Cupid's Match Chapter 21

“WHOA! Bakit ka naglalasing, bunso?” tanong kay Kyle ng Kuya Cage niya pero may nanunuksong ngiti sa mga labi nito.

“Kuya, hindi ako naglalasing. Umiinom lang. Bakit nga pala ngayon ka lang? Anong oras na ah.” aniya rito. Hanggang alas-dose ang programa niya sa radyo at dumiretso na siya pag-uwi pero hindi niya ito nadatnan noon.

“Nanggaling ako kina Caraleigh.” anito. Nagsalin siya ng scotch sa kanyang baso. Hindi niya iyon paborito pero iyon ang makakatanggal ng stress niya ngayon.

Ang Caraleigh na tinutukoy nito’y ang kinuhang detective ng kanilang ama para hanapin ang kanilang inang pumanaw na pala noon pang isang taon. Nadoble ang pagluluksa niya dahil doon at sa problema niya kay Yngrid.

Hindi pa rin siya makapaniwala hanggang ngayon sa lahat ng sinabi nito sa kanya. Nasaktan siya sa lahat ng sinabi nito sa kanya. May sarili siyang motibo sa pakikipaglapit dito pero maging ito’y mayroon din pala at iyon ay ang paibigin siya. Siya ang magiging daan para mailabas nito sa kulungan ang amain nito.

Nagalit siya rito nang sabihin nito iyon. Mas nagalit siya sa sarili niya dahil nagpadala siya sa kanyang nararamdaman. Nangyari na naman sa kanila ni Yngrid ang dating nangyari noon sa kanila ni Jodi. Iyon nga lang, mas nakaramdam siya ng labis na sakit ngayon kaysa noon. Ngunit ang tanong na naglalaro sa isip niya’y kung paano nito nalaman ang tungkol sa tunay na katauhan niya gayong mahigpit na bilin niya kay Nick at sa mga empleyado nitong huwag magsasalita kay Yngrid tungkol sa tunay niyang pagkatao.

Nang sabihin ng Daddy niya na bibigyan nila ng trabaho si Yngrid ay hindi niya ito pinasok sa AlCom dahil hindi niya magagawa ng maayos ang kanyang plano. Kaya sa kompanya ni Nick niya ito pinasok. Nang magpunta siya roon kasama si Yngrid ay doon pa lang niya sinabi kay Nick ang plano niya. Nakiusap siya rito na tanggapin si Yngrid bilang sekretarya dahil iyon ang nasabi niya rito. Noong una nga’y hindi pumayag si Nick pero nakiusap talaga siya rito at sinabing hindi ito madadamay sa plano niya kaya pumayag ito.

Naipaalam din niya kina Red at Chord ang tungkol sa kanyang plano at pumayag ang mga ito. Kaya nang mag-weekend sila sa Batangas kasama si Yngrid ay alam na ng mga ito ang tungkol sa plano niya. Ngunit hindi alam ng mga ito na nahuhulog na ang loob niya kay Yngrid noon pa man.

Noong una pa ma’y nagustuhan na niya si Yngrid. Napuksa lang ang nararamdaman niya rito nang malaman niyang anak ito ng taong dahilan kung bakit muntikan nang mawala sa kanila ang ama niya. Simula noo’y itinatak niya sa puso’t isipan niya ang gagawing paghihiganti sa amain ni Yngrid at magagawa niya iyon dahil kay Yngrid.

Pero sadya nga yatang pinaglalaruan sila ni Kupido dahil kahit na anong pilit niya sa sariling paghihiganti lang ang tanging rason kung bakit nakikipaglapit siya kay Yngrid at kung bakit sinasabi niya ritong mahal niya ito dahil sa kanyang plano’y talagang hindi pumapayag ang puso niya. Dahil aminin man niya noon o hindi, mahal na talaga niya si Yngrid.

“Care to tell me what your problem is?”

“Kuya, ang mabuti pa matulog ka na. Maaga pa ang pasok mo bukas.” sabi lang niya rito.

“So, you’re in love with each other. Ano’ng problema do’n?” anito. Nagtaka pa siya sa tinuran nito.

“Ano’ng sinasabi mo?”

“Kyle, nang araw na ayusin natin ang problema nina Nicko at Xanthia, may napansin na akong kakaiba sa’yo. Since Dad hired Caraleigh to not find only our dear mother, but also to monitor our love lifes, ni-research niya ang tungkol sa love life mo.”

“What?”

“Iyon daw kasi ang utos ni Daddy sa kanya.”

“That’s pathetic!”

“Yeah. Pero may napala naman ako dahil do’n. I met Caraleigh.”

“Kuya, itulog mo na lang ‘yan. Wala kang mapapala sa’kin dahil wala na akong pakialam kay Yngrid.” mapait na sabi niya.

