KAUSAP ni Quinn si Marga. Kararating lang nila ng Makati. Dapat ay sa condo niya sa Quezon City siya tutuloy para makapagpahinga na sila ni Kroen pero hindi naman paawat si Marga at gusto ring sumama. Kaya’t ang naging ending ay sa Ventura General Hospital sila dumeretso. Hihingi siya ng tulong kay Matthew.
He wants to get rid of Marga!
Pero heto nga at papunta pa lang sila sa opisina ni Matthew, ni hindi pa man siya nakakalapit sa bestfriend niya para sabihin ang kanyang pakay ay kinukulit na naman siya ni Marga na sasama ito sa condo niya at gusto raw bumawi sa nagawa kanina. Ito na raw ang aako sa trabaho ni Kroen.
“You can throw her back to Batangas any moment. Tutal ay wala na naman siyang magiging silbi sayo. Kaya kong gawin ang anumang ginagawa niya.” narinig pa niyang sabi ni Marga na ang tinutukoy ay si Kroen.
Napabaling tuloy siya sa kanyang tabi. Wala na roon ang kanina lang ay kasama niyang si Kroen.
Saan na naman nagpunta ang lambana na iyon?
Walang sali-salitang iniwan niya si Marga at hinanap sa paligid si Kroen. Wala ito sa kahit saan siya lumingon. Masyadong malaki ang building at paano niya hahanapin si Kroen gayong wala siyang ideya kung saan ito nagsuot?
“Quinn!”
Nilingon niya ang hindi magkandatutong si Marga sa paghabol sa kanya. Masyadong mataas ang takong ng stiletto nito kaya’t nahihirapang humabol sa mabilis niyang pagkilos.
“Go away, Marga! Hahanapin ko pa si Kroen! Hindi ko alam kung saan na naman siya nagsuot.” Nagpapanic na sabi niya.
“Let her be!” nabubwisit na angil nito sa kanya. “Bakit ba masyado kang nag-aalala sa babaeng ‘yun? Matanda na siya para parati mong alalahanin! Hindi naman siguro siya tanga para maligaw. Baka bumalik na siya at umuwi sa Batangas. Kung bakit ba naman kasi isinama—”
Hindi na niya inintindi ang pagra-rants ni Marga at muli itong tinalikuran. Lakad-takbo siya habang lumilingon sa paligid. Ang bawat babaeng may katulad ng built at buhok ni Kroen ay agad na lalapitan niya para harapin at siguraduhin kung ito nga si Kroen. Pero ilang tao na ang naabala niya ay di niya makita si Kroen.
Bumuhos ang matindi niyang pag-aalala. Paano kung naligaw na pala si Kroen? Wala itong alam sa pamumuhay ng mga tao sa kabihasnan. Ah, maski yata sa mga taga probinsiya. Hindi naman ito tao. Lambana ito!
At saan ba ito nagsuot? Bakit hindi ito nagpaalam sa kanya? Hindi kaya may nakita itong nakakaaliw at sinundan iyon? Napakainosente pa naman ni Kroen sa mga bagay-bagay. Higit sa lahat ay masyado itong curious sa mga kakaibang nakikita. Pero ano lang ba ang kakaiba sa hospital?
Wala. Wala siyang ibang makitang kakaiba. Para sa kanya ay walang kakaiba. Pero hindi niya sigurado kay Kroen. Iba kung tumakbo ang utak ng mga lambana lalo’t hindi iyon ang mundo nila.
Gusto tuloy niyang suntukin ang sarili. Bakit ba niya kasi binitiwan si Kroen? Kung hindi na muna niya inintindi ang pangungulit ni Marga, sana’y kasama pa niya si Kroen ngayon. O kaya, sana’y hindi nalang niya inihatid si Marga. Hindi niya sana maiwawala si Kroen ngayon.
“Kroen! Nasaan ka na!?!” magkahalong frustration at guilt ang nararamdaman niya habang ang isang kamay ay naihagod sa batok.
