Dominant Series 8 - Indestructible Chapter 22

Bandang gabi siya nang dumating sa probinsyang kinalakihan niya. Ang tanging dala niya ay ang kaniyang maleta at wala siyang kadala-dala kahit anong pasalubong. Nagpumilit si Magnar na mamili sila ng pasalubong para sa kaniyang pamilya pero umayaw siya.

Bingyan din siya ng malakahing halagang pera ng binata pero hindi niya ito tinanggap. May natatabi pa siyang pera sa kaniyang bank account para makapagsimula siya ulit sa bago.

Dahil walang nakakaalam na uuwi siya, tahimik na bahay ang kaniyang naabutan. Walang ilaw. Hindi naka-lock ang bahay kaya malaya siyang nakapasok. ‘Yong bahay na iniwan niya noon para magtrabaho siya sa ibang bansa ay gano’n pa rin ang hitsura. Walang nagbago. Kung meron man, mas parang hindi na ito bahay tingnan dahil nagkakalat ang ilan sa mga kagamitan sa sala nung buksan niya. Lalo na sa kusina, ando’n ang mga tambak na mga hugasin na kaninang umaga pa hindi nahuhugasan.

Napabuntong-hinga siya. Tinali niya ang kaniyang buhok at tahimik na niligpit ang mga kalat na kagamitan sa sala. Nag-ayos siya para maging maaliwas ang loob ng bahay.

Wala siyang naramdaman kahit ano, basta lang siyang naglinis at nagligpit. Matapos niya sa sala, tinungo niya ang kusina at naghugas ng mga pinagkainan. May mga pagkain pa roon na inaamag na sa mesa. Walang reklamo na tinapon niya ang mga ito. Imbes na magpahinga dahil galing pa siya sa ibang bansa, ang mapaaliwalas ang bahay ang kaniyang inuna.

Matapos niyang linisin ang mga kalat, binuksan niya ang refrigerator para magluto ng hapunan sa gabing iyon pero pagbukas niya, walang laman ang ref kundi puro bottled water at mga dumi ng pagkain na hinayaan na lang tumigas sa bawat sulok. Sinara niya ito. Saka niya ito lilinisin pagkatapos niyang magluto ng ulam.

Lumabas siya at bumili sa tindahan na kaharap lang ng kanilang bahay. Nagulat pa ang kapitbahay nila nang makita siya pero hindi ito nagtanong. Tahimik nitong binigay ang binili niyang dalawang kilong karne ng baboy at ilang mga sangkap para sa lulutuing ulam.

EKSAKTONG pagpatak ng alas-otso ng gabi nang matapos siyang magluto. Kaniya-kaniyang nagsidatingan ang kapatid niya. Nagulat pa ang mga ito nang makitang malinis na ang bahay at nakita siyang nakaupo sa stool na yari sa kahoy doon sa kusina.

“A-ate?!”

Nagbigay siya nang masiglang ngiti sa mga ito. Bihis na bihis ang mga ito na halatang galit sa isang party. “Oo nakauwi na ako! Saan nga pala sila Mama at Papa? Nagluto na ako ng hapunan natin para sabay-sabay tayong kumain lahat.”

Napangiwi ang mga ito sa kaniyang sinabi. Nagtinginan ang mga ito na parang may gustong sasabihin sa kaniya pero hindi na umimik. Halatang hindi natutuwa ang mga ito nang makita siyang nakauwi.

“So, Ate ngayon pala ang uwi mo? Akala namin ay next year pa?” Si Marites ang naunang nagtanong. Nilagay nito sa kung saan ang shoulder bag.

“Hindi ba kayo masaya na napaaga ang uwi ko?”

“Masaya naman. May dala ka bang mga pasalubong sa ‘min?” tanong nang isa niya pang kapatid na si Marlota. Nauna itong umupo paharap sa pabilog na mesa. “Gutom na gutom na ako! Haypeng Kirk iyon, wala naman palang pera para sa date namin.”

“Ako rin. Gutom na ako. Mauna na kaming kumain, ha, Ate. Ikaw na bahala maghintay kay Mama.” Sumunod si Mark sa pagsugod sa mesa at walang sabing sinandok ng kutsara mismo ang mangkok kung saan ando’n ang lutong sinigang niya. “Masarap! May mga pasalubong ka ba sa ‘min? Saan na Ate? Wala akong nakitang mga balikbayan box, ah.”

