Enchanted (Compilation of Lambana Stories) Chapter 10

“HINTAYIN mo naman ako!” pasigaw na tawag ni Kroen kay Quinn na nagmamadali sa pagbaba.

Kung bakit ba naman kasi nag-stiletto pa siya? Tuloy ay nahihirapan siyang bumaba ng hagdanan. At bakit ba sila doon dumaan.

“Quinn! Hintayin mo sabi ako!” sigaw niya nang hindi siya lingunin ni Quinn.

“Kanina ka pa ha? Naiinis na ako sayo. Pati ‘yung isdang pinaghirapan kong—Aray!”

Napahiyaw siya sa sakit ng maramdamang tila napilipit ang kanyang bukong-bukong. Sumabit kasi ang takong ng suot niya sa hagdan. At sa pagmamadali niya ay lalo siyang hindi makaalis kaya’t sa bandang huli ay namilipit siya sa sakit ng napinsalang paa.

“Anong nangyari?”

Iglap lang at nasa tabi na niya si Quinn. Inabot nito ang paa niyang nasaktan at hinubad ang kanyang pampaa. Marahang hinilot ang bukong-bukong niya na lalo niyang ikinapilipit. “Na-sprain ka yata.” Pumalatak ito. “Bakit kasi hindi ka nag-iingat. Hindi kita madadala pabalik kay Matthew kung iyon ang talagang plano mo. Mahirap umakyat pabalik. Ang bigat mo rin naman kung kakargahin kita paakyat.” Naiinis na singhal nito sa kanya.

“Ano bang sinasabi mo?” Sa inis niya ay nahampas niya ito sa braso. “Ikaw itong nagmamadali at hinahabol lang naman kita. Kasalanan ko bang sumabit ang suot kong pampaa?”

“Ang sabihin mo, sinadya mong ma-sprain para makabalik ka kay Matthew!” sigaw nito.

Hindi niya maunawaan kung bakit ito pa ang naiinis sa kanya ngayon samantalang siya na nga itong nasaktan dahil sa paghabol niya rito.

Sa sama ng loob ay nag-init ang mga mata niya. Nakakadalawa na ito. Hindi man lang nito na-appreciate ang pagnanais niyang maipagluto ito ng bagong putahe tapos ngayong siya na itong napilayan sa paghabol rito ay ito pa ang may ganang mayamot sa kanya.

“Nakakainis ka na talaga!” hikbi niya.

Nagpumilit siyang tumayo at magpatiunang bumaba rito. Napangiwi siya ng makaramdam ng kirot sa kanyang bukong-bukong. Agad na humarang sa kanya si Quinn at patalikod na naupo sa harapan niya.

“Sumakay ka na.” malumanay na ang tinig ni Quinn.

Dahil doon ay nabawasan ang inis niya rito at sumakay sa likod nito.

“Sorry to disappoint you pero maski paano ay may alam akong first aid sa mga nai-sprain kaya hindi na kita dadalhin kay Matthew.” Nagsimula na silang bumaba ng hagdan. “Hindi matutuloy ang plano mong pagpapa-cute sa kanya.”

“Ha?” nagtatakang tanong niya. “Anong pagpapa-cute?”

“Pang-aakit?” Hindi siguradong tugon nito.

Sa narinig ay nanggigil na naman siya rito. Sinakal niya ito.

“Ah…rrgh.”

Binitiwan niya ang leeg nito.

“Hindi ko siya inaakit!” angil niya rito. “Paano mong naiisip iyan? Wala naman akong gusto sa kanya.”

“Hindi ka nagagwapuhan sa kanya?”

“Uhm. Gwapo nga siya. Pero mas gwapo ka.”

Hindi alam ni Kroen kung ano ang naging reaksyon ni Quinn sa sinabi niya. Hindi naman niya kasi nakikita ang mukha nito. Pero sigurado siyang natigilan ito dahil saglit itong huminto sa pagbaba ng mga baitang.

“Sigurado kang hindi mo siya gusto?” Tila hindi makapaniwalang tanong nito.

“Ang totoo, may naramdaman akong kakaiba kaninang hawakan niya ang kamay ko. Hindi ko sinasabing hindi ko siya gusto. Mabait naman siya at parang may kakaiba. Pero hindi pagkagusto na tulad ng iniisip mo ang naramdaman ko.”

“Hinawakan niya ang kamay mo?” May inis sa tinig ni Quinn.

“Oo. Kaninang magpakilala kami sa isa’t-isa.”

“Huwag kang basta nakikipagkamay. Lalo’t hindi mo pa gaanong kilala.”

“Pero kilala ka niya at magkaibigan daw kayo.”

“Basta! Huwag kang basta nagpapahawak ng kamay o braso o kahit na ano. Masama iyon.” Anito.

