Dominant Series 6 & 7: Deception and Amorous Chapter 8

Tinawagan niya ang kaniyang pamilya at pinaalam sa mga ito na okay lang siya. Nakaligtas siya sa trahedyang— ‘di niya alam kung matatawag ba niyang trahedya iyon or way ng tadhana para magpalapit sila ni Frahisto. Napatag naman ang kalooban ng mga ito at pinakiusapan siyang bumalik muna ng Isla at ipagliban muna ang pag-uwi niya ng probinsya. Pumayag siya, maliban sa wala siyang kahit panty natira sa nalunod na barko... Wala rin siyang pera papuntang Mindanao.

“Bahay mo ‘to?!” nanlaki ang mata niya nang libutin niya ng tingin ang loob ng buong kabahayan, “Hoy, Frahisto! Baka nagkamali lang tayo ng bahay na napuntahan at baka ma-tresspasing pa tayo rito. Umalis na tayo!”

“Halika ka nga rito.” Napatili siya nang hilain nito ang kaniyang kamay papalapit sa katawan nito. Saka pinisil ang kaniyang pisngi. “Ang cute mo.”

“Ha?”

“I owned this mansion. Simula nung namatay ang asawa at anak ko, nagmistulang krayolang puti ang bahay na ito. Paminsan-minsan ko lang din nauuwian dahil busy sa trabaho. Pero ngayon... ngayon pwede na natin ulit kulayan ng maraming kulay ang bahay na ito, Vida Mia.”

“Pero pangit naman Frahisto, kung punuin natin ng kulay lahat ng dingding. Vandalism iyon!”

Napakamot ito sa noo at hindi na nag-comment. Ngumiti lang ito at giniya siya sa loob ng kabahayan. Modern ang design at masasabi ni Odessa na ma-organise itong pagkatao. Mula sa interior design, hanggang sa flooring. Sa dingding at sa mga kulay na ginamit nito na puro dark color. Malungkot ang aura at naramdaman niya iyon.

“Frahisto...”

Humarap ito sa kaniya. Nasa pasilyo sila at mula sa kaniyang kinatatayuan, nakita niya ang maraming portrait ng isang napakagandang babae at bata na masayang nakangiti. Nakasabit ang mga ito sa bawat dingding. Para itong buhay na buhay at bigla siyang nalungkot sa nangyari sa buhay ng lalaki. Pinagselosan pa niya ang asawa nito rati, samantalang nasa langit na pala. Bigla siyang nakonsensya. Hindi niya sinadyang sulutin si Frahisto sa babae.

“Tingin mo, okay lang sa wife mo na dinala mo ako rito? Baka magalit siya sa ‘kin at multuhin niya ako.”

Ginulo nito ang kaniyang buhok at hinawakan ang kaniyang kamay. “Halika, ipapakilala kita sa kaniya.”

“Hala!” Napa-sign of the cross siya na wala sa oras. “You mean, iaalay mo ang katawan ko sa demonyo para mabuhay ang asawa mo?! Frahisto Kariton! Nilinlang mo ako—”

Isang halik ang nagpatigil sa kaniya. Halos maubos ang kaniyang hininga nang bitawan siya nito. “My God, Odessa! Mababaliw yata ako sa`yo.” natatawang umiiling-iling ito at mahigpit na hinawakan ang kaniyang kamay.

Kagat-labi na lang siyang sumunod dito at nagdasal na sana makawala siya sa lugar na ito. Si Frahisto isang alagad—

“Wife, this is Odessa... The Goddess who took my heart with. Akala ko, mahirap na sa ‘kin ang magmahal pa ng ibang babae. I was apoplectic before of what happened to us... Sa pamilya natin. Hindi ko matanggap. But I know, hindi mo ginusto ang nangyari. Ang maging ganito ako...” pinisil nito ang kaniyang kamay at ngumiti nang sulyapan siya. “So, wife... Thank you. Your memories will be forever in my heart. Pinapakilala ko sa`yo ang babaeng muling nagpatibok sa puso ko at minahal ko. Siya si Goddess Elairon.”

F-frahisto...

Hindi niya mapigilang mapaiyak sa sinabi ni Frahisto. Hindi siya makapaniwalang ipapakilala siya nito, at sino siya para mag-inarte kaya nagpakilala rin siya. Pinangako niyang aalagaan niya at mamahalin si Frahisto ng mas higit pa sa pagmamahal na binigay nito sa kaniya. Na hindi siya magseselos kahit buong painting pa ng asawa nito ang ilalagay sa buong bahay!