“Baka tinago muna ni Ate at sabay-sabay natin buksan pagdating nila Mama.” Natatawang sagot naman ng kapatid niyang si Mario.

Hindi siya kumibo. Pinagmasdan lang niya ang mga ito na kumakain ngayon. Wala siyang dalang pasalubong, wala siya kahit isang tsokolateng dala. Biglaan ang pag-uwi niya.

“Hay, ang sarap talaga!” Sabay-sabay na napapuri ang mga ito.

“Nagsasawa na rin ako sa canned goods at puro order d’yan sa tindahan ni Aling Mameng. Ang pakla ng mga luto! Buti pa ‘tong lutong ‘to, masarap.” Sunod-sunod na subo ang ginawa ni Marites at sinunod nitong tinira ay ang adobo. “Ate, pingi pala pera, ha? Wala na akong pera para sa school ko.”

“Ako rin Ate, kailangan ko ng pera para sa exam ko bukas.”

“Siyempre ako rin need ko rin, ‘no! Ate, 6 thousand lang ang hihingiin ko. Maliit lang ‘yan.”

Magsasalita sana siya na maliit lang ang ipon niya nang marinig niya ang malakas na pag-aaway ng kanilang magulang. Dumating na ang mga ito at nagsisigawan na.

“Anong nangyari sa kanila?” puno ng pagtatakang tanong niya.

“Ay ganiyan na sila.” Walang pakialam na tuloy-tuloy sa pagubo ang mga kapatid niya. “Kung ako sa ‘yo Ate, ‘wag ka na mangialam kung ano ang naririnig at nakikita mo. Hayaan mo na silang mag-away.”

Pero hindi siya nakinig. Agad siyang tumayo at tinungo ang sala kung saan pinagbabato ng kaniyang Ina ang nakainom niyang Ama. Ilang segundo siyang natigilan at matagal nakabawi. Hindi ganito ang pagkakilala niya sa mga ito.

“Hayop ka, Odong! Kung hindi pa kita pinuntahan do’n sa pwesto niyo, susugapa ka na naman sa alak at kulang na lang kantutin mo ang anak ni Bebang na halatang pakarat at malandi!” Pinagbabato ito ng kanilang ina nang mga gamit na kailan lang ay inayos niya.

“Eh, anong magagawa ko? Gwapo ang asawa mo. Saka masarap ang anak ni Bebang, game na game sa gusto kong ipagawa sa kaniya. Bigay todo pa kahit sa paggiling. Ikaw ba? Puro pagma-majong lang ang inaatupag mo at pag-totong-its diyan sa kapitbahay. Hindi mo na nabibigay ang pangangailangan ko bilang asawa mo.”

“Animal ka talaga, Odong! Lumayas ka rito! Layas!!!” galit na galit na sigaw ng kanilang Ina at hindi man lang niya nakitang umiyak ito. Basta lang ito nagsisigaw sa galit at pagbubunganga sa kanilang Ama na pilit sinasalo ang mga ito.

“M-ma, nandito na po ako…”

Sabay na napalingon ang dalawa sa kaniya nang maglakas siya ng loob magsalita. Lumarawan ang saya sa mga mukha ng mga ito pero agad din napakunot ng noo nang makitang wala siyang dala kahit ano.

“Dumating ka na pala? Saan mga pasalubong mong galing Japan, anak?” Mabilis na lumapit ang kaniyang Ina sa kaniya at sinipat ang kaniyang likod na parang tinatago niya sa likuran.

“Ang totoo niyang ‘Ma, umalis na ako sa trabaho ko. Dito na ako sa ‘tin mamalagi. Biglaan ho ang pag-uwi ko.”

“Ano?!” Gulat na gulat ang mga ito sa kaniyang sinabi.

Napatakbo rin ang kaniyang tatlong kapatid sa sala at tinanong siya kung nagbibiro siya. Problemadong-problemado ang mga hitsura ng mga ito lalo na ang kaniyang Ina na halatang hindi makapaniwala.

“Bakit ka umalis?! Bumalik ka ro’n, Marie Cris! Hindi ka pwedeng manatili rito. Sino ang magsusuporta sa ‘min at nang mga kapatid mo, ha? Saan ba ang utak mo? Ano ba kasi ang pinaggagawa mo sa Japan at umalis ka, ha? Naku naman, anak! Bakit ngayon ka umuwi kung saan ang dami nating problema sa bahay na ito?!”