Tumunog ang cellphone niya sa bulsa.
“ANG GANDA! At ang laki-laki naman ng lugar na ito! Gusto ko na tuloy malula! Meron palang ganitong bagay.”
Manghang-mangha si Kroen habang nakamasid sa labas ng panel wall ng opisina ni Matthew. Malalaki ang mga gusaling katabi ng ospital at napakadaming tao.
Nakakatuwa sana kung namamansin ang mga iyon. Pero kahit sinong batiin niya ay titingnan lang siya mula ulo hanggang paa at pagkuway lalagpasan na.
Napahiwalay siya kay Quinn kanina habang naglalakad sila papasok sa malaking gusali. Abala kasi ito sa pakikipag-usap kay Marga. Siya naman ay naagaw ang pansin sa mga taong nagkakanya-kanya sa pagpasok sa loob habang itinutulak ang isang de-gulong na kama.
Nakita siya ni Matthew kanina sa pasilyo na nagmamasid sa paligid at kamuntik nang masagasaan ng de-gulong na kama. Nagmamadali kasi ang mga taong pulos mga nakasuot ng puti. Maigi nalang at mabilis siyang nakabig ni Matthew. Nang magpasalamat siya rito ay tinitigan siyang maigi at sinabing nakakahawig niya ang babaeng nasa bahay ni Quinn.
Pagkarinig sa pangalan ni Quinn ay lubusan nitong nakuha ang atensyon niya. Kilala nito malamang si Quinn at matutulungan siyang makabalik sa kung nasaan man ngayon ang binata. Nagpakilala siya rito at ganoon din ito.
Ang totoo, pagkakita sa mukha nito at sa pagdadaiti ng mga palad nila, kaagad na may naramdaman siyang kakaiba. Kakaibang damdamin na hindi niya maipaliwanag. Recognition ba ang tawag roon? Kaya lang ay malabo naman yata dahil hindi naman niya ito kilala.
Pero kung anuman ang damdaming iyon ay kaiba din sa damdamin niya sa tuwing magkakalapit sila ni Quinn.
Napaisip tuloy siya. Ganoon ba talaga ang damdaming kayang ipagkaloob ng mga lalaki sa mundo ng mga tao? Iba’t-iba. At nakakalito.
Sa huli ay isinama siya ni Matthew sa opisina nito at doon nalang raw siya susunduin ni Quinn. Pumayag naman siya. Madali siyang nagtiwala dahil hindi siya makadama ng takot, pangamba o panganib. Sa totoo lang ay palagay kaagad ang loob niya.
“Taga saan ka ba at bakit parang ngayon ka lang nakakita ng building?” natatawang tanong ni Matthew sa kanya.
Bumaling si Kroen kay Matthew. Nakaupo ito sa single couch at tila aliw na aliw na pinapanood siya. Magandang lalaki rin ito katulad ni Quinn. Pero mas kabigha-bighani si Quinn sa kanyang mga paningin.
“You looked like a foreigner. Nagulat ako na marunong kang magtagalog.” Dagdag pa nito.
“Ang ibig mong sabihin ng foreigner ay hindi tagarito sa bansang ito? Ano bang dapat na itsura para mapagkamalang taga Pilipinas?”
“Well, mas matangkad ka kumpara sa isang regular na Pilipina. Asul ang mga mata mo. Ang karaniwang Pilipina ay brown-black ang mga mata. Okay lang naman iyong kulay ng buhok mo. Hmm.” Tila nag-isip ito pagkuway tinitigan na naman siya. “May contact lense ka ba?” bigla ay tanong nito.
Tuluyan nang nawala ang atensyon niya sa panonood na mga tanawin sa labas.
“Anong contact lense?”
Napakunot-noo ito.
“Kung ganoon ay wala kang contact lense.” Sapantaha nito. “Kung hindi lang kulay asul ang mga mata mo, nahahawig mo na ang tita ko na half-British.”
