Ilang sandali pa ay nag-order na sila at dahil libre nito, hinayaan niya ang binata na siyang mag-order para sa kaniya. Halos magulat siya sa dami ng pinag-order nito at alam niyang masasarap ang mga iyon. Bigla siyang natakam.
“This, try this, Marie. Ang kaibigan ko ang gumawa nito at isa ito sa specialty niya.” Nilapag nito sa kaniyang plato ang isang hiwa ng karne.
Hindi niya alam ang pangalan ng binigay nito pero dinala niya iyon sa kaniyang bibig at hindi nga nagbiro si Magnar, masarap ang pagkaing binigay nito sa kaniya.
Masarap! Napapikit siya at ninamnam ang lasa n’yon saka biglang pumasok sa kaniyang isipan si Gheron kaya nagmulat siya ng mata. Bakit pati sa pagkain naiisip niya ang binata? Marahan siyang napabuntong-hinga.
“Okay ka lang ba?”
“Oo.” Tumango siya. Sinimulan niyang kainin ang pagkaing luto ng kaibigan nitong Chef.
“I told you, masarap magluto ang kaibigan ko,” pagma-malaking saad ni Magnar. “Promise, ipakilala ko siya sa ‘yo mamaya.”
Nagkibit lang siya ng balikat. Hindi niya pinansin ang pinagsasabi ng binata, naka-focus ang kaniyang atensyon sa pagkaing nasa harap niya. Saka niya na alamin ang pangalan n’yon pagkatapos niyang kumain.
Sa bawat subo niya, para naman binibiyak ang kaniyang puso. Nahahati sa maraming piraso na parang gusto niyang maiyak. Bigla-biglang pumasok sa kaniyang isipan ang masayang sandali na kasama niya si Gheron sa kusina. Mga sandaling lagi siya nitong tinatawang na Marie-babes. Mga sandaling ginugulo siya nito at pinapangiti ng lihim.
Ayaw niya ng magkunwari. Tamad na siyang magkunwari. Kahit ngayon araw lang, aaminin niya na sa sariling kinikilig siya sa bawat tapon ng biro ni Gheron. Sa mga nakakaasar na biro nito. Sa mga pangbibwesit nito at pabigla-biglang sulpot mula sa kung saan.
“Marie…”
“Ha?” Nagtaas siya ng tingin.
“You’re crying…”
Nagulat naman siya. Akmang pupunasan niya ang kaniyang luha sa kaniyang mga mata pero si Magnar na ang nagkusang abutin ang kaniyang pisngi gamit ang sarili nitong panyo at pinunasan iyon.
“May problema ba? Hindi mo nagustuhan ang lasa?”
Nakangiting umiling siya habang tigmak sa luha ang kaniyang mata. Umiiyak siya, hindi sa kasiyahan dahil kasama niya ang lalaking una niyang minahal, kundi umiiyak siyang si Gheron ang dahilan.
“No, masarap. Tamang-tama ang templa at tumatak na yata ‘to sa panlasa ko ang lutong ‘to ng kaibigan mo.”
Tumango naman ito at hindi na muling nagtanong pa. “Andito lang ako Marie. Matagal man akong nagpakita, pero may dahilan lahat kung bakit.”
Hindi siya umimik. Mabuti at kaibigan na lang ang nakakapa niya sa kaniyang puso para rito.
Naging masaya ang lunch nilang dalawa. Napapangiti siya ni Magnar sa mga simpleng biro nito at mga walang katapusang escapades nito. Sa apat na taon, isa lang ang tumatak sa isipan niya sa kwento nito… Naging dancer ito sa isang gay bar at kinuyog ang bar dahil daw sa sobrang hot nito at fafable.
