Campus Romance Chapter 5

“Girls, I think this mission is going somewhere!” masayang balita ni Drea kina Freya at Tracy nang mag-conference silang tatlo.

“Really?” tanong ni Freya.

“Congrats.” sabi naman ni Tracy.

“Friends na kami ngayon ni Dereck. I can’t believe that we actually are. Akala ko noong una, imposible pero heto, friends na nga kami.”

“I’m so happy for you.” ani Tracy.

“Ang saya mo ah.” puna ni Freya.

“Siyempre naman, Free. Sa tanang pagkakakilala ko kay Dereck ngayon lang kami nagkatuwaan.”

“What do you mean nagkatuwaan?” tanong ni Tracy.

“I actually made him smile. I’m beginning to see his good sides.” pagmamayabang niya.

“Talaga lang, ha? Well, good.” sabi ni Freya.

“Free, okay ka lang ba?”

“Oo naman. Naninibago lang ako sa pagkukwento ni Drea. Normally kasi, puro negative ang sinasabi niyan tungkol kay Dereck eh.”

“Well, we all know that it’s all for the love for Dominic, right? Oh, my gosh! It’s like hitting two birds with one stone. You’ll gain friendship and you’ll be able to get the love of your life. Go, Drea!” ani Tracy.

“I know. Thanks, girls. You know what, masaya pala kapag hindi ko kaaway si Dereck, ‘no? We’re like this super close agad. Ang gaan ng pakiramdam ko. Pagkatapos, tutulungan pa niya akong mag-bake ng cupcakes para sa project ko at tutulungan din niya akong kumbinsihin ang varsity team para mag-endorse at magbenta ng product ko. Ang bait niya, ‘no?” kwento niya sa mga ito. Mahabang katahimikan ang sumunod. “Hello? Are you girls still there?”

“Yeah. Nagugulat lang talaga kami.”

“Kung anu-ano ang naiisip ko, actually.” sabi ni Tracy.

“Ano?”

“Natutuwa ako sa naisip ko dahil paano kung kay Dereck ka na ma-in love habang pinapaamo mo siya? Hindi naman imposible iyon dahil gwapo naman talaga si Dereck, loveable pa. At ngayong nakikita mo na ang good sides niya, baka nga pwede. And, did you see his reaction kanina no’ng nagbibigay ka ng free kiss? Gosh, he is so jealous!”

Bigla siyang nakaramdam ng kaba sa sinabi ni Tracy. Bakit ba halos lahat ng kaibigan niya ay may ‘something’ na naiisip sa pagitan nila ni Dereck? Masama bang maging magkaibigan sila? Hindi naman mangyayari ang mga sinasabi ng mga ito dahil wala silang gusto ni Dereck sa isa’t isa.

“Ano ka ba, Trace! Hindi mangyayari iyon dahil hindi namin gusto ang isa’t isa.” aniya.

“Sigurado ka ba diyan?” tanong naman ni Freya.

“You both know na ayaw sa’kin ni Dereck. At ayaw ko sa kanya dahil nakakaasar siya. Kanina nga, ininsulto niya ako na binebenta ko daw ang sarili ko. So, naiinis lang siya dahil baka kung ano ang sabihin ng ibang tao.”

“Ikaw na rin mismo ang nagsabing masaya siyang kasama at nakikita mo na ang good side niya. Hindi ka na asar sa kanya.”

“Iyon lang, pero hindi ibig sabihin niyon ay may possibility na na magkagustuhan kami. I swear, hinding-hindi ako mai-in love sa kanya at gayundin siya sa akin.”

“Huwag kang magsalita ng tapos, Drea. You’ll never know.”

“Hay naku! Nawawala ang gana ko sa inyong dalawa. Ba-bye na nga.” Narinig pa niyang tumawa ang dalawa bago niya putulin ang tawag.

What the hell are they thinking?! Hindi siya dapat magpaapekto sa mga sinasabi ng mga ito

“O, saan ka pupunta?” tanong ng Mama ni Drea nang makitang nagmamadali siyang lumabas ng bahay.