“Kung ang iminumukmok mo ay dahil sa mga sinabi ni Yngrid sa’yo, ‘wag kang mag-alala dahil hindi totoo ang mga ‘yon. Best friend lang niya si Badong.”

“What? Paano mo nalaman?” agad na tanong niya rito. Naging mabilis ang tibok ng puso niya sa sinabi nito.

“Kay Caraleigh. Nag-imbestiga siya, ‘di ba? At nalaman na rin niyang ikakasal na pala si Badong sa co-photographer niyang si Pink.”

“Pero paano niya nalaman ang tungkol sa plano ko at kung sino talaga ako?”

“Tanungin mo si Rodgine.” makahulugang sabi ng Kuya Cage niya.

Agad naman niyang idinial ang numero ni Rodgine at tinawagan ito. Matagal bago nito sagutin at mukhang nagising pa niya ito dahil inis ang nahimigan niya sa boses nito.

“Ano?”

“Rodgine, this is Kyle.” aniya.

“O, heartbreaker. Bakit ka napatawag?”

“May alam ka ba kung paano nalaman ni Yngrid ang tungkol sa plano ko at kung sino talaga ako?”

“Ha? Aba, malay ko.” sagot nito.

“Rodgine, I really love her. Hindi ako naniniwala sa lahat ng sinabi niya sa’kin. I need to know kung saan niya nalaman ang lahat. Gusto kong ayusin ang lahat ng gusot sa pagitan namin dahil hindi ko kayang malayo siya sa’kin.” paliwanag niya rito.

“Nag-resign na siya sa Royale no’ng isang araw pa. Sa tingin ko, wala ka ng pag-asa sa kanya dahil kinausap na rin siya ni Bossing Nick pero parang sarado na ang puso’t isipan niya. Kayo naman kasi, kung mag-uusap kayo, siguraduhin n’yong sa secure nalugar. Iyong walang makakapakinig sa inyo para hindi na lalong lumaki pa ang gulo. ‘Yan tuloy, nagalit ng sobra-sobra sa’yo.”

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

“No’ng nag-uusap kayo ni Bossing Nick. Nakikinig siya noon.”

“Oh, shit!” mura niya.

“’Wag mo ‘kong murahin dahil wala akong kasalanan. Ikaw ang may kasalanan ng lahat!” akusa nito sa kanya.

“Yeah, I know. And I intend to make everything right. Thanks, Rodgine. Good night.”

“O, siya. Good luck and good night. Bye.” anito saka pinutol ang tawag.

“Okay ka na?” tanong ng Kuya Cage niya.

“Kuya, I still don’t know how to do this.” aniya.

“Don’t worry, tutulungan ka namin.” nakangiting sabi ng kuya niya.

“Salamat, Kuya.”

ISANG magandang balita ang kinagisnan ni Yngrid isang umaga. Makakalabas na raw sa kulungan ang Tatay Baldo niya. Tinawagan sila ng isang warden at sinabing makakalabas na raw ang tatay-tatayan niya.

“Talaga, ‘Ma? Paano raw nangyari ‘yon?” excited na tanong niya sa Mama niya.

“Eh, pinayagan na daw lumabas ng mga Alonzo eh.” kaswal na saad ng Mama niya. Biglang napalis ang ngiti sa kanyang mga labi. “Anak, ‘wag kang mag-alala. Wala tayong atraso sa kanya. Ito na ang katapusan ng pakikipag-ugnayan natin sa mga Alonzo kaya hindi mo kailangang magpasalamat sa kanila.”

“’Ma, magpapasalamat ako sa kanila pero hindi kay…kay Kyle. Quits lang kami.” aniya.

Napagdesisyunan niyang pumunta sa ospital kung saan naka-confine si Alberto Alonzo kasama si Badong. Isasama sana niya si Caddie pero ito raw ang sasama sa Mama niya sa pagsundo sa kulungan sa Tatay Baldo niya. Dinadalangin niyang sana’y hindi sila magkita roon ni Kyle dahil hindi pa niya ito kayang makita. Baka mamaya’y bigla na lang siyang umiyak sa harap nito.

Ilang araw na siyang walang trabaho dahil nag-resign na siya sa Royale. Hindi naman niya mabalikan ang call center agency na pinag-apply-an niya noon dahil hindi na siya tinatanggap doon. Nag-apply na siya sa ilang restaurants at hinihintay na lang niya ang mga ito.

Ilang araw na rin siyang umiiyak nang dahil sa sakit na idinulot sa kanya ni Kyle. Hindi totoong quits lang sila dahil labis siyang nasaktan sa ginawa nito. Nang malaman niya kung sino talaga ito at kung ano ang plano nito’y agad siyang nag-isip ng plano kung paanong ipapakita ritong hindi siya ang talo.

Ma-pride na kung ma-pride pero hindi ko ibibigay sa kanya ang satisfaction na napaibig niya ako.

