Isang linggo. Isang buong linggo na puro suyo at pakiusap ang ginawa ni Farhistt. Pero sa tuwing ginagawa niya iyon, mas lalo siyang tinutulak papalayo ni Odessa. Pinapalayas at mas malala, sinasabihang kalimutan ito. But damn it! How?! Pangalan pa lang nito, hirap na hirap na siyang bigkasin sa sakit. Kalimutan pa kaya? Ang hirap ng gusto nito pero hindi siya susuko. Hinding-hindi. Alam niyang galit lang ito, alam niyang mahal siya ng dalaga. Konting tiis at suyo lang pero sana ‘wag umabot sa puntong galit na lang ang natira sa puso nito laban sa kaniya. Please, ‘wag naman sana...
Nagbawi siya ng tingin kay Odessa, na masayang kausap ang lalaking kilala niya sa pangalang Ted nang tapikin siya ni Mang Orlando.
“Mr. Elairon, kayo pala...”
Nasa isang banka siya nakaupo at lihim lang na pinagmamasdan ang babaeng anak nito. Huling sabi ni Odessa sa kaniya nung nakaraang araw, ayaw nitong makita ang kaniyang pagmumukha. Kaya matiyaga lamang siyang nakaupo at nagmamasid sa malayo. Sa sobrang okupado ng kaniyang utak, hindi man lang niya napansin ang paglapit ni Mang Orlando. At nakakatakot iyon para sa tulad niyang may ibang uri ng trabaho.
“Matagal ko ng napapansin na may alitan kayo ng anak ko... Ano ba ang nangyari? Ayaw naman magkwento ang anak kong iyon. Basta lang siyang nagsisigaw sa madaling araw at laging sinasambit ang pangalan mo. Nagsisigaw sa takot at umiiyak. Takot na takot na kahit kami ng asawa ko, nahihirapan kung paano papagaanin ang damdamin ng anak ko...”
Nagbaba siya ng tingin at matagal bago umimik. Hindi niya alam na ganito kalaking epekto ang ginawa niya sa buhay ng dalaga. Ang pag-asang balang-araw ay mapapatawad din siya nito, biglang naglaho. Paano siya mapapatawad nito? Kahit siya, hindi niya alam. Kung sasabihin ba niya kay Mang Orlando ang totoong nangyari, mapapatawad din ba siya ng matanda? Baka tulad ni Odessa, itutulak siya nito papalayo.
Marahan siyang napabuntunghinga, “Mang Orlando...”
“Hindi kita pangungunahan, Frahisto. Alam kong mahal mo ang anak ko. Nakikita ko iyon sa kilos at kung paano mo tingnan si Odessa... Pero bilang Ama, masakit sa parte ko na nagkakaganiyan ang anak ko. Alam ng Ama kung gaano kabigat ang dinadalang sakit ng anak niya.”
Tuluyan siyang napaluha. Iyakin na kung iyakin pero mas lalo lang bumibigat ang puso niya sa tuwing naririnig ang pangalan Odessa. Hindi niya ginusto na mangyari sa kanilang dalawa ang lahat ng ito. Walang may gusto.
Marahan naman siyang tinapik ng matanda sa balikat. Habang siya, kinakalma niya ang sarili. Nakakahiya man pero wala siyang magawa, naging emosyonal siya sa harap mismo ng matanda.
“Kasalanan ko ho ang lahat. Muntikan siyang mamatay dahil sa ‘kin. Ako... Ako ang dahilan kung bakit umiiyak ang anak niyo, nagigising na takot na takot. Mang Orlando, ako ang may kasalanan kong bakit nagiging ganito kami ni Odessa. Patawad ho... Hindi ko ginusto mangyari ito. Alam ng Diyos kung gaano ko kamahal ang anak niyo.”
“Hijo...”
Napakuyom siya ng kamo at agad na pinunasan ang luha. Nagiging mahina siya. Sobrang mahina. Kung nakikita siya ng mga kaaway niya, baka hindi lang nakakainsultong tawa ang kaniyang nakuha.
“Maiintindihan ko rin kung pati kayo, magagalit sa ‘kin.”
