“She left me for another guy.” Iyon ang paulit-ulit na sinasabi ni Dominic simula nang makarating si Drea sa condo unit nito. Ibinigay sa kanya ni Tita Mafie ang address ng unit nito. Nag-taxi na lang siya papunta roon.
Awang-awa siya sa hitsura ngayon ni Dominic dahil umiiyak ito habang langong-lango sa alak. Ilang bote ng red horse at iba pang alak ang nakalatag sa paligid nito nang datnan niya ito roon. Isa rin lang ang pangalang binabanggit nito, “Kamhya”. Hindi niya alam na may namumuo na palang pag-iibigan sa pagitan nito at ni Ate Kamhya samantalang bantay na bantay niya ang bawat kilos ni Dominic. Dapat ay alam niya iyon dahil magkaka-village lang sila.
Pero wala naman siyang nararamdamang sakit o bitterness sa mga iyon dahil tiyak na niya sa sarili niyang wala na siyang gusto kay Dominic dahil napunan na ni Dereck ang pwesto nito sa puso niya. Ang tanging gusto lang niyang gawin ngayon ay tulungan ito. Siya ang nakasagot sa tawag nito kaya pakiramdam niya’y siya dapat ang tumulong dito.
“Dominic, ano ba talaga ang nangyari?” malumanay na tanong niya rito.
“Alam mo bang plano ko na siyang yayaing magpakasal pagkagaling ko sa Cebu? Plano ko lang namang ayusin muna ang lahat bago kami magpakasal eh. Pero, lintik ‘yan! Binalikan niya ang hayop na lalaking iyon! Ano bang kulang sa’kin ha? May mali ba sa’kin?” umiiyak at mariing litanya nito.
She was a bit shocked by his words. Iyon ang unang pagkakataon na narinig niyang magmura ng malutong si Dominic. He was always gentle and soft. He was always the charming and pleasing one. Akala niya’y hindi ito marunong magmura dahil iyon ang pakita nito sa kanya. Kaya nga niya ito nagustuhan. He was the perfect prince charming. Pero iba pala talaga ito kapag nagagalit.
“Sige. Ilabas mo lahat ng ‘andiyan sa dibdib mo.” konsola niya rito habang hinahagod ang likod nito.
“I love her. Mahal na mahal ko siya sagad hanggang buto.” madamdaming sabi nito habang umiiyak. Pinatigil na niya ito sa pag-inom ng alak. Pigil na pigil niya ang sarili na mapatawa dahil sa ka-corny-han nang sinabi nito. May pinagmanahan pala ang ka-corny-han ni Dereck. “Pero hindi ko alam kung ano ang kulang o mali sa’kin dahil mas pinili niya ang tarantadong ex niya kaysa sa’kin. I can give her everything she ever wanted. Gagawin ko ang lahat para sa kanya. Alam niya iyon. Kaya hindi ko maisip kung bakit niya pinili ang lalaking iyon? Ano’ng ipapakain niya kay Kamhya?”
She should be hurt by now. Pero wala siyang nararamdaman ni katiting na sakit o pagkainis sa kakasabi ni Dominic na mahal nito si Ate Kamhya. Kung mayroon mang namamayani sa dibdib niya ngayon, iyon ay awa at simpatya para rito. Kung siya rin ang tatanungin ay hindi niya alam kung ano pa ba ang hahanapin ni Ate Kamhya kay Dominic. Nandito na ang lahat. Ngunit hindi naman niya dapat husgahan ang isang lalaking namamagitan sa dalawa dahil hindi niya iyon kilala. Ang dapat lang niyang gawin ngayon ay makinig at konsolahin si Dominic.
“Nag-usap na ba kayo ni Ate Kam? Sigurado naman akong may valid reason siya kung bakit niya iyon ginawa, ‘di ba?” aniya.
“Iyon na nga eh. Ayaw niya akong kausapin!” inis na bulalas nito.
“Hindi ko alam kung ano ang buong pangyayari sa pagitan niyo ni Ate Kam at hindi ko rin naman kilala ang lalaking namamagitan sa inyo pero hindi niyo naman iyan maso-solve kung hindi kayo magkakausap ng matino. Kung ako sa’yo, hindi ako susuko sa kanya. Kung totoo nga ang sinasabi mong mahal na mahal mo siya sagad hanggang buto, hindi mo siya susukuan. Ikaw na rin ang nagsabi na gagawin mo ang lahat para sa kanya, ‘di ba? Then, do it.” paliwanag niya rito.