SA isang linggo niyang pagtira sa poder ng lalaki, masasabi niyang malinis ang intensyon nito. Pinandigan nitong walang mangyayari sa kanila hangga’t ‘di sila ikasal, na tutuparin nito ang gusto niyang birhen na ihaharap sa altar at sa asawa lang ibibigay ang sarili. Muntik pa niyang mabugbog si Frahisto nang sabihin nito iyon.

Alagang-alaga siya nito. Mula sa paggising niya, may pa-breakfast in bed pa siya. Sa katabi ng master bedroom siya natutulog at hindi siya nagla-lock kaya malaya itong nakakapasok. Hindi naman mukhang manyakis ito. Sa lunch, nasa breakfast stool lang siya nakaupo habang naghahanda ito at iniispoiled siya ng sobrang pagmamahal. Kung may menu sigurong gano’n, pinili na ni Odessa. Kapag kinagabihan, niyayaya siya nitong mamasyal sa ‘di mataong lugar. Dinadala sa mamahaling restaurant na muntikan pa niyang hubarin ang kaniyang suot na flat sandal.

Kung spoiled ang pag-uusapan, siya na ang dadalo. Punong-puno siya sa pagmamahal na pinapakita nito. Kabaliktaran nung una niyang impression, na strikto at suplado. Ibang-iba ito sa Frahisto na nakilala niya sa probinsya. Maliban sa napaka-caring nito, gentleman din ito. Lagi rin nitong inaalala ang kaniyang damdamin. Basta, sa lahat ng mabait na mabait... Si Frahisto ang kaniyang ipupusta!

“Are you sure? Ayaw mo talagang tanggapin ang marriage proposal ko? Vida Mia... Ako lang ba ang nagmamahal sa ‘tin? Tell me...”

Natawa siya sa mukha nitong parang maiiyak at nalilito. Nasa rooftop sila ng isang building nang biglang alukin siya nito ng kasal. Nung una, grabe ang kaniyang iyak at muntik ng sumigaw ng oo. Wala siya sa katayuan na mag-inarte! Pero ang maalala ang kaniyang Itang Bartolome, at mga batang pinangako niyang magiging estudyante... Biglang nawala ang kaniyang saya. May pangarap siya. Simpleng pangarap na gustong abutin. Gustong-gusto man niyang tanggapin, napilitan siyang umiling at umayaw.

“Frahisto... Masyadong mabilis. I mean, though d’yan naman tayo talaga patungo pero may pangarap ako.”

“Pwede mo naman akong isabay sa pangarap mo...”

Ginanap niya ang mukha nito sa magkabila niyang kamay at masuyong hinalikan ang noo. “Akin na.” Kinuha niya ang singsing. “Kapag makita mo itong isinuot ko na sa ring finger ko, that’s the time na pumayag na ako.”

“Pero—”

“Mahal mo ako, ‘di ba?”

Sunod-sunod itong tumango, “Hindi mo ba ramdam?”

Napangiti siya at pinatayo ito mula sa pagkakaluhod. Itinago niya ang singsing sa kaniyang bulsa at pangakong iingatan niya iyon. “Mahal kita! Pero makakapaghintay ang pagmamahalan natin, ‘di ba? Saka, gusto kong samahan si Itay Bartolome.”

“Pwede natin siyang kunin. Lahat ng pamilya mo at patirahin sa mansion.”

“Huwag. Para mo naman kaming binili niyan. Basta ako, masaya ako na nagkakilala tayo. Nilandi ka ng puso ko. Minahal ka... Pero masyadong maaga. Malayo pa ang 1 sa 30. You can wait me, right? ‘Di naman kasi ibig-sabihin na mahal kita at gustong-gusto, magpapatali na ako agad sa`yo. Hoy, Frahisto! Mataas ang standards ko ‘no? Dapat umabot muna tayo ng isang taon or dalawang taon bago magpakasal. Hindi ka pa nga nanligaw, ne hindi nga tayo mag-jowa... Kasal agad? Ano ka, sinuswerte? Masama iyon. Walang shortcut-shortcut! Naka-kiss ka lang, akala mo oo agad isagot ko sa kasal? Hmp! I’m not an easy to get.”

Matagal ito bago nakasagot. Ilang beses itong napakurap-kurap ng mata at halatang ‘di makapaniwala sa kaniyang sinabi. Nanatili itong nakatingin na parang isa siyang malaking exclamation point.

“Okay ka lang ba? Nabulunan ka ba sa sinabi ko ha, Frahisto?”