“Kina Dereck po.” mabilis na sagot niya na ikinataas ng kilay nito.

“Bakit? Ano na naman ang sinabi ni Dereck sa’yo at susugurin mo na naman siya?” Natawa siya.

“Mama, magbe-bake po kami ng cup cakes ni Dereck mamaya. Tutulungan niya ako sa marketing ko.” proud na sabi niya.

“Ano? Kayo ni Dereck, magbe-bake ba ‘kamo?” tanong din ng Yaya Linda niya.

“Opo, Yaya Linds. Magkabati na kami ni Dereck ngayon.”

“Aba’y mabuti naman at nagkakasundo na kayo ngayon. Maganda iyan. Baka sakaling magka-boyfriend ka na. Hindi iyong habol ka ng habol doon kay Dominic.”

“Yaya Linds, hindi ko naman siya hinahabol ah! At saka, wala akong planong gawing boyfriend si Dereck.” hintakot na sabi agad niya.

“Aba’y baka sakali lang naman.” natatawang saad ng matanda.

“Sige po. Pupunta muna ako sa kabila.” paalam niya sa mga ito at saka lumabas ng bahay nila diretso sa bahay nina Dereck. Nadatnan niyang naglilipat ng mga paso si Tita Mafie.

“Hi, Tita Mafie!” bati niya rito. Tinulungan niya itong magbuhat ng mga paso papunta sa kabilang gilid ng mababang fence ng mga ito na humaharap sa bakuran nila.

“O, Alexandrea, ikaw pala. Naku! Tulungan mo nga muna akong ilipat ang mga pasong iyan dito dahil mamamatay sa matinding sikat ng araw ang mga halaman kapag pinanatili ko diyan. Pasensiya ka na at wala akong kasama dito sa bahay, wala akong makatulong. Nasa grocery sina Simang at Isko eh. Mabuti na lang at dumating ka.” paliwanag nito. The typical housewife na walang magawa. Si Dominic na kasi ang nagpapatakbo ng negosyo ng mga ito.

“Okay lang po, Tita. Saan po ba nagpunta si Dereck?” Sukat sa tanong niyang iyon ay umayos ito ng tayo at mataman siyang tiningnan.

“Si Dereck?” halatang gulat na tanong nito. Gusto niyang mapatawa pero pinigilan niya ang sarili. Siguradong magiging masaya ang pagpapaamo niya kay Dereck.

“Opo. Magbe-bake po kasi kami mamaya pagkatapos kong mag-grocery. Ipapaalala ko lang po sana sa kanya.”

“Magbe-bake kayo?”

“Opo. Tutulungan niya po ako sa marketing project ko.”

“Aba, tingnan mo nga naman. Magkabati na ba kayo?” Napatawa siya sabay tango.

“Tita, malabo po ba talaga kaming magkabati ni Dereck?”

“Hindi naman sa ganoon. ‘Susko! Araw-araw kong nakikita kung paano kayo magbangayan. Aba, simula yata mga bata kayo ay magkaaway na ang turing niyo sa isa’t isa. Kaya hindi mo maiaalis sa’kin ang magulat ngayong magbe-bake pa kayo.” paliwanag nito.

“Tita, huwag na po kayong magugulat dahil simula ngayon bati na kami ni Dereck.”

“O, siya. Nasa basketball practice pa siya pero babalik na iyon before lunch. Mabuti pang mag-grocery ka na ngayon para magbe-bake na lang kayo mamaya.” suhestiyon nito.

“Sige po, Tita. Tulungan na po muna kita rito.”

Dagdag ganda points din iyon dito para kay Dominic.

“Tita, si Dominic nga po pala? Hindi pa rin po ba siya umuuwi?” Ilang araw na niyang hindi nakikita si Dominic at nami-miss na niya ito. May ka-meeting daw itong client sa Cebu. Nasa Tourism industry ang business ni Dominic na minana nito kay Tito Franz na namayapa na five years ago. Ang ETA o Enriquez’ Travel Agency. May ilang branch na rin ang mga ito sa Visayas dahil sa galing mag-manage ni Dominic. Simula nang hawakan nito ang travel agency ay malaki ang itinaas ng profit ng mga ito kahit na may ilang problema ang Philippine Tourism industry. Marami kasi itong marketing strategy kaya dito siya nagpapaturo sa marketing.

