Campus Romance Chapter 2

“Nakakainis na talaga siya! Wala naman akong ginagawang masama sa kanya, ah. Hindi ko maintindihan kung bakit mainit ang dugo sa’kin ng impaktong iyon! Bwisit siya sa buhay ko!” sunod-sunod na himutok ni Drea kina Freya at Tracy nang kumakain sila sa TresKas. Umiiling lang ang mga ito.

Pagkagaling sa bahay ng mga Enriquez ay agad siyang nag-ayos nang sarili at nakipagkita sa dalawang kaibigan.

“Simula yata pagkasilang sa inyo ay magkaaway na kayo ah. Baka naman habang ipinagbubuntis kayo ng mga ina niyo ay magkaaway sila kaya pati kayo ay magkaaway.” ani Freya.

“Free, hindi sila magkaaway ni Dereck. Hindi lang sila magkasundo.” sabi naman ni Tracy.

“Nagtataka nga ako kung bakit hindi sila magkasundo.” sabi ni Freya na tila nag-iisip.

“Eh kasi nga, may galit siya sa’kin. Isipin niyo nga kung bakit?”

“Hindi kaya may ginawa ka sa kanyang masama dati na hindi niya nagustuhan?” ani Freya. Nag-isip siya. Maliban sa pagpatol sa mga pambabara ni Dereck sa kanya ay wala naman siyang ginagawang masama dito.

“Wala akong ginagawang masama sa kanya. Nag-aaway lang kami dahil parati niya akong binabara at pinapahiya sa harap ni Dominic. Ibig sabihin, nasa kanya ang problema.”

“Hindi kaya nagseselos siya sa’yo dahil inaagaw mo ang atensyon ng kuya niya?” sabi ni Freya.

“Haller? Magkasama na nga sila parati ng kuya niya eh. Ano ba naman iyong magpapa-tutor lang ako? Ilang araw sa isang linggo lang ba iyon? Dalawa! Dalawa lang dahil may trabaho pa si Dominic. Siya na nga ang palaging----------------“

“Alam ko na!” sigaw ni Tracy.

“Ano?” sabay na tanong nila ni Freya.

“Ito wild guess lang ha. Hindi kaya may gusto siya sa’yo at ayaw niyang ma-impress sa’yo ang kuya niya kaya parati ka niyang sinisiraan dito?” ani Tracy.

Napamulagat siya at hindi makapaniwala. Ayaw niyang mag-isip ng kung anu-ano tungkol sa kanila ni Dereck. Pero napaisip siya. Hindi nga kaya totoo ang hinala ni Tracy? Inalala niya lahat ng pagkakataon na magkasama sila ni Dereck sa iisang lugar at kung paano siya nito tingnan. Nakakunot ang noo at may disgusto sa mga mata. Mariin siyang napailing. Malabo ang akala ni Tracy.

Iniisip pa lang niya ay hindi na maganda ang pakiramdam niya. Parang nagsa-somersault ang mga bituka sa tiyan niya.

“Hindi. May problema lang talaga siya sa’kin.”

“Ano’ng akala natin na defense mechanism lang pala niya ang lahat ng iyon para hindi mo mahalata na may gusto siya sa’yo?” giit ni Tracy.

“Trace, kung ako ang lalaki. Hindi ko hahayaang magalit o mainis man lang sa’kin ang babaeng gusto ko. Magpapa-good shot ako sa kanya. Malabong mangyari ang hinala mo dahil puro disgusto ang nakikita ko sa mga mata ni Dereck tuwing tumitingin ako sa kanya. At saka, hindi ko man lang siya makitaan ng good side, ‘no.” paliwanag niya. Hindi niya magawang ikwento sa mga ito ang nangyari kanina dahil siguradong bibigyan iyon ng mga ito ng kakaibang kulay.

“Oo nga naman, Trace. Kung may gusto nga si Dereck kay Drea, ano naman ang makukuha niya sa pang-iinis niya kay Drea?” segunda ni Freya. Tila napaisip si Tracy sa mga sinabi nila.

“Oo nga, ‘no. Ngayon ko lang nalaman, may pagka-weird pala si Dereck. Crush ko pa naman siya.” anito.

“Hoy, nauna ko siyang makita kaysa sa’yo, ‘no! At saka, may boyfriend ka na.” ani Freya pagkatapos ay bumaling ito sa kanya. “At ikaw naman, ano’ng walang good side si Dereck, eh hayun nga at may sarili nang fan page sa Facebook?”

“Weh? Hindi nga? Fan page?”

“Oo. One month na iyong fan page na iyon. Ginawa ng isang die hard fan na may crush sa kanya. Palibhasa kasi, kay Dominic lang umiikot ang mundo mo.” anito.

Fan page, huh? Ma-tingnan nga mamaya.

“Tama! Alam mo ba na dahil sa parte na siya ng basketball varsity team natin ngayon ay lalo pang dumami ang likes ng fan page niya sa Facebook? Hindi lang iyon. Matalino rin siya, mabait, responsable at loveable. He was dubbed as every girls reality dream guy.” mahabang litanya ni Freya.

