Dominant Series 8 - Indestructible Chapter 18

Mabagal ang kaniyang kilos pero matamang naghintay sa kaniya si Judith. Sinabihan pa nga siya nito na magpahinga siya at ito na ang bahalang magpaalam sa kanilang Team Leader pero hindi siya pumayag. Kailangan niya ang pera. Ito ang rason, ‘di ba?

Makapal ang suot niyang damit at coat. Balut-balot siya ngayon mula ulo hanggang paa. Uminom na rin siya ng gamot pero walang talab. Siguro nga tama si Judith na kailangan niyang magpahinga. Kung gagawin niya iyon, ano ang iisipin ni Gheron, hindi— ni Mr. Winfrith na masyado siyang madrama at nag-inarte?

Nasa Green House siya. Kasama niya si Judith at si Marienella na maarteng nagtatanggal ng mga dahon sa mga halaman. Pansin niya ang maarteng tingin nito sa kaniya at kapagkuwa’y ngingiti ng nakakaloko.

Kaya nagpasya siyang lumabas ng Green House at nagtungo sa likuran kung saan ando’n si Fidel at ilang sa mga kasamahan nilang mga lalaki. Pinagsalamat na lang ni Marie na hindi siya nilapitan ng binata para kulitin. Busy rin ang mga ito sa daming trabaho lalo na at bago na ang kanilang Boss.

Kumaway sa kaniya si Fidel at tanging ngiti lang ang binigay niya sa binata. Wala siyang lakas para makipagmalditahan dito. Bahagya niyang niyakap ang sarili. Iba na talaga ang kaniyang nararamdaman. Umiikot na ang kaniyang paningin. Naghanap siya ng pwedeng masandalan at pinakiramdaman ang sariling kaya ba niyang maglakad pabalik sa staff house. Nanghihina ang kaniyang tuhod at mataas ang kaniyang lagnat. Mainit din ang kaniyang katawan at kahit nakakapaso ang kaniyang init, nilalamig pa rin siya kahit ang kapal ng suot niya.

“Marie?”

Nagtaas siya ng tingin. Ngumiti siya ng pilit kay Fidel. “B-bakit?”

“Namumutla ka na. I mean, malamig naman talaga ang klima rito kaya normal na namumutla tayo pero iba ang sa ‘yo. You, okay? May sakit ka ba?” may pag-alala ang boses nito.

Mabilis siyang tumango pero kasunod n’yon ay iling. Naguguluhan naman ito sa kaniyang sagot kaya sinalat nito ang kaniyang noo para lang mapalayo ito at mas lalong nag-alala.

“Mataas ang lagnat mo! Kailangan mong magpahinga, Marie.”

Hindi na siya umimik lalo na at sunod-sunod siyang bumahing. Masakit ang kaniyang ulo at parang maiiyak siya sa sakit pero ininda niya.

“Alalayan na kita.” Mabilis siya nitong inalalayang tumayo.

Kung nung una, naiinis siya sa presinsya ni Fidel… Sa mga sandaling iyon ay kailangan niya ang binata para tulungan siya nitong ibalik sa staff house para makapagpahinga. Si Judith na ang bahala sa kaniyang magpaalam.

Maayos siyang nahatid ni Fidel. Pinakiusapan din niya ang lalaki na tawagin si Judith at sinunod nito ang pakiusap niya. Habang siya ay pinikit niya sandali ang kaniyang mata. Nanginginig pa rin siya at hindi sapat ang kapal ng kaniyang suot at ng kumot.

Bumukas ang pintuan ng kanilang silid. Hindi na siya nag-abalang magbukas ng mata para tingnan kung sino ito. Basta lang siyang nakapikit habang pinipigilan ang sariling ‘wag mangisay sa lamig.

“J-judith… Ikaw na ang bahalang magsabi kay Team Leader…”

“Tsk.”

Huli na para magbukas siya ng mata at tingnan kung sino iyon. Naramdaman na lamang ni Marie na lumutang sa ere ang kaniyang katawan at nang buksan niya ang kaniyang mata, eksaktong tumama ito matangos na ilong ni Gheron. Parang may kung anong humaplos sa kaniyang puso. Nagdedeliryo na yata siya. Imposibleng nasa harapan niya ang lalaki para buhatin siya. Pinikit niya ang kaniyang mata at inisip na hindi totoo ang kaniyang nakita. Parte lang ito ng kaniyang mataas na lagnat ngayon.

“G-gheron…” mahinang usal niya. Halos hindi ito lumabas sa kaniyang bibig.