Tulad nga ng sinabi ni Magnar na ipakilala siya nito sa kaibigan nitong Chef, inutusan nito ang waiter na palabasin ang Chef na binulong nito sa teynga ng waiter. Naguluhan siya kung bakit kailangan pa ibulong pero ‘di siya nagtanong. Ang mahalaga, nabusog siya at masasabi niyang sobrang sarap ng bawat luto! Walang tapon. Tuloy mas lalo niyang gustong malaman kung sino ang Chef na sinasabi nito. Dalawang linggo siya sa kusina kaya paniguradong kilala niya ito.
Kapagkuwa’y tumunog ang kaniyang cellphone, tiningnan niya iyon. Nakita niyang chat ito galing ng kaniyang kapatid at nagsasabing nakuha na nito ang kaniyang pinadala sa remittance.
“Marie here’s my best friend. Ang Chef at ang nag-iisang may-ari sa lahat ng Silver Garden. Ang kaibigan ko… Si Gallagher Svensson. Don’t be confused, marami lang talaga siyang pangalan.”
Napasinghap siya sa narinig at awtomatikong pagtaas ni Marie ng tingin, nagtama ang mata nila ni Gheron. Para siyang binagsakan ng mundo sa ikalawang pagkakataon.
“S-Siya ang may-ari ng S-silver Garden?”
“Hindi ba sinabi sa ‘yo ng gwapong kaibigan ko?”
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig at doon sunod-sunod na pumasok ang lahat simula nung pagdating niya sa Sapporo, ang pagkasuspende niya, ang pagkaroon niya ng trabaho agad sa Silver Garden, ang lahat!
Namasa ang kaniyang mata. Pakiramdam niya, para siyang niloko kahit wala siyang karapatan na maramdaman ang salitang iyon. Napaglaruan siya ni Gheron sa kamay nito sa pagpapanggap nitong mahirap.
Ano ngayon kung nagpanggap siyang mahirap? Hindi mo matanggap dahil napahiya ka.
Hindi niya na hinayaan makalapit sa kanila si Gheron, mabilis siyang tumayo at nagmadaling tinungo ang pintuan. Narinig niya pang tinawag siya ni Magnar pero hindi siya nakinig, nagtuloy-tuloy lang siya sa paglakad ng mabilis na halos liparin niya na.
Naabutan lang siya ni Magnar sa labas ng Silver Garden at bago pa siya traydurin ng kaniyang luha, hinawakan na siya nito sa kamay at hinila papasok sa mamahaling sasakyan nito para umalis sila ro’n.
Ngayon lang pumasok nang tuluyan sa kaniyang utak ang lahat. Simula’t sapol pinaglalaruan ni Gheron ang galaw ng orasan. Gusto niyang magalit pero hindi niya makapa sa puso niya. Ang tanging nakakapa niya lang ay malaking pagkapahiya, sampal ng katotohanan at sa masakit na reyalisasyong si Gheron ay isang mayaman.
“Hindi ko intensyon na paiyakin ka, Marie.” Inabot nito sa kaniya ang panyo nito. Hindi yata nauubusan ng panyo ang binata.
Tinanggap niya iyon at hindi siya nahiyang umiyak sa harapan ng binata habang nagmamaneho ito ng sasakyan. Tahimik lang siyang umiiyak at hinayaan si Magnar kung saan siya nito dadalhin.
Hindi niya kailanman naisip na ang may-ari ng Silver Garden ay si Gheron. Kaya pala okay lang na mawala ito at pasulpot-sulpot. Hindi niya talaga lubos maisip. Gusto niyang sampalin ang sarili sa sobrang inis at pagkapahiya.
“B-bakit hindi mo sinabi sa ‘kin na si Gheron ang may-ari ng Silver Garden?” sumbat niya kay Magnar.
“Hindi ka nagtanong Marie.”
Tama naman ito. Hindi nga siya nagtanong. Pero malay ba niya na si Gheron din pala may ari? Para siyang pinaglaruan ng karma sa ikalawang pagkakataon at mas masakit ngayon. All awhile na pag-iisip niyang malas ang binata, ang totoo siya pala ng malas. Ang laki niyang malas!
