Dominant Series 6 & 7: Deception and Amorous Chapter 3

Lumipas pa ang ilang araw at napapansin niyang laging umaalis si Frahisto papuntang palengke. Kung hindi ito sa gabi umaalis, sa umaga ito nawawala. Naku-curious siya kung ano ang ginagawa nito or pakay sa kanilang lugar pero ayaw naman niyang lumagpas sa boundary ng lalaki. Kahit kating-kati na siyang tanungin kung bakit lagi itong nawawal lalo pag gabi. Wala naman siguro itong lahing aswang.

Minsan, napapansin niyang may kausap ito sa kwarto nito pero imposibleng magkaro’n ng connection sa loob ng kabahayan. Nag-aalala siyang baka namamaligno na ang lalaki. Sa kagwapuhan ba naman nito, posible talagang magustuhan ito ng mga maligno. Diyos ko! ‘Wag naman sana.

Kaya nang gabing iyon, napansin na naman niyang umalis si Frahisto. Nakasuot ito ng maitim na kasuotan at jacket. Kinabahan siya. Mukhang namaligno na nga talaga! Mabilis niyang sinundan ang binata sa paraang ‘di siya nito mapapansin. Alam niyang malakas ang pandama ng lalaki kaya ingat na ingat si Odessa sa paggalaw at pagsunod dito. Salamat sa buwan at nakikita niya ang kaniyang nilalakaran kundi kanina pa siya gumapang.

Oras na makita niyang kukunin ito ng engkanto, sasabuyan niya ito ng asin at suotan ng kwentas pampaalis ng nga maligno na galing pa sa kaniyang itay. Hinanda niya iyon mula sa bulsa ng suot na bestida. Deritso lang naglakad si Frahisto parang gamay na gamay nito ang lugar at papunta ito sa pinagbabawal na lugar na pinalibutan ng mataas na bakod at sa gitna ay masukal na kakahuyan.

Tama nga ang kaniyang hinala! Naengkanto ang lalaking gusto niya. Nagdadalawang isip siya kung susundan ba niya ito sa kakahuyan. Ang sabi-sabi kasi, may mga aswang at halimaw sa loob nito. Kaya nga may ‘No Trespassing’ sign nakalagay.

Bahala na! Pikit mata siyang sumunod sa lalaki at hindi inalis ang kaniyang tingin dito. Baka malingat siya at makuha ito. Hindi niya papayagan iyon. Pero nung nakapasok na siya sa kakahuyan, biglang nawala ang lalaki. No! Bakit siya nalingat? Gustong-gusto niyang sumigaw pero inunahan siya ng takot.

“F-frahisto?” nanginig ang kaniyang boses sa nararamdaman kaba at isali na ang takot. Saan ba ito nagpunta? Sure na sure siyang ‘di niya nilingat ang tingin.

Napasinghap siya may naririnig na mga kaluskos. Ito na yata ‘yong sinasabi ng mga kabaryo niya na may aswang at halimaw ro’n! Bago pa siya nakasigaw, may biglang humila sa kaniya at tinakpan ang kaniyang bibig. Nagwala siya sa sobrang takot pero nang marinig niya ang boses ni Frahisto, agad siyang kumalma.

“What are you doing here?” halos pabulong na sabi nito sa kaniya. Nasa likod sila ng malaking kahoy at nagtatago.

“Akala ko kasi...”

“What?”

“Na-engkanto ka kaya sinundan na kita rito.” kagat labing sagot niya rito.

Natigilan naman ito at imbes na magalit, marahan itong natawa. Lumuwag din ang pagkakahawak nito sa kaniyang beywang at napabuntunghinga. “Alright, let’s go home.”

“Pero h-hindi ka ba na-engkanto or namaligno? May kwentas ako rito pangtaboy—”

“Hindi.”

Napakagat siya ng labi at nakaramdam ng hiya. Akala pa naman niya... Muntikan pa siyang atakehin sa takot pero anong ginagawa nito sa pinagbabawal na lugar? Bago pa siya nakapagtanong, hinila na siya ni Frahisto paalis sa lugar na iyon habang hawak ang kaniyang kamay.