NAGTAKA si Marie nang magising siya at puting silid ang sumalubong sa kaniyang mata. Ang huling alaala niya, nagdeliryo siya na binuhat ng binata at pagkatapos n’yon wala na siyang maalala na kasunod.

Nang bumukas ang pintuan, pumasok do’n ang babaeng tingin niya ay Doctor dahil na rin sa stethoscope na nasa leeg nito nakasabit at sa dala nitong gamot.

“How did I… get here?”

Ngumiti naman ang babaeng Doctor at nagsabing dinala siya ng lalaking nagngangalang Fidel sa malapit na Hospital. Nanlumo naman siya nang marinig niya ang pangalang Fidel. Inisip niyang si Gheron ang nagdala sa kaniya.

Matapos siyang i-check ng Doctor at tiningnan kung bumaba na ba ang kaniyang lagnat, sinabihan siya nitong magpahinga at kailangan ng katawan niya iyon. Ang payo nito ay mag-leave siya sa trabaho ng isang linggo at magpahinga. Masyado niya raw na-stress ang kaniyang katawan at nakalimutan niyang alagaan.

Nang araw rin na iyon, binisita siya ni Judith at madrama itong umiyak na para siyang mamatay. Suminghut-singhut ito at maraming sinabing masasayang alaala na kasama siya.

“Hoy Maria, nasabi ko na rin kay Team Leader na may sakit ka. Ayon nga, ang sabi niya mag-sick leave ka muna. 1 week raw. Kung gusto mo raw buong buhay ka ng mag-sick leave tapos ‘wag ka na raw rin bumalik sa trabaho.”

Napaunat naman ang kaniyang likod sa narinig. “Totoo?”

“De joke. Gaga ka!” Tumawa ito. “Pero totoo ‘yong 1-week na leave. Buang ka kasi. Masyado kang sugapa sa trabaho at ayan tuloy, sakit ang inabot mo.”

Napailing siya sa sinabi ni Judith. Totoo naman kaya hindi na niya sinaway. Tumingin lang siya sa bintana at malungkot na napabuntong-hinga.

“Huwag mo ng isipin si Gheron, Maria. Masaya na siya sa iba. Hindi ikaw ang nakasungkit sa puso ni fafa Gheron kaya tanggap-tanggap na lang ng kabiguan besh,” maarteng saad nito at naunang magbalat ng orange na nasa mesa. “Alam mo matamis ‘tong orange. Ako unang nakatikim nito, eh. Ikaw natikman mo rin ba si Gheron? Say ka naman d’yan.” Saka ito humagikhik at lamon ng isang piraso. Bahagya pa itong nabilaukan kaya pati siya ay natawa.

“Para kang timang talaga.”

“Eh kasi naman tinanong kita, eh. Ano masarap ba humalik si fafa Gheron? ‘Wag kang magkaela d’yan!”

Awtomatikong namula naman siya at nagkunwaring ‘di narinig ang sinabi ni Judith. Bahala ito kung anong gustong isipin. Ayaw niya munang isipin si Gheron ngayon. Baka mas lalo lang siyang malungkot.

“Ano na? Wala kang balak mag-tell a story d’yan? Kaloka ka naman.”

“Gusto ko magpahinga, Judith. Matulog muna ako.”

Nagkibit naman ito ng balikat. “E, ‘di matulog ka. Kainin ko lang ‘tong mga prutas dito. Sige tulog ka na. ‘Wag mong kalimutan magising, ah?”

Tiningnan lang niya ng masama ang kaibigan at tinawanan lang siya nito. Inisip niya, kung mag-sick leave siya ng 1 week. Saan naman siya pupunta? Buong linggo siya sa staff house magpapahinga? Bahala na.

GAYA nga ng sabi ng kanilang Team Leader, magpahinga siya buong linggo pero hindi sa staff house. May isang silid na binigay sa kaniya kung saan doon siya pwedeng magpahinga. Kompleto sa kagamitan, mula sa sariling banyo at sariling TV. May prutas din sa mesa at ilan sa mga pagkain na nasa cupboard. Ang habilin ng Team Leader nila, siya lang mag-isa dapat doon para makapagpahinga. Malayo siya sa kaniyang mga kasamahan. Para siyang may sakit na dapat iwasan kung itrato siya ng TL nila pero okay lang.

Wala na siyang lagnat. Kaya na niyang bumalik sa trabaho. Sipon na lang ang meron sa kaniya pero pasaan ba at gagaling siya. Laking mahirap ang kaniyang katawan kaya alam niyang isang araw lang na pahinga makakabawi na ang kaniyang katawan.