“Bawal iyon dito sa mundo niyo?” naitanong niya.

“Ah…” natahimik ito. “Oo. Medyo bawal iyon.”

“Pero hawak mo din ako ngayon. Karga mo pa nga ako.”

“Tsk! Ano kasi…” tila nawalan ito ng sasabihin. “Iba naman ako. Hindi ako kasali sa mga bawal.”

“Bakit hindi ka kasali? Tao ka rin naman. Lalaki ka din.”

“Basta hindi ako kasama sa mga bawal humawak at makipagkamay sayo. Sa akin ka nakadepende kaya pwede kitang hawakan.”

“Ganon ba iyon?”

“Oo. Ganon iyon.”

Hindi nalang siya nagsalita. Inihilig ni Kroen ang kanyang ulo sa isang balikat ni Quinn. Ang bango ng leeg nito. Pati ang buhok nito. Mabango ang singaw ng buong katawan nito at parang wala siyang ibang gawin kundi ang amuyin nalang ito buong araw.

“Nakikiliti ako sa hininga mo, Kroen. Umayos ka nga diyan.” Tila nahihirapang sabi nito.

Pero sa halip na umayos ay mas lalo niyang inilapit ang ilong sa leeg ni Quinn.

“Ang bango mo. Saan nabibili ang pabango mo? Ibili mo naman ako. Ang sarap amuyin.” At muli niya itong inamoy.

“Pawis ko lang iyan. Kung gusto mo niyan, dumikit ka lang lagi sa akin para lagi mo akong maamoy.”

“Parang ganito?”

Mas dumikit siya kay Quinn at inamoy ang buhok nito, ang batok, ang leeg.

“Ang bango talaga. Ang sarap amuyin!” nag-eenjoy na sabi niya.

“Teka, teka. Kroen… ano… Tsk.” Huminto ito sa tapat ng isang pintong nakasara. “Nandito na tayo sa exit. Ibahin natin ang pwesto mo. Pinapahirapan mo ako.”

Ibinaba siya nito sa bakal na upuan na nasa isang tabi. Lumapit ito sa pinto at binuksan iyon saka siya binalikan at binuhat. Pangko na siya nito. Hindi tulad kanina na sa likod nito siya nakasakay.

Pero kahit ganoon ay hindi siya nagreklamo. Naaamoy pa rin naman niya ang napakabango nitong halimuyak. Idinikit nalang niya ang sarili rito at pinagpasasaan ang amoy ni Quinn. Napapikit pa siya habang inienjoy ang masarap na pakiramdam habang karga nito.

“Uuwi na ba tayo?” naitanong niya habang nakapikit pa rin.

“Hindi pa. Tatlong araw tayo rito dahil may kailangan akong asikasuhin.”

“Kung ganoon, ilang araw ko palang makakasama si Marga?”

“Hindi. Sa ibang bahay tayo tutuloy para hindi mo siya makita.”

Dahil doon ay napamulat siya ng mga mata. Nabungaran niya ang napakagwapong mukha ng nakangiting si Quinn habang nakatitig sa kanya.

“Talaga? Mabuti naman. Naiinis kasi ako sa girlfriend mo.”

Nalukot ang mukha nito. “Hindi ko siya girlfriend.”

Sumimangot na rin siya. “Pero bakit lagi mo siyang kadikit nitong nakaraan?”

“Siya ang parating lumalapit sa akin. Siya nga ang bigla nalang sumulpot sa bahay, remember? Kabastusan kung parati ko nalang siyang itataboy ng walang dahilan.”

“O sige. Sinabi mo eh.”

“Ikaw?” untag nito sa kanya. “Bakit naiinis ka yata kaninang yayain na kitang umalis sa opisina ni Matthew?”

Nasa parking area na sila ng ospital. Saglit na ibinaba siya ni Quinn para ipagbukas ng passenger door.

“Ilang ulit ko bang sasabihin sayo na wala akong gusto sa kanya? Nainis lang ako kasi hindi mo man lang na-appreciate na ipinanghuli kita ng isda. Balak pa naman kitang ipagluto ng bagong putahe.”

Bumagsak na naman ang panga nito at sa pagkainis niya’y basta nalang siyang sumalampak papasok sa loob ng sasakyan. Kung may ilang sandali din itong natigilan sa labas bago nagpasyang pumasok sa loob ng kotse.

“Hindi niluluto ang gold fish, Kroen. Pet sila. Inaalagaan. Magagalit sayo si Matthew kapag malaman niyang plano mong isigang ang mga pet fish niya.”

Natatawang ini-start na ni Quinn ang kotse at binaybay ang kahabaan ng kalsada patungo sa kung saan.

IGINALA ni Kroen ang mga paningin sa loob ng town house na pinasukan nila ni Quinn. Ayon sa binata, bahay iyon ng kaibigan nitong si Matthew. Doon muna raw sila mananatili para makapagtago ito sa mga babae nito.