SIMULA nung magkahawak kamay sila ni Frahisto nang gabing iyon, halos ‘di siya dalawin ng antok nung matutulog na siya. Ang lakas ng impact ng lalaki sa kaniya at kinilig ang kaniyang puso. Kung ‘di lang sana ito kasal sa iba, baka nagpapa-cute na siya sa lalaki. Mabuti na lang talaga at hindi ito namaligno, kundi iiyak talaga siya. Sayang kamo ang kagwapuhan nito kung maligno lang ang makikinabang at hindi siya. Sandali siyang napahagikhik sa naisip.

Tanghali na nang magising siya kinabukasan. Gahol siyang napatakbo papuntang kusina! Jusko naman kasi. Madaling araw na siyang nakatulog sa kaiisip ng gwapong mukha ni Frahisto isama pa ang hawak kamay chuchu nilang dalawa. Sinong ‘di kikiligin niyan?

Pero nung maalala niyang hindi pa siya nakapulbo at lipstick, habang ang buhok niya ay sabog... Mabilis siyang bumalik sa kaniyang kwarto at nagsuklay ng mabilisan. Naglagay ng maraming-maraming pulbo at pulang lipstick sa labi. Napangiti siya nang makitang ang ganda niya talaga kahit saan siya tingnan sa salamin. Parang ’I woke up like this’ ang ganda niya.

Ay si Tatang! Jusko.

Agad siyang tumakbo papalabas pero napatili siya nang muntik siyang mabawalan ng balanse. Kailan nagkaroon ng pader sa loob ng bahay nila?!

“Hey!”

“Ha?” Doon lang nag-sink in sa isip ni Odessa na si Frahisto ang nasa harapan niya at— nakahawak sa kaniyang beywang para ‘di siya tuluyang matumba. Kinilig ang atay niya sa gesture nito pero agad siyang lumayo. “S-sorry...” nagbaba siya ng tingin. Ang aga-aga, ang tanga niya na!

Narinig niya ang mahinang pagtawa nito kaya nagtaas siya ng tingin at takang tiningnan ito, “B-bakit?”

“What happened— ibig kong sabihin, anong nangyari sa mukha mo?”

Agad niyang nasalat ang pisngi. May mali ba? Hindi ba baby powder ang kaniyang nalagay sa mukha? Napangiwi siya at akmang tatakbo pabalik sa kwarto nang hawakan nito ang kaniyang kamay. “Kakain na tayo.”

“P-pero ano...” Namumulang tinakpan niya ng isang kamay ang kaniyang pisngi.

Naiiling itong tinanggal ang kaniyang kamay at ito mismo ang nagbawas ng pulbos sa kaniyang mukha. Para siyang tinunaw sa sobrang kahihiyan. “Masyadong maputi. Mukha kang patay. Pati lipstick mo, tabingi.” Bahagya nitong pinasadahan ng thumb finger nito ang gilid ng kaniyang labi para tanggalin ang exist na lipstick. “Tayo na...” Nauna na itong tumalikod matapos siyang tanggalan ng dignidad.

Gusto niyang magpalamon ng lupa nang mga sandaling iyon. Nagpapaganda na nga lang siya, palpak pa. Nahihiya tuloy siyang bumaba. Kung ‘di pa siya tinawag ng kaniyang Itang, baka buong araw siyang magtatago sa kaniyang kwarto.

“Dalawang araw ho mula ngayon, babalik na ako sa Maynila.”

Napatigil si Odessa sa pagkain ng masasarap na putaheng niluto ni Frahisto. Sarap-sarap siya at parang may handaan sa dami ng niluto ng lalaki pero kaya pala maraming luto kasi uuwi na ito. Napakagat labi siyang tumingin dito at pakiramdam niya, sumakit ang kaniyang inosenteng puso.

“Nagawa mo na ba Hijo ang pakay mo sa lugar na ito?”

Tumango ito at ‘di man lang tumingin sa kaniya. Sa pagkain ang tingin nito at wala man lang itong pakiramdam na nawawan siya ng gana.

“B-babalik ka na agad? B-bibisita ka ba ulit dito?” marahang tanong niya. Halos hindi na nga iyon lumabas sa kaniyang bibig.

“Hindi na.”

Parang gusto niyang maiyak pero hindi siya nagpadala. Ngumiti lang siya bilang sagot at seryusong hinarap ang pagkain. Hindi na pala masarap ang niluto ng lalaki. Walang lasa lahat! Kulang sa asin at bitsen. Pwe! Nakailang subo lang ang kaniyang ginawa at nagmamadali ng nagpaalam sa kaniyang Itang na magpunta sa batis para maglaba.