Napatango nalang si Kroen. Hindi niya kasi maintindihan masyado ang mga sinasabi nito. Wala siyang ideya sa hitsura ng mga British. Limitado naman kasi ang mga ini-research niya.
“So, tagasaan ka ba? Paano mo nakilala ang bestfriend ko?”
“Si Quinn?”
“Oo.”
“Uhm, kasi,”
Nag-isip siya kung ipaaalam ba kay Matthew ang totoo o maghahabi ng kasinungalingan. Pero kung sasabihin kasi niya ang totoo, baka pagtawanan din siya nito at isiping nababaliw. Kakailanganin na naman niyang patotohanan ang lahat. Kung magsisinungaling naman siya, mapapatawan siya ng parusa sa mundo nila kapag bumalik siya roon.
“Girlfriend ka ba niya na itinatago sa rest house niya? Minsan kasing binulabog niya ako rito para patingnan ka dahil hindi ka raw magising. At alalang-alala siya noon. Kulang nalang ay sabihin niyang gumawa ako ng himala para magising ka. Ano nga bang nangyari sayo ng mga panahon na iyon?”
‘Quinn! Tulungan mo ako. Anong gagawin ko?’
Naidalangin niya na sana ay dumating si Quinn at daluhan siya sa pag-uurirat ng kaibigan nito. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang mga katanungan ni Matthew. Hindi rin naman niya maatim na magsinungaling. Hindi niya makapa sa sarili ang pangangailangang magsinungaling dahil magaan ang damdamin niya para kay Matthew.
“Kung ayaw mo talagang sumagot, eto nalang. Baka pwedeng sagutin mo ito. Okay ka na ba ngayon o kaya kayo nandito ni Quinn ay para patingnan ka?” muli ay tanong ni Matthew.
“Maayos na ang lagay ko. At hindi na ako kailangang suriin. Pero hindi ko din alam kung bakit nandito kami. Kasama namin ‘yung babaeng may pangalang Marga.” Matapat na tugon niya.
“Si Marga? Magpapatingin siya?” nagtatakang tanong nito.
Umiling siya. “Hindi ko alam. Si Quinn nalang ang tanungin mo. Nasaan na nga pala siya?”
Napabuntong-hininga si Matthew. “Okay. Hindi niya kasi sinasagot ang cellphone niya. Susubukan ko ulit siyang tawagan. Stay here and relax.”
At tumalikod na sa kanya si Matthew. Siya naman ay lumapit sa napakalaking parihabang bubog na korteng kahon na may lamang tubig at mga lumalangoy na isda. Napakadami. Siguro ay masarap rin iyon kung lulutuin. Magugustuhan kaya ni Quinn ang sinigang na maliliit na kulay kahel na isda?
Ah, hindi niya alam. At hindi niya malalaman kung hindi niya susubukan.
Nilingon niya si Matthew na abala sa pag-dial sa telepono. “May lutuan ka ba dito, Matthew? Magaling akong magluto.”
“Wala, nagpapa-deliver lang ako. Kung nagugutom ka na, pwede kitang ipagpa-deliver.” Tugon nitong hindi siya nililingon.
Humarap siyang muli sa napakalaking parihabang bubog na korteng kahon at nakangiting pinagmasdan ang mga isdang naglalangoy sa loob. “Gusto ko sana ng kulay kahel na isda. Pwede bang humingi ako sayo?”
“Oo. Sandali lang at tatawagan ko rin ang delivery. Ano bang gusto mong luto?”
“Sinigang.”
At sinimulan na niyang hulihin ng dalawang kamay ang mga isda sa loob ng bubog na kahon. Nagkagulo ang mga isda sa loob at tuwang-tuwa siyang hulihin ang mga iyon pero masyadong madulas. Sa tabi ng bubog na parihabang kahon ay may pabilog na bubog ring sisidlan. May kaunting tubig iyon. Tamang-tama. Pwede niyang ilagay roon ang mga nahuli.