Nakakainis, pero sa tono ng pananalita nito, madami itong babae na iniiwasan. Kung ganoon pala, hindi lang si Marga ang magiging kaagaw niya kay Quinn.

Kaagaw?

Ah! Ano ba itong iniisip niya? Bakit siya makikipag-agawan sa mga babaeng iyon para kay Quinn? Wala siyang pakialam kung magkagulo ang mga babae sa daigdig na iyon para lang makamit ng mga ito ang atensyon ni Quinn.

Wala. Wala siyang…

“Anong gusto mong kainin, Kroen?”

Napabaling siya sa nagsalitang si Quinn. Prente na itong nakaupo sa couch habang hawak ng isang kamay ang cordless phone. Ang isa pa nitong kamay ay basta nalang nakapatong sa ibabaw ng backrest ng couch. Naka-de-kwatro at nagtitingin ng flyers na nakapatong sa ibabaw ng hita nito. Mukhang pumipili ito ng pagkain ayon sa larawan ng mga putahe sa flyers.

Napakagwapo ni Quinn. Nakita na niya ang tatlong myembro ng konseho sa daigdig nila at masasabi niyang pulos magagandang lalaki rin ang mga iyon. Pero iba ang hatak ng karisma ni Quinn. Tipong makukuha ng isang nilalang ang satisfaction sa pamamagitan lang ng pagtitig sa kagwapuhan nito. Para tuloy gusto na niyang magkaroon ng pakialam. Gusto na niyang bakuran ang mga babaeng naghahabol rito. At gusto na rin niya ang ideya na nagtatago ito sa mga babaeng sinasabi ni Quinn na istorbo sa buhay nito.

Umangat ang napakagwapong mukha ni Quinn mula sa flyers at hinarap siya. Umigkas pa ang kilay nito na tila hinihintay siyang sumagot.

“Ah… k-kahit ano.” Kandautal na sabi niya at tumalikod rito. Nahagip ng paningin niya ang bubog na kahong kapareho ng nasa opisina ni Matthew. Marami din iyong lamang isda.

“Huwag mong pagtatangkaang hulihin iyan. Baka palayasin tayo ni Matthew rito.” Narinig niyang saway ni Quinn sa kanya.

Nakontento nalang siyang panoorin ang mga isda. Saglit pa at naramdaman niya ang presensiya nito sa kanyang likuran.

“Ang gaganda nila.” Aniya. Hindi siya mapakali. Ang kaalamang naroroon lang ito sa likuran niya ay tila nagpapawala sa maayos na daloy ng katinuan niya.

“Yeah. Ang ganda.”

Tiningala niya si Quinn. Baka sakaling mababago noon ang kakaibang damdamin niya. Naabutan niyang titig na titig pala ito sa kanya. Nagbawi na naman siya ng mga paningin. Hindi nakatulong ang ginawa niyang pagtingala rito dahil lalong nagkagulo ang kung anong meron sa loob ng dibdib niya.

Muli niyang ibinalik ang atensyon sa mga isda. “Mahilig sa isda si Matthew. Minsan ay naiisip ko na baka isa siyang sireno.”

Napangiti siya. “Parang si Dyesebel?”

“Oo. Hanggang ngayon pala, naiisip mo pa din si Dyesebel?”

“Paborito ko na si Dyesebel magmula ngayon.”

Tumawa ito at dinutdut ang mga isdang lumalapit sa bubog na kahon. Ginaya niya ito at naaliw siyang sa tuwing gagawin iyon ay tila mas lalong dumidikit ang mga isda sa bubog dahil sa ginagawa nila. At ang higit niyang nagustuhan ay ang pakiramdam na halos yumakap na si Quinn mula sa kanyang likuran.

“Quinn?”

“Hmm?”

Kumilos siya paharap kay Quinn. Nagulat ito dahil halos magkabungguan na ang mga mukha nila dahil sa ginawa niya. Pero hindi rin naman ito kumilos para lumayo. Parang nais niyang mahilo sa masarap na amoy ng hininga nito.

Kung hindi lang siya nakakapagpigil at hindi niya lang naiisip ang posibleng maging kapalit kung mangangahas siyang halikan ito ay baka nakabig na niya ang batok nito.

“K-Kung sakali ba, p-pwede mo rin akong magustuhan Quinn? Posible bang matanggap mo rin ako kahit hindi ako totoong tao?” Lakas-loob na tanong niya.

Ngumiti ng malapad si Quinn habang nakatingin sa kanya. Hindi niya sigurado kung siya ba ang nginingitian nito dahil panay pa rin ang pagdutdut nito sa mga isda sa likuran niya.

