Sabog siyang nakaharap sa kaniyang pagkain nang lapitan siya ng kaniyang Itay Orlando. Araw-araw siyang bumibisita sa bahay ng mga ito na malapit lang sa mansion ng Philco. Nasa isang compound lang sila.
“Ba’t malungkot ka? Kanina ka pa nakipagtitigan sa kanin. Aba’y, walang mata ‘yan!
“Broken hearted si ate Odessa, Tay.” ngiting asong singit ng kapatid niyang lalaki.
Inirapan naman niya ito at sinimulang kamayin ang kanin sa kaniyang plato. Mas masarap kumain kapag nagkakamay.
“Hanggang ngayon ba, ‘di mo pa rin makalimutan si Romeo?”
“Farhistt, ‘Tay.” pagtatama niya na sinabayan ng subo.
“Sino ‘yan? Akala ko ba, Frahisto?”
“Itay naman!”
Tumawa ito. “Hindi ka mabiro anak. Kung mahal mo si Romeo, dapat sabihin mo. Minsan hija, napapagod din kaming mga lalaki...”
“So, napapagod kayo kay Nanay?” singit ng kapatid niya. May lahi talagang tsismoso ang kaniyang kapatid na lalaki.
“Minsan napapagod. Pero mahal ko ang Inang niyong bungangera, kaya kahit napapagod ako... Siya pa rin ang aking pahinga.”
Bigla siyang natigil sa pagsubo ng pagkain at napatingin sa matanda, “Pero ‘Tay, natatakot ako...”
“Saan? Sa kagandahan mo, anak? Naku, ‘wag kang matakot! Maganda ka lang pero wala kang lahing aswang.”
“Itay naman, eh.”
Ang lakas ng halakhak na pinakawalan nito. Natigil lang ito nang dumating ang kaniyang Ama at may dalang pagkain. Agad nagliwanag ang kaniyang mata at mabilis na lumapit dito para magmano. Niyaya niya itong kumain at sabayan siya, at nagpaunlak ito. Kaya ang nangyari, kasabayan niyang kumain ang dalawang lalaking naging malaki ang parte ng kaniyang buhay. Ang dalawang Ama niya.
“Mukhang alam ko na ang problema ng anak ko.”
“Brokin hartid ‘yang si Odessa, parekoy.”
Magpahanggang ngayon, natatawa pa rin siya sa tawagan ng dalawa. Parang bagets lang at chill na chill sa buhay.
“Si Mr. Fortocarrero ba, anak?”
“Sino iyon? Bagong lalaki nitong si Odessa?”
takang tanong ng kaniyang Itang Orlando. Tumingin pa ito sa kaniya na halatang ‘di makapaniwala sa narinig.
“Itang naman! Si Fortocarrero po ay si Frahisto.”
“Bakit Portokariton kung Romeo ang pangalan niya? Naguguluhan ako sa`yo, hija.”
Napairap siya ng wala sa oras habang nagpipigil ngumiti ang kaniyang Ama na nagsimulang sumubo ng pagkain. Tatlo lang sila sa hapag-kainan. Ang dalawang kapatid niya, naglaro na sa labas habang ang kaniyang Inay, naglalaba sa likuran ng bahay.
“Ano ba ang pwedeng gawin ng mga gwapo mong Tatay? Sabihin mo lang at on the way kami agad ng Itang Orlando mo. Gusto mo ba, ipakasal kayo agad? Magsabi ka lang, anak. Lahat gagawin ni Papa sa`yo.”
Malungkot siyang napatingin sa mga ito at walang ganang inabot ang tubig. Uminom muna siya saglit bago nagsalita. “Natatakot po ako na baka... H-hindi na ako ang mahal niya.”
“Wala kang karapatang magmahal kung natatakot ka. Dahil ang totoong nagmamahal, hindi natatakot sa kaniyang totoong nararamdaman. Kahit masaktan man siya.”
Nakagat niya ang kaniyang labi. Tama ang sinabi ng kaniyang Itang. Kaya ang bilis niyang sumuko dati. Kaya ang bilis niyang bitawan si Frahisto. Nagpadala siya sa galit at takot niya.