“Tama ka. Hindi nga ako dapat sumuko.” malumanay at nakangiti nang sabi nito.
“Iyan, be a man and face your problem.” nakangiting sabi niya rito.
“Thank you.”
“You’re always welcome.”
“Drea, pwede bang dito ka muna? Sorry ha. Medyo makalat kasi ang paligid eh. Bukas ko na lang iyan lilinisin. I need company, para makatulog ako ng maayos.” anito.
Nag-alangan siya pero nanaig ang kagustuhan niyang maging maayos ang lagay ni Dominic.
“Pare, hinay-hinay lang sa pag-inom.” paalala kay Dereck ni Prime. Nasa Wave Bar sila sa Timog kung saan idinaos ang kanilang victory party. Nag-champion sila sa basketball tournament.
“Ano bang problema mo?” tanong naman ni Colby na baluktot pa ring manangalog.
“Huwag mo ngang dibdibin masyado, sabihin mo sa’min kung ano ang problema mo.” sabi naman ni Zeph.
“Akala ko pa naman okay na kami. Na unti-unti, nakukuha ko na ang loob niya. Pero...shit! Pinaglaruan niya lang ako! Damn!” mariing sabi niya.
Hindi pa niya nakakalimutan ang pag-uusap nina Freya at Tracy sa labas ng locker room nila kanina. Nang matapos ang laro ay agad siyang tumingin sa gawi ni Drea pero sina Tracy at Freya lang ang nakita niya roon. Nang ibigay ng dalawa sa kanya ang personal niyang gamit ay sinabi ng mga itong nagpunta si Drea sa condo ng Kuya niya. Lasing na lasing daw kasi ang Kuya niya at nag-aalala si Drea na baka kung ano ang mangyari dito.
Noon pa lang ay masama na ang loob niya. Parang sinabi na rin ni Drea na sa kabila ng pagkapalagayang loob nila’y mas higit pa rin ang nararamdaman nito para sa Kuya niya. Mas lalong gumuho ang mundo niya nang marinig niya ang pag-uusap nina Tracy at Freya.
“Mukhang magtatagumpay ang ating kaibigan sa misyon niya, ‘no?” sabi ni Tracy.
“Masyadong magulo ang buhay ng isang ‘yon. Mantakin mo? Akala ko, in love na talaga siya kay Dereck. Pero isang tawag lang ni Dominic, nagkukumahog na agad siyang puntahan ito.” sabi naman ni Freya.
“Akala ko talaga okay na sila ni Dereck. Na nabaling na kay Dereck ang pagkagusto niya kay Dominic kasi nakita ko nga silang nag-kiss, ‘di ba? Pero ang luka-lukang iyon talaga, kay Dominic pa rin pala. Pati tayo, napasakay niya sa drama niya ha.” sabi ni Tracy.
Hindi na niya kailangan pang marinig ang ibang sasabihin ng dalawa dahil masakit na masakit na ang lahat ng narinig niya. Kaya pala pilit na inilalapit ni Drea ang sarili nito sa kanya ay para mapaamo siya at nang hindi na siya maging hadlang sa pagsintang-pururot nito para sa kapatid niya.
Damn, it hurts a lot!
He always loved Drea since they were kids up to now. Hindi nawawala ang pagmamahal niya rito. At alam niyang kahit kailan ay hindi iyon mawawala. His being snobbish was only his way of protecting his feelings towards her. Dahil ayaw niyang malaman nito na may gusto siya rito habang ang gusto nito ay ang Kuya Dominic niya. Kung magkakagusto man ito sa kanya, ang gusto niya ay siya lang talaga ang gusto nito at wala nang iba.
Kaya hanggang maaari ay hindi siya umaalis ng bahay nila sa tuwing nagpapa-tutor ito sa Kuya niya para ma-distract ito sa pang-iinis niya. He doesn’t want to make her feel sad, pero kung iyon lang ang paraan para makuha ang atensyon nito ay gagawin niya parati.
