MALALIM ang paghinga ni Erastus nang biglang mapabangon sa kamang kinahihigaan. Nananaginip siya. Pero bakit parang kakaiba? Pakiramdam niya ay nanggaling siya sa kakaibang dimensyon ng daigdig subalit wala naman siyang maalala maski kahit anong eksena sa kanyang panaginip. Hindi niya maunawaan ang sarili. Paanong nararamdaman niyang kakaiba ang panaginip gayong wala naman siyang maalala?
Napalinga siya sa paligid. Pulos puti ang dingding. Maski ang kisame ay puti rin. May isang bed side table sa tabi ng kanyang kama na may nakapatong na bulaklak at basket ng prutas. Tiningnan niya ang sarili. Noon lang niya napansin na maybenda ang kanyang braso at nasisigurado niyang may sugat doon base sa kulay pulang mantsa ng benda. Gayundin, naramdaman niya ang benda sa kanyang ulo. May nakatusok ring karayom sa kanyang kamay para sa dextrose.
Biglang bumukas ang silid. “Rass! Gising ka na pala! It’s great news. Tatawagin ko ang doctor mo,” anang isang lalaking sa palagay niya ay kasing edad niya.
May bitbit itong paper bag ng palagay niya ay pagkain. Ibinaba nito iyon sa paanan ng kama niya at akmang tatalikod nang antalain niya.
“Sandali!” Lumingon naman ang lalaking at kunot-noong tiningnan siya. “Bakit bro? Masakit ang sugat mo?”
Umiling siya bagaman nakakaramdam siya ng kaunting kirot. “Sino ka? At anong nangyari sa akin?”
Maang na itinuro nito ang sarili. “Ako? Tinatanong mo kung sino ako? Pwede ba, bro? Matapos ang nangyari sa iyo ay nakukuha mo pang magbiro?”
Nang wala itong makuhang kahit anong reaction sa kanya maliban sa pagkunot ng noo ay pahurumentadong minulagaan siya ng lalaki.
“May amnesia ka ba, best friend?!”
“Ha?” Wala siyang nauunawaan sa nangyayari at wala din siyang maalala maliban sa kung anong trabaho niya, saan siya nakatira at kung sino ang mga magulang niya…
Magulang? May magulang pala ako?