Mabilis itong umiling at natatawang niyakap siya nang sobrang higpit. “I’m sorry... Masyado yata akong mabilis. Tama ka, Vida Mia. Sorry for that, ha? Kaya kitang hintayin. Kaya ko kahit ilang taon pa ‘yan na paghihintay. Liligawan kita hanggang sa maging ready kang pakasalan ako. Nasanay lang talaga ako sa mabilisan pag-solve ng bawat assignment na hawak ko.” napakamot ito sa noo at naiiling. Bakas pa rin sa mukha nito ang natatawa sa kaniyang sinabi. “Baka iwan mo pa ako pag pinilit kita. Baka, mapipilitan akong lumipat sa probinsya makasama ka lang.”

“Frahisto!”

Tumawa ito at pinisil ang magkabilang pisngi niya. “Sa’n mo gusto pagkatapos nito?”

“Ah... Uuwi ng Baryo? Sa ‘min? Ituturo ko ang daan—”

Ngumisi lang ito. “No need. Let’s go?”

“Ha? Ngayon na? M-malayo ang sa ‘min. Aabutin tayo nang ilang oras—”

“Lilipad tayo.”

“Pero Frahisto, wala akong pakpak!”

“Well Vida Mia, I have.” Ngumisi ito.

Nanlaki ang kaniyang mata. Bago pa siya makapagreak sa sinabi ng binata, bigla na lang siya nitong hinawakan sa kamay at tinakbo nila ang kabilang bahagi ng rooftop. Nagulat na lang siya nang bumungad sa kaniyang mata ang isang private chopper. Nalilitong napatingin siya kay Frahisto.

“Ready?”

“Ha?”

Natawa ito sa kaniyang reaksyon. “We’re going to fly. Let’s go?”

Gusto sana niyang itanong na pagmamay-ari ba nito ang chopper at baka pagalitan sila ng may-ari. Pero pinagbuksan na siya nito ng pintuan saka lumapit sa kaniya at hinawakan ang kaniyang kamay, giniya siya nito pasakay sa loob ng chopper. Napanganga siya nang makita ang malaking espasyo sa loob at magarang upuan.

“Baka magalit ang may-ari—”

“Hihiramin lang natin.” kinindatan siya nito. Inayos nito ang seatbelt sa pagkakabit sa kaniya saka sinunod ang earmuffs. Hindi siya nagreklamo, hinayaan lang niya ito. Basta lang siya nakatitig sa binata. Sinigurado nitong tama ang pagkakabit at komportable siya.

Ang akala niya, magkatabi sila sa upuan. Pero nagkamali siya nang magtungo ito sa harapan at muli siyang kindatan. Siya ang magpapalipad? Hala! Lihim siyang napalunok at napa-sign of the cross. Sure ba si Frahisto? Saan ba ‘yong gwapong mama na piloto na nakita niya?

“F-frahisto...”

Nakangiting lumingon ito sa kaniya. Hinihintay siyang magsasalita.

“Saan ‘yong gwapong mama na piloto mo?”

Natigilan ito sa kaniyang sinabi. Agad kumunot ang noo nito at matagal bago nagsalita. Basta lang itong nakatingin sa kaniya na parang may nasabi siyang maling words.

“Gwapo?”

Mabilis siyang tumango. “Oo, gwapo. ‘Di ba dalawa ‘yon silang gwapo? Parang mga gods ang kagwapuhan!” hindi niya mapigilang kiligin habang inimagine ulit ang mga mukha ng dalawang lalaki.

“Nagagwapuhan ka sa kanila?” naglinya ang kilay nito.

Inosenteng tumango siya. Paminsan-minsan lang siya nakakakita ng gwapo kaya. “Oo! Lalo na ‘yong si Magnesium.”

“Magnar.”

“Magnesium nga.”

Tumalim ang tingin nito at ibinalik ang tingin sa harapan. Hindi na ito nagsalita. Nagtaka naman siya sa pagbiglang palit ng mood nito.

“Okay ka lang? Nag-away ba kayo ng gwapong si Magnesium?”

Nagtaas-baba naman ang kilay nitong sumulyap sa kaniya. “Fuck!” halos pabulong na lumabas lang iyon sa bibig ni Frahisto. “Mataré a ese Magnar!” I will kill that Magnar.

“Ano? Natatae ka?”

Napakamot na lang ito sa noo at ngumiti. “No Vida Mia. Be ready, lilipad na tayo at isasabit ko si Magnar pagbalik.”

Tumango lang siya at ilang sandali pa, nagsimulang mag-start ang engine. Napapikit siya ng mata, baka ‘di ito marunong pero malaki ang kaniyang tiwala kaya bahala na! Huwag lang sana siya nitong ihulog patiwarik.