Hindi lingid sa kaalaman niya na simula elementary ay crush na nito si Dereck. Maging si Tracy ay ganoon din. Simula elementary kasi ay magkakaklase na sila ni Tracy. Mas nauna nga lang niyang maging kaklase si Dereck dahil nursery pa lang ay kaklase na niya ito. At kapitbahay pa. Kaya naman noong high school sila ay palaging tumatambay sa bahay nila si Freya. Pumupunta pa rin naman sa bahay nila sina Tracy at Freya pero hindi na gaya ng dati dahil magkakaiba ang kursong kinuha nila. Business administration siya at kaklase niya palagi si Dereck samantalang, Med Tech naman ang kinuha ni Tracy at Fine Arts ang kay Freya. Sa iisang school pa rin sila pumpasok pero minsan lang din silang magkita roon. Ang totoo ay sila lang ni Freya ang matalik na magkaibigan noon pero nang dumating si Tracy ay mas lalo silang naging masaya.

Ang ipinagtataka niya ay kung bakit hindi niya alam na varsity player nila si Dereck? At may fan page na ito.

“Tama! Nakaka-in love talaga siya!” kinikilig na segunda ni Tracy sa mga sinabi ni Freya.

“Kailan pa siya naging varsity player?”

“Last sem pa.” Paano nito binabalanse ang oras nito sa pag-aaral at paglalaro ng basketball gayong hindi naman ito uma-absent sa mga subjects nila?

“At paano niyo naman nalaman na may isa na siyang fan page?”

“Tingnan mo sa Facebook. Palibhasa kasi, kay Dominic lang na profile ang tinitingnan mo.”

“Eh sa siya ang gusto ko eh. Kaya hindi na ako nagtataka na kay Dereck na profile lang din ang tinitingnan niyong dalawa.” ganti niya sa mga ito.

“Ang mabuti pa, magpa-good shot ka na lang kay Dereck.” ani Tracy.

“What?”

“Hindi pa ako tapos. Ang ibig kong sabihin, magpakabait ka sa kanya para makuha mo ang loob niya. In that case, hindi mo na siya magiging problema sa love life mo.” Napangiti siya.

“Ang galing mo, Trace! Tama ka. Bakit hindi ko ba naisip iyon dati?”

“At habang nagpapakabait ka sa kanya, baka pwedeng ilakad mo na rin ako kay Dereck.” ani Freya.

“Sure!”

Pagkatapos kausapin ang mga kaibigan ay bumalik si Drea sa bahay ng mga Enriquez para simulan ang “mission: make-Dereck-like-you-for-his-brother”.

Labas-masok siya sa bahay ng mga ito dahil matagal na niyang kakilala ang pamilya Enriquez kaya dire-deretso siya papasok ng gate. Pagpasok niya ng bahay ng mga ito ay nadatnan niyang nagpapaalam si Dereck kay Tita Mafie, ang ina nito.

“Saan ka pupunta?” bungad niya rito.

“Huwag ka ngang susulpot na lang!” tila nagulat na sabi ni Dereck.

“Dereck, mind your manners and be a gentleman.” sermon naman dito ni Tita Mafie.

“Mommy, wala rin naman siyang manners eh.” katwiran nito. Ngali-ngaling batukan na talaga niya ito kung wala lang doon ang Mommy nito.

“Dereck!” saway dito ni Tita Mafie.

“Tita, okay lang po. Hindi talaga kami magkasundo ni Dereck eh.” aniya. Pero magbabago na iyon sa mga susunod na araw.

“Hay, ano ba naman kasi kayong dalawa! Hindi na kayo mga bata para mag-away pa. Mas maganda nga sana kung maging mag-nobyo kayo eh.” ani Tita Mafie.

“Hay naku, Tita. Hinding-hindi po mangyayari ang sinabi niyo. I swear. Hindi kami bagay ni Dereck dahil-----------“

“Gwapo ako at dahil doon ay hindi talaga tayo bagay. Hindi ko siya papatulan, Mommy. Kaya huwag kayong magsalita ng ganyan.” putol ni Dereck sa mga sasabihin pa niya.

“Ano’ng ibig mong sabihin, pangit ako, gano’n? Ang kapal mo naman! Hindi ka rin gwapo, ‘no!” ganti niya rito. Get a grip of yourself, Alexandrea! You are supposed to make him like you. paalala niya sa sarili.

“Ikaw ang kauna-unahang may sabi niyan.” anito.

“Ang kapal mo naman! Hindi ka gwapo at nagsasabi ako ng totoo.” giit niya. Sukat sa sinabi niyang iyon ay lumapit ito sa kanya hanggang sa ilang hibla na lang ang layo ng mukha nito sa mukha niya.

Biglang bumangon ang hindi niya mawaring pakiramdam na mula sa puso niya. Hindi rin niya alam kung bakit tila nagririgodon ang puso niya sa pagkakalapit nila. Ilang butterflies din yata ang nagising at lumipad na tila gustong kumawala sa tiyan niya dahil sa pagkakalapit ng mga mukha nila. Titig na titig siya rito at gayundin naman ito sa kanya. Wala siyang mabasang emosyon sa mga mata nito na hindi niya alam kung bakit ikinadismaya niya.

