Campus Romance Chapter 21

IYAK ng iyak ang sampung taong gulang na batang si Zac dahil hindi nakapunta sa family day sa kanilang eskwelahan ang kanyang mga magulang. Abala daw pareho ang mga ito sa trabaho. Katulad ng dati, ang tagapangalaga niyang si Arthur at ang tutor niyang si Miss Nancy ang um-attend para sa mga ito.

Dahil kanina pa siya malungkot ay dinala siya nina Arthur at Miss Nancy sa branch ng Milandia sa Ortigas. Pumunta sila sa opisina ng kanyang ina pero wala raw ito dahil nasa meeting. Ang kanyang ama nama’y may kausap pang tao sa opisina nito kaya hindi pa raw siya nito pwedeng kausapin.

Pumalahaw siya ng iyak. Nagtatampo siya sa kanyang mga magulang dahil katakot-takot ang natanggap niyang panunukso mula sa kanyang mga kaklase. Wala raw siyang mommy at daddy dahil hindi daw naman nakikita ng mga ito ang kanyang mga magulang. Hindi niya iyon nakayanan kaya sa kanilang eskwelahan pa lang ay umiyak na siya.

Ang paliwanag sa kanya ni Arthur, abala ang mga ito para sa kinabukasan niya. Maiintindihan daw niya ang mga ito kapag lumaki na siya.

Tumakbo siya paalis sa lugar na iyon. Sumakay siya ng escalator pababa ng opisina ng kanyang mga magulang sa itaas na bahagi ng mall na iyon. Pamilyar sa kanya ang lugar dahil kalimitang doon siya pumupunta tuwing tapos ng kanyang eskwela. Halos alam na niya ang pasikut-sikot doon. Ngunit bago pa man tuluyang makasundo ng escalator sa baba ay naabutan na siya ni Arthur at ng mga kasama nitong guwardiya.

”Tahan na, Zac. Hindi ka na magiging pogi kapag umiyak ka pa. Maraming babae pa naman ang tumitingin sa’yo ngayon,” pagpapatahan sa kanya ni Arthur ngunit mas lalo siyang pumalahaw ng iyak.

“Hindi ako mahal nina mommy’t daddy! I hate them!” umiiyak na sigaw niya.

“Ssshhh. Mahal ka nila. Importante lang sa kanila na mabigyan ka ng magandang buhay,” paliwanag ni Arthur.

“Ah, basta! I hate them!”

“Mahal ka nila, Zac. ‘Wag ka ng umiyak.”

Hindi niya ito pinansin. Tuloy pa rin siya sa kanyang pag-iyak. Natigil lang siya ng may marinig siyang boses ng isang batang babae.

“Hello!” nakangiting bati nito sa kanya ng mag-angat siya ng mukha. Nagtatakang tumingin siya rito. Hindi niya ito kilala pero nagustuhan niya ang ngiti nito. “Bakit ka umiiyak?”

Suminghot siya bago sumagot. “Hindi na ako mahal ng mommy’t daddy ko,” nakasimangot na sagot niya.

“Zac, mahal ka nila,” sabad ni Arthur.

“Sinasabi mo lang ‘yan, Arthur, para hindi na ako umiyak!” sigaw niya rito.

“Ssshhh!” saway sa kanya ng batang babae. “Hindi dapat sinisigawan ang mga matatanda, Chuck.”

Sumimangot siya lalo dahil sa binanggit nitong pangalan. “Hindi ‘Chuck’ ang pangalan ko. ‘Zac’,” aniya rito.

She chuckled. At ang cute-cute nito. Gustong-gusto niya ang pagngiti nito sa kanya. “Sorry. ‘Zac’ pala ang pangalan mo. Ako nga pala si Tracy,” pagpapakilala nito. “Ilang taon ka na?”

“Ten. Ikaw?”

“Eight.”

“Nasaan ang mommy’t daddy mo?” tanong niya rito.

