Dominant Series 8 - Indestructible Chapter 25

Limang buwan nagdaan. Walang nagbago sa pakikitungo sa kaniya ni Marie. Mas lalo itong naging malamig sa kaniya nung lumipat na ang mga ito sa Manila at sunod pa rin siya nang sunod. Nagmukha siyang aso sa kakasunod sa dalaga. Pinayuhan na rin siya ni YX pero hindi siya nakinig.

Binigyan siya nito ng ilang buwang bakasyon at pinakiusapan ayusin niya ang kaniyang sarili pero mahirap yata gawin ang sinabi nito. Mabilis lang sabihin pero sa bawat gabing nagdaan, dahan-dahan siyang tinutupok ng sarili niyang kalungkutan.

Tulad ngayon, nasa kaniyang sariling penthouse siya sa Manila at mag-isang umiinom habang nakatingin sa kalawakan sa gabing iyon. Pang-ilang bote niya na ito ng beer at malakas-lakas na ang tama niya.

Natatawa siya habang paulit-ulit na lumilitaw sa isipan niya ang magandang mukha ni Marie. Natatawa siya pero ang sakit na kaniyang nararamdaman ay hindi kayang pawiin ng ilang bote ng beer na kaniyang ininom.

“Marie!!!” Malakas siyang napasigaw. Nasa terasa siya at walang makakarinig kahit magwala siya. “Mahal kita! Hindi mo ba nakikita ang pagmamahal ko?!” Muli niyang nilagok ang isang boteng may natitira pang beer. Inubos niya ang kalahating laman n’yon at napailing-iling.

Napatingala siya sa kalangitan. Maraming bituin pero umuulan yata. Namamasa ang kaniyang mata. Napangiti siya ng mapakla at inabot ang matang napatakan ng ulan. Natawa siya at napailing.

“Puta! Luha pala.” Sunod-sunod na nagsibagsakan ang mga ito. “Tangina! Babae lang iniyakan ko? Puta!” Natawa siya ng malakas pero walang tigil ang pagdaloy ng ulan sa mata niya. “Babae lang pero mahal ko ang babaeng nasaktan ko. Mahal ko ang babaeng wala ng nararamdamang pagmamahal sa ‘kin. Damn! Why is it hard to love someone?!” Padarag niyang binagsak sa isang tabi ang bote at nagbukas ng panibago.

Mabuti pa ang beer na kasama niya, naiintindihan ang kaniyang nararamdamang sakit. Hindi rin siya makapag-isip ng matino sa loob ng limang buwan! Napapabayaan niya ang kaniyang Restaurant, at ang kaniyang sarili. Araw-araw siyang nanunuyo kay Marie. Lahat ginawa niya. Lahat binigay niya na. Araw-araw siyang humihingi ng kapatawaran pero manhid ang babaeng mahal niya dahil sa kaniyang nagawa at naiintindihan niya ito.

Pero nitong nakaraang buwan, hindi na siya hinayaan makapasok kahit sa gate. Wala rin magawa si Fidel dahil iyon ang utos ni Marie at sumusunod lang ito. Sinubukan niya rin pumasok isang beses sa kwarto ni Marie nung tulog ito, pero tinitigil niya rin iyon nang mahuli siya ng dalaga na nakatunghay rito.

Imbes na awayin siya nito at pagsabihan ng masasakit na salita dahil sa kaniyang presinsya, tiningnan lang siya nito at tagos sa kaniyang kaluluwa ang tinging binigay sa kaniya ni Marie. Sa mga titig pa lang ng dalaga, nakuha niya na ang ibig sabihin. Ayaw siya nitong makita at wala ng pag-asa para sa kanilang dalawa.

Simula no’n hindi na siya naglakas-loob pa na pasukin ang silid nito. Mas gugustuhin pa ni Gallagher na sigawan, murahin at saktan siya ng physical ni Marie keysa ang makitang walang emosyon ang bawat kislap ng mga mata nito.

“Hey, Gal!”

Napatingin siya kay Magnar. Ngumiti siya sa kaibigan at binato rito ang isang bote. Agad naman nitong sinalo na walang kahirap-hirap.