Mabuti na lang at kaharap ng balcony ng silid niya ang malaking farm. Kahit papaano, gumagaan ang kaniyang pakiramdam. Binawalan nga pala siya ng TL nilang lumabas. Dapat pahinga lang ang kaniyang gagawin buong linggo. Para tuloy siyang bilanggo.

Nasa balcony siya nakaupo at pinagmasdan ang malawak na farm na pagmamay-ari ngayon ni Gheron. Nang maalala niya ang pangalan ng lalaki, sumikdo ang puso niya na parang kinakarera ng mga kabayo. Apekatado siya sa sitwasyon.

Masakit ang pusong pumasok siya sa loob at naghanda ng kakainin niya sa umagang iyon. Matapos siyang uminom ng gatas at kumain ng bread with jam, kumuha siya ng libro. Isang cooking book iyon. Hindi siya mahilig magbasa ng kahit anong klaseng romance book. Mas naiinganyo siya kung cooking book iyon o political books.

Tumambay lang siya sa balcony sa ikalawang palapag ng bahay matapos siyang magbasa ng libro. Pagmamasdan lang niya ang paligid pero mali yata ang kaniyang desisyon na pagmasdan ang paligid dahil nakita niya si Gheron.

Hindi siya nito nakita kaya malayang pinagmasdan lang niya ang binata. Nakasuot ito ng boots, may kakapalan coat at kupasing maong. Hindi na ito nagmukhang dugyutin na magsasaka dahil malinis na itong tingnan kahit rugged pa rin manamit.

Ang sabihin mo, dahil mayaman na siya kamo, Marie.

Sinaway niya ang kaniyang utak. Hindi niya na mababago ang panahon. Tatapusin lang niya ang kaniyang contract at pagkatapos nito ay aalis na siya at hindi kailanman babalik sa farm na ‘to.

May dalang mga pananim ang lalaki at dahil malaya siyang pagmasdan ang kagwapuhan ng binata kahit ngayon lang, tinitigan niya ito. Alam niyang hindi siya nito makikita dahil nasa mataas siyang bahagi ng farm house. Ang farm house na iyon ay para sa mga gustong mag-overnight sa loob ng farm at ma-experience ang kagandahan ng lugar at kung paano nila inaalagaan ang kanilang mga pananim.

Umasim lang ang kaniyang pandama nang biglang sumulpot mula sa kung saan si Marienella. Maliban sa halos magkapareha na sila ng pangalan, sobrang dikit pa nito sa lalaki. Mas lalong madikit ito ngayon alam nitong mayaman si Gheron.

Nakagat niya ang kaniyang labi nang haplusin ni Marienella ang pisngi ni Gheron. Kita naman niya ang masayang ngiti ni Gheron at sandaling binaba ang dala-dalang pananim. Hinapit nito ang beywang ng babae at malambing na nagharutan.

Hindi niya kinaya ang nakita. Pumasok siya sa loob at deretsong tinungo ang kaniyang silid sa unang palapag ng bahay. Humiga siya ro’n at nagtalukbong ng kumot. Pigil niyang huwag mapahikbi at masaktan pero mahirap yata diktahan ang puso kung nasasaktan na ito.

Bakit mas hinahanap niya ‘yong mahirap na Gheron? Ang malokong Gheron na lagi siyang inaasar at binubwesit. Ang Gheron na inangkin siyang girlfriend nito sa Sapporo. Hinahanap niya ang Gheron na iyon.

Kinalma niya ng ilang beses ang sarili at nang maramdamang okay na siya, nagbasa na lang siya ulit ng libro. Winawaglit nya paalis sa utak niya ang lalaki at ayaw niyang umiyak. Ginusto niya ito kaya hindi siya pwedeng umarteng nasaktan.

SANDALING nag-unat ng katawan si Marie. Panglimang araw niya ang nakatambay sa farm house at na-bore na siya. Gusto niya ‘yong may ginagawa ang kaniyang kamay at hindi nakatambay buong maghapon.

Huminga siya ng malalim. Nagpasya siyang bumalik sa trabaho, okay na siya. Maayos na ang kaniyang pakiramdam at wala na siyang maramdaman kahit anong sakit. Mabilis siyang naligo at nagpalit ng damit para magtrabaho sa araw na iyon.

Hindi niya na kayang tumambay pa ng ilang araw tapos para naman pinapatay ang kaniyang puso sa tuwing nakikita niya si Gheron at Marienella na magkasama. Ang lawak-lawak ng farm pero nakikita niya ang mga ito na laging magkasama kaya mas lalong nadadagdagan ang sakit na nararamdaman niya.