Malungkot siyang naglalabang mag-isa sa ilog. Iniisip niyang aalis na si Farhisto tapos mamimiss niya ito kahit alam niyang may asawa ang lalaki. Hay! Napabuntunghinga siya. Pinilit niyang ‘wag itong isipin, dapat maglaba lang siya kundi tatambakin sila ng labahin.

“Odessa...”

Muntik siyang mapasigaw sa sobrang gulat nung lumitaw sa tabi niya si Frahisto. Halos hindi man lang niya napansin ang paglapit nito.

“Sorry, nagulat kita.”

Hindi siya sumagot. Binalik niya ang kaniyang atensyon sa paglalaba. Bakit pa niya ito kakausapin, ‘di ba? Eh, aalis din naman ito, mas mabuting ‘di na sila mag-uusap at ‘wag itong feeling close sa kaniya. Baka iiyak siya pag tuluyan na itong umalis.

Naramdaman niyang umalis ito sa kaniyang tabi at humakbang na papunta sa unahan. May batong nakaharang kaya napairap siya, mukhang maliligo yata ito sa malalim na banda ng batis. Habang siya, nagseryuso sa pagkuskos ng maruruming damit ng Itang niya. Naiinis siya sa kaniyang sarili, bakit ba kasi nagkagusto siya sa lalaki kahit alam niyang may asawa ito! Nakasimangot na pinagpapalo niya ang maruming damit sa bato. Umibig na yata siya... Umibig na ang pihikan niyang puso sa lalaking may asawa!

“Hoy babae!”

Napalingon siya sa tumawag ng kaniyang pangalan. Ang kaibigan niya itong si Tina, halos lumampas na sa teynga nito ang ngiti. Creepy! Pero gano’n pa rin, ningitian niya ang kaibigan at kumaway rito. Tulad niya, may crush din ito kay Frahisto pero nung malaman may asawa ang lalaki, na-disappoint.

“Maglalaba ka?”

“Gaga! Alangan naman ug niadto ko dirig magkitkit ug lubi, siyempre maglaba. Buang ka!” Gaga ka! Alangan naman kung pumunta lang ako dito para magngatngat ng niyog, siyempre maglalaba! Buang ka!

Natawa siya sa walang prenong bibig nito, “Himala ah! Ganitong oras ka na naglaba.”

Maarte naman siya nitong inirapan, “I know right?” Binaba nito ang dala-dalang batya na maraming labahin sa kaniyang tabi.

“Myra-e ka, dai?”

Sabay silang nagtawanan sa kaartehan nilang dalawa. Saglit niyang nakalimutan ang lalaking naliligo lang sa unahan, sa likod ng may malaking tipak na bato. Panay kwentuhan silang dalawa habang masayang naglalaba. Dahil madaldal sila pareho kapag nagkakasama kung anu-ano lang ang napapagkwentuhan nila.

“Kumusta naman ang cabbage mo?”

“Heto, matatayog pa rin. Gaga ka! Ikaw, kumusta ang pakwan mo?”

Natawa ito at hinampas siya. “Baliw! Ang laki naman masyado ng pakwan. Monggo lang yata ‘tong dede ko.” napangiwi ito habang sinipat ang dibdib. “Buti pa ‘yang sayo, ang laki. Palamas nga!” Bigla nitong pinisil ang kaniyang dibdib.

“Tina!” Humalakhak naman ito at sinabuyan siya ng tubig. Ang hilig talaga nitong mamisil ng dibdib. Kung mapipisil lang sana niya ang dibdib nito, aaray talaga ito.

“Kapag magkakajowa ako, ipapalamas ko talaga ‘to, Odessa para lumaki at maging pakwan!” natatawang dagdag nito na iningusan niya.

“Gaga ka! Babae tayo, ‘wag mo ibaba dignidad mo sa lalaki. Dapat demure type tayo, gano’n! Dapat sa mapapangasawa natin ibibigay ang ating katawan. Huwag tayong maging liberated.”

Inirapan naman siya nito at muling sinabuyan ng tubig galing sa batya nitong dala. “Oo na! Masusunod.”

“Ang sa ‘kin lang Tina, ‘wag ka basta-basta agad bubukaka ng legs mo. Magka-crush at umibig is okay pero ang magpaano, ay naku! Tandaan mo, walang mawawala sa lalaki. Sa babae, meron.”

