Campus Romance Chapter 19

NAGSISIMULA na ang taunang Princeville University art exhibit ngunit hindi pa rin lumalabas ng kanilang studio si Freya. Basta pinadala na lang niya roon kay Minie ang portrait painting niya kay Prime. Alam niya kasi kung ano ang mangyayari sakaling magpakita siya sa mga tao doon sa exhibit. Uulanin siya ng katanungan tungkol sa kanilang dalawa ni Prime. Kung bakit ito ang ipininta niya at kung totoo ba ang tsismis na nanggaling sa Facebook.

Hindi niya pa kayang humarap sa mga tao kung iyon ang isasalubong ng mga ito sa kanya. She was still vulnerable after having another heartbreak. May karapatan naman siguro siyang magluksa sa isang tabi.

Isa pa’y hindi pa siya handang makita muli si Prime. Ilang araw na rin niya itong iniiwasan at patuloy niya itong iiwasan hanggang sa maka-get over na siya sa sakit na ginawa niya sa kanyang sarili dahil sa pagmamahal niya rito. Nang pumunta ito sa kanilang bahay kinabukasan pagkatapos ng party ay nagdahilan siya sa kanyang mga magulang na abala siya sa pagpipinta ng isasali niya sa exhibit. Iyon ang sinabi ng mga ito kay Prime at iyon pa rin ang dahilan ng mga ito tuwing dumadalaw ito sa kanila hanggang ngayon. Sa susunod na pagpunta nito roo’y mag-iisip na lang siya ng susunod na alibi.

Bakit pa ba siya nito kailangang dalawin gayong tapos na ang serbisyo niya rito? Noo’y gusto pa rin niya itong makita dahil mahal niya ito pero hindi na ngayon. Habang maaga pa’y gusto na niyang wakasan ang pagmamahal niya kay Prime para hindi na siya masaktan pa ng lalo.

“Here,” anang isang pamilyar na tinig. Inaabot nito sa kanya ang isang tissue box. Nang mag-angat siya ng tingin ay nakita niya ang seryosong mukha ni Iñigo habang nag-aalalang nakatingin sa kanya.

Hindi niya namalayan na umiiyak na pala siya. Kinuha niya rito ang kahon ng tissue at kumuha siya roon ng ilang tissue saka niya pinahiran ang mga luhang naglandas sa kanyang pisngi.

“Salamat,” sabi niya rito.

“I don’t want to see you cry, Freya. Gusto kitang makitang palaging nakangiti. Not like this. This is not you,” sabi nito sa kanya.

“Eh, gago ka pala eh! Sinaktan mo rin ako noon! Pinaiyak mo rin ako noon! Hindi mo lang nakitang nagkaganito ako dahil ayaw kong magpakita sa mga taong nanakit sa’kin!” buong pait na sabi niya rito. Ano ang karapatan nito na pagsabihan siya ng ganoon gayong dumaan ang isang panahon sa kanyang buhay na sinaktan siya nito?

“Sinaktan mo rin naman ako. It’s not easy for me to let you go but you said that you already has someone,” ani Iñigo.

“Hindi totoo ‘yon. Nasaktan lang ako kaya nasabi ko ‘yon,” aniya.

“I’m sorry…” tanging nasabi nito.

“Pero alam mo ba? Hindi ang lalaki ang dahilan kung bakit ako nasaktan ngayon. Ako! Ako ang may kasalanan kung bakit ako nasaktan! Masyado akong umasa. Umasa ako na ako ang gusto niya pero nagkamali ako,” umiiyak na sabi niya kay Iñigo.

Nang yakapin siya nito at aluin ay hindi niya ito itinulak dahil kahit paano’y gusto niyang may masandigan. Gusto niyang may makaalam na nasasaktan siya. Gusto niyang may ibang nag-iisip ng mga bagay na iniisip niya. Kahit na may panahon sa kanilang buhay na nagka-problema sila ni Iñigo ay ito naman ang naroon para sa kanya ngayong muli siyang nasasaktan.