Ang sabi nito ay nag-iisip ito na bumili ng share sa isang top rating hotel sa bansa at sa isang airline para magkaroon daw ito ng partnership. Hindi na rin daw mahihirapan ang travel agency na humanap ng hotel para sa mga kliyente ng mga ito kapag nagkataong sumosyo nga ito sa isang hotel. At hindi na rin daw mahihirapan magpa-book ang agency kapag nagka-share ito sa isang airline.

“Hindi pa eh. Nasa Cebu pa rin ngayon.” sagot nito. Hindi na siya nag-usisa pa. Tamang-tama iyon dahil sa pagbabalik nito ay tiyak na matutuwa ito kapag nalamang magkabati na sila ni Dereck. Baka matulungan na rin siya ni Dereck na magpalipad-hangin sa Kuya nito.

Pagkatapos mailipat ang lahat ng paso sa may fence ay nagpaalam na siya rito para mag-grocery sa TresKas.

Paglabas ni Drea ng grocery store ay muntikan na siyang mabangga ng isang kotse na nakilala niyang kay Dereck dahil tatawid sana siya. Ito ang sinakyan nila noong isang araw. Agad na bumaba ito sa sasakyan at nilapitan siya. Wala pa ring bago rito, nakakunot pa rin ang noo nito at masamang nakatingin sa kanya. Napangiwi siya. Alam na niya kung ano ang susunod.

“Nagpapakamatay ka ba?” galit na tanong nito.

“Hindi. Bakit ba kasi sa gilid ng daan ka dumadaan?” ganti niya rito.

“Sa tamang daan ako nagda-drive. Ikaw itong gumigitna na akala mo’y sa’yo itong daan.” Napakagat-labi siya.

“Sorry. Hindi kasi kita napansin eh.”

“Sa susunod kasi, titingin ka muna sa kaliwa’t kanan bago ka tumawid. Hindi ka nag-iingat. Paano kung hindi agad ako nakapag-preno? Nabangga ka na sana ngayon.” sermon pa nito sa kanya. Concern was written on his gorgeous face. Napangiti siya. Gumaan ang pakiramdam niya sa ngiti nito.

“Oo na. Kasalanan ko na. Okay na ba? Sorry.”

“Halika na.” Padaskol na kinuha nito sa kanya ang mga ipinamili niya at inilagay iyon sa backseat ng kotse nito. Sumunod naman siya rito at sumakay siya sa unahan. Alam niyang hindi pa humuhupa ang galit nito kaya hindi muna siya nagsalita. Baka kung ano pa ang masabi niya kaya tumahimik na lang siya.

Bigla niyang naalala ang dapat sana’y itatanong niya rito noong Sabado pa. Hindi niya makausap ang Ate niya kaya ito na lang ang tatanungin niya.

“Hey, alam mo ba kung kailan uuwi si Dominic?” Matagal bago ito sumagot.

“Hindi.” Nagpasya siyang ibahin ang usapan.

“Kumusta ang practice?”

“Okay lang.” Mukhang mahihirapan siyang paamuin ito ngayon dahil nakagawa na naman siya ng masama rito. Hindi naman talaga niya ito nakitang paparating kanina.

“Sorry na. Promise. Sa’yo ko ibibigay lahat ng ibe-bake nating cupcakes ngayon.”

“I don’t want your cupcakes. Tutulungan lang kita.”

“Huh! Kapag natikman mo iyon, siguradong gugustuhin mong iuwi sa inyo lahat ng magagawa natin.”

“Whatever.”

“Bakit ba ang sungit mo ngayon?” hindi napigilang tanong niya.

“Sa’yo lang.”