“Nasa loob ng McDo mama ko,” anitong tinuro ang McDonald’s. Hindi pa siya nakakakain sa fast-food na iyon. “Si papa ko naman nasa work. Busy kasi siya para sa’min,” dagdag nito.

Hindi niya naintindihan ang huling sinabi nito. Pero ngumiti ito sa kanya at saka hinawakan siya sa kamay.

“Para hindi ka na umiyak, kain na lang tayo sa McDo. Libre ng mama ko,” anyaya nito. Hindi na siya nakatanggi pa dahil hinila na siya nito papasok sa McDo.

Isa iyong fast-food chain na matagal na niyang gustong kainan pero hindi siya pinapayagan ng mommy niya dahil hindi daw healthy ang mga pagkain doon. Minsan ay umungot siya kay Arthur na kumain sa McDo pero mahigpit daw na utos dito ng mommy niya na hindi siya pwedeng pakainin sa kahit anong fast-food chain. Kung may gusto daw siyang kainin na katulad ng mga nakikita niya sa fast-foods ay pwede niyang sabihin sa kanilang chef.

Sumunod naman sa kanya si Arthur at ang mga guwardiya. Nakipagsiksikan pa sila sa maraming tao sa loob niyon na halos hindi niya ikahinga bago makarating sa isang mesa malapit sa glass window. Doon ay sinalubong si Tracy ng yakap ng sa tingin niya’y mama nito.

“Saan ka ba nanggaling, anak? Alalang-alala si mama sa’yo ah,” anang babae.

“Mama, nakita ko po kasing umiiyak siya,” ani Tracy sabay turo sa kanya. “Kaya nilapitan ko po siya. Pakainin mo rin po siya ng sundae, mama. Para ‘di na siya umiyak.”

“Hello! Ano’ng pangalan mo?” magiliw na tanong sa kanya ng babae.

“’Zac’ po,” nahihiyang sagot niya.

“Hello, Zac! Ako nga pala si Tita Selena. Mama ako ni Tracy,” pagpapakilala sa kanya ng babae. “Halika. Upo ka dito sa tabi namin ni Tracy,” anyaya nito sa kanya at agad naman siyang sumunod. Kinausap nito si Arthur at hindi na niya maintindihan pa ang pinag-usapan ng dalawa dahil sa lugar natutok ang pansin niya.

Hindi siya sanay sa ganoon karaming tao. Tuwing kumakain sila sa labas ng kanyang mga magulang ay hindi na nila kailangang pumila pa dahil ang waiter mismo ang nagdadala sa kanila ng pagkain. Pero nag-e-enjoy siyang makita ang kasiyahan sa mukha ng mga taong kumakain doon. Hindi lang pala pambata ang McDo, for all ages din. Kaya napangiti na siya.

“Dahil umo-order pa lang daw ang daddy mo, share muna tayo dito,” ani Tracy saka inilapit sa kanya ang isang ice cream na nasa baso pati na rin french fries.

“Hindi ko siya daddy,” malungkot na sabi niya rito.

“Eh, ano mo siya?” naguguluhang tanong ni Tracy.

“Mayordomo namin siya,” sagot niya. Kumunot ang noo nito pagkatapos ay hinarap ang ina.

“Tagapangalaga niya si Arthur, anak. Busy kasi ang mommy’t daddy ni Zac kaya si Arthur ang nag-aalaga sa kanya,” sagot naman ng mama nito.

“Bakit ka umiiyak kanina?” tanong na naman sa kanya ni Tracy.

“Hindi kasi pumunta sa family day namin sa school sina mommy’t daddy. Hindi nila ako mahal!” aniyang naiiyak na naman. Tuwing naiisip niya ang bagay na iyon ay gusto muli niyang umiyak.

“Busy nga kasi sila. Pero hindi ibig sabihin no’n, ‘di ka na nila mahal. Lahat ng mommy’t daddy, mahal ang anak nila,” paliwanag sa kanya ni Tracy.

Napahikbi siya sa sinabi nito. “Nasasabi mo lang ‘yan dahil kasama mo ang mommy mo!” sigaw niya rito.