LAHAT napalingon sa kaniya nung bumaba siya ng motorsiklo kasama si Frahisto. Inalalayan pa siya nito makababa kahit sanay siyang bumaba mag-isa kahit ipikit pa niya ang mata.

Napatunganga na lang ang lahat ng kapit-bahay nila pati na ang mga ibang mangingisda na nag-aayos ng lambat. Halos nakatunganga ang kaniyang Ina sa pintuan, pati ang kaniyang Ama na ‘di makahuma.

“Andito na ho ako!” masayang bungad niya nung nasa pintuan na sila ni Frahisto pero nakatunganga pa rin ang mga ‘to. Lalo na ang kaniyang dalawang makulit na kapatid.

“Inay! Itay! Ikakasal na ako!”

Nahulog ang hawak na plastic cup ng kaniyang Ama sa lupa samantalang napakrus ng wala sa oras ang kaniyang Ina.

“Sus maryusep ka, Odessa! Saan ka ba galing at hibang ka na? Anong ikakasal ka? Saan ang mapapangasawa mo? Imposibleng ang gwapong mamang ‘yan ang aasawa sa`yo?!”

Napahagikhik siya sa sinabi ng madramang Nanay niya. Sumulyap muna siya kay Frahisto, nakangiwi ito at hilaw na ngumiti sa magulang niya.

“Pero ‘Nay, matagal pa naman. Baka mga isang taon o dalawang taon. Excited lang akong ipaalam sa inyo na— ikakasal na ako!!!”

“Totoo?!” pagkapanabay na tanong ng mga ito.

Sunod-sunod siyang tumango. Magsasalita pa sana siya nang pinisil ni Frahisto ang kaniyang kamay at nang tumingin siya rito, ito na ang nagsalita.

“Magandang araw ho sa inyo Mr and Mrs. Elairon. Ako po si Farhistt Fortocarrero, ang lalaking nabihag ng anak niyo. Ang lalaking handang maghihintay na pakasalan ni Odessa sa tamang panahon. Kinagagalak ko po na makilala kayo.” Yumukod ito at nagulat siya nang abutin nito ang kamay ng kaniyang magulang at nagmano.

Ando’n na naman ‘yong feeling na parang maiiyak siya. Kaya pinilit niya ang sariling ‘wag maluha habang pinagmamasdan si Frahisto na nagbigay ng galang sa kaniyang Inay at Itay.

“O-orlando! Hindi kaya isa itong engkanto? Sobrang gwapo, eh. Imposibleng makahanap at makabingwet ang anak natin, Orlando. Jusko! Mahabagin kang bata, Odessa! Saan ka ba nagsusuot na kagubatan, ah?” Napa-sign of the cross ulit ito at gulat na gulat na napatingin kay Frahisto matapos itong magmano.

Napahagikhik naman siya pero agad din umayos nang samaan siya ng tingin ng kaniyang Itay.

“Hindi naman yata, Linda. May uka naman siya sa ilong. O siya, pasok ka Hijo... Papasukin mo bisita mo, Odessa.”

Agad niyang giniya si Frahisto na pumasok sila sa loob ng mansiyon nilang bahay na yari sa kawayan. Hindi man malaki, maituturing niya itong isang kayamanan ng kanilang pamilya. Sariling bahay at lote nila ang pinagtatayuan, kaya kayamanan din iyon.

Dahil wala naman silang silya at sa papag lang sila umuupo, napilitan siyang paupuin ang lalaki sa kamang kawayan na nasa dulo.

Isang typical na bahay ng mahihirap lang ang meron sila, na bubungad ang kusina, kwarto at sala. Walang division. Ang tanging division lang meron ay mga kurtina.

“Ate, ate!”

Napalingon siya kay Inggo. Nandidilat pa rin ang mga mata nito habang nakatingin sa soon to be husband niya. “Bakit?”

“Siya iyon!”

“Sinong siya?”

“Ang lalaking nagbigay sa`yo lagi ng bulaklak.”

Takang napatingin siya kay Frahisto pero nagkibit lang ito ng balikat at ngumiti. Napahawak siya sa kaniyang dibdib. Kung gano’n, matagal na pala siyang sinundan nito. Kaya pala alam nito ang daan papunta sa baryo nila. Mas lalo siyang kinilig na parang highschool. Pero bakit Yx gamit nito? Kung sabagay, ang dami nitong pangalan. May Frahisto, may Kariton at may Yx pa. Baka bukas, ibang pangalan na naman ang dadalhin nito.