Kaya umiyak siya ng umiyak hanggang sa halos maubos na ang lahat ng luha niya sa katawan. Kung ang lahat sa kanilang departamento’y abala sa exhibit, abala naman sila ni Iñigo sa kanyang problema.

“Bakit ka umasa?” tanong nito.

“Dahil mahal ko siya,” simpleng sabi niya pero alam niyang naiintindihan nito ang sinabi niya.

“Paano mo nalaman na nabale-wala na ang pag-asa mo?” tanong na naman nito.

“Dahil nalaman ko na iba pala ang gusto niya.”

Naramdaman niyang humugot ito ng isang malalim na hininga. “I never planned to hurt you then, Freya. Do you know that?”

Tumango siya. “Pero nagawa mo pa rin akong saktan. You have a choice then. Ipinaglaban mo sana ako sa pamilya mo kung talagang mahal mo ako. Pero half-baked love lang ang nararamdaman mo sa’kin noon,” akusa niya rito. Hindi niya intensyon na ibalik pa ang dati.

“Alam ko at humihingi ako ng tawad dahil sa idinulot kong sakit noon sa’yo, Freya. I thought that I chose the right thing then. Akala ko ay mas mabuting piliin ko ang kagustuhan ng pamilya ko dahil kung hindi ay marami akong masasaktan. Bibiguin ko sila. Pinili kong sundin sila kahit na alam kong masasaktan ka dahil alam kong kakayanin mo. I know that it’s a lame excuse. But, you are Miss Sunshine. Naniniwala akong makakangiti ka pa rin pagkatapos niyon. And you did. Pinagsisihan ko ang ginawa kong move, Freya. Pero kahit paano, sa nakikita kong kasiyahan sa mukha ng bawat miyembro ng pamilya ko, iniisip kong tama ang ginawa ko. You deserve someone better, Freya. Someone who’s not afraid to fall in love deeply with you. Someone who will love you truly. Darating din ang lalaking para sa’yo at hindi ka na masasaktan pang muli.”

“Sinabi ko sa sarili kong babawi na lang ako sa’yo. Na hindi na kita hahayaang masaktan muli ng kahit na sino pang lalaki. I promised myself to not let you cry and be hurt again. Alam kong wala akong karapatang sabihin ito sa’yo ngayon dahil nasaktan din kita, pero gusto ko ‘yong gawin para sa’yo kahit hindi mo pa sabihin. Hindi ko ito sinasabi dahil gusto kong ibigay mo sa’kin ang kapatawaran mo. Gusto ko lang itong sabihin dahil sa wakas ay nagkausap na tayo ng maayos,” dire-diretsong sabi ni Iñigo sa kanya.

Wala na rin namang saysay kung ipagkakait pa niya rito ang kapatawaran na tahimik nitong hinihingi sa kanya tuwing nagkakatinginan sila. Mabuti na rin itong nagkausap na sila ng maayos ngayon at narinig niya ang side nito. Nasaktan na siya. Nangyari na ang dapat mangyari. Wala na silang magagawa para maibalik pa ang nakaraan. Ang dapat na lang siguro nilang gawin ngayon ay ayusin ang gusot sa pagitan nila.

“Salamat, Iñigo. Pero kaya ko ang sarili ko. Friends again?” nakangiting sabi niya rito. Inalok nito ang kanang kamay nito sa kanya ngunit hindi niya iyon tinanggap. Sa halip ay niyakap niya ito.

“Uuuuuuy!” narinig niyang tukso ng pamilyar na tinig ni Gabby. Ito lang naman ang may kakayanang mang-asar ng ganoon kalakas. “Muling ibalik ang tamis ng pag-ibig na ang drama n’yo ah. Nagkabalikan na kayo?” tanong nito sa kanila.

“You’re ruining the moment,” biro niya rito.

“Oh-my-god, Freya! You wouldn’t believe the people who attended the exhibit,” eksaheradang sabi ni Minie.

“Sino?”

