Nangalay ang balikat ni Marie nang magpahinga siya. Maraming customer at hindi dahil sa masasarap ang mga pagkain, kundi dahil sa presinsya ni Gheron na walang pinipiling babaeng lalandiin. Ito kasi ang personal na naglalagay sa mga mesa ng mga customer na nando’n at tuwang-tuwa naman ang mga turista sa presinsya ng binata. Lalo na rin ang matandang Manager nang makitang dumoble ang mga customer nito.
“Arigatugozaimasu!” Thank you so much. Tipid ang ngiting tinanggap niya ang sahod sa araw na iyon. Bahagya siyang yumuko bilang paggalang dito.
Tumango lang ang matandang Manager at sinabihan siyang bumalik tuwing day-off niya. Ngumiti lang siya. Talagang babalik siya lalo na at malaki ang binigay nitong pera. Dinaig ang dalawang araw na kita niya sa ibang sideline.
“Heading home?”
Naglinya ang kaniyang kilay nang marinig niya ang boses ni Gheron. Minsan inisip niya rin, kabute ito. Kung saan-saan ito lumalabas. Agad niyang nilagay sa bag ang pera at inayos ang kaniyang suot na damit na out of fashion.
“Sabay na tayo. Pwede tayong mag-bus saka—”
“Nakakatawa,” blangkong tiningnan niya ito at inaarok ng tingin, “Pati rito ay nagawa mong sumunod na parang kabute.”
Natawa naman ito sa kaniyang sinabi. “Um what? I don’t get you,” pagmamaangan pa nito na halatang-halata naman niya.
“Huwag kang parang kabute!”
Natawa ito nang malakas at ilan sa mga taong nando’n sa labas ng Restaurant ay napatingin sa kanila. “Nauna akong mag-sideline rito, Marie-sweety. Kahit tanungin mo pa si matandang uranggutan.”
Nagtagpo ang kaniyang kilay, hindi sa sinabi nitong matandang uranggutan kundi sa paraan ng pagtawag nito sa kaniya ng Marie-sweety. Halatang babaero talaga ito. Magsasakang englisherong mahirap na babaero!
“Ikaw yata ang sunod nang sunod sa ‘kin.” Ngumiti ito nang nakakaloko.
Nagkunwari na lamang siyang hindi niya narinig ang sinabi nito. Maaasar lang siya kapag papansinin niya pa ito.
“Hey!”
Napalingon siya. Nakita niya si Inukito na masayang lumapit sa kaniya. Gwapo ang binata at hindi basta-basta papatalo ang singkit nitong mata at biloy sa magkabilang pisngi.
“Kitaku?” Going home?
“Hai.” Yes.
“Wakarimashita! Ashita mata modotte kimasu ka?” I see it! Are you coming again tomorrow?
Umiling siya. Ngumiti naman ito at nagkamot ng ulo na parang nahihiya na kausap siya.
“Ja oke. Sayonara! Mata ne.” Okay then. Bye! See you around.
Tumango lang siya at nakuhang kumaway rito kahit ayaw niya. Napilitan siyang gawin iyon para ipakita kay Gheron na hindi siya interesado rito. Effective naman dahil bigla itong naging tahimik sa kaniyang tabi.
Nagsimula siyang humakbang at nagtungo sa malapit na bus stop. Hindi niya pinansin ang binata na nakasunod pa rin sa kaniya dahil alam niyang iisa lang ang kanilang uuwian.
Naghintay siya ng limang minuto at eksaktong may bus na huminto kaya agad siyang sumakay. Tahimik na sumunod sa kaniya si Gheron. Buong akala niya, sa ibang upuan ito uupo dahil marami naman bakante pero sa tabi niya ito nakisiksik.
Binibwesit talaga ako ng taong ito, eh!
Nagtagpo ang kaniyang kilay sa ngising aso nito. Para ulit itong bulate na binuhusan ng asin at hyper na hyper. Dada ito nang dada kahit wala siyang planong makinig sa pinagkikiwento nito.
“Lumipat ka ng upuan,” seryusong saad niya nang tingnan ito.
“Saan ako lilipat?” Kunot-noong tanong nito at napatingin sa paligid.
“Hindi mo ba nakita ang maraming bakanteng upuan na ‘yan, ha?” Pagtuturo niya sa mga bakanteng upuan. Nabibilang lang niya ang mga pasahero.