“Kung hindi kita tanggap sa kung anumang uri ka ng nilalang, sana’y hindi na kita hinintay bumalik. Sana’y sinira ko na ang lagusan para wala ka ng pagkakataong bumalik sa mundo ko.” Tugon nito.

“Hinintay mo ako? Pero ang sabi mo—”

Iniharang bigla ni Quinn ang hintuturo nito sa labi niya. Naglaro bigla sa isip niya kung ano kayang pakiramdam na labi nito ang ginamit nitong pangharang.

“Minsan ay nakakapagsalita ako ng mga bagay na hindi tama o totoo. It’s just that, I’m too cool to admit that I missed you so much. Hindi na ako sanay na walang maingay at malikot sa loob ng bahay ko. Huwag mo na ulit akong iiwan ng ganoon katagal, ha? Baka masiraan ako ng bait sa paghihintay sayo.”

Kung posibleng lumutang sa alapaap ang puso niya, palagay niya’y iyon ang tamang diskripsyon sa nag-uumapaw na ligaya na nararamdaman niya ngayon. Sa kawalan ng masabi ay nalundag niya ito ng yakap.

“Nasabik din ako sayo, Quinn. Maski saglit lang kitang hindi nakita, totoong na—”

“Anong saglit? Isang buwan kang nawala, saglit lang iyon sayo?” tila hindi nito nagustuhan ang sinabi niya.

Kumalas siya sa pagkakayakap kay Quinn. “Mabagal tumakbo ang oras sa mundo namin kaya’t ang ilang oras na itinagal ko roon ay isang buwan ang katumbas rito.” Nakangiting paliwanag niya.

“Ganoon? Pero dahil pinaghintay mo ako, dapat na may reward ako sa pagiging matyaga ko.”

Quinn held her chin while looking down hers.

(Hindi ko magawan ng maayos at malalim na tagalog kaya ini-english ko nalang. Sorry po, love you readers! <3 hehehe)

Naalarma si Kroen sa posibleng nais gawin ni Quinn.

“Q-Quinn… H-Hindi mo ako pwedeng halikan.” Puno ng pagdadalawang isip na saad niya. Nasasabik siya sa mga labi ni Quinn subalit nag-aalala rin naman siya sa kung anong magiging resulta ng kapangahasan nila.

“Bakit Kroen? Natatakot ka ba sa akin?” mahinang tanong nito na bahagyang hinahaplos ng hinlalaki ang pang-ibabang labi niya.

“H-Hindi. Nag-aalala lang ako. A-Ayoko pang mamatay.”

“Walang lason ang halik ko, Kroen.”

Nasa mga mata ni Quinn ang matinding pananabik at ganoon din ang nararamdaman niya. Napasandal nalang siya sa bubog na kahon at may palagay siya na nagkagulo ang mga isda sa loob noon dahil nagkakalabsawan ang tubig sa likuran niya.

“Pero iyon ang batas sa aming mga lambana. Kaya mo bang ibigay sa akin ang puso mo kapalit ng isang halik?”

Bago pa man ito makasagot ay may tumunog na mula sa labas ng bahay. Humiwalay si Quinn sa kanya at tila nagdadalawang-isip kung tititigan nalang ba siya o lalapitan ang pinto na nag-iingay. Pinili nito ang huli.

She was torned between two feelings. Panghihinayang at pasasalamat. Nanghihinayang siya na hindi niya natikman ang napakagandang mga labi ni Quinn, pero nagpapasalamat rin siya na ngayo’y ligtas pa rin siya sa parusa. Ngayon. Pero paano mamaya? Bukas? At sa hinaharap? Sa susunod na tatlumpu’t limang araw?

Tama, tatlumpu’t-limang araw nalang ang natitira sa kanya at kailangan na niyang bumalik sa mundo niya. Kakaunting panahon nalang ang natitira sa kanya pero hindi pa rin niya nakikita ang kanyang ama. Kung anu-ano kasi ang pinagkakaabalahan niya. Sa halip na ituon ang atensyon sa kanyang pakay ay puro pakikipaglandian kay Quinn ang inaatupag niya.

“Halika na, Kroen. Kumain muna tayo.” Narinig niyang sabi ni Quinn at dumeretsona ito sa kusina.

Napabuntong-hininga siya. Ganito ba? Ganito ba ang lalaking pag-aalayan niya ng kanyang halik? Ni walang kahit anong palatandaan na pwede siya nitong mahalin. Maaaring natanggap nito kung sino at ano siya, pero malayo iyon sa salitang pag-ibig. Ipapahamak lang niya ang kanyang sarili kung patuloy siyang padadaig at paaakit sa matinding pagnanasa na nararamdaman niya kapag kaharap niya si Quinn.

Dapat siguro ay dumistansya muna siya ng kaunti rito. Manganganib lang ang buhay niya sa mapang-akit na mga labi ni Quinn.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.