Campus Romance Chapter 22

“ANG GWAPO talaga ng mga Princes!” kinikilig na sabi ng kaibigan ni Tracy na si Camri habang kumakain sila sa McDonald’s restaurant sa tapat ng eskwelahan nila. Kasama din nila ni Camri doon ang kapwa nila kaklase na sina Xesha, Hanzel at Jackie. Nagulat siya ng bigla na lang napangiti at kinikilig na nagsalita si Camri at tinutukoy ang basketball varsity players ng Princeville University. Simula yata ng mai-launch ng kanilang university ang batch ng basketball team ngayong semester ay hindi na nauubusan ng balita tungkol sa mga members ng team na iyon.

“Oo nga!” impit na tili din nina Xesha, Hanzel at Jackie.

“Gwapo lang sila,” aniya.

“Bakit ba napaka-bitter mo ngayon, Tracy?” tanong ni Xesha.

“Kumain na nga lang kayo,” sa halip sa sagot niya rito. Ilang araw na siyang ganoon dahil ilang araw na rin siyang walang balita sa boyfriend niyang si Francis. Alam niyang nag-o-on-the-job training na ito pero ano ba naman iyong mag-text man lang kada isang oras sa kanya para malaman niya kung ayos lang ba ito o hindi.

“Hindi lang sila basta gwapo, Tracy. For example, si Dereck. Dereck is—“

“An exception to the rule. Napatunayan ko nang hindi lang gwapo si Dereck,” sabi niya agad kay Camri dahil tila handa itong makipagdebate sa kanya dahil lang sa Princes. Sa buong klase nila ay kay Camri talaga siya close. Parang sina Drea at Tracy din kasi ito kaya komportable siya rito at naiintindihan nito ang “perks” niya.

“Ang swerte mo nga dahil naging kaibigan mo siya. Pero maliban sa kanya, nakaka-in love din ang bunso ng team na si Jon Drix. Swimming champion pala siya no’ng high school pero itinigil niya ‘yon dahil mas mahal daw niya ang basketball,” sabi naman ni Xesha.

“Si Jasper naman, tumutulong na pala sa negosyo nila. Can you believe it? He’s not just into balls. Napapagsabay niya ang pag-aaral, pagnenegosyo at pagba-basketball. Nakaka-in love siya ‘di ba?” ani Jackie.

“Pero mas nakakatuwa si Zac. He makes every girls happy,” kinikilig na saad ni Hanzel.

Kumunot ang noo niya dahil sa sinabi nito. “That’s the absurdest thing I’ve ever heard!” aniya.

“Bakit, Tracy? Kahanga-hanga kaya ‘yon. Lahat ng babaeng nakikita niyang umiiyak ay pinapasaya niya. I’ve experienced it first hand. Nang makita niya ako sa likod ng arts building na umiiyak dahil nag-break kami ni Anton, dinamayan niya ako. Ni-libre pa nga niya ako ng green tea sa cafeteria. At binigyan niya ako ng advice. He’s a great guy. At nakaka-in love siya,” pagtatanggol ni Camri kay Zac. Naiikot lang niya ang kanyang mga mata sa mga sinabi nito.

Hindi siya naniniwala na ginawa iyon ni Zac ng walang hidden agenda. Maybe he’s trying to get Camri’s attention by being her knight in shining armour. Pagkatapos makuha ang gusto nito mula sa kanyang kaibigan ay sasaktan din lang ito ni Zac.

“May hidden agenda siya kaya tinulungan ka niya, Camri,” aniya.

“Ano? Ano naman ang magiging hidden agenda niya sa’kin? Kung gusto niya ako, gora na agad ako sa kanya. Sigurado akong marami ang maiinggit sa’kin. Zac Castillo is everybody’s prince but he never treated anyone his princess. Kaya challenge sa lahat ng babae dito sa PrinceU ang maging prinsesa niya,” paliwanag ni Camri.

“Pero, wala pa ring nakakakuha ng atensyon ni Zac. Ang dinig namin, hindi pa talaga siya nagkaka-girlfriend dahil ayaw niyang matali sa isang relasyon. Ayaw niyang ma-commit pero maraming babae pa rin ang nakapila sa kanya,” segunda ni Xesha.