Mabuti na lang at dumating na galing sa ibang bansa si Badong. Nagpatulong siya rito sa kung ano ang pwedeng gawin tungkol sa problema niya kay Kyle. Kaya nagpanggap silang magkasintahan.

Ang lahat ng sinabi niya kay Kyle ay hindi totoo at kinailangan niyang kumuha ng lakas ng loob sa pagmamahal at suporta ng pamilya niya at mga kaibigan para lang masabi ang lahat ng iyon kay Kyle.

“Ready ka na ba?” tanong sa kanya ni Badong nang nasa tapat na sila ng kwartong inookupa ni Alberto Alonzo sa ospital na iyon. Tumango lang siya.

Si Badong na ang kumatok sa pinto. Pinagbuksan sila ng isang gwapong lalaki. Kumunot ang noo nito pagkakita kay Badong pero ngumiti ito nang mapadako ang tingin sa kanya.

“Hi! Yngrid Hidalgo, right?” anito sa kanya saka nag-abot ng isang kamay para makipagkamay. Nagtaka man kung bakit kilala siya ng lalaki’y tinanggap niya ang pakikipagkamay nito. “I’m Cage, by the way. Pasok kayo.”

Pumasok nga sila ni Badong sa loob at nakita niyang marami-rami palang tao roon.

“Hey, everybody. This is Yngrid and, I guess, Badong, her best friend.” pakilala ni Cage sa kanila sa mga tao roon. Nagtataka talaga siya kung paano nito sila nakilala ni Badong gayong ngayon lang sila nakapunta roon at nakita ang mga ito.

“’Wag ka ng magtaka dahil baka pinaimbestigahan na nila tayo.” bulong sa kanya ni Badong.

“Yngrid…” tawag sa kanya ng isang matandang lalaki na ngayo’y nakaupo sa isang wheelchair. Marahil ay ito si Alberto Alonzo. Mukhang maayos na ang kalagayan nito maliban sa wheelchair.

“Sir.” aniya rito. Nang pinalapit siya nito ay lumapit naman siya rito. Naiilang siya sa mga tinging ibinibigay sa kanya ng mga taong naroon. Tahimik ang paligid at tila naghihintay ang mga ito sa isang magandang eksena.

“Well, nagkamali si Kyle. Akala niya’y doon ka pupunta sa Tatay mo pero dito ka pumunta sa’kin.” nakangiting sabi ni Mr. Alonzo. Mukha naman itong mabait.

Hindi niya pinansin ang sinabi nito tungkol kay Kyle. “Maraming salamat po, Mr. Alonzo.” pasasalamat niya rito.

“Huwag ka sa akin magpasalamat, hija, kundi kay Kyle. Siya ang nag-ayos ng lahat para makalabas ang Tatay mo. Patawad din sa nagawa sa inyo ng anak ko, Yngrid.” anito. Yumuko lang siya sa sinabi nito. “Hija, mahal ka ng anak ko. Iyon ang masisiguro ko sa’yo. Nagawa lang niya ang lahat ng ‘yon dahil nasaktan siya dahil sa nangyari sa’kin. Lahat tayo ay biktima ng isang aksidente.” dugtong pa nito.

“Alam mo kung ano ang mabuting gawin ngayon, Yngrid? I mean, sa kalagayan mo? Kumain ng kumain. Mag-unwind ka.” anang isang magandang babae na yakap ng isang lalaking kamukha ni Kyle.

Napangiti siya dahil sa sinabi ng mga ito.

“Gawin mo ang ginawa ko nang saktan ako ng lalaking ito. Nagbakasyon ako. Nag-isip-isip. Kumain ng kumain at nagsulat ng lahat ng sama ng loob. Effective naman.” dugtong pa ng babae.

“Thank you.” aniya rito.

“Dapat mo ring malaman na ginagawa ni Kyle ang lahat para makapagpaliwanag sa’yo at maayos ang problema n’yo.” ani Cage.

Hindi siya nagsalita sa sinabi nito. Kahit ano pa ang sabihin ng mga ito ngayon, hindi pa rin maiibsan basta na lang ang nararamdaman niyang sakit sa kanyang puso.

“Yngrid, tingin ko tama sila.” ani Badong nang makalabas sila ng ospital.

“Ano?”

“Ang ibig kong sabihin, magbakasyon ka nga muna. Huwag kang mag-alala, ihahanap nga kita ng trabaho. Pagbalik mo, siguradong may bagong trabaho ka na.”

“’Ay naku, Badong. Hindi ako dapat mag-aksaya ng oras. Hindi porke’t nakalabas na sa kulungan si Tatay eh magpa-puchu-puchu na lang ako. Kailangan ko pa ring magtrabaho, ‘no.”

“Oo nga. Pero kung gusto mo talagang makalimutan si Kyle, magbakasyon ka. Paano mo siya makakalimutan eh kung pati sa bahay niyo’y may alaala ka rin niya?”

Tama nga naman ito. Pero saan naman siya magbabakasyon?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.