“What took you here? Akala ko ba nasa ibang misyon ka?” Muli niyang binalik sa langit ang tingin.

Nagkibit lang ito ng balikat sa kaniyang tanong. Binuksan nito ang beer sa pamamagitan ng ngipin at tahimik na nilagok ang laman. Umupo ito sa kaniyang tabi at nakipagsabayan sa kaniyang makipagtitigan sa kalangitan.

“Sinisira mo na ang buhay mo, Gal. It’s not you at all.”

Ngumiti lang siya nang mapakla at hindi kumibo. Muling umiyak ang langit kaya sandali niyang pinikit ang mata.

“Its raining…” mahinang usal niya.

“Gal…”

“Uminom ka pa. Marami pa akong beer.”

“It’s my fault. Hindi ka magkakaganito kung hindi ako laging nangingialam sa ‘yo.”

Ngumiti lang siya ng mapakla at nagbukas ng mata. Nakipagtitigan siya ng walang katapusan sa kalangitan. Kahit doon, nakikita niya ang magandang mukha ng dalaga. Kahit lunurin niya ang kaniyang sarili, hindi niya nadadaya ang sarili. Si Marie pa rin ang sinisigaw ng kaniyang puso.

“Napatawad na kita,” anas niya.

“Pero bakit hindi mo magawang patawarin ang sarili mo kung napatawad mo na ako?”

“Ah, myself?” Muli niyang tinungga ang beer. “How can I forgive myself? Nang dahil sa ‘kin kaya rin lumalayo si Marie. Mahirap ako mahalin. Hindi ko na kaya ibalik ang Marie na nakilala ko. Pagkamuhi at galit ang nakikita ko ngayon sa babaeng mahal na mahal ko.”

“Damn Gallagher! Don’t say that. Pinagsisihan ko na ang laging pangingialam ko sa buhay mo. Hindi ko intensyon guluhin ang lahat ng pinaghirapan mo. Hindi ko lang inisip na totoong minahal mo si Marie.”

Ngumisi lang siya. “Uminom na lang tayo. Para sa pagmamahal ko kay Marie, na magpahanggang ngayon ay siya pa rin ang laman ng puso ko!” Tinaas niya ang bote at nilagok lahat ng laman.

Pasuray-suray siyang tumayo at tinungo niya ang swimming pool. Gusto niyang maligo at magbabad sa ilalim hanggang sa mawalan siya ng hangin. Baka sakaling sa kaniyang gagawin, mababalik niya ang nakaraan.

“Tell Marie that I love her.”

“Gallagher!”

“Maliligo lang ako. Kumuha ka muna ng dalawang case sa ibaba.”

“But—”

“Bahay ko ito at mag-iinuman pa tayo!”

Walang magawa si Magnar kundi ang sumunod sa kaniyang utos. Tumayo ito at tumalikod.

I fucking love you… pero hindi ko alam kung paano at anong gawin ko para mapatawad mo.

Nakaharap siya sa kaniyang repleksyon sa swimming pool. Pati sa tubig, nakikita niya ang walang emosyong mata ng dalaga.

Pinikit niya ang mata at lumusong sa tubig. Sandali lang siyang magpapahinga. Naramdaman niyang lumubog ang kaniyang katawan sa ilalim ng tubig. Napangiti siya nang makita niya sa kaniyang tabi si Marie at blangko pa rin ang mata nito.

Marie…

Inabot niya ang mukha nito pero wala siyang nakuhang tugon.

I love you, ha? Pahinga lang ako…

Gheron…

Napangiti siya nang marinig niya ang malambing na boses ni Marie. Pinikit niya ang mata at kasama sa training nila sa Dark X ay kung paano pigilan ang hangin sa ilalim ng tubig pero dahil sa bulong ng alak, sinadya niyang lunurin ang sarili.

Gheron, don’t do this. Please? Don’t do this!

Shh… it’s okay. I’m just resting. What’s the purpose of my life living without you?

Please? Don’t do this!

Pero hindi na siya sumagot. Nag-aagawan ng hangin ang kaniyang baga. Nasa ilalim lang siya ng tubig at nilulunod ang sarili.