Naging masaya ang pag-uusap ng pamilya niya at nang lalaking mahal niya. Hindi mapagmataas si Frahisto, iyon ang alam niya. Marunong itong makisabay sa agos pero paminsan-minsan nung nasa mansion siya nito, may ugali itong perfectionist. Ayaw nito sa kalat at maayos lagi ang pagkakalagay ng bawat gamit sa kung saan man ito nakapwesto. But the rest, okay na okay ang ugali nito.

Mukha lang ang nakakatakot dahil malamig lagi ang mata nito at isali pa ang makakapal nitong kilay. Plus ang divided chin nito na nagpapadagdag ng kagwapuhan nito lalo. Tiyak na hihilain ni Tina ang buhok niya kapag malaman nitong inlove na inlove sa kagandahan niya ang lalaki.

Bandang gabi na umalis si Frahisto habang nagpaiwan siya. Ayaw sana nitong umalis na hindi siya kasama pero napapayag niya.

Umalis ito pero bago iyon, nangako ito na babalik agad kinabukasan at kukunin siya. Kiming ngumiti naman siya na kunwari, hindi siya kinilig hanggang buto.

Nung makaalis na ang lalaking mahal niya, hinila ng kaniyang Inay ang kaniyang teynga at pinaupo sa lapag. “Ikaw nga ay magsabi sa ‘min, Odessa. May nangyari na ba sa inyo ng lalaking iyon?!”

“Inay!”

“Ano? Magsabi kang bata ka. Hindi kita tinuruan lumandi agad! Ano bang sabi namin ng Itang mo, ha? Na, hindi pang-regalo ang katawan ng babae sa lalaki para sumaya sila!” piningot nito ang kaniyang teynga.

Napaaray naman siya at napangiwi sa sakit, “Eh, ‘Nay! Wala pa nga nangyayari sa ‘min. Hindi pa kami nag-something jugjug sa kama— arayyy!”

“Maria, tama na ‘yan. Nasasaktan si Ozawa.”

“Isa ka pa Orlando! Kuu! Kung anu-anong pinapangalan mo sa ‘min! Pagsabihan mo ‘yang anak mo.” Nag-walk out ang Nanay niya at nagtungo sa kusina na ang pagitan, kurtina lang.

Ngingiting lumapit naman ang kaniyang Ama sa kaniya at tinudyo siya. “Nak, gusto ko maganda’t gwapo na apo, ha? Iyong apo na pang-farmer ang hitsura. Blue eyes na asul at brown hair na pula.”

“Itay naman, foreigner ‘yon. Hindi farmer!” singit ng kapatid niyang babae. Nagbabasa ito ng libro ngayon at sumingit lang sa usapan nilang mag-ama.

“Oo nga, farmer. Ano ba sabi ko?”

Napailing-iling ito at nagkibit ng balikat. Nagpatuloy ito sa pagbabasa ng libro. Habang siya ay napangiwi na lang sa sinabi ng kaniyang Ama. Hindi na lang siya sumagot. Ano ba ang sasabihin niya? Sa totoong wala pa talagang nangyayari sa kanila ni Frahisto. Kahit gustong-gusto niya, hindi pwede. Dapat kasal muna, bago sisid.

“Pero anak, ‘pag sinaktan ka ng lalaking iyon. Sabihin mo sa ‘kin agad.”

“Bakit ho, anong gagawin niyo?”

“Wala. Sisihin lang kita bakit ka nagmahal ng gwapo.”

“Itay naman!”

Tumawa naman ito at ginulo ang kaniyang buhok. “Naku bata ka! Ang pag-ibig, hindi puro saya at kilig. Maging handa ka sa sakit na paparating. O siya, ihahanda ko lang ang lambat na gagamitin sa pangingisda mamaya.”

Tumango lang siya at nagtungo na sa kusina. Tutulungan lang niya ang kaniyang Ina na naghahanda para sa hapunan nila nang gabing iyon. Nag-iwan ng pera si Frahisto pero mariing tinanggihan niya. Hindi rin siya nagpabili ng kung anuman gamit o pagkain. Baka ma-misinterpret ng magulang niya at mapalayas ang kaniyang bebe Frahisto pagnagkataon.

Sa ngayon, hindi niya muna iisipin ang sakit na darating. Ihahanda niya ang sarili para pag dumating ‘yon, ready na siya. First time niyang pumasok sa ganitong relasyon, kaya dapat kalmado lang siya. Hindi siya magmamadali. Hindi siya magpapadala sa kalandian ng puso niya...

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.