“Pinagloloko mo ba ako, Marie?” Ang kaninang mukha nito na parang manloloko ay biglang naging seryuso. Inaarok ang kaniyang tingin kung seryuso ba siya.
Tinaasan niya ito ng kilay.
“Punuan nga tayo tapos sasabihin mo maraming bakante? Bulag ka ba?”
Bahagya siyang natigilan. Punuan? Muli siyang nag-ikot ng tingin. Pinagloloko ba siya nito?
“Umalis ka nga!” Tumaas ang kaniyang boses nang balingan niya ito ng tingin. Isa na lang at makakasuntok siya ng lalaki ngayon gabi. Wala siyang pakialam kung nasa loob sila ng tumatakbong bus.
“Saan nga ako uupo? Nakita mo ‘yan? ‘Yan?” Turo ni Gheron sa bawat upuan. “Sa pangatlong upuan, may magnanay na nakaupo.”
Napatingin siya sa pangatlong upuan na sinasabi nito, wala siyang makitang magnanay. Lumukot ang kaniyang noo. Pinagloloko talaga siya nito!
“Sa panglima, may babaeng mahaba ang buhok at hindi gumagalaw na nakaupo. Puti ang kaniyang mahabang suot and she’s kinda weird to me. Pansin mo?”
Napatingin siya sa panglimang upuang sinasabi nito. Wala siyang makitang babae at basta-basta na lamang nagsitayuan ang balahibo niya sa batok. Naiwan tuloy sa ere ang kaniyang sasabihin.
“Sa tabi natin, isang batang nasa edad apat o lima. Nakatingin sa ‘tin, no, I guess he is looking at you. Nakapatong ang kaniyang paa sa upuan at walang suot na kahit sapatos.”
Nakagat niya ang kaniyang labi. Naramdaman niyang nagsitayuan ang mga balahibo sa kaniyang katawan, hindi lang sa batok. Hindi lingid sa kaniya na ang Japan ay isa sa mga mayroong kaluluwang hindi natatahimik at— napaigtad siya nang muling magsalita si Gheron sa kaniyang tabi.
“T-tapos ang kaniyang mukha at kulay, hindi normal. Parang… parang ‘yong batang anak ni Sadako—”
Mabilis niyang tinakpan ang bibig ni Gheron. Napalunok siya ng ilang beses pero hindi niya pinahalatang natakot siya sa sinabi ng bwesit ng lalaking ito! Tinanggal naman nito ang kaniyang kamay at nagtatakang napatingin sa kaniya saka muling tumingin sa batang sinasabi nito.
“Fuck!”
“B-bakit?” Kinakabahang tanong niya.
“Nawala ang bata!” Nataranta ito.
“Ano?! Saan mo pinapunta? Bakit mo pinaalis?” Pati siya ay nataranta din at hinanap ang sinasabi nitong bata.
“And’yan lang siya kanina…” Naglibot ito ng tingin at natuon ang mata nito sa kaniyang tabi. Malapit kasi siya sa bintana.
Kahit walang sinabi si Gheron alam niya na ang nasa isip nito. Huwag na huwag itong magtatangkang magsasabi na nasa tabi niya ang batang sinasabi nito! Huwag na huwag talaga at…
“Holy fuck! Nasa tabi mo siya, Marie-babes!”
Sukat sa sinabi nito, napatili siya nang malakas. Nagsitinginan naman ang mga pasahero sa kaniya pero mabilis siyang hinila ni Gheron papunta sa dibdib nito at niyakap siya nang mahigpit.
“Marie-babes, kamag-anak mo yata ang batang ‘to. Nakatitig sa ‘yo nang matagal, oh. Nangutang ka siguro sa Nanay nito.”
“T-tumahimik ka nga!”
“Kakalabitin ka niya! Hala, Marie-babes!”
“Peste ka!”
“Shoo! Bata alis! Shoo!”
Hindi niya pansin na ang lawak ng ngiti ni Gheron habang yakap-yakap siya. Halos malaglag na nga ang panga ng binata pero dahil sa takot niya, hindi niya naisip na pinagtripan lang siya ng binata.
ANG lawak ng ngiti ni Gallagher habang yakap-yakap niya si Marie. Mabango ang buhok nito. Natawa siya. Huhulaan niya, Palmolive shampoo ang gamit nito na kulay pink. Babaeng-babae ang dating at nagustuhan niya sa pang-amoy.