Mayamaya ay tumunog ang kaniyang cellphone. Nakita niya ang pangalan ng kaniyang kapatid na tumatawag. Dinampot niya ang phone niya at sinagot ang tawag nito.

“Ate!”

Napangiti siya sa malambing na boses ng kaniyang kapatid na lalaki. “Kamusta na kayo d’yan? Okay lang ba kayo? Si Mama?”

“Maayos lang kami dito. Kailangan lang namin pera Ate kasi si Mama kasi sinugod ng pinag-utangan niya, nasa barangay kami ngayon. Hindi sila papayag na hindi sila mabayaran ngayong araw.”

“M-magkano ang utang ni Mama?” Para siyang nanlumo sa narinig. Napaupo siya pabalik sa kama habang hinihintay ang sagot ng kaniyang kapatid.

“Nasa 50 ate.”

“A-ano? Pero akala ko nabayaran na ni Mama ‘yon nung nagpadala ako rati?”

“Ibang utang ‘yon ni Mama, Ate. Maraming pinagkakautangan si Mama. Hindi lang isang tao. Marami as in marami.”

Nanlumo siya. Ano pa nga ba ang magagawa niya? Anak lang siya at obligasyon niyang buhayin ang pamilya. Obligasyon niya bayaran ang utang.

“S-sige, magpapadala ako… Pupunta lang ako ng Furano para magpadala.”

“Gcash mo na lang ate, o kaya Paypal or Bank transfer.”

“Wala ako niyan. Luma ang cellphone ko at hindi updated. Kailangan ko pang bumili ng bago. Sige, paalam muna Mark. Ikamusta mo ako d’yan, ha?”

“Sige-sige Ate! Salamat. Isesend ko ang picture namin para maniwala kang nasa barangay talaga kami.” Saka nawala ito sa kabilang linya at may sinend itong picture.

Ang kaniyang ina, kaharap ang asawa ng kanilang purok leader na galit na galit. Habang inaayos ng Barangay Captain ang alitan.

Sandali siyang huminga ng malalim at imbes na papasok siya para sa trabaho, nagpasya siyang magpunta ng Furano. Sasakay lang siya ng bus. Hindi naman siguro siya hanapin ng kanilang Team Leader tutal naka sick leave siya.

Dala ang kaniyang lumang cellphone, bag at pitaka, nagtuloy-tuloy na siya sa pag-alis. Isang oras din siyang nasa byahe at maayos siyang nakapagpadala ng pera nung pagdating niya ng Bank. Bibili na talaga siya ng maayos na phone nito.

Dumaan muna siya saglit sa isang Pastry Shop kung saan siya unang dinala ni Gheron noon at nagyayang kumain ng mga sweets. Eksaktong pagpasok niya nang shop, natigilan siya nang makita niya ang likod ng lalaking kilalang-kilala niya.

“M-magnar?” mahina lang ang pagsambit niya sa pangalan nito pero lumingon ito at eksaktong nagtama ang mata nila.

Lumarawan ang saya nito nang makita siya at ayon sa nakikita niya, bumibili ito ng donut. Bigla tuloy niya naalala si Gheron sa hilig nito ng cookies.

“Marie? Anong ginawa mo rito?” Lumapit ito sa kaniya habang bitbit na nito ang box ng donut.

“Bibili ng cookies,” deretsahang sagot niya.

“Cookies?”

Lihim siyang natawa sa sarili. Kahit sarili niya, hindi rin sigurado sa sinabi. Hindi siya kumakain ng matatamis pero heto siya, nasa loob ng shop.

“Oo. Nag-crave ako,” kaswal na sagot niya. Parang magkaibigan na lang sila ngayon. Hindi niya ramdam ‘yong pagmamahal na umalipin sa kaniya rati para rito.

“Yeah, same here.” Natawa ito. “Treat ko. Pili ka ng fave cookies mo.”

Hindi siya tumanggi. Tumama naman ang mata niya sa dark cookies na naka-display. Agad niyang tinuro iyon. Ito ang alam niyang mahilig kainin ni Gheron.

“Dark cookies?” Namangha ito.

“Bakit?”

Umiling ito at natawa. “Wala. Naalala ko si Gheron mo na mahilig sa cookies.”

Natigilan naman siya. Tama, magkakilala ang dalawa at sa mga sandaling iyon, parang gusto niyang sumama sa binata para pag-usapan talaga kung anong nangyari sa kanila at pag-usapan din kung gaano nito kalalim ang pagkakilala kay Gheron.