“Pero magtiwala ka, anak. Lalaki ako. Nakikita kong mali ang takot na naramdaman mo. O siya, kumain muna tayo. Pag-usapan natin ‘yang puso mong sugatan pagkatapos. Okay?”
Sunod-sunod siyang tumango at ilang sandali pa, masaya na silang kumain tatlo. Sino ba kasi ang hindi malulungkot at mapapatulala ng wala sa oras sa araw na ito? Ibang tao na naman ang kaniyang personal bodyguard, na nagngangalang Maccabi. Umalis din kinabukasan si Frahisto, pagkatapos nung gabing nagpang-abot sila sa kusina.
May personal na inayos ito at parang kalahati ng puso niya ang nabiyak ng araw na iyon. Hindi ito nagpaalam sa kaniya na umalis. Ang Ama lang niya ang nagsabi na umalis ito at may bagong pinalit dito. Personal daw na problema ang inayos. Baka personal na inayos si Jackylyn.
Kaya nang pumasok siya ng kompanya kinalunesan, kasa-kasama niya si Maccabi. Gwapo ang binata pero wala yatang makakapantay sa puso niya pagdating kay Frahisto. Ito lang ang gwapo para sa kaniya kahit sino pa ang iharap sa kaniya.
“Ms. Philco, saan mo gustong pumunta pagkatapos nito?” walang kangiti-ngiting tanong ni Maccabi sa kaniya. Nasa driver seat ito at minsan, natatakot siya sa aura ng lalaki. Wala kasing emosyon ang Arab eyes nitong mapupungay.
“Pwede ba na dumaan saglit sa Amusement Park?”
Tumango lang ito at tahimik nilang binaybay ang daan. Nanatili siyang nakatingin sa labas ng bintana at kating-kati na siyang tanungin si Maccabi kung kilala ba nito personal si Frahisto.
“Mr. Fakhoury...”
“Yes?”
Ilang beses siyang huminga ng malalim. Nakakatakot naman kasi ito kahit ilang araw na silang magkasama at binabantayan nito.
“Kilala mo ba personal si Farhistt Fortocarrero?”
Sinulyapan siya nito sa rear view mirror at wala siyang mabasang sagot sa mata nito. Ibang-iba ito kay Mr. Tiverius Donahue. Palakaibigan kasi si Tiverius at hindi nakakatakot ang aura. Mabait ang guhit ng mukha ng lalaki. Magkaibang-magkaiba kay Maccabi.
“No. Ibang agency ako galing and I don’t make friends with someone.”
Tumango siya. Halata naman sa mukha nito na wala itong kaibigan. Kaya ‘di na siya muling naglakas-loob pa na magtanong ulit. Walang katao-tao nang dumating sila sa Amusement Park. Nakakapanibago dahil alam niyang laging puno ang mga Amusement Park kahit weekdays.
Malungkot siyang napatingin sa bawat sulok. Kung may nakikita man si Odessa, mga staffs lang at wala siyang makitang mga bata o pamilyang naglalaro at nagsasaya. Hindi kaya under maintenance ang araw na ito? Wrong time yata siya. Kaya nga gusto niyang magpunta rito, para magsaya. Hindi para mas lalong makaramdam ng lungkot.
“Under maintenance yata ngayon.”
“Hindi. Sadyang wala lang tao ngayon.”
Hindi siya umimik sa sinabi ni Maccabi. Muli niyang nilibot ng kaniyang paningin at nagulat siya nang makita sa Bumper Car Area ‘yong tatlong lalaki, na alam niyang kaibigan ni Frahisto. Masayang naglalaro ang mga ito at nagbabanggaan ng sasakyan.
“Where’s, Zyd?” tanong ng lalaking kulotan ang may kahabaang buhok.
Napakunot ang kaniyang noo. Sino si Zyd? Pagtatanong din niya sa sarili kahit ‘di siya ang kausap.
“On vikings, alone,” ganting sagot ng lalaking seryuso ang aura at hindi yata marunong ngumiti.
Mabilis siyang napalingon at nakita niya ang lalaking masayang nakasakay sa vikings mag-isa. Napangiwi siya na wala sa oras. Hindi ba ito kinakabag o kaya nahihilo?
“And where’s, Farhistt?”