Bahagyang napaatras ito dahil sa pagsigaw niya. Ngunit nang makabawi ay nilapitan siya nito at hinawakan sa pisngi. “Lahat ng mommy’t daddy, mahal ang anak nila,” ulit nito sa sinabi kanina. “Kung hindi ka mahal ng mommy at daddy mo, hindi ka nila paaalagaan kay Arthur. Katulad ng daddy ko, baka busy lang ang mommy’t daddy mo para may makain ka, para may pang-school ka at para may pambili ka ng toys. Alam ko kasi gano’n ang papa ko sa’kin.”

Sukat sa mga sinabi nito ay gumaan ang pakiramdam niya. Naisip niya ang mga ginawa sa kanya ng mommy at daddy niya. Binibilhan naman siya ng mga laruan ng mga ito. Pumapasok din siya sa school at marami siyang pagkain sa kanilang bahay.

Napangiti siya kay Tracy. Kinusot niya ang kanyang mga mata para hindi na siya maiyak pa. Sa murang edad niya’y nakaramdam siya ng paghanga kay Tracy. Hindi ito katulad ng mga kaklase niya na hindi siya naiintindihan. Hindi ito katulad ng mga kaklase niya na tinutukso siya dahil hindi nito nakita ang mommy at daddy niya. Hindi siya nito tinukso kahit na si Arthur pa ang kasama niya.

“Love ka nila kasi nagta-trabaho sila para sa’yo,” dagdag pa nito na talagang ikinagaan ng dibdib niya.

“O, siya. Kain na kayo dahil baka matunaw ang ice cream,” anang Tita Selena niya.

Inilapit sa kanya ni Tracy ang sundae at inabot sa kanya ang dalawang french fries. Kinain niya agad iyon. Pinigilan niya si Tracy na isawsaw ang french fries sa sundae dahil papangit ang lasa niyon. Hindi na iyon magiging crispy pa. Pero katulad ng ginawa nito kanina, nginitian lang siya nito at itinuloy ang gagawin.

Isinawsaw nito sa sundae ang french fries at isinubo sa kanya. Pumikit pa siya noong una dahil alam niyang sa ketchup isinasawsaw ang french fries. Pero nasarapan siya. Matamis iyon dahil sa sundae. Nag-complement ang lasa ng fries sa sundae kaya masarap. Kaya ginaya rin niya ang ginawa ni Tracy. Simula sa araw na iyon, french fries at sundae na ng McDo ang paborito niyang pagkain.

Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na kumain siya sa McDo at hindi niya iyon basta makakalimutan. Dahil doon, nakilala niya si Tracy…ang batang babaeng unang nagparamdam sa kanya ng pagmamahal at atensyon.

NAGMAMADALING umibis sa kanyang pink Mazda car si Tracy dahil late na late na siya sa kanyang service duty sa Princeville University Health Care Unit na pinapasukan niya. Nag-a-assist kasi siya roon bilang parte ng student assistance na in-apply-an niya noong first year siya. Wala kasi siyang magawa sa free time niya maliban sa maki-hang out minsan sa mga kaibigan niyang sina Drea at Freya at magturo ng tae kwon do lessons tuwing Linggo kaya naisipan niyang tumulong na lang sa eskwelahan na kanyang pinapasukan.

Kaunti lang kasi ang tumutulong sa kanilang clinic kaya iyon na lang ang pinili niya. Tutal ay malapit din naman sa kurso niya ang pagtulong doon dahil isa siyang third year Medical Technology student. Makakatulong din ang pag-assist niya roon sa credentials niya sa pag-a-apply niya ng trabaho kapag nakatapos na siya ng pag-aaral. Hindi naman iyon nagiging hadlang sa pag-aaral niya dahil natutulungan siya ng mga doktor na kasama niya sa clinic sa lahat ng projects niya kaya ayos na ayos sa kanya.