Pinagbutihan ni Kroen ang panghuhuli ng mga isda hanggang sa makarami siya. Naririnig niyang may kinakausap si Matthew sa telepono pero hindi na niya iyon pinansin. Nakapokus ang buong atensyon niya sa panghuhuli. Nakakatuwang pagmasdan ang mga nagkakagulong mga isda sa malaking bubog na kahon habang ang mga kamay niya ay nakalubog rin doon.
Saglit pa at bumukas ang pinto ng opisina. Nakarinig siya ng mga yabag pero hindi pa rin niya pinansin. Hanggang sa:
“Kroen!”
Bigla siyang napabaling sa pamilyar na tinig mula sa kanyang likuran. Magkatagop ang mga gilid ng kanyang mga kamay na may lamang isang kulay kahel na isda na hinarap niya ang bagong dating.
“Quinn!” nakangiting bulalas niya.
Napangiwi ito.
“What the…” Namamangha naman ang hitsura ng pagmumukha ni Matthew habang nakatingin sa mga kamay niya.
“Ahm, kasi sabi mo pwede akong humingi ng isda kaya nanghuli na ako sa kulungan mo. Nakakatuwa silang hulihin.” Nakangiting sabi niya kay Matthew.
Bumagsak naman ang panga nito at marahang bumaling sa bagong dating na si Quinn.
Isang nagbabantang-tingin ang nakamit niya mula sa huli. Ano bang mali sa ginawa niya? Gusto niya lang itong ipagluto ng kulay kahel na isda. Hindi ba nito nagustuhan ang mga isda dahil maliliit at hindi gaanong matataba? Inilagay niya ang isdang hawak sa pabilog na bubog at hinarap ang mga ito.
“Dude, I can explain.” Baling ni Quinn kay Matthew na ipinagtaka niya.
Anong ipapaliwanag nito kay Matthew samantalang pumayag ang una na humingi siya ng isda?
“Quinn, pumayag si Matthew na humingi ako ng isda. Itinanong pa nga niya sa akin kung ano raw luto ang gusto ko. Sinabi ko na sinigang at iyon talaga ang luto na naiisip ko habang pinapanood ko ang mga isda niya.”
“Face palm, pare.” Naiiling na sambit ni Matthew kay Quinn.
Bumuntong-hininga si Quinn at nilapitan siya. Ibinalik nito ang mga nahuli niyang isda sa malaking parihabang bubog na kahon.
“Sandali! Pinaghirapan kong hulihin iyan!” angal niya.
“At pinaghirapan rin iyan ni Matthew na alagaan para mapadami ng ganyan.” Pagkuway iginiya siya nito sa isa pang maliit na silid sa loob ng opisina. “Maglinis ka ng kamay mo. Malansa.”
Matapos maipasok sa loob ng banyo ay isinarado na ni Quinn ang pinto. Napasimangot tuloy siya. Pinaghirapan niyang manghuli ng isda pero hindi naman nito na-appreciate.
Hmp!
“SO. HOW will you explain that scene, dude?”
Marahas na napabuntong-hininga si Quinn habang nakangisi naman si Matthew sa kanya. Paano nga ba niya ipapaliwanag ang ka-wirduhan ni Kroen?
“Hindi iyan ang dapat na maging tanong. Bakit kasama mo siya? At bakit hindi mo agad ako tinawagan?”
“Whoa!” Natatawang itinuro ni Matthew ang sarili. “Bakit ako ang tinatanong mo? Di ba’t ikaw ang kasama niya? Bakit mo siya naiwala? Kung hindi ko pa siya nakitang pakalat-kalat sa pasilyo ay naaksidente na sana siya. At para sa kaalaman mo, kanina pa kitang tinatawagan. Ikaw itong hindi sumasagot.”
He harshly sighed once more. Parang nararamdaman na naman niya ang takot niya kaninang nawawala si Kroen. “Nagpa-panic ako kanina habang hinahanap siya. Wala na akong panahon para tumanggap ng tawag.”