“H-hindi sa gano’n ‘Ma…”

“Anong hindi sa gano’n? Kita mo ‘yang Ama mo? Kung hindi manok niya ang laging inuuna, ‘yong dalagang anak ni Bebang ang kinakalantari ng walang hiyang Tatay mo!”

“M-magtatrabaho pa rin ako rito ‘Ma… Hindi ako magiging pabigat.”

“Mas malaki ang kita sa ibang bansa! Nasaan ba ang utak mo, ha? Umuwi-uwi ka pa, hindi naman ang presinsya mo ang kailangan namin dito ng kapatid mo. Kundi pera! Ang pera para sa pagtatapos nila! Naiintindihan mo ‘yon, ha, Marie Cris! Bumalik ka sa Japan.”

“P-pero ‘Ma…”

“Huwag mo akong mapero-pero. Bumalik ka sa Japan at doon ka magtrabaho! Dadagdag ka pa sa sakit ng ulo ko rito, eh, ‘no?!” Matapos nitong sabihin iyon, tinalikuran siya nito at dere-deretso na itong nagtungo sa ikawalang palapag ng bahay nila.

Habang ang mga kapatid niya ay laglag ang balikat na nagsiakyat sa mga silid ng mga ito. Tanging ang Ama na lamang niya ang nasa sala at tulog na sa sahig.

Kahit manhid ang kaniyang pagkatao, hindi pa rin nakaligtas ang mga butil ng luha na nagsipatakan mula sa kaniyang mata. Kung mahirap ang buhay OFW, mas mahirap pala ‘pag nasa sariling bayan at tingin ng pamilya niya sa kaniya ay isang walking bank machine. Kung wala siyang pera, hindi siya importante. Wala siyang halaga.

At sa gabing iyon, imbes na magtampo sa kaniyang pamilya… Mas pinili niyang matulog at kalimutan saglit ang lahat. Pero kahit sa pagtulog niya, paulit-ulit niyang nararamdaman ang marahas at masakit na halik ni Gheron sa kaniya. Ang parusang binigay nito na hindi lang mundo ang napunit sa kaniya, kundi pati na rin ang kaniyang puso.

Kinabukasan, tila isa siyang robot na bumangon para paglutuan ang pamilyang lahat ay gagawin niya. Tulad nung nakagawian niya noon, siya lagi ang naghahanda sa bawat almusal ng lahat. Nagluto siya ng hotdog at scrambled eggs. Nagsangag din siya ng kanin at eksaktong pagkababa ng mga kapatid niya, deretso na ang mga ito sa mesa.

“Saan si Mama? Hindi ba tayo sabay-sabay kumain?”

“Hindi iyon sasabay. Galit si Mama sa ‘yo, Ate. Bakit kasi umuwi ka?” Tinatamad na tanong ng kapatid niyang lalaki. Nagsandok na ito ng kanin at pati sa pagsubo ng pagkain, tinatamad ito.

“Bakit ba hindi na lang kayo maging masaya na nandito ako?”

“Masaya naman ‘yong nasa ibang bansa ka, ah. Saka paano na pag-aaral namin nito, Ate? Saan kami kukuha ng pang-tuition nito? Alam mo naman na nag-aaral pa kami, eh. Uwi-uwi ka agad. Hindi mo lang kami pinatapos muna.”

Natahimik siya sa sinabi ng bunsong kapatid niyang si Marlota. Masyado pa maaga para patulan niya ang mga ito at bilang nakatatandang kapatid, siya na dapat ang umintindi. Hindi siya pinalaking bastos pagdating sa pamilya.

Tahimik silang kumain apat. Naunang natapos ang mga ito at kaniya-kaniyang alis ang mga ito sa bahay na hindi naghuhugas ng pinagkainan o kaya’y ligpitin man lang. Napabuntong-hinga na lamang si Marie at sinunod ang mga kalat ng mga ito.

Hindi rin siya pinansin ng kaniyang Ina nung bumaba ito, kumain lang ito at pagkatapos, umalis din ng bahay. Ang naiwan na lamang ang kaniyang Ama na mahimbing na mahimbing pa rin natutulog sa sala.