“Mahal mo ang kaibigan ko.”
Nagtaas siya ng tingin. Nakita niya ang amused na ngiti ni Magnar na sumulyap sa kaniya.
“H-huwag mong sabihin sa kaniya…”
“Bakit?”
Nag-iwas siya ng tingin at tumingin sa labas ng bintana. “Mangako ka. Huwag mong sabihin kay Gheron, please?” Bumaling siya rito.
Tumango ito at nagtaas ng isang kamay. “Promise!”
INABUTAN siya ni Magnar ng isang beer in can at agad niyang tinanggap iyon. Juice ang binigay nito ng una pero hindi niya tinanggap at siya ang nag-insist na bigyan siya nito ng beer. Nasa isang roof top sila at maganda sa roof top na iyon. Konti lang ang mga tao at halos lahat ay mga couple na masayang nag-uusap.
“Saan mo gustong iuwi pagkatapos nito?”
Napatingin siya rito, “Ako na bahalang umuwi.”
“I won’t let you! Mapapatay na ako ni Taurus.”
“Taurus?”
“Nothing.” Tinaas nito ang beer nito at nakipag-cheers sa kaniya. “Para sa puso mong wasak!”
Sinamaan niya lang ng tingin si Magnar at tahimik na tinungga ang beer. Napapikit siya sa sobrang pait. Hindi yata kinaya ng kaniyang lalamunan dahil bahagya niyang niluwa ang ibang likido.
“Hindi ka sanay. Juice na lang inumin mo.” Muli nitong inoffer sa kaniya ang juice pero hindi niya tinanggap. “Kapag ikaw nalasing, hindi na ako makakabalik ng Pinas na buhay nito.”
Hindi niya pinansin ang pinagsasabi ni Magnar. Iniinom niya ang beer na napapangiwi sa sobrang pait ng lasa. Alam niyang hindi siya gagawan ng masama ng binata. Napatunayan niya na ito rati nung meron pa silang relasyon.
Malamig ang klima pero dahil sa beer na kaniyang iniinom, naibsan ang nararamdaman niyang lamig. Masarap din kausap si Magnar dahil nakakalimutan niya sandali si Gheron. Pero paminsan-minsan lumalabas sa isipan niya ang lalaki.
“Give me your phone,” mayamaya ay saad ni Magnar na ngayon ay nakalahad ang kamay sa kaniya.
“Bakit?”
“Basta. May tatanggalin lang ako sa phone mo. Alam kong nakamonitor sa ‘yo ang lokong ‘yon.” Saka ito tumawa nang malakas na ilan sa mga nando’n ay napatingin sa kanila.
“Ano?” Kahit hindi niya masyadong nakuha ang sinabi nito, binigay pa rin niya ang kaniyang lumang phone sa binata.
Nakangising tinanggap nito ang phone niya. May kinalikot ito ng ilang segundo. Nang ibalik nito ang phone niya, naging seryuso na ulit ito at tinungga ang beer na hawak nito.
“Hindi ka na ba galit sa ‘kin, Marie? Sa ginawa kong pagtalikod dati at sa biglaan kong pagpapakita sa ‘yo? Hindi mo ba ako tatanungin kung bakit?”
Tiningnan lang niya si Magnar at umiling. “Kalimutan mo na. Tanggap ko na rin lahat, Magnar, na mas mahalaga sa ‘yo ang yumaman. Saka dati lang ako galit sa ‘yo, ngayon hindi ko makapa ang galit na sinasabi mo. Siguro tanggap ko na. Ito siguro ang sinasabi nilang closure.”
Napatitig sa kaniya at matagal bago nakasagot. “Ang bait mo Marie. I’m sorry kung umabot ng apat na taon bago ako lumitaw sa harapan mo. Ang buong akala ko nung una, makakalimutan mo agad ako.”