Matapos bilhin ni Magnar ang cookies na pinili niya, nagyaya itong mag-lunch sila pareho. Treat nito at walang pagdadalawang isip na pinaunlakan niya ang paanyaya ng binata. Wala na siyang galit na makapa sa kaniyang puso para kay Magnar. Tuluyan na niyang napatawad ito kahit hindi ito humingi ng kapatawaran.

Hindi na siya nagulat nang sumakay sila sa isang mamahaling sasakyan. Pinagpalit siya ni Magnar sa isang mayaman, dati ‘di ba? At sa buong byahe, panay ang kwento ng binata ng kung anu-ano. Minsan nakakatawa ang mga pinagsasabi nito, pero minsan natatahimik siya lalo na at pumapasok sa eksena si Gheron sa kaniyang utak.

Mahal niya si Gheron pero hanggang do’n na lang. Baka sa gagawin niyang pagsamang mag-lunch na kasama si Magnar ay makalimutan niya sandali si Gheron.

“DITO tayo kakain?” Nagulat siya nang bumulaga sa kaniya ang hitsura ng Silver Garden.

Sa sobrang okupado ng kaniyang utak, hindi niya man lang napansin na umabot na sila sa Sapporo City.

“Yeah. Ang kaibigan ko ang may-ari ng Restaurant na ito. Let’s go?” Ngumiti ito at naunang lumabas. Umikot ito para pagbuksan siya ng pintuan.

“Kaibigan?”

Nagkibit ito ng balikat. “Yup. Mayaman ang kaibigan kong ‘yon. Lagi nga lang naloloko.” Tumawa ito ng malakas saka nagseryuso. “Shall we?”

Tinanggap niya ang kamay ni Magnar na nakalahad sa kaniya nung buksan nito ang pintuan. Ngumiti ulit ito at aminado si Marie na mas lalong gumwapo si Magnar pero si Gheron na ang baliw na tinitibok ng kaniyang puso.

Bigla naman siyang nanliit sa kaniyang suot na damit. Pang-manang ang suot niya at walang kadating-dating. May nakapulupot pa na makapal na scarf sa kaniyang leeg.

“Don’t be. Maganda ka, Marie kahit wala ka pang damit.”

“Ano?” napanting naman ang kaniyang teynga sa narinig.

“Biro lang.” Kinabahan itong ngumiti.

Tumango lang siya. Kung hindi lang wasak ang kaniyang puso ngayon baka naaway niya na ang lalaki at iniwan ito kahit nasa Sapporo sila.

First time niyang pumasok sa malaking bulwagan ng Silver Garden. Glass halos ang nakikita niya at may malaking chandelier sa gitna. Kahit dito siya nagtrabaho, sa malaking kusina at locker lang inabot ang kaniyang paa. Bawal siyang pagala-gala sa loob kaya halos dagain ang loob niya nang makita ang buong kabuuan.

Maganda! Pang-mayaman ang dating at hindi nasusukat ng salitang ganda ang nakikita niya ngayon. Iba sa malapitan keysa sa nakikita niya sa internet.

Mabilis silang inasikaso ng waiter at giniya sa gitna kung saan ando’n ang pabilog na mesang nagsusumigaw ng ginto at karangyaan. Ipupusta ni Marie na isang buong sahuran niya sa farm ang katumbas ng mga pagkain do’n.

“Bakit dito mo ako dinala? Pwede naman sa Ramen House.”

Ngumiti lang ito at hindi nag-abalang sumagot. Lumapit ang waiter sa kanilang dalawa at binigyan sila ng menu. Kahit nakita niya na ang menu dati, hindi niya pa rin mapigilan pagtaasan ng balahibo sa mga presyo.

“Masarap ang mga pagkain dito. Lalo na ‘yong mga luto ng kaibigan kong Chef.”

“Kaibigang Chef?”

Natawa ito at sandaling binaba ang menu at nagseryuso. “Yeah. Mamaya ipakilala kita sa kaniya. Huwag kang mag-alala, malakas ako sa best friend kong ‘yon. Sa sobrang lakas, pwede na tayong hindi magbayad.”

Hindi naman niya mapigilan mapangiti sa huling binanggit ni Magnar. Wala pa rin nagbago sa ugali nito, maloko pa rin.

“There, ngumiti ka na. Dalasan mo ang ngumiti Marie. Mas bagay sa iyo.”

Wala siyang naramdamang kilig sa sinabi nito pero ngumiti pa rin siya. Para na lang silang matagal na magkaibigan na ngayon lang ulit na nagkita. Wala na talaga ‘yong galit na nakatago sa puso niya para rito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.