Napalingon siya sa lalaking nagsalita. Strikto ang aura nito at mukhang agilang lalapa ng sisiw na tulad niya. Bigla siyang napalunok ng laway. Saan nga ba si Farhistt? Ang kaniyang Frahisto?
“He’s with—”
“With?” chorus ng dalawang lalaki.
With? Sino kasama niya? Si Jackylyn ba? Sino?
“With his woman.”
May kung anong kumurot sa puso niya nang marinig iyon. Ano pa ba ang ikakagulat niya? Tao lang si Frahisto, napapagod at may karapatang magpahinga sa babaeng marunong magpahalaga rito.
“You okay?”
Tumango siya sa tanong na iyon ni Maccabi. Ang awkward naman kung sabihin niyang hindi. “U-uwi na tayo—”
“Oh, there they are! The couple.”
Awtomatikong nahila niya si Maccabi sa isang tabi at nagtago sila. Sinenyasan niya ito na ‘wag maingay at tango lang ang sagot ng lalaki habang siya, nakatingin sa tiningnang deriksyon ng tatlo. Naglilikot ang kaniyang kamay at hindi siya mapakali sa kanilang pinagtataguan ng kaniyang private bodyguard. Siya lang ang nakasilip habang nababagot na nakapamulsa ang lalaki sa kaniyang tabi.
Nakagat niya ang kaniyang labi nang dahan-dahang lumitaw sa kaniyang paningin si Frahisto, at may kasamang magandang babae. Nakaakbay ito sa balikat ng babae habang nakayapos ang kamay ng babae sa beywang ni Frahisto. Lihim na nagkukot ang kaniyang kalooban! Pinili niyang kumalma at hinintay ang sasabihin ni Frahisto sa harap ng mga kaibigan niyang nasa bumper car pa rin.
Pinagmasdan niya ang babae at kinompara ang sarili rito. Halata naman maganda lang ito sa make up! Ang kapal pa ng lipstick! Ang kilay? Jusko! Parang mahihiya ang Mt. Everest sa taas. Namumutok pa ang blush on at sobrang kapal ng maskara!
Gigil na gigil siyang pinagmasdan ang babaeng sa tingin niya, mas maganda siya kahit saan panig tingnan! Ito ba ang pinalit sa kaniya ni Frahisto? Bakit ang chaka doll naman! Naiinis na sinulyapan niya ang binata. All out ang ngiti nito at halatang masayang-masaya. Nakagat niya ulit ang labi at napahawak ng dibdib. Nasasaktan siya!
“You love that man, right?”
Napatango siya sa tanong na iyon ni Maccabi. Nakatingin lang ito sa kaniya habang ‘di pa rin niya inaalis ang tingin sa dalawang bagong panauhin. Nabibwesit siya sa babae lalo na at kapit-tuko ito.
“Nakakainis naman ang babaeng ‘yan. Parang linta lang.”
Sumilip din ito at napakunot noo. “Hindi naman. Naiinis ka lang, Ms. Philco, kaya nasabi mo ‘yan.”
Kung sabagay, tama ang lalaki. Naiinis lang siya. Sa katunayan, maganda ang babae. Ibang-iba sa kaniyang description pero naiinis siya kung bakit ngayon pa may ganang maglantad sa harap niya mismo si Frahisto! Ang sakit sa part niya kahit wala siyang karapatan. Kaniya ito nung una.
“If you love him, then why don’t you tell it to him straight? Malay mo, mahal ka pa rin niya.”
Mabilis siyang napalingon kay Maccabi. May alam ba ito sa past love nila ni Frahisto? Kung maka-advice ito, parang alam na alam ang kwento nila ng lalaki. Napasandal siya sa dingding at huminga ng malalim. Kung pwede lang niya hilain ang binata at angkinin na kaniya ito. Na sa kaniya naman talaga ito rati pa, natakot lang siya!
“Saan na sila?!” bigla siyang nataranta nang muling pagsilip niya, wala na ang mga ito. Napansin niyang nagtungo ang mga ito sa labas.
Mabilis niyang hinila ang kamay ni Maccabi at sinundan ang mga ‘to ng palihim. Mabuti na lang, walang mga tao at sila lang. Para kapag mainis siya, hihilain na lang niya ang buhok ng babae. Nagkukot ang kaniyang kalooban nang makitang masayang naglalaro si Frahisto at nang babae nito ng bola na ini-shoot sa ring. Stitch din ang premyo!