“Inom na nga lang tayo. Wala ka naman kasalanan. Saka, desisyon mo ‘yon. Desisyon ko rin na ilayo ang sarili ko sa mundo sa loob ng apat na taon kaya okay lang.”
“Pero nasasaktan ka ngayon.”
Nagkibit siya ng balikat at tumingin sa magandang city lights ng Sapporo. “Hayaan mo na. Ano ka ba! Ang mahalaga sa ‘kin ngayon ay ang pamilya ko.”
“Sabi mo. Sige, cheers natin ‘yang sakit na naramdaman mo. Magpakalasing tayo hanggang sa pareho tayong papatayin ni Taurus!” Nagtaas ito ulit ng beer sa ere.
“Papatayin ni Taurus?”
Tumawa ito. “Wala. Kainin mo na ‘yang ramen mo.”
Tumalima naman siya sa sinabi nito at kinain nga niya ang ramen. Medyo hindi nga lang niya nagustuhan dahil beer at ramen ang combination. Mas gusto niyang kainin ‘yong luto ni Gheron… pero hindi na yata ‘yon mauulit. Hindi niya afford ang presyo ng luto ng lalaki.
Mga dalawang oras din silang nagtambay ni Magnar sa rooftop. Hindi naman siya nalasing sa beer dahil ang ramen na ang tinira niya at ang juice. Ang hirap pala maglasing na hindi nakikisabay ang panlasa ng dila niya.
Nag-insist siya na mag-train pero hindi pumayag si Magnar. Ang sabi nito, baka may mangyaring masama sa kaniya. Kaya kahit malayo ang Hokkaido, hinatid siya ni Magnar sakay sa kotse nito. Sa buong byahe nila, tulog siya. Nagising lang siya nung nasa farm na sila at binaba siya nito sa harapan ng farm house. Teka, paano nito nalaman na sa farm house siya?
Pinagbuksan siya nito ng pintuan at malamlam ang matang nakatunghay ito sa kaniya. “Antok na antok ka na, Marie.”
Gusto niyang matawa sa boses ni Magnar. Biglang naging malambing o trip lang nitong maging malambing ngayon.
“Oo. Gusto mong uminom muna ng kape sa loob para hindi ka antukin sa daan?”
Natawa naman ito at bahagyang hinawi ang buhok niyang nakatabing sa kaniyang mata. Mabuti na lang at may kalayuan ang staff house kundi makikita sila ng mga kasamahan nila lalo na si Judith.
“Hindi na Marie.” Ngumiti ito. “Salamat nga pala sa araw na ito. Ang saya ko.” At hindi niya inasahan ang maingat na pagyakap sa kaniya ni Magnar.
Wala siyang naramdaman ibang kaluhugan sa yakap nito. Parang yakap-kaibigan lang kaya tinanggap niya ang yakap nito. Gumanti siya. Parang closure na talaga sa relasyon nilang hindi nag-work out. Matagal din ang yakap na binigay nila sa isa’t isa.
“Thank you, Marie…” Isang magaan na halik ang binigay nito sa gilid ng kaniyang labi. Magaan lang na halos hangin lang ito.
Hindi siya nakahuma. Gusto niyang tanungin si Magnar para saan ang halik nitong hindi naman dumantay sa balat niya. Para lang itong nagkunwaring hinalikan siya at may pinapaselos sa malayo.
“Ito na ang huli. Salamat sa lahat.” Makahulugan ang sinabi nito. “Mahalin mo siya.” Saka nito hinalikan ang kaniyang noo.
Hanggang sa mawala sa kaniyang harapan si Magnar, hindi pa rin siya nakahuma. Nagtataka siya para saan ang halik na binigay nito at sa mga mahiwagang salita na hindi niya alam kung para saan. Pinagkibit na lang niya ng balikat ang kawerduhang pinakita sa kaniya ng lalaki at tinungo ang farm house.