Pinilit na lang niyang pagaanin ang sarili at nagpasyang magpunta sa bayan para maghanap ng Bank. Titingnan lang niya kung ilan pa ang natitirang pera.

Sakay siya ng motor at may kalayuan din ang bayan. Nang makita niya ang hinahanap, agad siyang pumasok sa loob at chineck kung ilan ang laman ng pera niya.

Bagsak ang kaniyang balikat nang makitang nasa 35 thousand na lang. Maliit na halaga na lang iyon para sa pamilya niya pero hindi niya ibibigay ang perang iyon, gagamitin niya ang pera para gumawa ng maliit na pwesto at magtinda.

“Naku ang gwapo mo na talaga Fidel! Ang puti-puti pa!” Hagikhik ng isang teller.

Napalingon naman siya at tiningnan ang sinasabi ng babae na Fidel. Namilog ang kaniyang mata nang makita niya si Fidel. Nakatalikod ito sa kaniya pero alam niya ang matikas na tayo ng binata.

“Fidel?”

Awtomatikong napalingon ito sa kaniya at nagliwanag ang mata nito nang makita siya. “Marie!” Sinalubong siya nito ng yakap.

Nagulat siya sa ginawa ni Fidel pero natawa na lang din. Wala na sila sa Japan para pagsusupladahan ito. “Kumusta ka na?”

“Ako itong gusto magtanong niyan. Akala ko sabay tayo uuwi. Nalaman ko na lang kay Judith na sinama ka ng lalaking nagngangalang Magnar. Pasensya ka na, huli ko na nalaman na sinaktan ka pala ng walang hiyang Gheron na ‘yon!” anas nito nang bumitaw mula sa pagkakayakap sa kaniya.

Ngumiti lang siya sa binata. “Huwag na natin pag-usapan si Gheron. Aminado akong siya ang karma ko pero tapos na iyon. Ang mahalaga, nakauwi na ako rito sa ‘tin.”

“Kung sabagay, tama ka.” Nagkibit ito ng balikat. “Siguro naman pwede na kitang yayain mag-snacks? Hindi dahil sa gusto kita, ah. Magaan lang talaga loob ko sa ‘yo, Marie, na para bang matagal na tayong magkakilala. Kinukulit lang kita rati pero ang totoo niyan, malapit ang dugo ko sa ‘yo. Weird ‘no? Gusto kitang maging kaibigan! Totoong kaibigan.” Tinawan nito ang huling sinabi.

Natawa rin. Malapit din ang loob niya kay Fidel noon pa man pero dahil ang gusto niya noon ay trabaho lang kaya lagi niya itong pinagsusupladahan at pinagtatabuyan dahil inisip niyang gusto lang nitong bwesitin siya.

“Oo na, sige na nga. Basta libre mo ko, ah?”

“Naman! Malakas ka sa ‘kin. Para kitang kapatid eh, kahit ibang-iba tayo ng ugali.” Muli itong tumawa.

Napailing na lang siya sa kakulitan ni Fidel. Masaya naman kasama ang binata kahit gusto niya minsan tuktukan ang ulo nito. Ilang sandali pa ay sabay silang nagtungo ni Fidel sa tindahan kung saan may nagtitindang iba’t ibang klaseng kakanin.

“Na-miss kong kumain dito,” anas ni Fidel at niyaya siyang umupo.

Magkatabi silang umupo ni Fidel sa isang silyang kahoy na pahaba nang magsalita ang tindera at masaya ito nang makita ang binata.

“Aba ay ikaw na talaga ‘yan, Fidel? Ang gwapo-gwapo mo ng bata ka at ang puti pa!” kinikilig na saad ng matandang tindera. “At kasama mo na rin pala ang kapatid mo. Mabuti naman!” Ngumiti ang tinderang babae at inabot sa kanila ang inorder ni Fidel.

“Naku Aling Tina, hindi ko kapatid si Marie. Kaibigan ko siya at katrabaho sa Japan.”

“Gano’n ba?” hindi naniniwalang saad nito. “Ako ba ay pinagloloko mo, Fidel? Itabi niyo nga ‘yang mukha niyo.”

Mabilis naman sinunod ni Fidel ang sinabi ng matanda. “Nang ganito kalapit?”