“Gallagher! Putangina! Huwag kang mamatay! Gallagher! Tangina dude!”

Mapakla siyang ngumiti. Hindi siya nagpapakamatay. Gusto lang niya maging manhid at magpahinga sandali…

Isang malakas na suntok ang tumama sa kaniyang mukha nang maiahon siya ni Magnar sa ilalim ng tubig. Galit itong nagsisigaw at niyugyog ng malakas ang kaniyang balikat.

“Dick head! Are you trying to kill yourself?! Gago ka ba talaga, ha, Gal? Tangina mo! Tangina mo talaga!”

Nagmulat siya ng mata at nakita niya si Magnar na galit na galit. Nakaupo ito sa kaniyang tabi at basang-basa. Dahan-dahan siyang bumangon at napahawak sa kaniyang panga. Ngayon siya ulit nakatikim ng suntok.

“Masakit,” usal niya.

Napasinghot naman ito at binatukan siya. “Tangina mo Gallagher!” Saka ito nagpupunas ng luha.

“Nasaan ang pinapakuha ko sa ‘yong beer?”

“Wala ng stock ang ref mo. May magdadala rito maya-maya lang at darating.”

Nagkibit siya ng balikat at pinunasan ang gilid ng labi. Nalasahan niya ang kaniyang sariling dugo mula sa malakas na suntok na binigay sa kaniya ni Magnar.

“Ano ba ang nasa isip mo?”

“I just wanna rest. Kahit isang gabi lang.”

Hindi kumibo si Magnar. Nagtaas ito ng tingin sa langit at nagpipigil na huwag siyang sigawan sa galit.

“Simula ngayon, pinapangako ko Gal, hinding-hindi ko na panghihimasukan ang buhay-pag-ibig mo. I swear coz I don’t wanna see you like this. Hindi ikaw ito, eh. Hindi ka ganito. Hindi ko inasahan na magiging ganito ka and my guilt is killing me alive.”

“Mag-inom na lang tayo.” Tinapik niya lang ang balikat ng kaibigan, tumayo siya na parang walang nangyari. Bumalik siya sa kaniyang inuupuan kanina at dinampot ang isang bote.

Walang hirap na binuksan niya ito sa pamamagitan ng ngipin at deretsong tinungga ang alak. Wala siyang maramdaman ngayon kundi kahugkaan. Nagpapasalamat si Gallagher na hindi na muling umulan ang langit.

Tumabi ng upo sa kaniyan si Magnar at binigay nito sa kaniya ang cellphone pero tiningnan lang niya ito.

“Call her.”

“Who?”

Bumuntunghinga ito. “Call her, Gal.”

Napailing siya. Malaya niyang iniinom ang alak. Ilang minuto silang gano’n nang iwanan siya ni Magnar, may tumawag sa phone nito. Hinayaan niya ang kaibigan. Kukunin lang daw nito ang inorder na mga beer.

Binilinan pa siya ng kaibigan na huwag siyang muling gumawa ng makakapag-triggered kay kamatayan at baka hindi raw siya sasantuhin. Nagkibit lang siya ng balikat. Basta si Marie ang dahilan, bakit hindi.

Tumayo siya at tinungo ang dulo ng terrace at mula sa kaniyang kinatatayuan, kitang-kita niya ang malawak na Metro-Manila sa gabi. Nagkikislapan ang mga ito sa ganda. Muli niyang nilagok ang alak at nag-ipon ng lakas ng loob na sumigaw. Baka sa kaniyang gagawin, tuluyan siyang magising sa bangungot na ito.

“Marie!” Pero ang hangin ang sumalubong sa kaniyang malakas na sigaw. “Remember that I love you so much!” Wala siyang pakialam na marinig siya ni Magnar. Ito na ang huli na gagawin niya ito. “Marie-babes! Bumalik ka na sa ‘kin, please? Sayang ang kagwapuhan ko kung sasayangin mo lang. Pero kung ayaw mo na talaga, siguro, ito na ‘yong huli…”

“Buang ka talaga!”