“A-andiyan pa b-ba ‘yong bata?”
“Shh… Stop talking, pancakes. Nakatingin pa rin sa ‘yo ang bata. Isipin mong mabuti kung hindi mo ba ito kapatid.” Gusto niyang humagalpak ng tawa. Kailan pa siya naging mapagsamantala para lang mapalapit sa babaeng ito na parang tigre at maamong tupa?
“W-wala ba siyang balak umalis?”
“Wala.”
Natahimik ang babae at gustong-gusto niya kapag ganito sila lagi ng dalaga. Wala lang, gusto niya lang. Maliban sa ang bango ng buhok nitong hinaluan ng pawis at kusina, okay lang.
Pinipigil niya rin ang sariling huwag matawa at baka mahalata siya ni Marie. Paniguradong hindi lang sampal ang makukuha niya sa babae.
“Paalisin mo siya—”
“Shh! Nasa tabi mo na siya ngayon. Humihingi yata ng barya. Ramdam mo ang kalabit niya? Ate, barya raw?” Mas lalong lumawak ang kaniyang ngiti na halos matanggal na ang kaniyang bibig.
“Pinagloloko mo yata, eh!”
Fuck! Biglang nawala ang ngisi niya nang eksaktong pagtaas ng tingin ng dalaga ay nakita nito ang nagniningning niyang mata na halos dinaig pa ang mga yerong bagong bili kapag nabilad sa init.
Fuck! Fuck! Napamura siya nang makita niya ang pag-arko ng kilay ni Marie. Ang kaninang maamong tupang reaksyon nito ay naging tigre ulit! Agad itong kumalas at kitang-kita niya si Satanas at si San Pedro sa uluhan nito ngayon na bumubulong sa magkabilang teynga ng dalaga.
Damn! I’m screwed.
“Yawa ka talaga!”
“Opss!” Napangisi siya nang mahuli niya ang kamay nitong akmang sasampal sa kaniya. “Too slow!”
“Slow pala, ha?” Ngumisi rin ito at hindi niya nahuli ang kamao nitong tumama sa kaniyang ulo. Pinukpok siya!
“Ouch!”
“Yawa ka talagang tao ka! Bastos. Manyakis!” Dumestansya ito sa kaniya at galit na nameywang. Tumayo pa ang dalaga para duruin siya at imbes na matakot rito, amaze na amaze pa siyang nakatingin sa dalaga na namumula na sa sobrang galit.
“Ang sakit mo palang pumukpok, Marie-sweety.”
“Kadiri ka! Isa ka sa pinakadiring taong nakilala ko sa buong mundo, Gheron! May pa-multo-multo ka pa nalalaman para makatsansing kang hayop ka. Manyakis!” At isang pukpok sa ulo pa ang kaniyang nakuha mula rito saka nito nilapitan ang driver sa unahan,
“Basu o tomete!” Stop the bus! Malakas na saad ni Marie sa mamang driver. Galit na galit siya at gusto niyang saktan si Gheron ngayon!
“Pancakes!”
Galit na binalingan niya ito. “Tumahimik ka!”
“Ikaw naman, high-blood agad. Sasabihin ko lang Marie-babes na nakahinto na ang bus. Bumaba ka na at nakakahiya sa driver, oh.”
Yawa ka talaga!
Namula siya sa galit lalo na sa pesteng pagmumukha ni Gheron. Painosente pa ito na akala nito ay hindi niya nahuling pinagtsantsingan siya! Ang sarap nito pagsampal-sampalin hanggang sa mamaga ang kaniyang kamay. Hindi siya makapaniwalang nahulog siya sa patibong nito.
“Bwesit!” Mabilis siyang bumaba ng bus.
“Pancake! Naiwan ang bag mo.”
“Ha?” Pagtingin niya, wala nga ang kaniyang bag at hawak ito ni Gheron. Sinadya pa nitong ilapit sa salamin ang bag niyang dala. “Yawa ka talaga! Ibigay mo sa ‘kin ang bag ko!” Naiwan sa ere ang sasabihin niya nang makitang umandar na ang sasakyan at wala siyang choice kundi ang habulin ito. “Gheron hayop ka!” Nangangalaiting sigaw niya sa galit. Oras na makasakay talaga siya ulit ng bus at makuha ang kaniyang bag, bubugbugin niya talaga ito.
“Gheron ang bag ko!!!”