Wala naman siyang sama ng loob sa Kuya Dominic niya dahil alam niyang wala itong gusto kay Drea. Sa katunayan nga ay alam niyang si Ate Kamhya ang gusto nito. Ang kaso lang nga ay ayaw niyang saktan si Drea kaya hindi niya iyon sinasabi rito. Ang rason niya, malalaman din nito ang totoo sa huli.
Inggit na inggit siya sa Kuya niya tuwing nagagawa nitong yakapin at lapitan si Drea na hindi ito sinisinghalan ng huli. Kaya naman nang magkalapit sila ni Drea at mag-offer ito ng friendship ay tinanggap niya. Noong una ay nagtataka pa siya rito pero napansin niyang bukal naman sa kalooban nito na makipagkaibigan sa kanya. Kahit friendship lang ay tinanggap niya ang alok nito dahil alam niyang iyon ang daan para ma-express niya rito ng tama ang totoong nararamdaman niya.
Aminado naman siya na mali ang ginawa niyang approach kay Drea kaya ito palaging naasar sa kanya. Dati kasi ay hindi niya alam kung paano iha-handle ang feelings niya para sa dalaga. Hindi niya alam kung paano maipararating dito na gusto niya ito. Na sa kinalaunan ay minahal na niya ito. Kaya labis siyang nasaktan at naghurimentado nang malaman niyang ang Kuya Dominic niya ang gusto nito.
“Si Drea ba ito?” tanong ni JM. Tumango naman siya.
“Paano ka niya niloko?” tanong ni Jon Drix.
“Nakipaglapit siya sa’kin para makuha niya ang loob ko. Para hindi na ako maging hadlang sa pagka-gusto niya kay Kuya.”
“That’s evil!” komento ni Colby.
“Paano mo naman nalaman na pinaglaruan ka lang niya?” tanong ni Prime.
“Ask them.” sabi niya sabay turo kina Freya at Tracy na nasa katapat nilang mesa.
“Freya!” tawag ni Prime sa isang babae. Nang marinig ni Freya at pagtawag dito ni Prime ay padabog itong naglakad patungo sa kanila.
“Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo, kamahalan?” pairap na tanong nito kay Prime.
“Plano ba talaga ni Drea na kunin ang loob ni Dereck para lang sa pagka-gusto niya sa Kuya ni Dereck?” diretsang tanong ni Prime dito. Kitang-kita ang pagkagulat sa mukha ni Freya nang tanungin iyon ni Prime.
“Ah...eh, hindi naman ako dapat ang sumagot niyan. Basta, tanungin niyo na lang si Drea. Ang alam ko, wala siyang balak na masama. I swear.”
“Freya, narinig ko lahat ng pinag-usapan niyo kanina ni Tracy. Hindi ako low para hindi maintindihan ang lahat ng iyon.” malamig na sabi niya rito.
“Ano?” hindi makapaniwalang bulalas nito. “Dereck, believe me. Hindi namin pareho alam ni Tracy kung ano ang tumatakbo sa isip ni Drea. Opinyon lang namin pareho ang lahat ng narinig mo kanina. Malay mo, hindi naman talaga iyon ang nararamdaman ni Drea, ‘di ba?” paliwanag nito.
“O, iyon naman pala, pare, eh.” ani Zephyr.
“Tell me, Freya. Ang misyon ba ni Drea na sinasabi niyo ay ang kunin ang loob ko para hindi na ako maging hadlang sa pagka-gusto niya kay Kuya?”
“Ha? Ah, eh, kasi...”
“See?” mapaklang sambit niya.
“’Oy, hindi na raw makakarating si Drea kasi alanganin daw si Dominic.” hayag ng kalalapit lang sa kanila na si Freya.
“Alam niyo bang mahal na mahal ko siya?” sabi niya sa dalawa. Nagpalitan ng tingin ang mga ito saka alanganing tumingin sa kanya. He smirked. Tumayo siya at lumayo sa grupong iyon.
Ngayon niya napatunayang napaka-imposible ng pagmamahal niya kay Drea. Napaka-imposibleng mapansin siya ng isang taong walang ibang inintindi kundi ang sarili nitong kaligayahan. For Drea, he was just a nuisance in her and his brother’s fairy tale. A villain.