Tila maduduling siya sa pagkakatitig dito dahil sa sobrang lapit nito. It’s as if he was going to kiss her. Pero wala na ang sinasabi niya noon na isipin pa lang niya na magkakadikit ang mga balat nila nito ay pandidirihan na niya. Iyon ang palaging sinasabi niya sa mga taong nagsasabing baka mauwi sa kung saang romantiko ang pagbabangayan nila ni Dereck. Iyon kasi ang siguradong mararamdaman niya kapag nagkalapit sila nito. Pero nagkamali siya, sa halip ay napalitan iyon ng excitement.

Noon din niya nakita gwapo nga ito. He has chinky eyes like his brother Dominic. Aristokrato ang ilong nito at pinkish ang maninipis nitong labi na tila kay lambot kapag hinawakan at hinalikan. Hindi katulad ni Dominic ang buhok nitong medyo may kahabaan na parang ganoon sa mga K-Pop. Si Dominic kasi ay clean cut ang hairstyle. At hindi katulad ni Dominic, mas dark ang complexion ni Dereck na Pilipinong-Pilipino. Sinungaling siya. Totoo naman talagang gwapo ito at maraming nagsasabi niyon. Hindi lang niya maamin sa sarili niya dahil kaaway niya ito at hindi siya magpapatalo rito. Pero dahil sa ginawa nitong paglapit sa kanya ay parang gusto na niyang umamin. Hindi kasi siya mapakali. Tila tumigil sa pag-inog ang mundo niya.

“Gwapo ako ‘di ba?” pagkuwa’y sabi nito.

“H-ha?” maang na tanong niya habang titig na titig pa rin dito.

“Masyado ka naman yatang na-overwhelm sa ka-gwapuhan ko kaya hindi ka na makapagsalita ng tama. Sinasabi ko na nga ba.” sabi nito ng sa wakas ay ilayo nito ang mukha sa kanya. Doon siya natauhan.

“H-hindi ka pa rin gwapo, ‘no!” mahina pero mariing sabi niya. Nagbalik ang inis niya rito at gusto niyang pagalitan ang sarili dahil kung anu-ano ang naisip at naramdaman niya kanina.

“Talk to the marines.” anito.

“Ang yabang mo talaga! Makaka-ganti rin ako sa’yo!” sigaw niya rito at saka kumaripas ng takbo palabas ng bahay ng mga ito. Nakalimutan na niya ang sadya niya roon dahil sa ginawa nito.

Shit, Drea! You’re not supposed to act like that. Hindi pwede ang ganoon dahil hindi niya magagawa ang misyon niya kapag nagkataon.

“O, bakit busangot na naman ang mukha ng bunso natin?” anang Papa niya nang makauwi siya sa kanila.

“Hay naku! Baka si Dereck na naman ang dahilan.” sabi ng Mama niya.

“Ang yabang-yabang ng lalaking iyon! Akala mo kung sino! Mabuti sana kung may nagagawa siyang mabuti, eh wala naman! Ang kapal ng mukha! Nakakagigil!” himutok niya. Tinawanan lang siya ng mga ito. Inismiran naman siya ng Mama niya. Cool kasi ang parents niya. May iba kasing kulay para sa Mama niya ang pagbabangayan nila ni Dereck kaya hindi niya na lang pinapansin ang mga komento nito na wala namang katotohanan.

“Baka iba na iyan, bunso, ha.” pang-aasar pa sa kanya ng Papa niya.

“Papa!”

“Ano na naman ang ginawa ni Dereck sa’yo?”

“Kinakausap ko siya ng matino kanina, sinagot-sagot ba naman ako ng pabalag? Akala mo talaga kung sino. At hindi naman talaga siya gwapo!” mariing sabi niya.

“Ilang beses mo nang sinabi iyan, ‘neng. Pero mukhang hindi mo makumbinsi ang sarili mo na hindi nga gwapo si Dereck dahil kahit saang anggulo tingnan ay napaka-gwapo ng batang iyon.” sabi naman ng Yaya Linds niya. Napamaang siya rito. Ngumiti naman ang mga magulang niya na nagpapatunay ng sinabi ng Yaya nila.

“Ayaw ko na siyang makita, kung pwede lang.”

Well, hindi naman kasi niya mapanindigan ang sinasabi niyang iyon dati dahil sa tuwing pumupunta siya sa bahay ng mga Enriquez ay palaging si Dereck ang nakakaharap niya roon kapag wala si Dominic. Dito rin siya nagtatanong ng mga bagay tungkol kay Dominic at sinasagot siya nito ng pabalag kagaya na lang ng kanina kaya naiinis siya palagi dito. Plus, hindi na siya pwedeng umarte ng ganoon ngayon dahil may misyon siya kay Dereck. Kailangang paamuin niya ito para makuha niya ang boto nito kay Dominic.

Kailangan niya ng matinding at mahabang pasensiya sa gagawin niyang pagpapaamo kay Dereck. She’s sure that it’ll be hell.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.