“Ang lahat ng miyembro ng Princes! Kaya naman dinagsa ng mga estudyante ang buong pavilion dahil sa kanila. At, oo nga pala, ipinapatawag ka ni Dean de Castro sa pavilion,” anito.

“Bakit daw?” nagtatakang tanong niya.

“Dahil gustong bilhin ni Prime ang portrait niya na gawa mo. Hindi pumapayag si Dean de Castro na ipagbili iyon kay Prime hanggang sa hindi ikaw mismo ang nagbenta,” sabi pa ni Minie.

Parang nagkaroon ng bara sa kanyang lalamunan ng marinig niya ang pangalan ni Prime. Nagpunta pala ito sa exhibit nila. Baka dahil nagpunta rin doon si Tracy kaya naroon din si Prime. Hindi kasi pinalalagpas ni Tracy ang exhibit na iyon dahil nakasuporta ito sa kanya palagi. Kung nasa bansa din si Drea ay pupunta rin iyon doon. Sa katunayan ay nag-text ito sa kanya kanina at sinabing hinahanap daw siya nito sa venue. Ngunit sinabi niya ritong masama ang pakiramdam niya kaya hindi siya makakapunta doon.

She felt guilty about hiding to Tracy. Wala naman itong kasalanan at wala naman sa plano niya ang makita ito ngunit kung magpapakaloka siya at ito pa ang kakausapin niya’y masasaktan siya ng lubos.

“Give it to him for free. Tutal ay ibibigay ko rin naman ‘yon sa kanya,” utos niya kay Minie.

“Pero gusto ka rin niyang—“

“Masakit ang ulo niya kaya hindi siya lumalabas dito, Minie,” sabi naman ni Iñigo. She mouthed a “thank you” to him. Ngumiti naman ito sa kanya.

“There’s something odd about you, Freya,” puna ni Minie sa kanya pero hindi na lang niya ito pinansin.

HINDI na mabilang ni Prime kung ilang beses na niyang namura ang kanyang sarili dahil sa nararamdamang frustration. Hindi na niya kinakaya ang ginagawang pag-iwas sa kanya ni Freya. And all he wanted to do was to wring his sister Daphne’s beautiful neck for ruining everything for him.

Nagpahanda pa siya ng magarbong hapunan para sa kanilang dalawa sa penthouse ng Hotel Elysѐ ngunit hindi siya ang nakagamit niyon kundi sina Daphne at Jasper. Nagpakahirap siyang mag-ayos niyon para kay Freya ngunit nabale-wala lang ang paghihirap niya.

Thanks, Daphne! Really!

Alam na niya kung ano ang dahilan kung bakit siya iniiwasan ni Freya. Iyon ay dahil mali ang pagkakasabi ni Daphne dito ng totoo. Hindi niya alam na ang pagtulong pala niya kay Zac ang magiging dahilan ng problema niya sa kanyang buhay pag-ibig.

Siya ang naglalagay ng mga regalo ni Zac sa tapat ng bahay nina Tracy para rito dahil baka kapag nakita daw ng huli ang una’y magkaroon ng World War III. Alam niya kung ano ang pinagdadaanan ni Zac kaya tinutulungan niya ito. Minsan nga’y siya pa ang bumibili ng susunod na ireregalo nito dahil sa tuwing nagpupunta siya sa Crescentville ay nabibisita niya si Freya.

Mahal na niya si Freya. Na-realize niya iyon noong araw na malaman niyang wala naman pala itong boyfriend na ipinalit nito kay Iñigo. Siguro’y noon pa ma’y gusto na niya ito. Hindi lang niya maamin sa kanyang sarili dahil nga naiinis siya sa mga katulad nito. Ngunit nagkamali siya sa pagkakakilala kay Freya. Hindi ito katulad ni Emma. Kakaiba si Freya at masaya siya dahil ito ang pinili ng puso niyang mahalin. Masaya siya tuwing kasama ito. At bumawi na siya sa pagkakamali niya sa pagkakakilala dito.