“Magkamukha kayong dalawa! Magkapatid kayo. Huwag mo akong pinagloloko Fidel. Matanda na ako pero ay aba, malinaw mata ko. O siya, bigay ko sa inyo ‘yang order niyo. Huwag niyo ng bayaran tutal masaya akong nakikita kitang kasama mo na ang nawawala mong kapatid. Hindi ko talaga kinalimutan ang kwento mo noon na hinahanap mo ‘yang kapatid mo na nawawala.”

Hilaw naman natawa sa tabi niya si Fidel. “Huwag mo na lang pansinin ang sinabi ni Aling Tina, Marie,” pabulong na sabi sa kaniya ng binata.

Tumango lang siya at ngumiti sa binata. Baka malabo lang ang mata ng matanda. Ngayon lang sila napagkamalan magkapatid ng binata. Pero unang nagsabi sa kaniya na magkamukha raw sila ng lalaki ay si Judith. Biniro pa siya nito noon na baka si Fidel ang soul mate niya.

Ilang sandali pa ay masaya silang nagkwentuhan ng lalaki. Mga kalokohan nito noon nung kabataan at babaeng gustong pakasalan. Niyaya pa siya nitong pumunta siya sa kasal nito pero ang problema raw nito, wala pa itong papakasalan.

Hindi na sila nagtagal pa ni Fidel, kailangan pa niyang umuwi. Pero bago iyon, nag-grocery muna siya at sinamahan pa siya ng binata. Doon lang niya napagtantong hindi naman pala masama kasama ang binata. Masiyahin ito parang si Judith at maraming kwento parang si Magnar.

Gusto pa sana siyang ihatid nito pero may tumawag dito kaya napilitan itong mauna sa kaniya at nag-iba na sila ng daan dalawa. Nakabalik siya sa bahay mga bandang tanghali at tamang-tama lang para makapagluto. Tahimik ang bahay. Wala rin ang kaniyang Ama na kanina lang ay tulog na tulog sa sala nung iwan niya.

Tahimik siyang nagluto ng tanghalian pero lumamig na lamang ang kaniyang niluto, walang kahit isa ang umuwi kaya ang paglilinis na lang ng buong bahay ang kaniyang ginawa. Nag-general cleaning siya. Una niyang hinarap ang kaniyang silid na kama na lang ang malinis dahil pinagtatambakan ito ng mga kung anu-ano ng mga kapatid niya.

“Marie Cris!”

Napaigtad siya nang marinig niya ang tawag ng kaniyang ama. Mabilis siyang bumaba. Nakita niya ang nakainom na ama at kasama ang babaeng anak ni Aling Bebang.

“Nagluto ka na ba? Gutom na ako. Pakainin mo naman kami ng babae ko.”

Hindi siya sumagot. Nagtaas lang siya ng tingin sa babaeng kasama nito. Gustong-gusto niyang magsalita pero pinigilan niya ang sarili. Isa sa ayaw ng Ama niya, ang tanungin ang mga pamamalakad nito. Bawal siyang magsalita o magtanong.

“Marie Cris! Nakikinig ka ba?”

“Opo ‘Pa.” Tahimik siyang nagtungo sa kusina at ininit ang nilutong ulam. Mula sa kaniyang pwesto narinig niya ang pag-uusap ng kaniyang Ama at ang kerida nitong gusto niyang pagsampalin ng malakas.

“Siya ba ang anak mong nasa labas ng bansa?”

“Anak?” Tumawa ito. “Hindi ko ‘yan anak! Huwag ka nga maraming tanong sa ‘kin. Sakyan mo na lang ako at paligayahin at baka bigyan pa kita ng pera presh pram Japan.”

Napanting ang kaniyang teynga sa narinig. Bigla siyang napatingin sa deriksyon kung saan masayang naglalampungan ang ama niya at babae nito. Ang unang pagkakataon na narinig niyang sinabi nitong hindi siya anak. Parang sinuntok ang puso niya. Imposible! Pero kung sabagay, hindi pa siya nasanay. Simula nung lumaki siya, hindi naman talaga anak ang tingin nito sa kaniya.

Lumaki siyang laging nalalatayan ng sinturon ang katawan mula sa malupit nitong kamay. Lumaki siyang laging may pasa at takot sa Ama kaya hanggang ngayon, dala niya ang matinding takot para rito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.