“Good morning, everyone!” bungad niya sa clinic pagkapasok pa lang niya sa pinto noon. Nakita niya ang kanilang receptionist na si Ma’am Aimee at binati rin siya nito. Ang nagre-record naman ng mga files ng mga estudyanteng si Sir Rooke ay dumungaw pa mula sa glass-walled office nitong natatabunan ng bulletin board para bumati sa kanya. Kumaway naman siya rito.

“Tracy! Buhay na naman ang buong clinic dahil nandito ka na. At, late ka,” nag-aakusang bati sa kanya ng head doctor roon na si Doktora Magaling. Mabait naman ito at ka-buddy-buddy nila ito roon.

“Doc, naman. Ngayon lang naman ako na-late. Sige na. Four thirty pa naman ang klase ko kaya ipagawa niyo na sa’kin lahat ng gusto niyong ipagawa,” nakangiting sabi niya rito.

“It’s good to hear that from you, Tracy. Heto, dalhin mo sa holding room at marami na ang naghihintay nito roon,” singit naman ng radiologist nilang si Sir Ben sabay abot sa kanya ng mga envelopes na naglalaman ng x-ray results.

“Okay, Sir! Sus, tatanggihan ko ba naman kayo eh ngayon lang kayo nag-utos sa’kin?” biro niya rito. Sa lahat kasi ng kasamahan niya sa clinic na iyon ay ito ang pinaka-mautos sa lahat. Palibhasa’y matanda na at madalas sumupungin ng rheumatism kaya ganoon.

“Mabuti naman. Ang bait mo talagang bata ka,” anito.

“Kaya dapat na siyang magka-boyfriend,” singit ng co-student assistant niyang si Rhoel na isang bading. Nursing student naman ito.

Inirapan lang niya ito. “May boyfriend ako ‘no. Hindi niyo ba maalala?”

“Sino? Si Francis? Sinasayang mo lang ang panahon mo sa isang katulad niya,” pairap ding saad ni Rhoel.

“Mahal ko si Francis ‘no!” mariing sabi niya sa mga ito. Mabuti na lang at wala silang pasyente sa lobby ng clinic dahil pwede siyang magwala.

“Matanong nga kita, Tracy. Ano ba ang nagustuhan mo kay Francis at sinagot mo siya dati?” tanong ni Sir Ben habang hinihimas-himas nito ang baba nito.

“Sir Ben, pati ba naman kayo? Nagustuhan ko si Francis dahil mabait siya, matalino, magalang, responsable at naiintindihan niya ako,” sagot niya.

“Pero, sis, ang chaka niya!” ani Rhoel. Pinandilatan niya ito ng mata. “Sorry. Totoo naman kasi iyon. Nagbubulag-bulagan ka lang. Ngayon, naniniwala na talaga akong ‘love is blind’.”

Sangkatutak na sermon ang natanggap niya mula kina Drea at Freya ng malaman ng mga itong sinagot niya si Francis. Hindi naman “feel” ng kanyang pamilya ang nobyo niya sa hindi niya mawaring dahilan. Marami ang nagtatanong kung bakit pinatulan niya si Francis at ang palagi niyang sinasagot ay dahil mabuti itong tao. Kahit na hindi ganoon ka-gwapo si Francis ay nagustuhan niya ito. Ayaw na ayaw kasi niya sa mga gwapong lalaki dahil para sa kanya, ang mga gwapong lalaki ay antipatiko, mayabang at sinungaling. Para sa mga gwapo, ang bagay lang sa kanila ay iyong mga babaeng magaganda. Ang mga gwapo ay hindi patas tumingin sa angking kagandahan ng isang babae. Ang mga gwapo ay walang isang salita. At ang mga gwapo’y manloloko lamang.

Kaya hindi siya magkakagusto sa isang gwapo. Tama na sa kanya si Francis.

Dahil kay Duke? Hindi ka pa rin maka-get over? pangangastigo niya sa sarili pero hindi na niya iyon sinagot dahil agad niya iyong iwinaglit sa kanyang isipan. Isa iyon sa mga bagay na hindi na niya kailangan pang balikan.