Mas lalo pa siyang nangalaiti ng lumipat ito sa likuran at pinakita ang bag niya sabay sign language ng ‘Meteor Garden’. Siya raw si Shan Cai at ito si Dao Ming Si. Habulin niya raw ito.
“Gago ka?! Sa Taiwan ‘yon hindi sa Japan—” Bigla siyang nadapa. “Yawa ka talaga Gheron! Yawa ka!” Nang tingnan niya ang bus, nasa malayo na ito at hindi niya rin na nakita ang binata sa likurang salamin.
Umupo siya sandali sa gilid ng kalsada. Wala naman siyang nakuhang gasgas pero kahihiyan, nakuha niya. Pinagtitinginan siya ng mga tao at sa uri ng mga titig nito, malamang siya ang pinag-uusapan.
Papatayin niya talaga ‘pag nakita niya si Gheron sa farm. Babalatan niya ng buhay at ibibilad sa init hanggang sa umitim ito. Hindi niya akalain nagpadala siya sa pang-uuto nito kanina sa bus. Sa tindi ng inis niya, tumayo siya at nagsimulang maglakad. Lalakarin na lang niya ang daan papuntang farm. Siguro, darating siya mga dalawang oras na lakaran or mas higit pa.
Biglang umihip ang malamig na hangin. Nayakap niya ang kaniyang sarili at hinamig ang kaniyang nanginginig na katawan. Hindi kakapalan ang suot niyang jacket. Mabuti na lang at hindi umuulan ng yelo. Nasa bag pa naman niya ang kaniyang winter scarf na nakalimutan niyang ilagay sa leeg kanina sa pagmamadaling makauwi agad.
Habang naglalakad siya, dito niya lang napansin na maganda pala ang Japan sa gabi. Mula sa mga streetlights, mga nagkikislapang mga ilaw sa bawat bahay at establishemento, mga puting yelo na nakapalibot sa paligid at mga mga kabataan na nagkakatuwaan. Napangiti siya. Ang unang pagkakataon na naglakad siya na mag-isa at walang kapera-pera.
Muling umihip ang hangin at malayo-malayo na rin ang kaniyang nalakad. Kahit nilalamig siya, naaliw pa rin siyang pagmasdan bawat mga bagay na nakikita ng kaniyang mata.
Ang dami ko pa lang hindi nakita rito sa Japan.
Sandali siyang napahinto nang makita niya ang masayang pamilya na nagtatawanan at nagkikwentuhan sa loob ng isang Restaurant. Larawangn ng kasiyahan at kontento. Matagal siyang napatitig sa mga ito nang may nagsalita sa kaniyang tabi.
“Your bag.”
Naningkit ang kaniyang mata nang makita si Gheron ito at walang sabing sinampal niya ang pisngi nito na hindi nito napaghandaan.
“Huwag na huwag kang magpapakita ulit sa ‘kin!” asik niya rito.
“Pero magkasama lang tayo sa farm.”
Hindi niya ito pinansin. Mabibigat ang bawat hakbang na ginawa niya habang yakap-yakap ang kaniyang bag. Ando’n ang kaniyang cellphone at pamasahe. Pupunta siya sa malapit na bus stop at sasakay ng bus na hindi ito kasama.
“Hey Marie-babes, I’m sorry.”
Wala siyang narinig at wala siyang pakialam sa sorry na sinasabi nito. Hindi niya alam kung bakit mabigat ang kaniyang puso ngayon. Dahil ba sa nakita niya si Gheron na sinauli ang bag niya o dahil ba sa nakitang masayang pamilya na magkasama sa isang mesa? Napangiti siya ng mapait. Alinman sa dalawa, wala na siyang pakialam.
“Marie, sorry.”
Kinuha niya sa kaniyang bag ang winter scarf at nilagay iyon sa leeg. Sapat na para maibsan ang kaniyang nararamadamang lamig. Ang kaniyang kamay ay nakahalukipkip. Gusto niya ng bumalik ng farm para makapagpahinga na.
“Look, okay. It is my fault. I make fun of you. I say sorry and I mean it.”
Nagpatuloy siya sa paglalakad. Nagiging manhid siya. sumasabay na naman sa malamig na panahon ang kaniyang puso at alam niya kung ano ang dahilan n’yon.
Tumunog ang kaniyang cellphone, agad niya itong kinuha sa bag habang naglalakad at tiningnan kung ano ang chat ng kaniyang kapatid.
