Cupid's Match Chapter 9

All through the day ay walang ginawa si Xanthia kundi tumawa ng tumawa. Pakiramdam niya ay wala ng puwang ang anumang kalungkutan at problema sa puso niya. Kontento na siya basta ganito sila palagi ni Nicko. And, yes, she got what she wished for. Nang araw na hilingin niya sa Diyos na tumigil ang ulan ay tumigil nga iyon. Kaya nakuha niya ang date na ito kay Nicko. Pero hindi lang siya ang mukhang nag-i-enjoy, pati na rin si Nicko.

Tuwang-tuwa siya dahil inilaan daw talaga ni Nicko ang araw na ito para sa date nila.

Nagpunta sila sa salon pero nagpa-foot spa lang sila pareho at saka nagpa-manicure at pedicure siya. Pagkatapos ay napagkasunduan nilang manood ng sine. He took the control of choosing what movie to watch. Hinayaan lang niya ito. Ayaw nitong manood ng Tagalog movies pero nang sabihin niyang gusto niyang manood ng Ang Babae sa Septic Tank ay agad itong pumayag. Noong una ay parang hindi komportable si Nicko sa panonood pero sa kinalaunan ng sine ay naririnig niyang tumatawa na rin ito kasabay ng pagtawa ng mga nasa sinehan kasama na siya.

Pagkatapos ay kumain sila sa Iceberg. Missed na missed niya ang parfaits doon kaya dalawa ang in-order ni Nicko para sa kanya. Mas matakaw naman ito kaysa sa kanya dahil isang banana split at isang parfait dito. Hindi pa nakontento, um-order din ito ng sundae. Napailing lang siya. Pagkatapos nilang kumain ay sa Star City sila nagpunta. Doon na rin sila nag-laser extreme dahil baka mawalan sila ng oras na pumunta pa sa Alabang. Sa likod naman ng Star City ay may race track field para sa karting kaya doon na rin sila nag-karting. Hindi nila sinakyan lahat dahil takot siya sa heights. She never really wanted to go to Star City. Masaya roon pero hindi naman siya makapag-enjoy dahil takot siya sa heights. At saka, nadala na siya ng mag-roller coaster sila dati roon ng mga kuya niya. She passed out. Pakiramdam niya ay mawawala ang kanyang kaluluwa.

Pagkatapos ay nag-videoke sila. Feel na feel pa niyang kantahin ang version ni Toni Gonzaga ng “You Are The One”.

“Another day passes by I’m dreaming of you. And though I thought it might just a dream dreams come true. Somewhere, somehow I will find you even though it takes all of my life.” Nagulat siya ng kumuha pa ito ng isang mic at sumabay sa kanya.

“All my life...”

“And when I finally do, I know inside my heart, that we could be no doubt, I knew it from the start. You are the one that I’ve been looking for my whole life through. You are the one that I’ve been searching for and now that I’ve found you. I’ll never let you go; I’ll hold you in my arms. ‘Cause you are the one.” sabay nilang kanta habang nakatitig sa mata ng bawat isa.

Nakakakilig! Libre lang namang mangarap, ‘di ba? tanong niya sa sarili. At least, may kinapuntahan ang ginawa niya kay Nicko dati. Nakakuha siya ng date dito. Sapat na siguro iyon para sa kabiguan niya rito. Pampalubag-loob lang. Ngumiti siya ng mapait. Parang huling hapunan, kumbaga.

Pagkatapos nilang mamasyal ay umuwi na sila. Pero nang malaman ni Nicko na uuwi siya sa bahay nila para sa birthday ng kapatid niyang si Kuya Ned ay sumama ito.

Ngitngit na ngitngit ang kalooban ni Xanthia dahil hindi man lang niya makausap si Nicko. Paano ba naman kasi’y kung anu-ano ang iniuutos sa kanya ng mama niya. Kanina’y pinag-intindi siya nito sa mga bisita ng mga kuya niya at ito at sina Keisha, Hazel at Kaila ang nag-asikaso kay Nicko. At ngayon nama’y siya ang pinaghugas ng mama niya dahil pagod na daw sa pagluluto kanina ang mga kasambahay nila.

“Ang gwapo ng friend mo, Xan!” kinikilig na sabi ni Keisha sa kanya habang naghuhugas siya. Hindi niya ito sinagot. Naiinis kasi siya sa mga ito. Parang gusto nang lapain ng mga ito ng buhay si Nicko, lalo na si Hazel.