Sandali siyang natigilan nang marinig niya ang boses ng dalaga. Pinaglalaruan siya ng kaniyang teynga. Mapakla siyang natawa. Ito na yata ang dahilan sa gabi-gabi niyang paglalasing at walang katapusang pagsisigaw sa pangalan nito.

“Nababaliw na yata ako…”

“Gheron bwesit ka talaga! Lumayo ka d’yan sa gilid! Magpapakamatay ka ba talagang gago ka?!”

Napalingon siya at eksaktong nagtama ang mata nila ng babaeng kanina pa niya sinisigaw ang pangalan. Nakita na naman niya si Marie. Ilang bote na ba ang naubos niya? Dahil ang nakikita niyang Marie ngayon, may emosyon ang kislap ng mga mata. Napupuno ng galit, awa at pagmamahal na para sa kaniya.

“M-marie?”

“Buang ka! Makinig ka sa ‘kin Gheron, huwag na huwag kang gumawa ng hakbang na pagsisihan mo sa huli. Huwag kang magpapakamatay gago ka!”

Pinilig niya ang kaniyang ulo. Hindi na siya dinadaya ng kaniyang paningin. Totoong nasa harapan niya ang dalaga, umiiyak at… Malaki ang umbok ng tiyan!

Napalunok siya at himalang nawala ang kaniyang kalasingan. Hindi siya pinaglalaruan ng kaniyang imahinasyon ngayon. Totoong nasa harapan niya si Marie. Totoong umiiyak ito ngayon, at totoong mga luha ang kaniyang nakikita sa mga mata nito.

“What are you doing here? I… I mean how did you get in here?” Mabilis siyang nakalapit sa dalaga at halos ayaw niyang kumurap. Iniisip niyang ‘pag ginawa niya ito, biglang mawawala sa kaniyang harapan ang dalaga at iwan siya.

Ang mata niya ay nakatuon sa may kalakihang umbok ng tiyan nito. Parang may kung anong kumislot sa kaniyang dibdib habang nakatingin doon at inabot ito kahit walang pahintulot kay Marie. Pero bago niya maabot ang tiyan nito, isang sampal ang nakuha niya kay Marie. Malakas na sampal kasunod ang pagsusuntok sa kaniyang dibdib habang umiiyak.

Nalilito man siya sa nangyayari, niyakap na lamang niya ang dalaga. Kung isa man itong panaginip, isa itong panaginip na palagi niyang babalikan.

“Bwesit ka talaga, eh! Alam mo bang sumakit ang tiyan ko nung makita ko ang video na sinend sa ‘kin ni Magnar? Gago ka talaga. Gago ka talaga!”

“Video?”

“Video mo na plano mo magpahinga!”

Hindi siya nakaimik. Hinanap ng kaniyang mata si Magnar pero hindi niya nakita ang lalaki.

Napahikbi ito. “Lahat nakita ko, Gheron, lahat alam ko. Sinasabi sa ‘kin ni Magnar ang mga nangyayari sa ‘yo pero imbes na kamuhian ka at tuluyang ibaon sa limot, mahirap yata gawin lalo na at kasabay na nabuo sa sinapupunan ko ang anak mo… Ang anak natin.”

Tila may kung anong sumuntok sa puso ni Gallagher. Parang pinipiga ang kaniyang puso habang nakatingin sa tiyan at mata ni Marie. May kung anong isip ang kaniyang kamay na hawakan at damhin ang tiyan ng dalaga, at mula roon dama niya ang init na nagmula sa tiyan nito at ang reyalisasyong sumuntok sa kaniya na totoo nga ang lahat ng mga nangyayari ngayon. Hindi lang dahil sa alak. Hindi siya nananaginip.

“Tinakot mo ako nung makita kong hinahanap ka ni Magnar sa video! Lalo na nung marinig ko ang boses ni Magnar at pagmamakaawang magising ka sa gilid ng pool. Bwesit ka! At ngayon, sa gilid ng terrace ka na naman para ano, tumalon?!” Sinuntok siya nito sa dibdib. “Gago ka talaga? Babae lang iiyakan mo? Babae lang pag-aaksayahan mo ng buhay? Gago ka talaga!” Mas lalong lumakas ang iyak nito.