“Oo na! Hindi na ako bubukaka agad, slowly lang ang ganda ko.” Tumawa ulit ito. “Pero paano kapag kasinggwapo ni Frahisto ang bibiyak—”

Tumalim ang kaniyang tingin dito, “No exemption, Tina. Gwapo o hindi. Ikaw talaga, ang lantod mo!” Sinabuyan din niya ito ng tubig. Namumuro na siya sa babaeng ito, kanina pa siya binabasa.

“Ayuko pa maligo! Estap it, Goddess Elairon!” tili nito at pilit lumalayo.

Natawa siya nang sambitin nito ang buong pangalan niya. Siya ‘yong Goddess na hindi bumagay sa kaniyang mukha. ‘Di pangdyosa ang kaniyang kagandahan, pangbundok lang. Natigil lang sila sa harutan nilang dalawa nung makita na naman niya ang dalawang manliligaw niyang mukhang african hito. Nag-ikot sila ng tingin dalawa at binalik ang kanilang atensyon sa paglalaba.

“Hi Tina!”

“Odessa mahal ko, kumusta?”

Nag-ikot sila ng mata ni Tina at inismiran ang dalawang african hito. Mga feeling gwapo pero mukhang tukmol na ‘di nakatae ng isang taon. Nagkunwari silang walang nakita at patuloy pa rin sila ni Tina sa pagkikwentuhan na parang walang nakikitang african hito.

“Ba’t ba ang aarte niyong dalawa? Ha? Lalo ka na Odessa! Sayang, type pa naman kita!” Bigla siyang hinaklit nung isang nambastos din sa kaniya dati sa bahay.” Kapag ikaw hinalikan ko, hahanap-hanapin mo ang yummy kiss ko!”

“Ano ba!” Nakatikim ito ng malakas na sampal mula sa kaniya. Sumubsob pa ito sa batuhan sa ginawa niyang pagsampal at pagtulak na ginawa niya rito. “Mga bastos!”

“Aba’t nag-iinarte ka pa—”

Napasigaw sila ni Tina nang biglang tumilapon ang katawan ni african hito 1 sa tubig. Awtomatikong nagtama ang mata nila ni Frahisto na ‘di man lang nila namalayan na siyang tumulong sa kanila. Naka-topless ang lalaki at naka-boxer short kaya napatulala sila ng kaibigan niya sa magandang tanawin. Sabay silang napalunok ng laway.

“Pakialamero ka talagang—”

Tumilapon din ang katawan ni african hito 2 sa tubig. Napaawang ang bibig niya sa sobrang bilis ng kilos ng ni Frahisto. Parang hangin lang ang galaw nito at ‘di sila makaimik ni Tina.

May special power ba si Frahisto? Baka naman si Super Man ito at nag-anyong si Frahisto sa harapan nila. Diyos ko! Napatuptop siya ng bibig at hindi makapaniwala sa nalaman. Idol na idol pa naman niya si Super Man nung 14 years old pa lang siya dahil sa napakagwapo nito at— natigilan siya nang maalalang kamukha ito ni Brandon Routh na younger version! Nanlaki ang kaniyang mata sa nalaman. Kaya pala parang familiar ang kagwapuhan ng lalaki!

“Super Man!” deritsong sigaw niya at kulang na lang yakapin ito ng napakahigpit tulad ng nakikita niya sa movie. Ipupusta niya ang pustiso ng kaniyang Itang, si Frahsito at si Super Man ay iisang tao.

“Belat ka! Hindi siya si Super Man. Si Frahisto ‘yan na bold star!” pabulong sa kaniya ni Tina.

“Ano ka ba,Tina! Hindi siya porn star. Si Sup—”

“Odessa...”

“Ha?”

“Hindi ako si Super Man, Odessa,” seryusong sagot nito nang bumaling sa kaniya. Matamang siya nitong tiningnan at nag-iwas agad ng bumaba ang tingin sa kaniyang dibdib, “Do’n lang ako sa unahan maliligo. Sabihin niyo sa ‘kin kung guguluhin pa kayo ng dalawang ‘to.” Matapos nitong sabihin iyon, tumalikod na ito at nagpunta na sa unahan.

Saka lang napansin ni Odessa na basa ang bestidang suot dahil sa paglalaro nila ni Tina ng tubig. Bakat-bakat ang kaniyang malaking dibdib at agad siyang namula. Mabilis niyang kinuha ang tuwalya na nakasabit sa tabi at tinapis sa katawan. Habang si Tina, kulang na lang hubaran siya sa sobrang kilig at sinundan pa ng tingin ang lalaki na lumusong na sa tubig. Ang dalawang hito naman, nagsiunahan sa pagtakbo at nagbabanta na may araw rin siya.