“And I want to be one of those girls. Kung makakapila lang sana ako sa kanya. Kahit ngiti lang niya, solve na ako,” sabi naman ni Jackie.

“Mga luka-luka! Ang dami-daming matinong lalaki diyan, sa playboy n’yo pa gustong mapunta?” sermon niya sa mga ito saka pabirong tinampal ng reviewer nila ang noo ng bawat isa sa tatlo.

“Mataas ang standards namin, ‘te. Huwag mo kaming itulad sa’yo na ang gusto’y ang mga lalaking...never mind,” ani Xesha.

“Tantanan n’yo nga si Francis! Mahal ko siya,” mariing sabi niya sa mga ito.

“Sinasayang mo lang ang panahon mo sa kanya,” ani Xesha.

“Oo nga. Maganda ka, Tracy. Dapat mas mataas ang standards mo kaysa sa’min eh. Ikaw itong may mukha sa ating apat pero ang boyfriend mo, ‘so-so’ lang,” ani Camri.

“Tama! You can have one of the Princes if you want to. Sa ganda mong ‘yan,” sabi naman ni Jackie.

“Tigilan n’yo ako. Mahal ko si Francis. At saka, gwapo naman siya, ‘no!” pagtatanggol niya sa kanyang nobyo. Ang akala niya’y makikipagtalo pa ang mga ito sa kanya pero narinig niya ang singhap ng mga ito.

“Oh-my-gosh!” panabay na bigkas na naman ng mga ito. Nakatingin ang mga ito sa isang direksyon, sa likod niya kaya napatingin din siya sa likod niya. Paglingon niya’y nakita niya si Zac na naglalakad habang may kasamang limang babae.

Talaga naman! Playboy talaga! Lima pa ha.

Bakit ba simula nang magkita sila ni Zac sa university health clinic nila’y halos araw-araw na lang niya itong nakikita? Magkalapit lang ang building nila at malaki nga ang posibilidad na parati silang magkita pero dati nama’y hindi niya ito ganoon kadalas makita. Tuwing nagkakasalubong naman silang dalawa dati ay hindi sila nagpapansinan dahil hindi naman sila personal na magkakilala. Nitong mga nakaraang araw ay palagi niya itong nakikita sa campus at minsan pa’y nakatingin sa kanya kahit na may mga kasama itong babae.

It’s not as if they’re close to greet each other ‘hello’. And, as if naman papansinin siya ni Zac kung sakali. Sa lahat ng Princes, kay Dereck lang siya nag-fan girl at pati na rin kay Prime dahil ang dalawa lang ang hindi mukhang babaero sa sampu. Pero kontento na siya kay Francis kaya itinigil na niya ang fan-girling career niya sa mga ito.

“Ang gwapo talaga niya, Tracy,” kinikilig na bulong sa kanya ni Camri. Pagkatapos ay tumayo ito at kumaway. “Hi, Zac!” sigaw ni Camri na ikinalaki ng mata niya.

“Camri!” saway niya rito.

“Bakit ba? Gusto ko ulit siyang makausap ‘no. At patutunayan ko sa’yong mabait siya,” anito. Inirapan niya lang ito at saka mabilis na inayos ang mga gamit niya. She needs to get out of there fast. Baka makilala siya ni Zac at kung anu-ano na naman ang sabihin nito. Parang tuksong bumabalik tuloy sa alaala niya ang nangyari noon sa clinic.

“Saan ka pupunta, Tracy?” tanong ni Xesha sa kanya.

“Babalik na ako sa school,” aniya rito.

Pero bago pa man siya makatayo ay nakalapit na sa kanila si Zac. “Hello, ladies!” masiglang bati ni Zac sa kanila. Iniwan nito ang mga babaeng kasama nito kanina lang. Dahil nakatalikod siya’y naitatago niya ang kanyang mukha rito.

Shit! mura niya.

“Hi, Zac!” pa-cute na saad ng tatlo niyang kaibigan. Pinandilatan niya ng mata ang mga ito.

“By the way, Zac, these are my friends, Jackie, Xesha, Hanzel and Tracy,” pakilala ni Camri sa kanila kay Zac. Nakipagkamay sina Jackie, Hanzel at Xesha rito pero hindi siya.

“It’s nice to see you here again, Tracy,” bati ni Zac sa kanya. Inirapan lang niya ito.

