

“Kahit siguro abala na sila, they would still find time to bond with each other,” sabi naman niya.

“Siguro nga,” umiiling na sabi nito.

“Sino nga pala ‘yong babaeng sinasabi mong ini-stalk nila?” curious na tanong niya rito. Hindi kasi siya mapakali. Gusto niya ring sundan sina Prime at pakinggan kung ano ang pag-uusapan ng mga ito.

“Oh, some ‘Tracy’. Tracy Suazon,” sagot ni Daphne na ikinawindang ng buong sistema niya.

Why are they stalking Tracy? My friend Tracy…at si Prime. Bumilis ang tibok ng puso niya na tila mamaya-maya lang ay mababasag na iyon.

”Hindi ko mahulaan noong una kung sino talaga sa kanila ang may gusto sa Tracy na ‘yon. Pero nitong mga nakaraang linggo, nakita ko kung gaano kasaya si kuya kaya nagkahinala akong siya ang may gusto kay Tracy. Nakumpirma ko ang hinala ko nang minsang isama niya ako sa mall at magpatulong siyang pumili ng isang regalo para daw sa espesyal na babae sa buhay nito. Kanina nga ay idinaan niya sa Crescentville ang damit na binili namin para kay Tracy dahil dadalo ‘ata dito ‘yon,” tuloy-tuloy na pagku-kwento ni Daphne.

Lingid sa kaalaman nito’y unti-unti siyang nawawasak dahil sa mga sinasabi nito. Kumuyom ang kanyang kamao habang nakahawak sa kanyang damit upang kahit papaano’y mapigilan ang mga luhang nagbabadyang kumawala sa kanyang mga mata. Halos habulin niya ang kanyang hininga dahil nasasaktan siya sa loob. Hindi niya alam kung paano kokonsolahin ang kanyang sarili ngayon.

She doesn’t want to break down in front of so many people. She wouldn’t take the humiliation if she would.

“Akala ko nga kanina’y ikaw si Tracy eh. No offense meant, pero nagtataka ako kung bakit hindi si kuya ang sumundo kay Tracy. Minsan kasi’y pumupunta siya sa Crescentville upang mag-iwan ng regalo sa harap ng bahay ni Tracy. Secret admirer ang drama niya. Ancient, really,” sabi pa ni Daphne.

“Best friend ko si Tracy,” wala sa sariling sabi niya kay Daphne. Biglang sumama ang pakiramdam niya at matindi ang pagnanais niyang umuwi na lang kahit hindi pa nagkakainan doon. Sa gayon ay mailalabas na niya kung anuman ang sakit na nararamdaman niya sa kanyang puso.

“Talaga? What a coincidence!” bulalas ni Daphne.

“Daphne, uuwi na ako,” biglang paalam niya rito.

“Teka, Freya! Magpaalam muna tayo kay kuya,” anito ngunit hindi niya ito pinansin.

Lumapit siya sa kanyang mga magulang at nagpaalam na uuwi na sa mga ito. Sinabi niyang sumama ang pakiramdam niya at gusto na lang niyang matulog muna upang makapagpahinga. Nang sabihin ng mga itong ipapahatid siya sa Kuya Ylac niya ay agad siyang tumanggi at lumabas sa function hall. Pagkalabas niya ng hotel ay pumara siya ng taxi at agad na sumakay doon.

Wala na siyang pakialam sa kanyang paligid nang tumulo ang kanyang mga luha na kanina pa niya pinipigil at mapahagulhol siya. Wala na siyang pakialam kung isang wirdo na ang tingin sa kanya ng taxi driver.

Nang makarating siya sa kanilang bahay ay hindi na siya nag-abala pang magpalit ng damit. Agad na ibinagsak niya ang kanyang katawan sa kama at muli siyang pumalahaw ng iyak habang may tabon na unan ang kanyang mukha. Pakiramdam niya’y pagod na pagod ang kanyang katawan gayong wala naman siyang ginawang hassle sa party kundi ang ngumiti.

All this time, she hoped that she’s Prime’s special someone. Pero nagkamali siya. Maling-mali siya! Siguro’y nadadamay lang siyang dalawin ni Prime tuwing nagpupunta ito sa village nila na kina Tracy naman pala talaga ang sadya dahil ito ang secret admirer ni Tracy. To think that she actually told Tracy to go after him when she got the chance to meet him. Hindi naman kasi niya alam na si Prime iyon.

Nasaktan na naman siyang muli ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na kasalanan ng lalaking sangkot sa kanyang pag-ibig. Kasalanan niya kung bakit siya nasaktan at nagka-problema. Masyado siyang naging kumpiyansa na siya ang gusto ni Prime. Masyado siyang umasa na siya ang gusto nito. Ang masaklap pa’y ni hindi pa man lang nagiging ‘sila’ ni Prime at kahit kailan ay hindi na magiging sila dahil iba ang gusto nito—si Tracy.

Umasa lang naman siya dahil sa naging malapit na sila ni Prime sa isa’t isa. Ang buong akala niya’y siya lang ang babaeng mas malapit dito ngayon. Ngunit hindi niya naisip na kahit siya ang malapit dito’y maaaring may gusto pa rin itong iba.

Ngayon ay hindi na niya kailangan pang makilala kung sino ang espesyal na babae sa buhay nito dahil kilalang-kilala niya ang isa sa pinakamatalik niyang kaibigan.

Pinag-trip-an lang siguro siya ni Prime kaya siya nito ginawang alipin noon at nakipagkaibigan ito sa kanya dahil alam nitong matalik na kaibigan niya si Tracy. Kaya pala sa tuwing binabanggit niya ang pangalan ni Tracy rito’y nag-iiba ang kislap ng mga mata nito. At kaya pala noong una pa lang ay itinanong na nito sa kanya kung kilala niya si Tracy.

Muli siyang napaiyak ng todo. Tumunog ang kanyang cell phone at nakita niya ang pangalan ni Prime sa caller ID ngunit hindi niya iyon sinagot. Ayaw niya munang marinig ang boses nito. Ayaw niya muna itong makita.

Mas masahol pa ang sakit na kanyang nararamdaman ngayon kaysa sa mga nakalipas niyang sakit sa puso dahil hindi niya matanggap sa kanyang sarili na siya ang may kasalanan kung bakit siya nasaktan. Sinaktan niya ang kanyang sarili dahil nagmahal siya. True, loving is inevitable and so was getting hurt. Minutes ago, her heart was filled with so much love, the next thing she knew, it was already broken.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.