Well, sino nga ba naman ang makapagsasabing maaari ring mahalin nang isang kontrabida ang babaeng bida? His love for Drea was a proof. Sad, but true.
Saturday morning. Sa condo na ni Dominic natulog si Drea dahil binantayan niya ito. Kinaumagahan ay mas nauna pa itong nagising sa kanya. Masakit na masakit daw ang ulo nito. Ipinagtimpla naman niya ito ng kape pagkatapos nitong maligo. Sa kabila ng problema nito sa pag-ibig ay masaya silang kumain ng brunch. Ikinwento niya rito ang pagkapanalo nina Dereck. Kaya naman nagdesisyon silang bigyan ito ng victory party sa bahay ng mga Enriquez. Nagi-guilty din kasi si Dominic na hindi siya nakapunta sa victory party nina Dereck dahil sa kalagayan nito.
Pagkatapos nilang kumain ay nag-ayos sila ng unit at nagpunta na sila sa supermarket. Tinawagan din nila si Tita Mafie para abisuhan ito sa kanilang plano. Ayon dito’y wala raw doon si Dereck at hindi rin daw doon natulog ang huli kagabi. Dahil doon ay kinutuban na siya ng masama. Kung anu-anong tanong na ang pumasok sa isip niya na hindi niya masagot.
Paano kung may na-hook itong babae kagabi at natulog sila sa isang motel? Hindi imposible iyon dahil baka na-udyukan ito ng mga kasamahan nito. Kasama pa naman nito ang pawang playboys na sina Zac Castillo at Zephyr Santos. Kilalang notorious playboys ang dalawa. Paano kung napaaway naman ito at nadala sa presinto? Maaaring mangyari rin iyon dahil mainitin pa naman ang ulo ni Dereck. Baka may hindi ito nakasundo sa bar. Kung bakit ba naman kasi hindi siya humingi ng updates kina Freya at Tracy kagabi.
“O, bakit alalang-alala ‘yang mukha mo?” tanong ni Dominic ng nasa supermarket na sila.
“Eh, kasi sabi ni Tita Mafie, hindi raw sa bahay niyo natulog si Dereck.”
“So? Malaki na iyon. Baka sa mga kaibigan niya siya nakituloy.”
“Baka kung ano ang nangyari sa kanya.” nag-aalalang sabi niya.
“Kailan ka pa nagkaroon ng pakialam sa kanya?” amused na tanong ni Dominic.
“Ay naku, halika na nga ng makauwi na tayo.”
Itinext niya sina Freya at Tracy na pumunta kina Dereck mamaya para sa kanilang surprise victory party. Pinapa-text na rin niya sa mga ito ang mga ka-team ni Dereck. Pati ang mga kaklase nila’y pinapapunta rin niya.
Girl, I think that’s a bad idea. text sa kanya ni Tracy. Tinanong naman niya ito kung bakit. Maging si Freya ay ganoon din ang sinabi sa kanya. Nahiwagaan naman siya sa sinabi ng mga ito.
You should talk to him privately. reply ni Freya. Tinanong niya ang mga ito kung bakit at kung ano ang nangyari kagabi pero pareho lang ang sinabi ng mga ito: mag-usap sila ni Dereck.
Tinawagan niya si Dereck pero unattended ang cell phone nito. Nang makauwi sila’y nadatnan nila itong nakahiga sa sofa na parang pagod na pagod.
“Hay, mabuti at nandiyan ka na, Dominic. Tulungan mo nga akong iakyat itong kapatid mo at lasing na lasing. Ang aga-aga pa, lasing na.” bungad sa kanila ni Tita Mafie habang pinupunasan ng bimpo ang mga braso ni Dereck.
“Ano pong nangyari, Tita?” nag-aalalang tanong niya. Lumapit siya sa mga ito at tiningnan ang lagay ni Dereck. Doon naman nagmulat ng mata si Dereck at matamang tumingin sa kanya.
“Gusto mong malaman kung bakit ako nagkaganito, Drea?” anito.
“Ano?” tanong niya.
“Ikaw. Ikaw ang problema ko!” galit na sigaw nito.