“Galit ka ba sa’min, Xan?” tanong ni Keisha.

“Hindi. Bakit naman ako magagalit sa inyo?” nakasimangot na sabi niya rito.

“Eh, kasi nagseselos ka po.” Tinaasan niya lang ito ng kilay. “Sige. I-deny mo pa nang masabi ko kay Hazel na gora na siya kay Nicko.”

“Hindi ko naman siya pag-aari eh.” nakakibit-balikat na sabi niya.

“Talaga? Keri gore na talaga kami! Ang gwapo talaga niya eh.” nakangising sabi ni Keisha. She let out a frustrated groan for what Keisha had said.

“Xanthia!” narinig niyang kinikilig na tawag sa kanya ni Hazel. Nang lingunin niya ito’y kinikilig na yakap-yakap nito ang sarili at kasunod nito si Kaila. “Akin na lang siya”

“Excuse me! Hindi ko siya ibibigay sa’yo ‘no.” naiinis na sabi niya kay Hazel.

“Uy, possessive!” nang-aasar na sabi ni Kaila.

“Pag-aari mo ba siya?” ani Keisha.

Napaungol siya sa pagkainis.

“So? Pwede ko siyang arborin sa’yo?” tanong ni Hazel.

“Hindi!” mariing sabi niya rito.

“Okay, okay. Pero advice ko lang sa’yo, girl. Kumilos ka na ngayon para makuha ang puso niya dahil for sure, marami ang nag-aabang sa kanya.” ani Hazel.

Bumuntong-hininga siya. Ilang minuto pa ang dumaan ay nagpaalam na ang kanyang mga kaibigan dahil tapos na raw ang ‘misyon’ ng mga ito sa kanya. Sinabihan pa siya ni Hazel na huwag siyang mag-alala dahil wala itong balak na agawin sa kanya si Nicko. Pero subukan lang talaga nitong maglandi kay Nicko, makikita nito ang hinahanap nito.

God! I didn’t know I could act so stupid like this when it comes to love. Well, I think jealousy triggered that feeling, Xanthia. Kulang na lang kasi’y mamatay sa tingin mo ang mga kaibigan mo habang nakikipag-usap sila kay Nicko.

Pagtapos niyang maghugas ay inutusan siya ngayon ng kanyang inang maghatid ng pagkain sa kanilang mga kapitbahay.

“’Ma, bakit hindi si Kuya Ned ang utusan mo? Tutal, siya naman ang may birthday.” aniya.

“May bisita pa ang kuya mo kaya ikaw na lang muna.”

“Eh, si Kuya Ned lang naman ang may bisita eh. Sina Kuya Jim, Kuya Alvin, Kuya Dan at Kuya Iggy, wala naman silang bisita.”

“Inaasikaso nila si Nicko.” katwiran nito.

“Eh, ‘Ma, bisita ko naman si Nicko ah.” Hindi nito pinansin ang sinabi niya. Ibinigay nito sa kanya ang plastic bag ng mga styro foam na may lamang pagkain.

“Bahala ka ng mag-distribute niyan. Kompleto iyan para sa lahat ng kapitbahay natin ha.” bilin ng mama niya.

She just let out a frustrated sigh. Nagdadabog na tinungo niya ang kanilang gate. Pero palabas pa lang siya ng kanilang bahay ay narinig na niya ang malakas na tawanan mula sa kanilang garden. Nang sulyapan niya ang nag-iinumang mga kalalakihan doon ay napataas ang isang kilay niya dahil nakikita niyang nakikipagtawanan si Nicko sa mga kainom nito. Kasama nito sa table ang mga katrabaho ng Kuya Ned niya, ang limang barakong kapatid niya namely: Jim, Alvin, Ned, Dan at Iggy. Naroon din ang Papa niya na tuwang-tuwang nakaakbay pa kay Nicko.

Oh, well. At least, Nicko’s having fun. sabi niya sa sarili. Hindi man niya makausap si Nicko ngayon ay alam niyang masaya ito. Mas lalong nadagdagan ang pag-asa sa kanyang dibdib na maaari ngang matutunan ni Nicko ang pagmamahal. Kahit na ngitngit na ngitngit siya kanina nang makita niya kung paano nakikipaglambingan sina Keisha at Hazel dito.