Habang si Gallagher ay napangiti. Pinapakalma ang babaeng mahal na mahal niya sa pamamagitan ng yakap. Ang pinakaayaw niya sa lahat ay ang makita itong umiiyak at siya ang dahilan. Sumasakit ang kaniyang puso at parang sinasakal ito.

“Mahal kita, Marie… Mahal na mahal. Ikaw ‘yong babaeng handa kong mahalin ng paulit-ulit kahit buhay ko ang kapalit.”

Impit lang na napaiyak sa dibdib niya ang dalaga. May binubulong ito pero hindi niya na maintindihan. Nag-uumapaw ang saya sa kaniyang puso at pwede na siyang mamatay ngayon.

“G-gheron, patawarin mo ako kung matagal kong nakapa ang salitang patawarin ka. I’m… I’m sorry… Mahal din kita. Mahal kita, hindi dahil sa ikaw ang Ama ng dinadala ko ngayon o mayaman ka, kundi mahal kita dahil sa kabila ng pinakita ko sa ‘yo, hindi ka sumuko. Pinaramdam mo sa ‘kin na hindi napapagod ang pagmamahal. Kailangan lang saglit ng pahinga pero hindi dapat sinusukuan. Pero ngayon, tama na ang pagtitimpi at pagtitiis ko sa ‘yo na huwag kang makita. Tama na ang pagiging manhid at mapagmataas. Dahil kahit baliktarin ko ang mundo, ikaw at ikaw pa rin ang totoong minahal ko.”

Parang sasabog ang kaniyang puso sa narinig. “Mahal mo rin ako? Mahal mo rin ako… God! Mahal mo rin ako? Damn! Heaven! Mahal mo ako?” Sa haba ng sinabi ng dalaga, sa ‘mahal’ natuon ang kaniyang atensyon at paulit-ulit na ume-echo sa kaniyang utak ang salitang ito.

“Oo! Kaya huwag na huwag kang magpakamatay, please?”

Napangiti siya. “Hindi ako nagpapakamatay. Nagpapahangin lang ako.”

“Totoo?”

“Oo. Hindi nga.”

“Nakakaiyak naman kayo. Sana all.”

Sabay silang napalingon nang magsalita si Magnar. Nasa may kalayuan ito at nakatuon ang camera sa kanila. Nagrerecord. Babatukan pa sana niya ang kaibigan pero hindi pumayag si Marie na umalis siya.

“Ang sweet naman.”

Natawa siya at para mas lalong mapapasana all ang kaibigan, walang sabing tinawid niya ang pagitan ng labi nila ni Marie. Kung alam lang pala niya na sa ganitong paraan siya papatawarin ng dalaga, nag-live na siya sa facebook at nagkunwaring tumalon mula sa roof top ng building noon.

“Gal, Marie, huwag kayong magalit. Ang totoo niyan, buong mundo ang nakapanood sa inyo ngayon.”

“The hell?!” Naputol ang halik nila.

“Ano!”

“Isang buong gabi lang ito.” Humalakhak ito. “I’ll delete it by morning, swear.” Nagtaas ito ng kamay na parang nangangako.

Hindi na sila umimik dalawa. Muli niyang hinarap ang dalaga at tinawid ulit ang pagitan ng kanilang labi at mariin itong hinalikan. Parang may fireworks ang kaniyang puso nang tugunin nito ang halik na binigay niya sa mas marubdob na paraan. Halik na kay tagal nilang tinitimpi ang isa’t isa at wala silang pakialam kung nasa live video sila ni Magnar.

Natigil lang sila nang tumunog ang kaniyan tiyan. Natatawa siya dumistansya kay Marie at napailing nang maalalang hindi pa siya kumakain sila kaninang umaga. Puro inom lang ang kaniyang inatupag.

“Huwag mong sabihing hindi ka rin kumakain dito?”

Napakamot siya sa kaniyang ulo. Doon lang din napansin ni Gallagher na mahaba na rin ang kaniyang buhok, hanggang likod na ito at magulo. Makapal ang kaniyang balbas at walang ahit.