“Odessa! Wala ba talagang exemption sa mga tulad ni Frahisto? Hawakan mo ang panty ko, nalaglag na!”

Binatukan naman niya ang babae at hinila ito para maglaba ulit. “May asawa na ‘yong tao!”

“Wee? Ayaw mo lang magpa-share sa ‘kin, eh. Kunwari ka pa, crush mo pa rin siya hanggang ngayon kahit may asawa na siya.” humagikhik ito ng nakakaloko. “Ay naku dai, ayaw ka! Basig kanang crush nimu ha, mahulog na sa gugma. Hilak jud ng kigwa nimu!” Ay naku day, ‘wag ka! Baka ‘yang crush mo mahulog ‘yan sa pag-ibig. Iiyak talaga ‘yang bulate mo!

Inirapan lang niya ang kaibigan at nagseryuso na sa paglalaba. Ang kaninang masayang pag-uusap nilang dalawa, naging bulungan na lang at baka madisturbo nila ang lalaki na naliligo sa unahan.

Nauna na si Tina na umuwi ng matapos na ito. Sinundo ito ng Inang nito kaya naiwan siya na nagbabanlaw. Bahagya siyang napatingin sa unahan, ang tagal naman yata ni Frahisto umahon. Mauna na kaya siyang umuwi tutal ‘di naman sila magkasabay na pumunta rito sa batis? Pwede rin... Nagpasya siyang umuwi mag-isa pero napabalik ang kaniyang tingin sa unahang bahagi ng batis. Kaso ‘di niya makita dahil may malaking batong nakaharang.

Puntahan ko kaya siya?

Agad humakbang ang kaniyang paa patungo sa unahan at sekretong sumilip mula sa batuhan pero wala siyang nakitang Frahisto.

Hala? Nawala siya! ‘Di kaya naging african hito rin siya? Pero maputi siya, eh. Hala! Baka naging american hito? ‘Wag naman sana.

Nilibot niya ang kaniyang paningin, wala talaga ang lalaki. Kinabahan na siya! Aminado siyang napakagwapo nito— kamukha ni Brandon Routh pero mas gwapo ito. Baka hindi na engkanto at maligno ang nagkagusto! Baka pati na rin sirena.

Diyos ko! Hindi kaya natipuhan siya?

Suot-suot niya ang kaniyang kwentas pantaboy sa mga masasamang elemento kaya dali-dali siyang lumabas sa pinagtataguan. “F-frahisto? Buhay ka pa ba?” nilibot niya ang kaniyang paningin, wala ang lalaki. Nagsimula na siyang mag-alala, “Frahisto! Kung ‘di ka si Super Man, baka si Spider Man ka o kaya si Iron Man? O baka si Wonder Woman? Oyy, Frahisto! Nalunod ka ba? Magsalita ka!”

“Sinong hinahanap mo?”

Nagulat siya nang mula sa kaniyang likuran, may nagsalita. Kaya hindi sinasadyang nadulas ang kaniyang isang paa sa batuhan. Napatili siya at bago pa niya maramdamang mahuhulog sa malalim na bahagi ng tubig, may malalakas na bisig ang humila sa kaniyang beywang.

“Ha?!”

“Got you!”

Awtomatikong huminto ang puso ni Odessa habang nakatitig sa mga mata ni Frahisto. Hindi siya tuluyang nahulog sa tubig, pero sa lalaki, oo! Ang magandang mata nitong nakatitig sa kaniya na parang hinalukay ang puso niya, ang matangos nitong ilong na kay sarap pisilin, ang labi nito na— Diyos ko! Mahihimatay yata siya kung ito ang magiging first kiss niya.

Masarap kaya ang kiss niya? Hmp!

Agad niyang pinilig ang ulo at tinulak ang lalaki papalayo. Baka saan pa siya dalhin ng kaniyang kagagahan, baka sa labi pa nito pero dahil tanga-tanga nga siya minsan, nahulog siya sa tubig nung bumitaw siya rito at umatras sa sobrang katarantahan.

“Frahisto!” napasigaw siya. Sa malalim na bahagi siya nahulog at ang masaklap, ‘di siya marunong lumangoy.