Paano nito nalaman ang pangalan niya? Must be Dereck, sabi ng isang bahagi ng isipan niya. Iyon lang naman ang maaaring rason kung paano nito nalaman ang pangalan niya. Admit it or not, Trace, you feel flattered. Inalam talaga ni Zac ang pangalan niya?

“Magkakilala kayo?” nagtatakang tanong ni Xesha saka nagpalipat-lipat ng tingin sa kanila ni Zac. Si Zac nama’y umupo sa tabi niya na labis niyang ikinagulat dahil ang katabi niyang si Xesha ay umisod palayo sa kanya para makahila ng upuan si Zac at tumabi sa kanya.

“Oo naman. We’re friends, girls,” sabi nito sa mga kaklase niya saka kumindat sa kanya. She didn’t know what on earth had happened but it seemed like her heart had skipped a beat. “Trace, nakakapagtampo ka ha. Hindi mo man lang sinabi sa kanila na kaibigan mo ako,” baling nito sa kanya na parang maamong tupa.

Shit! Why do you have to be so adorable? sabi niya sa sarili. Hindi naman talaga niya maipagkakaila na gwapo si Zac. Isang bagay na ikinaiinis niyang aminin sa kanyang sarili.

“Pwede ba, Zaccario? Hindi tayo friends!” asar na sikmat niya rito.

“Come on, Trace. Every girl is a friend of mine.”

“And I’m an exception to that stupid rule of yours. So, if you’ll excuse me. Kakain pa ako at nakakaistorbo ka sa pagkain ko. Sa pagkain namin,” mataray na sabi niya rito. Hindi pa rin dumadating ang paborito niyang sundae at fries kaya hindi siya makakain ng maayos.

“Akala ko ba aalis ka na, Tracy?” ani Camri sa kanya. Pinanlakihan siya nito ng mata. Mas pinili talaga nitong umalis siya kaysa ang umalis si Zac.

Naiinis na kinuha niya ang kanyang mga gamit sa table at saka tumayo sa kanyang upuan para lumipat sa kabilang table at makalayo kay Zac. Pero bago pa man siya makagawa ng isang hakbang ay naramdaman niya ang kamay ni Zac sa kanyang braso. Hinila siya nito pabalik sa kanyang upuan at saka kinuha ang kanyang mga gamit. Hindi niya inasahan ang sunod nitong ginawa. Hinawakan siya nito sa magkabilang pisngi upang magtama ang kanilang mga mata. She was astounded by his gesture. Narinig rin niyang napasinghap ang mga kaklase niya at ang mga katabi nilang table sa McDo.

She found her heart beating faster and her phase getting slower. There seemed to be thousands of little butterflies inside her stomach plus small rats creeping into her lungs causing her to catch her breath. She was caught off guard that she didn’t know what to do, what to say and what to act.

“W-what are you doing?” tanong niya rito.

“I just want to ask you...” malamyos ang tinig na sabi simula nito. “Wala ka na bang ibang kulay ng damit maliban sa white?” Naningkit ang kanyang mga mata sa huli nitong sinabi. Itinulak niya ito ng malakas at kung hindi siguro ito nakahawak sa table doo’y natumba na ito.

“Kung wala kang magandang sasabihin sa mundong ito, Zaccario, disappear!” inis na sigaw niya rito.

“What? I was just asking a very important question,” painosenteng sabi pa nito.

“Malamang, uniform namin ang white!” sagot niya sa tanong nito at saka muling lumipat sa kabilang table. Nginisihan lang siya ni Zac ngunit hindi na ito sumunod sa kanya. Nakahinga naman siya ng maluwag.

“So, maiba ako, Zac. May nakita ka na bang girl na pwede mong maging ‘princess’ dito?” intregerang tanong ni Camri.

Narinig niyang natawa si Zac. “I already found my princess. Pero masyadong complicated eh,” anito.

“Complicated? Bakit?” narinig niyang tanong ni Xesha.

“Parang hindi niya ako gusto,” ani Zac.

Huh! Mukhang nakahanap na rin ng katapat si Zaccario.

“Ikaw? Hindi magugustuhan ng isang babae? Weh?” hindi makapaniwalang tanong ni Jackie.

“Honestly? Hindi ko rin alam kung bakit hindi niya ako gusto. Gwapo naman ako, macho pa, mayaman, mabait at loveable,” ani Zac. Naiikot niya ang kanyang mga mata sa sinabi nito.