“Well, kung hindi mo pa din sinagot ang tawag ko ay baka naiuwi ko na si Kroen. Tapos na ang shift ko.”
Nag-igkasan ang mga kilay niya. “Leave her alone.” Possessive na saad niya.
“Because she’s yours?” himig-nanunuksong sambit ni Matthew.
Hindi nalang siya nagkomento. Knowing Matthew. May pagkaluntian din ang utak nito.
“She’s beautiful. Kung hindi lang kita bestfriend—”
“Inosente si Kroen. Hindi mo siya pwedeng ihanay sa mga babae mo.”
“Ang sungit mo ha? Wala naman akong sinabi na may plano akong pormahan siya.”
“You seem interested to her.”
“Because she’s interesting. Maraming ibigsabihin ang salitang ‘Interesting’.”
“Whatever. Anyway, nandito ako para kay Marga. Please do me a favor. I-distract mo siya para mawala sa akin ang atensyon niya. I-date mo siya. Movie date. Kahit na ano. Magaling ka naman sa ganyan. At pwede bang sa bahay mo muna kami tumuloy ni Kroen? Sigurado kasing pupuntahan ako ni Marga sa condo ko. And one more thing. Please, huwag mong sabihin kay Marga na sa bahay mo kami tutuloy ni Kroen.”
“Ang dami mong request. Mahal akong sumingil ng charges.” Biro nito.
Nginitian niya ang bestfriend niya. “Bibigyan kita ng paintings ko.”
“Hindi ko kailangan iyon. Bayaran mo nalang ako.”
“Sige, magkano ba?”
“Ten million.”
“Panis ‘yan. Sige, ii-ssue-han kita ng tseke. Hintayin mo lang.”
Tumawa ito at nag-high five sila.
“So, ikaw na ang bahala kay Marga ha?”
“At kailan mo naman balak ipa-trabaho rin sa akin si Kroen?”
“Nah!” Nag-iba ang timpla niya. “Please pare, iba si Kroen.”
“Yeah, ‘yun din ang tingin ko.”
Bumukas ang comfort room at iniluwa ang nakasimangot na si Kroen. Bumaling siyang muli sa kaibigan.
“So, saan nga ba ang fire exit ng opisina mo?” Luminga siya sa paligid at hinanap ang inginunguso ni Matthew. “Baka makita pa kami ni Marga. Nandiyan lang siya sa paligid. Ikaw na ang bahala sa kanya.”
Tinapik niya sa braso si Matthew at nilapitan si Kroen. Hinila na niya ang dalaga patungo sa fire exit.
“Ingat kayo.” Habol ni Matthew. “And Kroen.” Lumingon si Kroen sa kaibigan at parang nais niyang ikainis na naaagaw ng kaibigan ang atensyon ni Kroen. “Anytime na gustuhin mo muling manghuli ng isda, just give me a call. Tuturuan kita ng tamang paraan.”
Kaagad na inakbayan niya si Kroen na tiningala naman siya. Tinitigan niya ito ng mata sa mata. “Don’t worry, dude. Kaya ko siyang turuan mag-isa.”
Ang paghalakhak ni Matthew ang muling nagpalipad ng atensyon niya patungo rito. Gusto yata niyang dukutin ang nanginginang sa pagkaaliw na mga mata nito.
“Sige na. Gagawin ko pa ang ipinagagawa niya. Pero Kroen, in case na hindi ka turuan ng kaibigan ko, tawagan mo lang ako. I’ll be there in a heart beat.”
“O sige.”
Lalo siyang nagngitngit sa pagsang-ayon na iyon ni Kroen. At ang paraan nalang para mabawasan ang pagngingitngit ay ang ilayo ito roon. And he did.
Asar na asar na inakay niya si Kroen patungo sa fire exit. Sinimangutan naman siya nito na ikinataas ng kilay niya. Ano bang mali sa ginawa niya? Trip din ba nito si Matthew at ayaw pang umalis?
Sa inis niya ay nagpatiuna siya sa pagbaba.