‘Ate, nasa police station si Mark at nakakulong. Ang tigas kasi ng ulo, eh. Sumama sa kaibigan niya, eh, saktong nagkahulian ng shabu. Siya ang tinurong nagbebenta. Kailangan ng 80 thousand pang-piyansa. Sabi ni Mama, magpadala ka agad bukas para makalabas si Mark.’
Napahinto siya sa paglalakad. Hindi siya makapaniwala sa nabasa. Parang biglang may bumara sa kaniyang lalamunan at nag-init ang kaniyang mata. Para siyang nanlumo at hindi alam kung ano ang iisipin.
Pinilit niyang huwag manghina pero sunod-sunod na pumatak ang mga luha niya. Nanginginig ang kaniyang kamay habang hawak niya ang kaniyang cellphone at binasa nang paulit-ulit ang mensahe na galing sa kapatid niya.
Parang ilog na tuloy-tuloy sa pagdaloy ang kaniyang mga luha. Parang naipon lahat ng mga hinanakit niya simula kay Gheron, sa nabasang balita ngayon, hanggang sa masayang pamilyang nakita niyang kumakain sa Restaurant na inisip niya na sana ganoon din sila ng pamilya niya sa Pinas.
Hindi niya namalayan na humihikbi na pala siya at nagsimulang yumugyog ang kaniyang balikat. Natibag siya. Natibag ang akala niyang manhid niyang pagkatao.
“Marie…”
Naramdaman niya ang presinsya ni Gheron sa kaniyang likuran. Ang hikbi niya ay naging hagulhol na hindi niya kayang pigilan. Masakit na masakit na at alam niya kung para saan ang luhang iyon ngayon. Alam niya pero wala siyang panahon magreklamo, wala siyang karapatan. Ito ang pamilyang namulatan niya at ito ang pinangakuan niyang gagawin niya lahat sa ngalan ng pamilya. Siya ang may trabaho. Kaya siya dapat ang magbibigay, iyon ang laging sinasabi ng kaniyang magulang.
Panay patak ang kaniyang mga luha at kahit anong punas ni Marie, hindi nawawala iyon. Parang may sariling isip ang mga ito na panay ang patak.
“Marie, okay ka lang ba? I’m sorry.”
Hindi siya kumibo. Ayaw niyang may makakita sa kaniyang mahina pero heto at si Gheron pa ang nakasaksi sa kaniyang kahinaan ngayon.
“Marie…”
“Pwede ba!” Malakas niyang winaksi ang kamay ni Gheron na dumantay sa kaniyang balikat. “Pwede ba umalis ka na! Iwanan mo ako!” Tigmak sa luha ang kaniyang mata nang humarap siya rito.
Masaya na ito ngayon. Nakita na siya nitong umiyak kaya mauna na ito at iwan siya. Kaya naman siya nito inaasar ‘di ba? Dahil nahihiwagaan ito sa kaniya, namamalditahan. Ngayon, nakita na siya nitong mahina, magsaya na ito.
“I’m sorry,” apologetic nitong saad habang nakatunghay sa kaniya.
“Sorry?” Mapakla siyang napangiti habang pumapatak ang kaniyang mga luha. “Bakit ka nagso-sorry? Ah, dahil nakita mo akong umiyak ngayon at inisip mo na ikaw ang dahilan nito? Ah, dahil ang unang pagkakilala mo sa ‘kin ay isang babaeng matapang at walang pakialam sa paligid. Isang babaeng manhid at hindi marunong makiramdam, hindi ba? Ngayon, alam mo na mahina ako. Umalis ka na at maunang bumalik sa farm!”
Napabuntong-hinga ito, “Hindi ako nag-sorry dahil nakita kitang umiyak, o ang makita kang mahina. Nag-sorry ako dahil wala akong magawa para patigilin ‘yang luha mo.”
Natigilan siya at hindi nakaimik sa binitawang salita ni Gheron. Wala siyang maapuhap na sasabihin.
“Here.” Inabot nito sa kaniya ang panyo pero hindi niya ito kinuha. Nakatitig lang ang kaniyang mata ro’n. “Ako na…” Lumapit ito sa kaniya at pinunasan ang ebidensya ng kaniyang kahinaan. Dama niya ang pag-iingat sa kamay nito at kahit naaasar siya sa presinsya ng binata, hindi niya magawang magalit dito ngayon.