Ugh! Bakit ko ba naisip na paturuan pa siyang magmahal sa mga bruhang iyon? Bago pa man niya masagot ang tanong na iyon ay nakuha nang isang boses ang atensyon niya.

“Pare, nanliligaw ka ba sa kapatid ko?” tanong ng Kuya Jim niya.

“Oo nga. Nanliligaw ka ba kay bunso?” segunda nang Kuya Alvin niya.

“Hindi.”

“’Ay naku! Alam ko na kung bakit. Hindi mo gusto si Xanthia dahil weird siya, ‘di ba? Sa gwapo mong iyan, naiintindihan kong mataas ang standards mo pagdating sa babae. Si Xanthia kasi, walang class.” anang best friend ng Kuya Ned niyang si Diego’ng-ugok. Ang kapal ng mukha nitong sabihan siya ng ganoon.

Weird? Siya? Walang class? Lintik ka, Diego! Malalagot ka sa’kin! ngali-galing sigawan niya ito. Kahit kailan talaga’y nagmana ito ng pang-aasar sa mga kuya niya.

“Hoy! Kapatid ko iyon kaya huwag kang magsalita ng ganyan.” sabi rito ng Kuya Iggy niya.

“Sus! Pustahan tayo, Ignacio. Iyon ang dahilan kung bakit hindi nililigawan nitong si Nicko si Xanthia.” hamon pa ni Diego sa Kuya Iggy niya.

“Eh, bakit nga ba hindi mo nililigawan ang anak ko, Nicko?” tanong naman ng Papa niya kay Nicko.

“She’s not actually my type.” ani Nicko. Natigagal siya sa sinabi nito. Ouch! Tagos sa puso niya ang sagot nitong iyon. Sana’y hindi na lang siya nakinig sa usapan ng mga ito. “First, hindi siya marunong magluto at hindi marunong mag-intindi sa sarili. Pangit siyang manamit, bungangera siya at ginulo niya ang tahimik kong mundo...”

Hindi na niya tinapos pa ang ibang sasabihin ni Nicko dahil masyadong masakit ang mga narinig na niya. Nagdabog siya pabalik sa kanilang kusina. Tama na sana iyong sinabi nitong hindi siya nito gusto pero sobra na iyong mga pinagsasabi nito sa kanyang puro negatibo. Ang akala niya’y nagbago na ito pero wala pa rin. Mas tumindi pa nga yata ang insensitiveness nito ngayon.

Hindi man lang nito naisip na mga kakilala niya ang kausap nito at sinasabihan nito ng mga salitang iyon. Hindi man lang nito naisip na makakarating sa kanya ang mga sinabi nito ngayon. Napaka-insensitive talaga ng lalaking iyon! Suko na ako! Bahala siya sa buhay niya!

“O, bakit bumalik ka?” tanong ng mama niya.

“’Ma, mamaya mo na lang ipadala kina Kuya ang mga pagkaing ito. Hindi ko na kaya. Pagod na ako.” sabi niya sa mama niya. Inilapag niya sa kitchen counter ang dalang plastic at saka iniwan ang nagtatanong na hitsura ng mama niya.

Kailangan niyang makaalis sa lugar na iyon bago pa siya mag-iiyak. Kakantiyawan lang siya ng mga tao roon. Mabuti pang sa ibang lugar siya umiyak. Pero masyadong masakit ang nararamdaman niya. She had just another rejection from a man she really like, more so, love.

That’s love, Xanthia. Sinabi mo nga dati kay Nicko, love exists even in the most impossible situation, even in the most unexpected way, even in the hardest steel-made heart, sa iyo pa kayang naniniwala talaga sa pag-ibig?

Dire-diretso siyang lumabas ng kanilang bahay at tinungo ang kanilang gate. Kailangan na talaga niyang makaalis sa lugar na iyon dahil mamaya lang ay hindi na niya mapipigilan pa ang kanyang mga luhang nagbabadya nang kumawala sa kanyang mga mata. Pero palabas na sana siya ng kanilang gate nang marinig niyang tawagin siya ni Nicko.

“Xanthia!” Hindi sana niya ito lilingunin pero muli siya nitong tinawag. Nilingon tuloy niya ito. “Where are you going?” nakangiting tanong nito.

Himala, nakangiti ang herodes na ito ngayon! sabi niya sa sarili.