Nasa harapan na siya ng kaniyang silid nang marinig niya ang boses ng isang taong may tinatagong malaking galit sa isang tabi. Sa sobrang okupado ng kaniyang utak, hindi man lang niya napansin ang presinsya ng taong nasa madilim na bahagi.
“Masaya ba?”
Base sa boses nito, kung hindi siya nagkakamali ng pandinig, si Gheron ito.
“Masaya ba kasama si Magnar? Hinating-gabi ka.”
Parang naiwan sa lalamunan niya ang kaniyang boses. Hindi niya maapuhap ang kaniyang dila lalo na nung lumabas ito sa madilim na bahagi. Nakahalukipkip ang kamay nito at madilim ang tinging binigay sa kaniya. Nasisilong siya sa matiim nitong mga titig na hindi niya yatang kayang salubungin. Nababanaag niya ang galit do’n na kung siya ang tatanungin, wala siyang alam kung para saan.
“Masaya ba, ha?” Bakas sa boses nito ang pagtitimpi nitong ‘wag siyang sigawan.
“P-pasensya na.” Nagbaba na lang siya ng tingin. Nawala na ang dati niyang matapang na aura. Kung malapit lang ang Pinas, baka umalis na siya at umuwi.
“Pasensya? Binigyan ka ng sick leave para magpahinga, Ms. Antopina. Hindi para makipagkita sa kahit sino at makipaglandian sa kaibigan ko. Magnar is engaged to someone already.”
Sandali siyang napapikit. Ayaw niyang magbukas ng bibig baka kung ano ang masasabi niya sa harapan ni Gheron. Ang sabihan ng makipaglandin ay masakit iyon sa kaniya dahil hindi iyon totoo!
“P-pasensya na ho, Mr. Winfrith. H-hindi na mauulit ito.” Parang may kung anong bumikig sa kaniyang lalamunan. Masakit iyon na parang konektado ang kaniyang luha at handang papatak ang mga iyon na walang paalam.
“I will not condone this behaviour next time, Ms. Antopina. Mahalaga sa ‘yo ang pera, ‘di ba?”
Tumango lang siya kasabay ang pagpatak ng kaniyang luha pero agad niya itong pinunasan. Wala siyang karapatan umiyak o ang masaktan ngayon. Amo niya ito at dito siya kumukuha ng perang sinasahod para sa pamilyang nasa Pinas.
“Good. And next time I see you flirting with Magnar again, I will terminate your contract here. Huwag mo ng pangarapin ang kaibigan ko. Pareho kaming mayaman pero hindi kami nagpapatali sa mga mata-pobre at mukhang pera na katulad mo, Ms. Antopina. Gold digger.”
Hindi ako gold digger! Gusto niyang isigaw ang katagang iyon pero wala siyang lakas. Wala siyang lakas na sabihin na mali ang sinasabi nito laban sa kaniya. Magkaibigan na lang sila ngayon ni Magnar at kung sakaling sabihin niya rin ito, may magbabago ba sa pagtingin nito? Wala.
“Tomorrow. I need you by 6 A.M. Dapat nasa Green House ka ng mga oras na iyon. Magaling ka na sa nakikita ko. You hear me, Ms. Antopina? 6 A.M tomorrow.”
“Y-yes Sir.”
“Good.”
Mabilis siya nitong iniwan na hilam sa luha ang mata at hindi makahuma. Napasunod na lamang ang kaniyang tingin sa lalaki na parang sinusuntok sa sakit ang kaniyang puso.
Iintindihin kita Gheron. Karma ko ito kaya tanggap ko ang mga masasakit na salitang ibabato mo sa ‘kin.
Masakit ang pusong binuksan niya ang pintuan at pumasok sa loob ng silid. Nanlalantang nagpalit siya ng damit at nagbabad sa ilalim ng shower. Masakit, gusto niyang umiyak hanggang sa mawala ang sakit… Hanggang sa maging manhid na ang lahat.
Gheron… Wala man lang siyang mapagsabihan ng sakit na kaniyang nararamdaman…