“It’s okay, gwapo ka pa rin pero kailangan mo ng kumain! Baliw ka talaga.” Hinawakan ni Marie ang kaniyang kamay at giniya siya nito papalabas habang nagta-thumbs up si Magnar sa kaniya. Tinuturo nito ang camera at sabay go.

At sa kauna-unahang pagkakataon, ang babaeng mahal niya ang naghanda ng pagkain para sa kaniya. Isang mainit na soup lang ito pero ito na yata ang pinakamasarap na lutong natikman ni Gallagher sa buong mundo. Handa niyang ipagpalit ang isang menu ng SG niya sa soup na hinanda ng dalaga.

Hindi pa rin siya makapaniwala na nasa harapan niya ito at habang dinadala niya ang kutsara sa bibig, pumapatak ang kaniyang mga luha.

“Gheron? Pangit ba ang lasa? Sorry ha, palitan ko na lang. Hindi ko kasi alam ang panlasa mo.” Tarantang kinuha ni Marie ang mangkok pero pinigilan niya ang kamay nito at pinihit ito papalapit sa kaniya.

Mahigpit na niyakap niya ang dalaga at walang ingay na umiiyak sa may kalakihang umbok ng tiyan nito. Ang saya ng puso niya na halos wala na itong mapapalagyan sa sobrang saya na kaniyang naramdaman.

“Thank you, Marie-babes… Thank you. You don’t know how happy I am. Parang sasabog ang puso ko. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na pinaglutuan mo ako na may pagmamahal at ito ang pinakamasarap na natikman ko sa lahat ng pagkain.”

“G-gheron…”

Nagtaas siya ng tingin at masuyong ngumiti. Inabot niya ang magandang mukha ng dalaga at hinaplos ito.

“Ang pangit mo umiyak.”

Natawa siya at ang tiyan naman nito ang kaniyang hinaplos. “Mahal na mahal ko kayo ng Mommy mo…” Hinalikan niya ang tiyan ni Marie pareho agad din siyang natigilan. “Pancakes, normal ba na maninipa ang baby sa loob?”

Natawa naman ito at ginulo ang kaniyang buhok. “Sabi ng anak natin, masaya raw siya.”

“Akala ko, sisipain niya ako pagkalabas niya.”

“Baliw!”

Pareho silang nagtawanan dalawa at kung si Gallagher ang tatanungin, wala na siyang mahihiling pa. Sa lahat ng mga natamasa niyang kayamanan, si Marie at ang magiging anak nila ang kayamanan na ayaw niyang mawala. Ito ang kayamanan na hinding-hindi niya ibibigay sa kahit kanino at sasayangin. Mahal na mahal niya ang mga ito at unang bungad pa lang ito ng kanilang kwento, gagawa pa sila ng maraming anak para hamunin niya ng one on one sa martial arts paglaki at gawin myembro ng organisasyon kaniyang kinabibilangan niya.

“ANO? Okay na ba kayong dalawa? Mabuti naman at makakatulog na ako ng mahimbing nito. Hindi na ako papatayin ng konsensya ko,” nakahingang saad ni Magnar. Nakaharap sa mga iwalangto ang kaniyang cellphon at naka-live pa rin ang mga ito gamit sa Facebook niyang kagagawa lang kanina. Gamit niya ang pangalang ‘Magnesiumʼ.

“Mga ka-viewers, ‘yan pala ang dalawang lovebirds. Nagkasakitan muna bago nagbalikan. Kita niyo ang dalawang ‘yan? Parang mga tanga lang. Ayawan bago balikan. Kaya ayuko magmahal kasi ganiyan mangyayari sa ‘kin— awts! Tangina mo nambato pa ang gago!” Inis na lumayo siya sa mga ito. Vlogger siya ngayon. “Kilala niyo ang lalaking ‘yan? Kaibigan ko ‘yan na pinagseselusan ako. Wala eh, gwapo tayo. Saka maganda kasi ang Marie-babes pancakes honey loves so sweet niya kaya ganiyan siya kabaliw.”

“Umalis ka nga rito!” asik sa kaniya ni Gallagher.

“Masaya ka lang, eh. Taena mo! Ito na, aalis na!” mabilis niyang saad nang akmang batuhin siya nito ng baso.