“O, siya. Huwag nang pag-usapan ang mga nakaka-stress na bagay,” ani Sir Ben.

“Grabe na ang pang-aapi n’yo kay Francis ha!” nakasimangot na sabi niya sa mga ito.

Umiling lang ang mga ito sa kanya. “Dalhin mo na iyan sa holding room dahil hinihintay na nila ito roon,” utos sa kanya ni Sir Ben.

“Yes, boss,” aniya rito sabay saludo.

“Eeeeeee! Sir Ben, ako na lang ang magdadala sa loob,” ani Rhoel dito.

“Hindi. D’yan ka na lang sa reception. Baka matakot pa sila sa’yo,” sagot naman ni Sir Ben dito. Malamang ay mga gwapo ang nasa loob kaya ganoon na lang ang pagsimangot ni Rhoel.

“Sister, hatian mo ako sa kanila ha?” eksaheradang saad nito.

“Ewan ko sa’yo, Rhoel. Pakalalaki ka na nga. Ikaw na lang ang papatulan ko kapag nag-break kami ni Francis,” biro niya rito.

“Eh-mey-ged! Yuck! Mandiri ka nga sa sinasabi mo, Tracy! Yuck talaga!” tila naninibughong saad nito.

Tinawanan lang niya ito. Kinawayan niya ang mga kasama niya sa clinic bago tumuloy sa holding room na unang kwarto ng clinic na iyon. Sabay na binuksan niya ang pintuan ng kwarto at ang pagbuklat niya sa mga test results. Nanlaki ang mga mata niya sa mga pangalang kanyang nakita.

The Princes!

Kaya naman pala ganoon na lang ang pagsimangot ni Rhoel kanina nang hindi ito ang pinagdala ni Sir Ben ng results sa holding room. Any girl would do everything just to exchange place with her. Halos lahat kasi ng babae sa PrinceU ay gustong mapalapit sa Princes. Bakit? Sila lang naman ang pinaka-gwapong nilalang sa buong campus at sila ang tinaguriang “crush ng bayan”.

Iyon nga lang, hindi siya kasali sa “Princes fad” na nabuo sa kanilang eskwelahan dahil allergic siya sa gwapo. Lalong ayaw naman niya sa mga playboy. Karamihan pa naman sa miyembro ng Princes ay mga playboy.

“Good morning, Miss!” bati sa kanya ng ilang boses na nabungaran niya sa kwartong iyon.

Nang mag-angat siya ng mukha ay muntikan na siyang masilaw sa mga kagwapuhan na tumambad sa kanya. Limang lalaking pulos gwapo magkakatabing nakaupo sa nakahilerang bangko roon na pawang nakangiti sa kanya maliban sa pamilyar na mukha ng kaibigan niyang si Dereck Enriquez.

“Good morning,” she greeted them coldly. Wala talagang amor sa kanya ang mga lalaking gwapo. Ini-scan niya ang mga pangalan na nakalagay sa envelope ng test results. “Smith, Colby Rem?” tawag niya sa isang pangalan.

Tumaas ang kamay ng lalaking nasa dulo. Makikitang may lahi itong banyaga dahil sa abuhing kulay ng mga mata nito. At katulad ng mga kilala niyang foreign students, matangkad din ito. Inabot niya rito ang envelope.

“I’m half-Australian, if you want to know,” nakangiting sabi nito sa kanya. Tumaas ang isang kilay niya sa sinabi nito. “I just think you’re curious kung se-an akow nang-geling,” sabi nito sa baluktot na tagalog na ikinatawa niya at sumabay rin sa tawa niya ang iba pang lalaking naroon.

“Now, I know, Mr. Smith,” nginitian niya ito. Kahit paano’y nawala ang atensyon niya sa magnetong presensiya ng taong halos katabi lang niya at pilit niyang iniiwasan. “Yuchengco, Jon Drix?” tawag niya sa sunod na pangalan.