“Oo nga. Bakit sa’kin lang?” tanong niya. Ngayon lang din niya iyon naitanong dito. Come to think of it, tama naman ang tanong niya. Alam ng lahat na masungit at suplado si Dereck pero sa kanya lang ito “moody”. Kada isang minuto sa tuwing magkasama sila sa iisang lugar ay nagbabago ito ng mood lalo na kapag nasa malapit lang si Dominic at inaasar siya nito. Sa lahat nakakaalam na may gusto siya kay Dominic, ito ang grabeng mang-asar. Kaya nararapat lang na sabihin nito sa kanya kung bakit moody ito.

Hindi naman nito sinagot sa halip ay binilisan nito ang takbo at ilang segundo lang ay nasa bakuran na sila ng mga Enriquez.

“Susunod na lang ako sa inyo. Mag-mise-en-place ka na para pagdating ko doon ay magsisimula na tayo.” Tumango lang siya pagkatapos ay kinuha ang mga grocery bags at umuwi sa kanila.

Nag-mise en place nga siya. At ilang minuto lang ay naroon na si Dereck. Hindi rin niya inaasahan na magkakaroon sila ng audience habang nagluluto dahil kasama nitong dumating si Tita Mafie. Habang gumagawa sila ni Dereck ay nakatunganga sa counter nila sina Tita Mafie, Yaya Linds at ang Mama niya.

“’Ma, wala ka bang gagawin ngayon?” tanong niya sa kanyang ina na nakikipag-tsikahan kina Tita Mafie at Yaya Linds habang panaka-naka ang pagsulyap sa kanila ni Dereck ng mga ito.

“Naipasa ko na ang designs ko kahapon kaya pahinga ako ngayon.” anito saka bumalik sa tsikahan. Isang freelance interior designer ang Mama niya. Dito nagmana ang Ate Toni niya na isang architect naman. Magaling mag-drawing ang dalawa na hindi niya kailanman kinahiligan. Mana siya sa Papa niya na mahilig sa negosyo. Nagsabi na nga siya sa kanyang Papa na sa kompanya ng mga ito siya magta-trabaho pagka-graduate niya. Nasa exporting business ang Papa niya at kasama nito ang kaibigang si Tito Bart sa pagpapatakbo niyon.

“Mommy, wala ka bang pupuntahan ngayon?” tanong naman ni Dereck kay Tita Mafie habang naghihiwa ng kalabasa. Tapos na niyang balatan ang patatas lagain ang patatas at mamaya ay babalatan na lang. Si Dereck naman ang bahala sa kalabasa. She was scooping avocado meat now. Ibe-blender niya iyon pagkatapos.

“Pahinga rin ako ngayon.”

“Teka nga, pinapaalis niyo ba kami?” tanong ng Mama niya.

“Hindi naman sa ganoon, ‘Ma. Hindi lang kami makapag-concentrate dahil parang binabantayan niyo kami.”

“Aba, masama ba iyon? May hawak kayong mga kutsilyo. Mamaya niyan, magsaksakan na lang kayo.” Nagkatinginan sila ni Dereck.

“Kayo ba eh totoong magkabati na?” tanong ni Tita Mafie.

“Oo naman, Tita. Makikita niyo na lang na sa mga susunod na araw, best of friends na kami nitong si Dereck.” nakangiting saad niya.

“Mabuti naman kung ganoon. Mapapanatag ang kalooban namin ni Nina kung magkakabati na nga kayo.”

“Mafie, mas maganda kung magiging mag-nobyo silang dalawa.” singit naman ni Yaya Linds.

“Yaya!” saway niya rito.

“Iyon na nga ang sabi ko diyan sa kanila noong isang araw. Malay mo, magkatotoo nga.”

“Aba, posible namang mangyari iyon dahil bagay naman silang dalawa.” segunda naman ng Mama niya.

Mothers!

“Bilisan mo na riyan.” untag sa kanya ni Dereck. Tumalima naman siya. Hindi na lang nila pareho pinansin ang mga pinag-uusapan ng tatlong matandang babae. Isang oras ang dumaan at natapos din nila ang tatlong klase ng cupcakes. Palalamigin muna nila ang mga iyon bago lagyan ng icing. Si Dereck na ang gumawa ng icing habang siya ang nagtatanggal sa muffin pan ng cupcakes.