Ang dating seryosong-Prime na tinatawag ng lahat na “the cold and distant one” ay nagbago para kay Freya. Naging magkaibigan silang dalawa at kahit na natapos na ang serbisyo nito sa kanya’y hindi pa rin sila tumitigil sa pagkikita. And from then, he planned to take it to the next level. Palagi niya itong tinutukso. Dumating nga ang isang sitwasyon kung saan nahalikan pa niya ito. Napakasaya niya ng gabing iyon. Alam niyang nagbago ang lahat sa pagitan nila ni Freya nang gabing iyon. Sa mga sumunod na araw ay alam niyang nakuha na niya ang loob ni Freya. Na unti-unti ay nahuhulog na ang loob nito sa kanya. Kaya nagkaroon na siya ng lakas ng loob na magtapat dito.

Only to be ruined by his sister. Hindi muna niya kinakausap si Daphne ngayon dahil sa labis na frustration. Alam niyang hindi nito sinasadya iyon dahil wala naman itong alam sa mga ginagawa niya. Pero hindi pa rin niya mapigilan ang mainis.

“Damn it!” bulalas niya.

“Cool it, p’re,” ani Jasper.

“Oh, shut up!” sikmat niya rito.

“Ano ba’ng mayro’n?” tanong ni Jethro.

“Prime’s in love with Freya,” sagot ni Jasper dito.

“Uuuuy! In love si Prime! Sa wakas,” panunudyo ni Zephyr.

“One hour shooting drill, Santos!” utos niya rito. Napakamot sa ulo si Zephyr.

“Ano’ng problema mo ngayon? Diretsahin mo na lang kasi si Freya kung mahal mo talaga siya. Paalipin-alipin ka pa kasi, gusto mo lang naman pala siyang maging girlfriend,” pang-aasar sa kanya ni Jethro.

“Ten laps for you, Ramirez!” inis na utos niya rito.

“Prime, naman! Wala na akong sinabi,” anito.

“Wala rin akong naririnig ngayon,” sabi naman niya rito.

“Kayo kasi ‘wag n’yo nang asarin si captain. Mabibigyan niya tayong lahat n’yan ng parusa ‘pag inasar pa natin sila ni Freya. Pero, captain, seryoso? In love ka kay Freya? Himala ‘yon ah,” pasimpleng pang-aasar ni Drix.

“Twenty laps for you, Yuchengco!” mariing utos niya rito.

“Sana, hindi na lang ako nagsalita,” kumakamot sa ulo na sabi ni Drix.

“Love is in the air!” sigaw ni JM.

“Twenty laps for you too, Benitez!” utos ni Prime dito. Malakas ang naging ungol ni JM bilang pagtutol pero wala siyang pakialam.

“Chillax ka lang, Captain Prime. May paraan pa para makita mo si Freya,” sabi ni Jon Drix.

“Makinig ka kay bunso dahil madaming alam na kalokohan ‘yan,” sabi naman ni Jasper.

“Hindi naman masyado. Anyway, magpanggap kang may sakit. Maglagay ka ng bawang sa magkabilang kili-kili mo. Effective ‘yon. Kapag nagkasakit ka, maaawa sa’yo si Freya kapag tinawagan mo siya. Pupuntahan ka niya sa condo mo at aalagaan ka pa niya. Makakausap at makikita mo siya. Iyon nga lang, may lagnat ka,” suhestyon ni Jon Drix.

Nagsalubong ang dalawang kilay niya sa sinabi nito.

“Uy! Apir! Nagawa ko na ‘yan minsan. Effective ang bawang kung gusto mong magka-lagnat,” segunda naman dito ni Zephyr.

“Isip-bata talaga kayong dalawa,” ani Dereck sa mga ito.

“Walang masama kung susubukan mo ‘yon, captain,” ani Jon Drix.

“If you’re really that desperate to talk to Freya, I think you should try it,” sabi ni Colby.

“Agree!” panabay na sabi nina Jasper, Zac, Jethro at JM. Ang mga ito lang ang nagsalita maliban kay Trey na natural na ang pagkatahimik at seryoso.

Desperado na siya kaya susubukan niya ang suhestyon ni Jon Drix.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.