“Uuwi na ako.” walang kangiti-ngiting sagot niya rito.

“Talaga? Sige. Uwi na tayo. Magpapaalam lang ako sa kanila.” anito.

“Huwag na. Mag-stay ka pa. Magtatampo si Kuya Ned kung bibitinin mo ang session niyo. Mukha pa namang nag-e-enjoy kayo do’n.” aniya.

“Alam mo, nag-enjoy talaga ako na makasama ang pamilya mo pati na rin ang mga kaibigan mo. Gustong-gusto ko ang mama mo. Ang cool niya. Ma-swerte ka dahil kasama mo pa ang mama mo.” nakangiting sabi nito. Himala talaga dahil ngumingiti na ito ngayon.

Mabuti pa si Mama, gusto nito. sabi niyang nagngingitngit sa selos.

“Mabuti naman. Sige na. Bumalik ka na ro’n at mag-inuman ulit kayo.” taboy niya rito.

“Hindi na. Medyo marami na rin kasi ang nainom ko, eh may importante pa akong gagawin bukas.”

“Eh, may importante ka naman palang gagawin bukas, bakit ka pa nakipag-inuman sa kanila?” inis na sigaw niya rito. Kailangan niyang ilabas ang nararamdaman niya kahit sa pagsigaw man lang dahil maluluha talaga siya kung kikimkimin niya iyon.

“Xanthia?” gulat na sabi nito.

“Umuwi ka na sa unit mo!” singhal niya rito.

“Ano bang problema mo? Uuwi na nga tayo, ‘di ba?” anito. Tangkang hahawakan siya nito sa braso pero agad na lumayo siya rito.

“Ayaw kong kasabay ka!”

“Bakit? Ano bang nangyayari sa’yo?” naguguluhang tanong nito.

“Basta ayaw na kitang makita pa kahit kailan!”

“Ano bang ginawa ko sa’yo?” tanong nito na lumapit sa kanya pero lumayo naman siya.

“Marami! Huwag mo nang piliting sabihin ko isa-isa dahil mahihilo ka lang.” sabi niya rito at saka siya nagtatakbo palabas ng gate nila.

Nararamdaman niyang sumunod sa kanya si Nicko kaya binilisan pa niya lalo ang kanyang takbo hanggang sa makarating siya sa TresKas na pag-aari nina Kaila at nang mga kapatid nitong sina Kamhya at Kathreen. Tumatakbo pa rin siya nang makarating siya ng kanto dahil wala pang dumadaang taxi at ayaw niyang makipag-usap kay Nicko ngayon.

“Xanthia, wait up! Bakit ka ba tumatakbo?” sigaw ni Nicko sa kanya.

Masyadong masakit ang nararamdaman niya ngayon para makausap pa ito. Saka na lang siguro kapag naka-move on na siya at may totoo na siyang boyfriend na maihaharap dito. It’s wrong to love him in the first place anyway.

Takbo pa rin siya ng takbo hanggang sa may dumaang taxi. Agad siyang sumakay doon at sinabing dalhin siya sa Ferriz Art Gallery museum na opisina nang pinagta-trabahuhan niya bilang sculptor. Nakasunod pa rin sa kanya si Nicko hanggang sa makaandar ang taxi an sinasakyan niya pero hindi niya ito pinapansin.

Bakit ba hinahabol pa siya nito? Malamang, napahiya lang ito sa mga kainuman niya kaya ganoon. sabi niya sa sarili.

Nang makalayo ang taxi mula kay Nicko ay doon lang niya pinakawalan ang kanina pa pinipigil na mga luha. Humulagpos agad iyon mula sa kanyang mga mata at hindi niya napigilan ang mapanguyngoy. Na-reject na naman siya at ito na yata ang pinaka-masakit dahil labis siyang umasa na may kahahantungan ang inaasahan niya.

Bakit kasi kailangan pa niyang magmahal sa isang taong walang ibang iniisip kundi ang sarili nito? Bakit sa isang walang pakiramdam pa siya umibig gayong pwede naman sa iba? Bakit, bakit, bakit?

That’s the way love goes, Xanthia. Kahit na sa pulubi o sa bungi ka man ma-in love, kapag tinamaan ka ng pana ni Kupido, mai-in love ka talaga. Malas mo lang dahil sa isang lalaking walang pakiramdam ka pa nagmahal.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.