“Hindi ako magagalit sa`yo. Masaya ako na sa kabila ng nangyari, hindi ka sumuko. Pagsubok lang iyan sa relasyon niyong dalawa. Hindi na ako magtatanong. Sapat na ang malaman ko kung gaano mo siya kamahal. O siya, ipagdadasal ko kayo lagi na sana ay maging okay na kayo. Mauna na ako, Romeo at baka hinanap na ako ni Maria.”
Kahit papaano, napangiti siya sa pagtawag ng matanda sa kaniya ng Romeo. Tumango siya at umalis na ito habang siya, nagtungo na rin sa kotse kung saan matamang nagbabantay sa paligid si Jayvion na puro reklamo na ang maririnig sa bibig.
“Yx, dalawang linggo na tayong nagbabantay rito. Napabayaan mo na rin ang Dark X. Mabuti at naiintindihan ka ng apat. I have to go as well. Hindi kita kayang paghindian dahil kaibigan ka ng organisasyon but I guess it is time for me to go back in the city. Hinahanap na ako. I’m giving you Addavan and the rest of my men. Kailangan ko pa lumipad papuntang Russia.”
It took him a long time to utter what Jayvion said. Nanatili siyang nakatingin sa kaniyang hologram watch at nang matanggap ang tawag ni Maccabi, agad niya itong tinanggap.
“You need to go back here, Yx. May problema tayo,” saad nito na parang totoong nasa harapan niya.
“See? Kailangan ka ng mga miyembro mo.”
Napabuntunghinga siya at muling sumulyap kay Odessa na hanggang ngayon, kasa-kasama pa rin ang pipitsuging lalaki. Inaatake siya ng selos pero nakakaya niya ng pigilan iyon para hindi tuluyang balian sa leeg ang lalaki.
“I’ll be there right away.” Pinatay niya ang tawag saka hinarap si Jayvion. “Addavan and the rest of your men will stay. Umalis ka na.”
Hindi makapaniwalang napatingin sa kaniya ang binata, “Wow! Walang thank you man lang d’yan? Tindi mo, Yx.”
Hindi siya kumibo. Nauna siyang humakbang papalayo. Pinagdarasal niya na sana, pagbalik niya ulit dito sa baryong ito... Mamahalin at tatanggapin siya ulit ni Odessa.
“May problema tayo.”
Napatingin siya kay Maccabi. Nasa private office niya ang apat at malayang nakaupo sa mga sofang nando’n.
“Shoot.”
“Ang Blood Diamond.”
“What is it?”
Agad umeksina si Tiverius. Hindi ito mapakali sa kinauupuan. “Sorry, Yx. It is all my fault.”
“Ano ba ang kagaguhan ginawa mo?” iritableng tanong niya. Sumasakit ang kaniyang ulo. Wala pa siyang ayos na tulog at mahaba na ang kaniyang buhok at balbas. Deritso niyang tinungo ang kaniyang table at pasalampak na umupo sa swivel chair.
“Binuntis niya ang anak ni Mr. Genovese.”
Natigalgal siya sa sinabi ni Magnar. Napapantastikuhang tumingin siya kay Tiverius na hindi mapakali sa kinauupuan,
“Really?”
“Yes. Ako ang unang lalaki sa buhay niya at—”
“Paano mo nalamang buntis? Sinundan mo na naman ba? Nagmasid ka na naman? Hinaluan mo na naman ng personal na bagay ang trabaho mo.”
“Okay-okay, I’m sorry! What will I do? I don’t want her to abort my child, Yx. Anak namin iyon. Hindi ko hahayaang patayin niya ang anak ko!”
“Tigilan mo na nga ‘yang kahibangan mo Tiverius Donahue!” hindi mapigilang singit Maccabi at sinamaan ng tingin ang lalaki.
“Ano ba ang gusto mong mangyari?” kalmadong tanong niya. Sandaling nawala ang sakit ng kaniyang ulo at seryusong tiningnan si Tiverius.
“H-hindi ko alam. Naguguluhan din ako. Ayaw niyang makita ako. Sinisisi niya pa rin ako sa pagkawala ng kaniyang ama at para maging patas ang laban, papatayin niya rin ang anak namin. Fuck! Anghel ang papatayin niya. Anak namin iyon! Paano niya maatim na gawin iyon sa bata?”