Lumayo siya sa mga ito at nagtungo sa sala. Doon muna siya tatambay bago umalis at hayaan ang dalawang magpainit ng gabi. Baka nga, magkaroon pa ang mga ito ng kambal. Alam niyang buntis si Marie. Sinabi nito sa kaniya ang bagay na ito at mahigpit na pinagsasabi nitong huwag ipaalam sa kaibigan niyang si Gallagher ang pagbubuntis nito. Ayaw na ayaw nitong makarinig, makakita o mabanggit ang salitang Gheron o Gallagher. Inisip niyang si Gallagher ang pinaglihian nito at napatunayan niya ito nung minsan nagdala siya ng picture ng kaibigan niya at galit na pinagsisigawan siya ng dalaga. Binato pa nga sa kaniya ang binigay niyang pagkain.

Sa paglilihi nito, siya ang nahirapang tagadala ng mga paboritong pagkain nito. Hindi alam ng dalaga na ang mga lutong pagkain na dala niya ay galing kay Gallagher na ninanakaw niya sa kusina ng kaibigan.

Isa sa gusto ni Marie ay ang steak na niluto ni Gallagher sa kanila nung sa Silver Garden. Ilang pakiusap at pagmakaawa pa ang ginawa niya kay Gallagher para paglutuan siya nito ng isang linggong stock ng gano’n putahe para dalhin kay Marie. Nagkunwari na lang siyang luto ito ng kaniyang Ina samantalang matagal ng patay ang kaniyang Ina.

Pero masaya siya ngayon. Sa wakas, nagkabalikan na rin ang dalawa. Hindi siya papayag na hindi siya best man nito! Grabe ang pagtitiis niya sa mga ito! Pero sabagay, kasalanan niya naman. Napakamot siya sa ulo.

Nag-end siya ng facebook live at maraming mga viewers. Umabot ito ng isang million views at kaniya-kaniyang mga komento ang mga ito. May nag-request pa na bumalik siya sa kusina kung saan ang dalawa. Pero buburahin niya rin agad ang live at bawal iyon. Baka makita ni Yx at mapatay siya.

Humiga siya sa sofa, napatitig siya sa kawalan at nag-isip. Wala siyang planong pumasok sa buhay pag-ibig. Nasaksihan niya ang dalawa kung paanong nabaliw ang mga ito at kinakatakutan niya itong mangyari sa kaniya. Hinding hindi siya papasok!

Mayamaya ay biglang tumunog ang kaniyang cellphone. Nang tingnan niya ito, biglang huminto ng ilang segundo ang tibok ng puso ni Magnar.

Dang it! Napamura siya sa isipan at deretsong napabangon. Nagwala na ngayon ang kaniyang puso sa nabasang pangalan na nasa screen.

Faarra my future is Calling...

Napalunok siya ng ilang beses at nanginginig ang kamay na pinindot ang accept button.

“Yeah?” Nagkunwari siyang normal kahit ang totoo, dinadaga ang kaniyang puso. Pinagpapawisan siya kahit wala sa harapan niya ang dalaga.

“Oras na makita kita, puputulin ko ‘yang bayag mong lalaki ka! Huwag kang pumunta rito sa SG ni kuya ko, ah! Oras na aapak ka talaga, makakatikim ka sa ‘kin ng itak. Iitakin ko ‘yang itlog at hotdog mo! Good bye.” Pinatayan siya nito ng linya.

Shit! I’m screwed.

Nanghihinang napatitig siya sa kaniyang screen. Kakasabi niya lang na ayaw niyang ma-involve sa pagmamahal na iyan at heto ang puso niyang sa dami ng pwedeng gustuhin, ang kapatid pa ni Gallagher!

Gusto niyang maglupasay at magwala. Dahil ang totoo, isang dakilang man hater ang dalaga at mas malala ang bibig nito kay Marie. Isali pa na iba ang tabas ng dila ni Faarra. ‘Pag sinabi nitong susuntukin siya, totoong susuntukin siya nito. Hindi lang isang chef ang dalaga, isa rin itong black belter. Mukhang alam niya na ang mangyayari…

Pesteng puso niya ito talaga oo!

W.A.K.A.S.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.