Lumapit sa kanya ang isang lalaking may katangkaran din pero ito yata ang pinakamaliit sa mga lalaking naroon ngayon. Medyo tsinito ito pero kayumanggi ang kulay ng balat at kamukha ito ng aktor na si Enchong Dee.

“Thank you, Ate,” anito sa kanya pagkakuha nito ng envelope na ikinataas niya ng kilay.

“’Ate’? Ilang taon ka na ba?”

“Eighteen po.”

“O, eh isang taon lang ang tanda ko sa’yo. Huwag mo akong tawaging ‘ate’,” aniya.

“Okay. How about ‘babe’?” nakangising tanong nito sa kanya. Tinaasan niya ito ng kilay.

“Bata ka pa ‘toy,” aniya rito na diniinan talaga ang pagtawag dito ng “’toy”.

“Dereck,” kaswal na tawag niya sa pangalan ni Dereck. Inabot niya rito ang envelope.

Now, Dereck was an exception to her rule. Sa lahat ng gwapo na kilala niya, si Dereck lang ang pumasa sa standards niya. Hindi kasi ito naglalaro ng babae. Ang mga past girlfriends nito’y walang reklamo dito at nakikipaghiwalay ito ng maayos. Tahimik din lang si Dereck at responsable. Matalino rin ito at mabait.

“Thanks,” anito.

“You’re welcome. Congratulations dahil makakalaro kayong lahat sa mga susunod n’yong game. Good luck ha. Galingan n’yo,” sabi niya pero kay Dereck lang nakatutok ang tingin niya dahil ito lang naman ang kakilala niya roon.

“Thanks,” simpleng sabi lang nito.

Then, she simply sighed deeply before she called out the next name. Sa lahat kasi ng miyembro ng Princes ay ang lalaking ito ang pinakakinaiinisan niya. Masyado kasi itong palikero. Hindi lalampas ang isang araw na hindi niya ito nakikitang nakikipaglandian sa bawat babaeng makakasalubong nito sa campus.

“Castillo, Zaccario,” tawag niya sa pangalan ng lalaki.

“Thanks, Miss...? I’m afraid I didn’t catch your name?” anito sa kanya bago kunin ang envelope mula sa kanyang mga kamay.

“Mr. Castillo, nakakangawit pong mag-abot sa inyo ng envelope na ito kaya mabuti pang kunin n’yo na ‘to,” mataray na sabi niya rito.

“Come on, sunshine. Pa-konswelo mo na lang sa’kin. Ako lang ang may pangit na pangalan dito o. Pampalubag-loob lang,” sabi pa nito. Doon na tumaas ang kilay niya. At tinawag pa siya nitong ‘sunshine’!

Goodness gracious! Iyon ang pet name niya sa mga babae niya noon pa man! paalala niya sa sarili. Tuwing nakakasalubong kasi niya ito sa campus at may babati ritong babae ay tinatawag ang mga iyon ni Zac ng “sunshine”. And, sheesh! He’s flirting with me! Too bad she isn’t stupid. She wouldn’t let herself be one of those stupid women whom he flirts with.

“Mr. Castillo—“

“Call me ‘Zac’,” he cut her off.

“Hindi ko na kasalanan kung bakit pangit ang pangalan mo! Ngayon, kung ayaw mo itong kunin, eh ‘di huwag!” mataray na sabi niya rito saka tinawag ang susunod na pangalan. “Regalado, Timothy Paul the Third?”

“Don’t you think you’re being unfair? Ang ganda ng pakikitungo mo sa kanilang apat, ‘tapos sa’kin, parang basura lang?” pag-e-emote pa ni Zac.

“Well, that’s because they aren’t as persistent as you are. Ang kulit mo. At ang pinaka-ayaw ko sa lahat, ‘yong taong makulit.”

“A lot of girls would want me to pursue them.”

“I am not those girls,” mariing sabi niya rito. Ang tatlong lalaki maliban kay Timothy Paul ay pawang mga nakangisi.