“You wanna quit?” Biglang naging tahimik ang lahat sa kaniyang sinabi. Walang sumalungat o nagsalita. Naramdaman siguro ng mga ito na iba na ang tono ng kaniyang boses at seryuso na siya. “Lahat kayo ay anumang oras, pwedeng umalis. Hindi ko hawak ang buhay niyo. The Dark X organization can still continue.”
“Hindi sa ganoon, Yx. Aayusin ko lang ‘tong pagitan sa ‘min ng anak ni Mr. Genovese.”
“Alright.” Tumayo siya. “I am giving you 2 months to fix that.” Saka siya humakbang patungong kusina. Magtitimpla lang siya ng kape para sandaling kumalma. Naiintindihan niya ang sitwasyon ng bawat isa sa kaniyang mga naging kasama sa grupo. Ang hindi lang niya maintindihan, sarili niyang sitwasyon.
“Yx, bakit mo hinayaan si Tiverius? You know how dumb he is. Baka mapatay na ‘yon sa susunod.”
Naiiling siyang natawa sa sinabi ni Maccabi na muling sumulpot sa kaniyang harapan. Sinundan siya nito at nakakunot ang noo. “Kapag nagmahal ka, maiintindihan mo rin ang lahat.”
Ngumisi lang ito at namulsa. “That will never happen to me. I am Maccabi Awad Fakhoury. Ang half arab na dugo ko ang siyang magiging dominante at ang mga babae, isang malaking hadlang lang ‘yan.”
Tumango-tango siya. Hindi niya kokontrahin ang sinabi ng lalaki dahil sa kabilang banda, tama ito. Matapos siyang magtimpla ng kapeng magpapagising sa magulo niyang utak, umupo siya sa stool na nando’n at tinuro ang isang mug kay Maccabi. Walang kibong dinampot nito ang mug at napareklamo.
“Ang pait naman nito! Bitter ka ba?”
“Why don’t you add sugar on it?”
Napabuntunghinga ito at nag-abot ng asukal at creamer. “I know what you mean by that. Pero hindi lahat ng pait, nadadala sa asukal. May pait na nanatili sa kalamnan natin hanggang sa dahan-dahan tayong tinupok.”
Tumango lang siya at marahang ininom ang kape. Mapait nga, pero masarap. Hindi lang na-appreciate ni Maccabi dahil nasanay itong puro saya at tamis. Ang pagiging myembro nito sa organisasyon ay pampawala lang ng boredom nito. May sarili itong buhay sa totoong mundo, tulad niya. Hindi niya literal na hawak ang buhay kahit alinman sa apat.
“Hahayaan mo ba si Tiverius?”
“Ano ba ang gusto mong mangyari?”
“Mamamatay siya pag hahayaan mo siya sa kaniyang kahibangan! Stop him, Yx. Malaking problema ang mangyayari kapag nahuli siya at papaaminin kung anong meron organisasyon tayo.”
“You can’t stop the rain from falling. Hayaan mo siya. I trust Donahue, on this. Anyways, I gotta go. Magpapahinga lang ako saglit.”
Wala itong magawa nung tumayo na siya habang bitbit ang mug. Deritso niyang tinungo ang kaniyang silid at marahang nilapag ang mug sa side table ng kaniyang kama. Pabagsak siyang huminga ro’n at napatitig sa kesame.
Ilang minuto siyang ganoon ang posisyon nang maalalang kailangan niyang i-check ang maraming emails at messages na pinadala sa kanila mula sa iba’t ibang organisation. Agad siyang bumangon at tinungo ang laptop. Mabilis niyang tinipa ang password at nag-log in sa website na siya mismo ang may gawa.
Tama nga siya, maraming invitations at mostly sa mga iyon, puro problema ng ibang ahensya na hindi matapos-tapos at nangangailangan ng back up. Pero may isang kumuha sa kaniyang atensyon, agad niya itong binuksan at natigilan sa nabasa.
‘I badly need your help. My daughter is missing for 2 decades. We did everything to find here pero lagi kaming bigo. Bilang ama at tumayong ina sa nag-iisa kong anak, nakikiusap akong tulungan mo ako na mahanap ang nawawala kong anak.