Humarap siya sa mga ito. “Ang lakas talaga ng apog mo, Zaccario! Napaka-lakas!” komento niya.

“Bakit ba, Trace? Totoo naman ang mga sinabi ko ah. ‘Di ba, girls?” tanong nito sa tatlo niyang kaklase.

“Oo naman, Zac. Manhid at bulag lang ang babaeng hindi nakikita ang kagwapuhan mo,” ani Camri.

“Siguro tama kayo.” tatangu-tangong sabi nito pagkatapos ay tumayo ito mula sa kinauupuan nito at umupo sa tapat niya. “Trace, manhid at bulag ka pala?”

Napatda siya sa tanong nito. Hindi siya makapagsalita, sa halip ay tiningnan lang niya ito. Hindi siya makapag-isip ng maayos at tama. Dapat ay kanina pa siya nakaalis doon pero parang may magnetong nakakabit kay Zac at nanatili siya sa lugar na iyon kahit naaasar siya rito. Pagkatapos ay narinig niya ang paulit-ulit at halos sabay-sabay na pagsinghap at pagsabi ng ‘Oh-my-gosh’ ng mga kaklase niya.

“Oh-my-gosh! Si Tracy ang princess mo?” prangkang tanong ni Camri kay Zac na nakatingin pa rin sa kanya. Doon lang siya natauhan. Pinandilatan niya ng mata ang kaibigan saka ito tinapik sa kamay.

Zac just chuckled. Hindi pa rin niya alam kung ano ang sasabihin at gagawin niya. Mabuti na lang at dumating ang isang McDo crew para dalhin ang order niyang sundae at fries. Doon na lang niya itinutok ang atensyon niya at pilit na inignora ang presensiya ni Zac. Maiinis lang siya rito at sa kanyang sarili kapag pinansin pa niya ang panunukso nito.

Itinaktak niya ang fries sa tray para malaya niya iyong makain ng dire-deretso. Hindi niya sa catsup isinasawsaw ang French fries kundi sa McDo sundae. Iyon na ang kinalakhan niya kaya hanggang ngayon ay iyon pa rin ang pinakapaborito niyang pagkain. Stress-reliever niya rin ang sundae-fries combination na iyon kaya nang makakain siya niyon ngayon ay nawala ang inis na naramdaman niya.

Nag-angat siya ng tingin kay Zac dahil bigla na lang itong natahimik. She found him staring at her intently. Naasiwa siyang bigla sa ginagawa nitong pagtingin sa kanya. Naitigil niya ang pagkain at dinutdot ang noo nito. Napakurap-kurap naman ito at ang tiningnan naman nito ngayon ay ang kinakain niyang sundae and French fries.

“Problema mo?” kastigo niya rito.

Magsasalita pa sana ito pero bigla na lang may malakas na kamay na pumulupot sa baywang niya.

“Hi, sweetie!” bati sa kanya ni Francis. And then, he gave her a peck on the lips. Bigla siyang naasiwa.

“Francis, bakit mo ginawa iyon?” sita niya rito.

“Bakit? Hindi ko na ba pwedeng halikan ang girlfriend ko ngayon?” anito. Narinig niyang tumikhim si Xesha.

“Francis, meet Zac. Zac, si Francis,” pagpapakilala ni Camri sa dalawang lalaki. Nagkamay ang dalawang lalaki.

“Francis, pare. Boyfriend ni Tracy,” ani Francis. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang nairita sa sinabi nitong iyon kahit na iyon ang totoo. Nang sumulyap siya kay Zac ay nakita niyang nakatingin ito sa kanya. Agad naman siyang nag-iwas ng tingin.

“Well, sure, pare. Nice to meet you. Anyway, I have to go. May aayusin pa ako eh. It’s nice meeting you, ladies. And...I’m glad to see you again, Trace,” paalam nito sa kanila saka ito umalis sa lugar na iyon.

Si Zac lang ang tumatawag sa kanyang ‘Trace’ na may malaking epekto sa buong sistema niya. Hindi pa niya maaalalang naroon ngayon si Francis kung hindi siya nito tinapik sa braso. Nginitian niya si Francis at nagsimulang mag-chant ng si Francis ang boyfriend ko paulit-ulit sa kanyang isipan.