“Odessa!” Mabilis na lumusong ang lalaki.

Napayakap siya rito nang iahon siya sa pagkakalubog niya sa ilalim ng tubig. Hindi siya aware na ang lapit-lapit nila sa isa’t isa at nakayakap siya sa leeg nito. Maliban sa napakalamig ng tubig, wala siyang planong maligo dahil wala siyang dalang pamalit. Nabasa iyon ni Tina kanina nung nagharutan sila.

“Okay ka lang?”

“Ha?” saka lang niya na-realize na magkadikit ang katawan nilang dalawa at magkayakap sa ilalim ng tubig. Nagmamadaling lumundag siya paalis mula sa pagkakayakap dito pero hinigpitan ni Frahisto ang pagkakahawak sa beywang niya.

“Sa ginagawa mo kaya ka napapamahak.”

Natahimik siya. Sorry naman kasi. Eh, sa ginulat siya nito kanina. Tapos naglalaro ng luksong-tinik pa ang puso niya. Kasalanan ba niyang sa tuwing nasisilayan ito, tumatakbo ang puso niya pati kaluluwa? Nalulungkot nga rin siya sa isiping aalis na ito tapos may gana pa itong kausapin siya?

“Sabay na tayo umuwi...” Dinala siya nito sa mababaw na parte.

Agad siyang kumalas sa pagkakayakap dito at dali-daling kinuha ang batya. Nauna na siyang humakbang. Kung sabay ba sila, hindi na ba ito babalik? Bahagya niyang pinilig ang ulo, ano ba ‘tong nangyayari sa kaniya. Malamang, uuwi ito dahil may asawa ito sa Maynila na naghihintay. Napakagat siya sa parteng iyon, hindi naman masyadong masakit. Ang puso niya kasi, ang hirap pigilin.

“Hija?” Nasa bintana si Mang Bartolome at matiyagang naghihintay sa kaniya na matapos siyang magsampay ng damit.

“Tatang bakit?”

“Tumawag ang Inang at Itang mo, namimiss ka na. Ikaw talagang bata ka, aba’y dalawin mo naman ang magulang mo. Kuu! Magtatampo na iyon sa`yo, sige ka.”

Napangiti lang siya sa sinabi ng kaniyang Itang. Mamaya, tatawagan niya ang mga ito pagkatapos niyang magsampay ng damit sa labas. “Tatawag ako mamaya po.”

“Aba’y malamang! Nga pala, saan si Frahisto?”

Hindi siya nakasagot ng marinig ang pangalan ng binata. Nagkunwari na lang siyang busy sa pagsasampay. Pakialam niya sa lalaking iyon? Mas mabuti nga na umalis na ito para balik sa normal ang puso niya. Ginugulo lang ng lalaking iyon ang kaniyang sistema. Lihim siyang napairap sa hangin.

Hindi siya makatulog nang gabing iyon. Panay baling na naman siya sa kaniyang higaaan. Laging bumabalik sa isipan niya ‘yong nangyari kanina sa batis, kung paano siya niyakap ni Frahisto sa tubig at kung paano siya nito titigan. Napabuntunghinga siya. Ano ba ang gawin niya para makatulog ngayon? Wala yatang balak ang kaniyang puso na tumigil.

Malungkot siyang nagtungo sa bintana at lumanghap ng preskong hangin mula ro’n. Malamig ang gabi, pero sa isiping uuwi na ang lalaki, mas lalo siyang nalungkot. Parang ang bigat ng puso niya. Nasanay siya na ito lagi ang hinahanap ng kaniyang mata sa tuwing umaga at bago siya matulog.

Ilang sandali siyang nakatayo sa may bintana nang may napansin siyang gumagalaw sa kabilang bahagi ng bakuran. Aswang? Hindi naman yata. Tinitigan niya ‘yong gumagalaw at saka lang nag-sink in sa isip ni Odessa, si Frahisto ito. Agad niya itong sinundan ng tingin, nakita niyang tahimik itong naglakad patungo sa deriksyon kung saan may ‘No Trespassingʼ sign nakalagay.

Pupunta na naman siya sa lugar ng maligno!

Kahit natatakot siya, wala siyang choice kundi sundan ang lalaki. Baka mas lalong ‘di ito makauwi kapag hinayaan niya. Baka nag-sleep walking ito at tinatawag na naman. Okay, bahala na nga!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.