Nagpapadyak siya sa gigil nang manalo ang lalaki nang walang kahirap-hirap at ibigay rito ang napanalonang stuff toy! Ganitong-ganito sila nung nagpunta sila rito ng binata, ah. Habang ang mga kaibigan nito, nagkayayaan ng sumakay ng roller coaster. Mabuti na lang at mabilis silang nakapagtago ni Maccabi, muntikan silang makita nung lalaking nagngangalang Zyd.
Napaismid siya lalo na at hinapit ni Frahisto ang beywang ng babae at malambing na hinawi ang buhok na tumatabing sa mukha nito. Ang arte! Pwede naman siya ang humawi, eh. Gusto pa talaga si Frahisto ko! Nakakagigil naman. Ano ba ‘yan! Wala naman akong karapatan magselos pero bakit naiinis ako? Naiinis ako sa kalandian niyo, bwesit!
“Pwede na tayong umuwi, if you want.”
“No! I mean, mamaya na.”
Tumahimik lang sa kaniyang tabi si Maccabi at hinayaan siya habang gigil na gigil na nanonood sa mga ito. Saan ba mga tao ngayon? Mukhang, inarkila yata ng lalaki ang buong amusement. Umilap ang kaniyang mata. Nag-isip siya kung ano ang pwedeng gawin. Bigla siyang napangiti sa naisip at nakangising bumaling sa kaniyang bodyguard.
Kumunot ang noo nitong nakatingin sa kaniya na nakangiti. “Wait, Ms. Philco.What you have in mind is not my—”
Hindi natapos ang ibang sasabihin nito nang pinagsaklop niya ang kamay nila at hinila ang binata. Gusto pala ni Frahisto nang ganito, ah. Pwes, humanda ito!
“Maccabi baby let’s play on that too!” pinalambing niya ang kaniyang boses at nagbabanta ang kaniyang tingin sa lalaki, na makisabay ito. Ginamit niya ang pagiging boss nito sa trabaho. Siya pa rin ang ang masusunod.
Natigil ang paglalandi ni Frahisto at nang babae nito nang magsalita siya. Sinadya niyang lakasan ang mahinhing boses niya at mula sa peripheral vision ni Odessa, napatingin ang binata sa kaniya na gulat na gulat sa nangyari. Habang napalunok nang sunod-sunod si Maccabi at napapunas ng noo. Hindi siya nito magawang bitawan dahil mahigpit ang kaniyang pagkakahawak sa kamay nito.
“Oh, ikaw pala Mr. Fortocarrero. Nice to see you here. Um... Your girlfriend?” Tumaas ang kaniyang kilay nang nasa harap na sila ni Maccabi sa dalawa.
Maarte naman nagtaas ng kilay ang babae pero walang salitang lumabas sa bibig nito. Samantalang madilim ang tingin na tinapunan ni Frahisto ang kamay nila ni Maccabi na magkahawak. Nagtagis ang bagang ng binata nang sulyapan nito ang bodyguard niyang super gwapo.
“Anyways, kasama ko ang Maccabi baby ko.” malambing niyang hinilig ang kaniyang ulo sa matigas at ma-muscle na braso ng lalaki.
Napaubo naman ng wala sa oras si Maccabi habang siya, nakangiti ng sobrang tamis. Lihim na pumalakpak ang kaniyang puso nang makitang dumaan ang selos sa mukha nito pero saglit lang iyon. Agad nagseryuso ng mukha si Frahisto at inakbayan ang babaeng kasama nito.
“Odessa, meet my soon to be wife.”
“What?!” sabay silang nag-react ng babaeng kasama nito.
“Ah yes... I am his— fiancée.” Ngumiti sa kaniya ang babae. Yumakap ito sa beywang ni Frahisto at sinandal ang ulo sa dibdib ng lalaki. “By the way, I’m Jackylyn Rokassowskij.”
Napanganga siya sa sinabi nito. Halos umusok ang kaniyang ilong. Ito pala ang babaeng nagngangalang Jackylyn? Ang dahilan kung bakit umalis ng walang paalam si Frahisto bilang bodyguard niya. Lihim niyang pinagmasdan ito mula ulo hanggang paa. Napaismid siya.