“Well, sure you’re not. They’re not as beautiful as you are.”

Manghang napatingin siya rito at kitang-kita niya ang paghanga sa mga mata nito habang nakatingin ito sa kanya. She was somewhat captivated by that stare of his. Whatever happened to “I won’t be one of those stupid girls whom he flirted with?” kastigo niya sa sarili.

Lumapit siya rito at itinampal sa pisngi nito ang envelope ng test results nito saka ito tinalikuran at tuluyang ibinigay kay Timothy Paul Regalado ang envelope nito.

“Aw, man, that hurts!” komento ni Colby. Hindi na lang niya pinansin ang mga ito.

“Mr. Regalado, kaanu-ano mo ang may-ari nitong school?” tanong niya kay Timothy Paul.

“Family,” simpleng sagot nito na ikinadismaya niya. Mas tahimik pa yata ito kaysa kay Dereck at tila mas masungit kaysa sa captain ball ng basketball team nilang si Prime Abellana.

“Ako na lang kasi ang kausapin mo, sunshine. Mas may sense akong kausap kaysa diyan kay Trey,” singit na naman ni Zac. Inirapan niya lang ito at saka siya nagpaalam sa mga ito.

“Good luck sa inyo, guys! Sana manalo kayo sa next game n’yo,” nakangiting sabi niya sa mga ito bago siya nagtungo sa pinto.

“Para sa’yo, ipapanalo ko ang game, sunshine!” pahabol na saad pa ni Zac.

“You’d better get your head in the game, Castillo, not in the sack!” inis na sigaw niya rito bago siya lumabas ng kwartong iyon.

Inis na inis siya paglabas niya ng kwartong iyon dahil kay Zac. Bakit kailangang isama pa siya nito sa mga babaeng nilalandi nito? At ang mas lalo niyang ikinainis ay ang katotohanang naapektuhan siya sa paglalandi nito. Kung malalaman lang iyon ng boyfriend niyang si Francis ay malamang na magalit ito sa kanya.

Sheesh!

“O, ano’ng nangyari? Bakit busangot ‘yang mukha mo?” tanong ni Rhoel sa kanya matapos niyang umupo sa tabi nito.

“The nerve of that guy…” to flirt with me, ngali-ngaling idugtong niya. Hindi siya makapaniwala na nagpadala siya sa panlalandi ni Zac Castillo. To think that she has a boyfriend.

“Sino? May pumorma ba sa’yo sa loob? Oh my god!” excited na tanong ni Rhoel. Sasagot na sana siya rito nang biglang may limang lalaking pumwesto sa harapan nila. Nakapangalumbabang tumingin sa mga ito si Rhoel at nawala sa kanya ang atensyon ng huli. Kulang na lang ay maglaway ito sa limang lalaking kausap lang niya kanina.

She jerked backwards when Zac almost lunged close to her. Pumangalumbaba ito sa harapan niya. Pakiramdam niya’y tumalon pati ang puso niya dahil sa ginawa nitong iyon.

Weird. Really weird.

“What the hell are you doing?” asik niya rito.

“I’m trying to memorize every inch of your face. Para mamayang matulog ako, ikaw ang mapanaginipan ko,” sabi ni Zac sa kanya sabay kindat pa. Narinig niya ang impit na tili ng kilig ni Rhoel mula sa kanyang tabi. May kung anong sensasyong dumaloy sa katawan niya na hindi niya mabigyan ng pangalan.

Tinampal niya ang noo ni Zac pagkatapos ay tumayo siya mula sa kanyang kinauupuan at lumayo rito. Baka ma-possess siya ng kung anong masamang espiritu kapag lumapit pa siya kay Zac dahil kung ano-ano ang nararamdaman niyang kakaiba.

“Ipa-rehab n’yo na ang isang ‘yan,” sabi niya sa apat na lalaking kasama nito bago siya pumasok sa opisina ng mga nurse doon at pilit na ibinalik sa komposisyon ang sarili.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.