“Kilala mo siya?” tanong nito na iba ang timbre ng boses.

“Nakilala ko siya sa clinic dati no’ng nagpa-test sila,” sagot niya rito.

“I don’t want you to see him again, Tracy,” sabi nito na may pagbabanta sa tinig.

“What?”

“Halata naman na may gusto siya sa’yo eh.”

“Ano bang pinagsasasabi mo, Francis?”

“Nakita ko kung paano ka niya tingnan. Ano sa palagay mo ang mararamdaman ko?”

“Puwes, patayin mo ang kung anumang karamdamang ‘yan dahil wala akong panahon para patulan ang selos mo!”

“Hindi mo ako masisisi, Tracy. Gwapo si Zac at hindi imposibleng magkagusto ka rin sa kanya. Paano na ako kung—“

“Imposible talaga akong magkagusto kay Zac—argh! Kung mag-aaway lang tayo, mabuti pang umalis ka na muna rito, Francis.”

“Okay, okay. I’m sorry. Nag-aalala lang ako,” sabi ni Francis.

“Francis.”

“Okay.” Mas lumapit pa ito sa kanya at inakbayan siya pagkatapos ay bumulong. “My parents will be out tonight. Solo natin ang bahay ngayon.”

“What?” bulalas niya saka ito tinulak. Nagulantang siya sa sinabi nito. Nanindig ang mga balahibo niya sa braso isipin pa lang niya ang sinabi nito.

Muli siya nitong kinabig sa isang yakap at bumulong. “Ano’ng masama ro’n? Girlfriend naman kita.”

“’Yon na nga! Girlfriend mo pa lang ako. I don’t engage myself into that kind of situation, Francis. Kaya kung gusto mong may makasama ngayong gabi, maghanap ka ng ibang girlfriend!” inis na sabi niya rito saka ito tinulak palayo sa kanya at umalis sa lugar na iyon.

Hindi niya iyon inasahan mula kay Francis. He was always decent and good. Nagustuhan niya ito dahil may sense of humor ito, mabait, magalang at responsable. Maayos naman ang pakikitungo nito sa mga kaibigan at pamilya niya kahit na ayaw ng lahat dito para sa kanya. He never talked about sex. Hanggang halik lang ang hinahayaan niyang gawin nito. Kaya nagulat talaga siya sa ibinulong nito sa kanya. She’s not into pre-marital sex and she’ll never be.

Boyfriend lang niya si Francis at hindi pa asawa. Kung ipagpipilitan nito ang gusto nito’y makikipaghiwalay talaga siya rito.

“Makipag-break ka na sa kanya,” sabi ni Freya sa kanya ng tawagan niya ito at sabihin ang mga sinabi sa kanya ni Francis. Inaasahan na niyang iyon ang sasabihan sa kanya ni Freya dahil simula pa lang ng makita nito si Francis ay hindi na nito tipo ang lalaki. Maging si Drea ay ganoon din.

“It’s not that easy, Free. Matagal-tagal na rin kami ni Francis at hindi ko basta na lang dapat itapon iyon. Kung maayos pa’y aayusin namin,” paliwanag niya. Mag-iisang taon na kasi sila ni Francis at nasanay na rin siya na nobyo niya ito.

“Ay, tanga. Bahala ka na nga sa buhay mo. Binibigyan na nga kita ng solusyon sa kalbaryo mo sa buhay, ayaw mo pa.”

“Ang sama mo, Freya! Magmamahal ka rin.”

“Hindi mo mahal si Francis. Kinukumbinsi mo lang ang sarili mo na mahal mo siya. You’re looking at him as if he was you back in high school. Hindi lahat ng sitwasyon at tao ay pareho, Tracy,” makahulugang sabi ni Freya. She was talking about the reason why she hated good looking guys.

“Gagi ka talaga. Pinapahalagahan ko lang ang mga taong mayro’n ako ngayon. O, siya. Ba-bye na. May quiz pa kami,” paalam niya rito.

“Sige. Ako ang una mong sabihan kapag break na kayo ha. ‘Tapos, magpa-party ako,” tatawa-tawang saad ni Freya. Iiling-iling lang siya nang matapos ang tawag. Kung luka-luka si Drea, mas luka-luka si Freya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.