I only have her pictures when she was a baby.ʼ
Pagdating sa ganitong sitwasyon, mahina ang puso niya. Humugot muna siya ng malalim na buntunghinga at saka tumipa ng response. Hindi nakaderitsa sa kaniya ang mensahe, galing ito sa ibang ahensya at finorward lang. Pero bago iyon, tiningnan niya muna ang mga larawan ng batang sinasabi ng lalaking nagngangalang Mr. Philco.
Maganda ang batang nasa picture. Tingin niya, nasa isa o dalawang taon ito at masayang nakangiti sa bawat larawan. Naalala niya bigla ang kaniyang anak at bago pa siya kainin ng lungkot sa mapait na nakaraang iyon, ini-off niya na ang kaniyang laptop at muling binagsak ang katawan sa kama.
Uminom siya ng kape para magising pero iba yata ang naging epekto sa kaniyang katawan, tuluyan siyang hinila ng antok at namalayan na lang niya ang kaniyang sarili na mahimbing na nakatulog.
Bahagyang nagulat si Odessa nang lumitaw sa harap ng bahay nila si Ted. Inikot niya muna ang kaniyang tingin at tiningnan ang paligid. Lihim siyang napaismid sa nakita. Ando’n ang tauhan ni Farhistt na alam niyang pinapabantay sa bawat galaw niya.
Mahigit dalawang buwan na rin na napapansin niyang may nagbabantay sa labas ng kanilang bahay. Minsan wala, minsan meron. Mas malala, kung saan siya nagpupunta... Pakiramdam niya, may matang laging nakasunod sa kaniya. Especially kung kasama niya si Ted.
Agad siyang ngumiti ng matamis sa binata. Sinadya niya iyon para tigilan siya ni Farhistt o Frahisto o kahit anong pangalan gamit nito. Mas lalo lang siyang kinakain ng galit sa tuwing nakikita ito. Ang hinihingi nitong sorry, sobrang hirap gawin lalo na at paulit-ulit siyang binabangungot sa tagpong iyon. Ang mga nagkalat na dugo sa loob ng van. Ang malakas na putok ng baril at takot na naramdaman niya. Ang paulit-ulit niyang napaginipan ang kaniyang Itang Bartolome. Nanatili pa rin presko ang lahat. Hindi madali sa kaniya ang lahat at sana, kung mahal siya nito... Hahayaan siya nitong maghilom. Hahayaan siya nitong hilumin ang sakit na naramdaman niya.
“Bakit ka nandito?” pabulong lang na tanong niya.
Agad itong napakamot sa ulo. “Yayain sana kitang magsimba.”
Natawa siya. Naging magkalapit na kaibigan sila ng binata. Dahil na rin siguro na parehas sila ng pinagdaanan. Saka mabait din ito at makulit kausap parang si Tina.
“Oh sige, anong oras ba?”
“Bukas ng umaga, daanan kita.”
Tumango lang siya saka ito nagpaalam. Hinintay niya munang mawala ito nang lapitan siya ng kaniyang Itay.
“Iyon ba ang pinagpalit mo kay Romeo? Ang pangit naman.”
“Itay! Ang laitero mo.”
Tumawa lang ito at nag-peace sign. “Hindi ka mabiro, anak. Ilang buwan na ang nagdaan oh, hindi ko na napapansin si Farhisto na laging nakatingin sa`yo mula sa malayo. Wala na ba talaga kayo? Brik na kayo?”
Pinili niyang ‘wag sagutin ang tanong ng kaniyang ama. Masasaktan lang siya at lalamunin ng kaniyang matinding galit. Mas mabuti na rin iyon na ganito sila. Kesa baka dumating ang araw na hindi lang ang Tiyuhin niya ang mawala, baka buong pamilya niya pa. Hindi niya pahihintulutan iyon.
Deritso lang siyang nagtungo sa kusina. Nagpaalam siya sa matandang ama na iinom ng tubig. May malaking harang kasing nakasagabal sa kaniyang lalamunan at pakiramdaman ni Odessa, maiiyak siya.