Tumalim ang kaniyang matang binalingan si Maccabi sa kaniyang tabi at walang sabing yumakap sa beywang nito. “Oh, I’m Goddess Hera Philco. They call me Goddess, eh, alam mo na... Pang-dyosa kasi ang kagandahan ko. Anyways, if you two don’t mind... Maglalaro na kami ng PATAYAN— I mean, maglaro ng baril-barilan.” Agad niyang hinila ang kamay ng kawawang si Maccabi na panay ang hugot ng hangin. Walang lumabas na reklamo sa bibig nito at natutuwa siya sa bagay na iyon.
“Ms. Philco, gusto mo yatang mapaaga ang pagkamatay ko.”
Hindi niya pinansin ang mahinang bulong ni Maccabi. Ningitian lang niya ito. Napabuntunghinga na lang ito at sinabayan siya sa kaniyang gustong mangyari.
“Sana hindi ako magawang patayin ni Yx pagkatapos nito!”
“Ano?”
Nagkibit ito ng balikat. “Wala. Sasakyan ko ang larong gusto mo pero pag oras na pinatay ako ni Fortocarrero nito, mumultohin kita.”
Binigay lang niya ang laruang baril dito para tumahimik ito sa pagsasalita. Seryuso lang itong nakatingin sa kaniya at ilang segundo ang nagdaan, bigla itong ngumiti ng matamis. Bigla siyang napako sa kinatatayuan.
Ang unang pagkakataong nakita niya itong ngumiti. Para siyang nakakita ng anghel sa hitsura nitong ang amo ‘pag nakangiti. Bagay naman pala rito ang may ngiti sa labi! Kung hindi pa nagsalita sa likod niya si Frahisto, hindi pa siya mababalik sa kaniyang hwesyo.
“Laway mo.”
“Ganito talaga ako kapag si Maccabi baby ang kaharap ko, natutulala.”
“Sure ka sa sinasabi mo?”
Mabilis siyang tumango at inakbayan naman siya ni Maccabi. Nakangiti ito ng nakakaloko. “May problema ba sa ‘min, Mr. Fortocarrero? Bagay naman siguro kami ng aking Dyosa.”
Muntik siyang masuka sa sinabi ng lalaki pero nakuha pa rin niyang ngumiti. “See, I told you? The feeling is mutual.”
Nagkibit ito ng balikat at lumapit si Jackylyn dito. Malambing na kumapit sa braso ng binata at ng iinis na ngumiti sa kaniya. Para bang pinapahiwatig na pag-aari na nito ang lalaking dapat sa kaniya kung ‘di lang siya tanga at duwag.
“I know you, ikaw si Odessa.”
Napakislot ang puso niya sa narinig. Nagtaas siya ng kilay at tiningnan ito, “And?”
“Thank you for hurting him. Dahil sa ginawa mo, napunta si Farhistt sa ‘kin. Salamat girl, ha?”
Inismiran lang niya ito at hinarap si Maccabi. Ngumiti naman ito at dinama ang kaniyang pisngi. Namula naman siya sa ginawa nito. Sobrang nakakailang pero kailangan niyang gawin ito para makuha ang atensyon ni Frahisto.
“Goddess baby, let’s start the game hmm?”
“Yes, Maccabi baby!”
Napanganga siya nang lahat asintado nito ang mga nakatayong maliit na laruan sa unahan. Habang nanatiling nakatingin sa kaniya ang Arab eyes nito. Ganito ito kagaling?
Kunwari masaya siya at masayang niyakap ito pero agad din bumitaw. “Ang galing mo baby! Pa-kiss nga!” Akmang bibigyan niya ito ng kiss pero mabilis pumagitna sa kanila si Frahisto at binawi ang toy gun na hawak ni Maccabi.
“Then watch me, Odessa.”
Hindi naman nakaligtas sa kaniya ang kakaibang ngiti ni Maccabi at Jackylyn. Lalo na at nagsimulang makigulo ang mga kaibigan nitong mga pinagpala kung sobrang kagwapuhan ang basehan. Pero ang puso niya, nanatiling si Frahisto lang ang gwapo.