“Tikman mo nga kung tama na ito.” sabi sa kanya ni Dereck. Pagharap niya ay hindi niya inaasahang nakatutok pala sa mukha niya ang icing na nasa hintuturo nito kaya sapol ang ilong niya. Pink pa naman ang icing na iyon. Mukhang sinadya naman nito iyon dahil tawa ito ng tawa. His laughter brought liveliness in their home. Napaka-gandang pakinggan ng tawa nito dahil iyon ang unang beses na narinig niya itong tumawa. Kadalasan kasi’y puro mapang-asar na ngiti ang ibinibigay nito sa kanya.

“Ah, gano’n?” Kinudlit niya ang limang daliri sa kanyang kanang kamay sa bowl na naglalaman ng icing pagkatapos ay isa-isa iyong pinahid sa noo, ilong, magkabilang pisngi at sa labi nito ang huli. Pero hindi niya inasahan ang sumunod na nangyari. He opened his mouth and licked her index finger. His lips were so soft and his mouth is so warm. Nag-init ang magkabilang pisngi niya at nagrigodon na naman ang puso niya. Agad na binawi niya ang kanyang kamay at tumalikod dito.

“Hmmm...Okay naman pala ang lasa. Masarap.”

“T-tapusin na natin ito.” nauutal na sabi niya pero nanatili itong nakatitig sa kanya. Naramdaman niyang nag-init ang magkabilang pisngi niya. “Patikim na lang din ng icing.” nate-tense na sabi niya. Pakiramdam niya ang ang init-init sa paligid. Nagsisimula nang mamawis ang noo niya at naramdaman niyang malamig na ang mga kamay niya. Pakiramdam din niya’y maya-maya lang ay magsisimula na siyang manginig kapag hindi pa tumigil si Dereck sa pagtitig sa kanya. Kakaiba kasi ang titig nito sa kanya. There’s desire visible in his eyes.

Kumudlit siya ng icing sa bowl at isinubo iyon gamit ang kanyang daliri. Lumapit pa lalo si Dereck sa kanya hanggang sa magkadikit ang mga katawan nila. Napakislot siya na parag napaso ng apoy dahil sa init ng katawan ni Dereck. Napatingin siya dito ng wala sa oras at saktong pagharap niya ay muntikan na niyang mahalikan ito. They were so close to each other, their noses almost touching. Matangkad si Dereck at matangkad din siya sa isang karaniwang Filipina plus naka-high heeled rubber slippers siya ngayon kaya halos magkapantay sila.

Napalunok siya ng wala sa sarili habang titig na titig kay Dereck na gayundin sa kanya. Lalo pa nitong inilapit ang mukha sa kanya hanggang sa bumaba ang mukha nito para halikan siya pero...

“Drea, Dereck, kayo na ang-----------------“

Boses iyon ni Yaya Linds na siyang nakapagpabalik sa katinuan niya. Itinulak niya si Dereck at nahihiyang tumingin kay Yaya Linds. Hindi makapaniwalang nagpabalik-balik ng tingin sa kanilang dalawa ni Dereck ang matanda.

“Y-yaya...ano po kasi eh...”

“Nina! Mafie!” tawag nito sa mga ina nila.

“Yaya!” saway niya rito. Hintakot na tumingin siya kay Dereck pero abala na ito sa paghuhugas ng kamay.

“Bakit?” tanong ni Tita Mafie.

“Ano’ng nangyari, Manang?” tanong naman ng Mama niya.

“Nakita ko silang...”

“Ano, Manang?” tanong ng dalawang matandang babae.

“Mommy, Tita, don’t worry, walang nangyari.” kaswal na sabi ni Dereck pagkatapos ay nagpaalam sa kanila at lumabas ng kusina. Laglag ang mga balikat na tiningnan lang niya ang papalayong pigura nito.

“Pero kung hindi ako dumating ay siguradong may mangyayari.” ani Yaya Linds.

“Yaya!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.